Lihim ng Liham

“Anong sulat?” Ngumiti ito. May panunundyo. “Iyong sulat na ibinigay mo sa akin.”

Ni Mellodine A. Antonio

“NASA akin pa ‘yung sulat.”

Kumunot ang makitid na noo ni Ned. Sulat?

“Anong sulat?”

Ngumiti ito. May panunundyo. “Iyong sulat na ibinigay mo sa akin.”

Lalong kumunot ang makitid niyang noo. Naningkit lalo ang singkit na ngang mga mata. Ano bang sulat ang tinutukoy nito?

“Sulat ko…? Sa iyo…? Sulat na galing sa akin…?” pagtitiyak niya.

Lalong lumaki ang pagkakangiti nito. Umabot hanggang mga mabibilog – nangungusap na mga mata.

“Oo! Iyong sulat na iniabot mo sa akin noong huli tayong magkita.”
Umiling-iling ang babae. “Wala akong maalalang sulat. Promise! Wala talaga.”
Nauwi sa pinipigilang halakhak ang maluwang na pagkakangiti ng lalaki.

“Sigurado ka bang wala kang naaalalang sulat?”

Sunod-sunod ang pag-iling niya.

“Wala. Wala talaga. Talagang wala.” Mabilis niyang binayaran ang bulaklak na inorder niya sa kabila ng pagpipilit nitong ito na lamang ang magbabayad niyon.

“NAGKITA kami ni Venancio. Mali. Hindi sinasadya ang pagkikita namin sa flower shop.”

“Sino ‘yon?” Di nag-alis ng tingin mula sa nilulutong adobong manok na sagot ng kapatid niya. Mas bata sa kaniya ng dalawang taon.

“Iyong kaklase ko no’ng college. Iyong naikukuwento ko sa ‘yo no’n.”

“Alin…? Iyong sabi mo, matalinong tahimik. Iyong minsan kang kinausap, para ka pang hinihikayat na maging miyembro ng simbahan nila?” nakangisi nitong sagot.

Natawa siya nang mahina. “Tandang-tanda mo pa, a,” biro niya sa talas ng memorya nito.

“Mana ko sa pornographic memory mo, e.”

Ang lakas ng tawa niya sa sinabi nito.

Photographic!” naeeskandalong pagtatama niya.

I know right!” patuloy ang paghaigikhik nito.

Sinandok nito ang kalulutong ulam. Amoy niya ang kasarapan nito.

“Kumusta naman ang pagkikita n’yo ni Prince Charming?” tudyo nito.

Umingos siya. “Prince Charming ka riyan!” saway niya.

“Ano nga ang sabi? Huwag mong sabihing nire-recruit ka na talaga na maging miyembro ng simbahan nila.”

“Hindi!” mabilis na agaw niya. “May sinasabi siyang ano… Ano – ”

“Ano?”

Nilapitan siya ng kapatid. Halos idikit ang mukha sa mukha niya.

“Ano nga ang sabi sa iyo ni Prince Charming, Damsel full of Stress?”

Ang lakas ng tawa niya sa bansag ng kapatid sa kaniya – sa kanilang dalawa ni Venancio.

Lumipad ang hiya’t pag-aalangan niya. “May sinasabi siyang s-sulat na i-ibinigay ko raw sa kaniya.”

“Nagbigay ka ng sulat? Noong panahong iyon? Jusmio Marimar! Akala ko pa naman, isa kang dalagambukid!” kandadilat nitong bulalas.

“Hindi ako isda, ‘no!” patol niya sa kalokohan ng kapatid na pinakakasundo niya sa tatlong iba pa, marahil dahil magkasunod sila at di malayo ang agwat ng edad sa isa’t isa.

“Hindi! Wala! A-ano –”

“Hala siya! Kandabulol ang lola ko, a! Ano ‘yon, love the second time around?”

“Ito naman, o! Nalilito na nga ang tao, nang-aasar pa!”

“O, siya, spill the tea! Ready na ang Marites in me.” Hinila nito ang silya. Umupo ito at inginuso naman sa kaniya ang isa sa tabi nito para upuan niya.

Bantulot siyang umupo. Nahihiya ngunit mas higit ang bagabag. Bagabag na kailangan niyang ilabas sa dibdib. Kailangan niyang ilabas sa kaniyang sistema. Kailangan niyang maihinga.

“Ang sabi niya kasi…”

Nasa mata ng kapatid ang paghihintay – Ang pananabik – Ang pagnanasang malaman ang sasabihin niya.

“Iyong sulat ko raw sa kaniya, na wala naman talaga akong maalalang may ibinigay ako sa kaniya, nasa kaniya pa raw.”

Nakaangat ang isang kilay ng kapatid.

“Maniwala ka man o maniwala ka talaga, wala akong maalalang sulat na ibinigay ko sa kaniya – o sa kahit na sino for that matter.”

Nagtaas-baba ang kilay ng kapatid niya.

Nagtaas siya ng kamay. Iyong kanan. Itsurang naunumpa. “Wala nga! Wala talaga! As in!

“Kung wala, bakit sinasabi niyang meron? Ano ang itatago niyang sulat mo kung wala ka namang ibinigay sa kaniya? Magulo, ha!”

Tumango siya. “Magulo nga talaga. Naguguluhan ako.”

Kumuha siya ng kutsara. Gustong abalahin ang sarili sa pagkain ng adobong amoy pa lang katakam-takam na. Napangiwi siya. Alam niyang masarap ang adobo pero di niya iyon malasahan.

Mas nalalasahan niya ang kalituhan. Mas nanaig ang pagnanasang malaman ang lihim sa likod ng liham na sinasabi ni Venancio.

Wala akong sulat na ginawa at ibinigay sa kaniya. Wala talaga. Ano iyong sulat na tinutukoy niya? Kanino galing? Sino ang nagbigay? Ano ang laman?

Napangiwi siya nang makagat ang malaking hiwa ng bawang.

“Naman!” di magkandatutong luwa niya. “Bakit may bawang?”

“Ay sorry! Sorry! Sorry! Nakalimutan kong may lahi ka nga palang aswang at kalaban mo’ng bawang.” Halos iduldol sa kaniya ng kapatid ang baso ng tubig.

Anong sulat?”
Ngumiti ito. May panunundyo. “Iyong sulat na ibinigay mo sa akin.”

“MUKHA ka pa ring nineteen.”

Napangiti siya sa natanggap na mensahe.

“Noong 1995?” sagot niya.

Nope! Walang biro. You still look the same. Walang nagbago,” mabilis na sagot nito.

“No’ng magkaklase tayo, tahimik ka. Kailan ka pa natutong mambola?”

“Hindi ako marunong mambola.”

Private message iyon pero dama niyang pagseryoso nitong bigla.

Kung ibabase niya sa pagkakakilala niya rito noon, hindi na ito kikibo dahil sa naging sagot niya. Idadaan sa pagkukunwang abala ang nangyari para di na niya ulit kausapin – kulitin.

“Na-offend ba kita? Sorry,” mabilis niyang bawi.

“Hindi! Okey lang. Ako pa ba? Sa ‘yo pa ba?”

Nakadama siya ng kapayapaan sa sagot nito.

Akala niya napahiya sa sinabi niya. Bagaman, aaminin niya, pinagtakhan niya ang maagap nitong sagot.

“Naaalala mo na ba ‘yong laman ng sulat?”

Dumapa siya sa kama.

Inihanda ang sarili sa mahaba-habang paliwanagan hanggang matuklasan ang nilalaman ng tinutukoy nito.

“Hindi,” matapat niyang sagot. “Hindi pa rin, e.”

Mind if I call you?”

Nagulat siya sa mensahe nito.

Tinantiya niya ang sarili.

Hindi pa naman kalaliman ng gabi.

Wala pa naman siyang mabubulabog sakaling maeskandalo siya sa kalalabasan ng usapan nila.

“Sige,” sagot niya.

Pinalipas niya ang apat na kiriring bago niya ito sinagot.

Hi!” Di man nakikita, batid niyang nakangiti ito. Di lang niya tiyak kung nakamakapal pa ring salamin na pinanggalingan ng bansag ditong ‘Labo’.

Hello,” tipid, kabado niyang sagot.

“Kumusta?”

Nagpigil siya ng ngiti. “Para namang matagal tayong di nagkita. Kakikita lang natin sa flower shop.”

“Matagal naman talaga bago tayo ulit nagkita bago ang kahapon.”

“May point ka naman,” sang-ayon niya.

About sa letter. Naalala mo na ba?”

Nagpakawala siya ng buntonghininga. “Pasensiya talaga, ha. Di ko maalala. Wala akong ma-recall na sulat na ginawa ko’t ibinigay ko sa ‘yo. Actually, wala akong maaalalang sulat na ginawa at ibinigay ko sa kahit na sino,” matapat niyang sagot.

Gusto niyang idagdag: Mahilig akong magbasa ng sulat pero di ko nakahiligang sumulat.

I know.”

Nagulat siya sa sagot nito.

“Ako ang nagbigay ng sulat sa iyo. I don’t know if you still remember. I don’t know if you read it. I don’t know if you even look at it. I just hope you did. Nabasa mo man lang sana bago mo itinapon.” Bago pa siya nakasagot, seryosong pag-amin nito.

Mabilis siyang napabangon sa pagkakadapa.

“Ibinigay ko no’ng huli tayong magkita sa school. Noong pa-graduate ka na. Nauna kang nakatapos sa akin, e. Irregular ako. Working kasi.”

Habang nagsasalita ang lalaki, pinaglalakbay ni Ned ang diwa sa panahon at lugar na tinutukoy nito.

Last time na nagkita sila sa campus.

Saan sa campus?

Pumikit siya.

Sa corridor ng third floor?

Tama! Doon nga! Pababa siya. Hinahabol niya ang isa sa mga professor nila na mali ang nailagay na grade sa classcard niya.

“Iyong sulat, inabot ko sa iyo. Halos di mo nga abutin dahil nagmamadali kang habulin iyong prof. natin sa Philo.”

Oo nga! May iniabot ito sa kaniya pero di niya masyadong pinagtuonan ng pansin dahil sa hinahabol niya. Ayaw niyang magkatres sa transcript of records niya. Mahalaga sa kaniyang maganda ang mga grade na nakasulat doon.

“Natatandaan mo na?”

Ungol ang sagot niya. Hindi rin siya tiyak kung pagsang-ayon ba ang kahulugan niyon.

“Nabasa mo man lang ba ang laman?”

Bago pa siya nakasagot, tumunog ang cellphone niya, hudyat ng pagkaubos ng baterya. Di na siya nakahuma nang mag-black out ito. Kusang mamatay.

“SIYA ang nagbigay ng sulat, hindi ako.”

Pupungas-pungas na bumangon ang kapatid niya. “Ano? Ang lakas naman ng tama mo, ‘Te. Natutulog ang tao, e.”

Hindi niya pinatulan ang pagrereklamo nito. “Ibinigay niya ang sulat no’ng may hinahabol akong prof. Hindi ko nabuksan ‘yong sulat. Parang isinilid ko sa bulsa ng pantalon ko o ng bag ko. O, baka naisiksik ko sa isa sa mga notebook o libro ko. Basta, ibinigay niya. Tinanggap ko. Pero hindi ko nabasa. Hindi sa hindi binasa. Hindi nabasa. Nakaligtaan ko kasi na may gano’n. Busy ako no’n sa pag-aayos ng lahat ng dapat ayusin para sa graduation. Ngayon ko lang naalala. Ngayon lang niya ipinaalala. Dapat mahanap natin ‘yon. Dapat malaman ko’ng nilalaman no’n.”

“Ate, tatlong dekada na ‘yon. Ang tagal na no’n. Saan naman natin hahagilapin iyon. Buti sana kung buhay pa si Mama na mahilig makialam ng mga gamit natin at magtabi ng kung ano-anong abubot.”

Nagliwanag ang mukha niya.

“Sa kuwartong tambakan ni Mama ng mga abubot natin. Baka nando’n pa sa mga gamit natin. Baka naitabi niya.”

Susukot-sukot na sumunod sa kaniya ang kapatid.

“Ate, naman! Ang dami namang tambak dito, e,” reklamo nito.

“Huwag ka na ngang mareklamo. Hanapin mo na lang ‘yong mga gamit ko. Nakasalansan naman iyong kani-kaniya nating gamit, e. Baka nariyan pa iyong college bag ko saka mga libro at notebook.”

Wala silang kibuan habang naghahanap.

Lima silang magkakapatid pero higit sa lima ang malalaking kahon at mga nakasakong gamit nila.

“Teka, pinangalanan naman pala ni Mama, e.” Sinipat ng kapatid niya ang sakong kaharap nito.

Hinanap nila ang kahon at sako na nakapangalan sa kaniya.

Namilog kapuwa ang mga mata nila nang makita iyon. Sa pinakasulok. Pinakatabing-tabi.

“Ang dami namang papel nito!” muling reklamo ng kapatid niya.

“Shhh!” saway niya. “Hanapin mo na lang. May libre kang milk tea good for one week kapag nakita mo’ng hinahanap natin.”

“Totoo ‘yan, ha?”

“Oo!” Ngumuso siya sa kapatid. “Kaya hanapin mo na para matighaw ang kaadikan mo sa milk tea.”

Ilang oras ang inabot nila sa paghahanap.

Inilabas nila ang laman ng mga kahon at sako na may pangalan niya.

Isa-isang binulatlat ang mga libro at notebook. Ipinagpag para mahulog ang mga nakaipit.

Inisa-isa ang mga lumang bag.

Hinalughog ang mga bulsa niyon.

Tagaktak na ang pawis nila sa may kainitang kuwartong iyon.

Walang nag-abalang kumuha ng bentilador. Baka liparin pa ang mga papel.

Nakita niyang litratong di hinahanap pero nagpaalala ng maraming nakaraan. Mga librong dahilan kung bakit siya ngayon propesyunal. Mga notebook na kung ano-ano ang nakasulat di lang mga lecture sa eskwela. May mga FLAMES pa. Naroon ang pangalan nilang dalawa ni Venancio.

“Ate, suko na ‘ko! Ako na lang ang magpapa-milk tea sa ‘yo.” Sargo ang pawis sa noo hanggang leeg ng kaniyang kapatid.

Mahinang tawa at tango ang sagot niya. “Sige, ako na lang ang maghahanap. Thank you sa pagtulong. Ligo muna bago tulog, ha?” Kinindatan niya ito.

Nanatili siyang nakasalampak sa sahig.

Matiyagang inisa-isa ang mga librong huli niyang ginamit sa college. Mga notebook na may lecture sa Philo at huling mga subject niya sa kolehiyo. Pati iyong bag na maong na paborito niya noon. Kahit saan dala niya. Kahit ano pa ang suot, iyon ang bag niya.

May nakapa siya sa ilalim nito.

Butas na ang bulsa kaya may mga lamang pumasok sa pinakailalim nito.

Matiyaga niyang kinapa.

Inipit ng hintuturo’t hinlalato nang makapa ang tila kuwadradong kung ano. Parang papel na parang karton. Parang may nakaumbok na di niya matukoy sa pagsalat lamang.

Sumasasal ang kaba sa kaniyang dibdib.

Punong-puno ng excitement at antisipasyon.

Dahan-dahan iyon.

Iyon nga!

Pero hindi basta sulat. May nakapalaman sa loob.

Malakas ang tibok sa dibdib niya. Parang lalabas ang puso niya. Higit sa init, nerbiyos ang nagpapapawis sa kaniya.

Nanginginig ang mga daliring binuksan niya iyon.

Naninilaw na ang papel.

Natututop niya ang bibig nang makita ang laman niyon.

Kuwintas – may manipis na chain – napapalawitan ng isang locket – hugis puso!

Binuksan niya.

Manghang-mangha!

Larawan niya sa kanan, larawan ni Venancio sa kaliwa. Saka niya tiningnan ang nakasulat: Sa itinakdang panahon. Maghihintay ako. Hintayin mo rin sana ako.

Nangilid ang mga luha niya. Hindi niya alam kung bakit. Pinabayaan niyang bumagsak ang mga luha hanggang magsawa iyon at kusang huminto.

“PINAGBABAAN mo ‘ko kagabi,” may hinampo sa boses nito.

“Hindi. Namatay ang cellphone. Naubusan ng baterya,” paliwanag niya.

“A. Nabasa mo ba?”

“Oo. Nabasa ko na.”

“Nabasa mo na? Kailan? Matagal na ba?”

“Hindi. Kababasa ko lang. Hinanap ko. Nakita ko. Kaya nalaman ko’ng laman.”

May katahimiking nagdaan sa pagitan nila.

“May isasagot ka ba sa nakalagay do’n?”

Malayo ang sagot niya. “Nitong nagkita tayo, nakakaraniwang damit ako.” Tumikhim siya. “Hindi iyon ang kadalasang suot ko.”

Meaning…?”

“Hindi ko suot ang damit ng ordeng kinabibilangan ko.”
Orden?”

“Pumasok ako sa kumbento, three years after ng graduation,” marahang paliwanag niya. “Babang luksa ni Mama kaya napayagan ako para magbakasyon ngayon. Isusuot ko ulit iyong damit ng orden namin. Babalik ako sa kumbento. Madedestino sa ibang lugar para sa misyon ko.”

Walang sagot sa kabilang linya.

“Nakatutuwang malaman ang nilalaman ng sulat. Babalik ako sa kumbento na walang agam-agam at bagabag. Walang tanong ang isip na hindi nasagot. Masaya akong makita ka ulit. Mas magiging masaya ako kapag naging masaya ka, hindi sa akin, kundi sa iba na nakalaan para sa iyo.”

May narinig siyang pagsinghot sa kabilang linya.

May garalgal ng boses.

“Akala ko kaya tayo pinagtapo ulit dahil ito na ang panahong itinakda. Biyudo ako at dalaga ka pa rin.”

May barang tila tinatanggal sa lalamunan.

Malungkot niyang pinindot ang buton sa cellphone.

Pinatay nito ang linya ng komunikasyon nila. Hindi na siya naghintay ng karagdagan pa nitong sagot.

Sapat na nalaman niya ang laman ng liham – na may liham pala – na natuklasan niya ang lihim na liham maging ang lihim ng liham at nakatugon siya sa nilalaman nitong tatlong dekadang nalingid sa kaniyang kaalaman.