Napansin niyang may ilang mga tao sa may tulay, mga nakatakip din ang ilong. Sumingit siya sa mga ito para makita ang pinagmumulan ng amoy.

Ni Em Gutierrez

BIGLANG nagising si Biboy sa mahimbing na pagkakatulog. Mula sa siwang ng pinagtagpi-tagping yero at plywood, nasilip niya na madilim pa sa labas at tanging tilamsik ng liwanag mula sa ilaw sa tulay ang maaaninag.

Malakas ang buhos ng ulan, dinig na dinig niya ang nagngangalit na ihip ng hangin na parang gustong tangayin ang mga kinakalawang na yero.

Noong nakaraang tuloy-tuloy rin ang ulan ay kinailangan nilang lumikas. Ilang araw silang nagsiksikan sa basketball court kasama ang iba pang pamilya.

Naramdaman ni Biboy ang pagkabasa ng kumot sa paanan ng papag dahil sa tumutulong bubungan.  Nakakapit sa sikmura na bumangon si Biboy. Kinulbit niya ang switch ngunit hindi nagsindi ang ilaw. Kahit madilim, inumpisahan na niyang isilid sa sako ang ilan nilang gamit. Dapat ay handa na siya sa biglang pag-apaw ng estero.

Nang mapuno na ang isang sako ay may napansin siya, may umaalingasaw na amoy. Hindi ito kagaya ng nakasanayan na nilang amoy ng mga basura sa estero, na bahagi na ng buhay ng mga nakatira rito.   Iyong amoy ngayon ay nanunuot, parang amoy nabubulok.

Pero kahit hindi ito ang nakasanayan nilang nalalanghap na amoy, hindi na rin bago ang ganitong insidente. Dati ay may natagpuang patay na aso, nilalangaw na palutang-lutang sa estero. Sabi ng kapitbahay nilang nakakita, taga-ibang lugar daw ang nagtapon.

“Kaninang madaling-araw, d’yan sa may tulay,” kuwento nito. “Huminto ’yong tricycle, tapos may hinagis.”

Naalala rin ni Biboy noong bumalik sila mula sa basketball court nang humupa na ang baha, naiwan ang burak at mga tinangay na basura. Nagmumula naman noon ang mabahong amoy sa mga napakaraming inanod na basura sa gilid ng mga bahayan. Nang matagpuan na ang nabubulok na aso, palayong nagtakbuhan ang mga daga. Napakalaki ng mga daga, halos sinlaki ng pusa.

***

Sa kabila ng masangsang na amoy ay damang-dama pa rin Biboy ang gutom. Sabi ng iba ay masama raw malipasan ng gutom. Pero nagtataka siya na parang hindi naman lumilipas ang gutom niya. Kahit matulog  siya para palipasin ito, kumakalam pa rin ang sikmura niya sa paggising.

Ilang araw na rin kasing walang halos kinakain si Biboy, mula noong ipagtabuyan silang parang aso ng guwardiya.

“Paano na ’yan?” tanong ng kaibigan niyang si Putol.

Sinubukan ulit nilang bumalik sa mga sumunod na araw pero palaging nakabantay ang guwardiya.

“Kulit n’yo, ha! Bawal na nga magkalkal ng basura dito, e,” galit na galit na sigaw nito.

Ewan ba naman ni Biboy kung bakit ipinagdadamot pa sa kanila ang mga basura, para namang masisikmura rin nila ang lasa ng itinapong tira-tira. Kapag maasim-asim na ang amoy nito, konting hugas lang, puwede pa rin itong panlaman sa sikmura.

Kapag marami silang napanguha noon, tuwang-tuwa silang dalawa ni Putol. Ibebenta nila ang nakasakong pagkain kay Aling Doria na nagtitinda ng iba’t ibang luto ng pagpag sa lugar nila. Maraming pagpipilian sa tinda ni Aling Doria pero ang pinakapaborito ni Biboy sa lahat ay ang fried chicken. Malutong at mainit-init ito, tulad sa mga nakikita niyang kumakain sa restawran.

Madalas, nakakaramdam din siya ng inggit sa mga kumakain sa restawran. Sa nakapagitang salamin, nakikita ni Biboy ang maganang pagkain ng mga batang tulad niya, kasama ang ama’t ina. Naisip niya, sana ay ganoon din ang kalagayan niya, iyong hindi rin kailangang umasa sa mga itinapong pagkain ng iba. Iyong sana ay masaya ring kasama ang kaniyang ama’t ina. At sana ay hindi niya kinakailangang umasa sa sariling diskarte para malamnan ang sikmura.

“Bilis,” sigaw ni Biboy.

Nagmamadaling humahabol si Putol sa umaandar na dyip. Mahigpit na kinapitan ni Biboy ang kamay ng kaibigan para makasampa sa estribo.

Nagsimula na si Biboy na punasan ang mga paa ng lahat ng sakay ng dyip. Mas pinagbubuti niya ang pagpunas kapag maganda ang suot na sapatos at umaasang magbibigyan siya ng pera.

“Di naman nalilinis,” inis na sabi ng isang pasaherong babae. “Dumumi lang lalo, e.” Sabay iniwas ang paa.

Akala ni Biboy ay mas maawa ang mga sakay kapag si Putol naman ang magpupunas. Pero pagkakilabot ang makikita sa mukha ng mga ito kapag dumantay ang mga daliri ni Putol sa kanilang paa.

Hindi naman talaga Putol ang tunay na pangalan ng kaibigan ni Biboy. Pero dahil nga maigsi at balu-baluktot ang mga daliri nito sa kamay at paa, iyon na ang naging tawag dito. 

Naikuwento minsan kay Biboy ni Putol ang dahilan ng kakaiba nitong mga daliri. 

“No’ng pinagbubuntis daw ako ni Nanay, gustong-gusto raw niya ng alimango. ‘Yon daw madalas niyang kinakain no’n, kaya gan’to.” Itinaas ni Putol ang dalawang kamay at pinagmasdan ang mga daliring  ipinaglihi sa alimango.

“Alimango, ano ’yon?” tanong ni Biboy.

“Basta alimango, masarap daw ’yon, e.”

“Talaga, anong lasa?” tanong ulit ni Biboy na interesadong malaman kung gaano kasarap ang alimango.

Napakamot ang mga kakaibang daliri ni Putol sa ulo. “Di ko rin alam, e.”

***

Mula nang hindi na sila makapanguha ng pagpag, pagsampa sa pampasaherong dyip ang naisipan nilang gawin. Sa dalawang araw na pagpupunas ng paa ay halos wala pa rin silang kinikita, kulang na kulang para makabili man lamang sana ng bigas.

Ikatlong araw na noon, nang muntik mahulog si Putol. Hindi kasi makakapit ang maigsi nitong mga daliri sa may hawakan sa estribo.

“Baba! Magsibaba na nga kayo,” sigaw ng tsuper. “Ako pa mananagot kapag nadigrasya kayo.”

Nang sumunod na araw, hindi na sumama si Putol sa pagsampa sa dyip.  

“Wala namang kita d’yan,” dahilan nito na may halong lungkot ang himig.

Pinagpatuloy pa rin ni Biboy ang pagpupunas sa mga paa ng pasahero. Pero talagang naging madalang ang tunog ng kalansing ng barya na ipinagkakaloob sa kaniya at panay tunog ng pagkulo ng kaniyang sikmura ang naririnig niya.

Minsan ay pumunta si Biboy kina Putol sa may kabilang dulo ng estero. Kukumustahin sana niya kung may nakita na ba itong pagkakakitaan.

“Naku, kaaalis lang. May inalok na trabaho si Obet,” sabi ng nanay ni Putol na karga-karga ang umiiyak na anak. Malakas ang palahaw ng sanggol at pumipiglas ang mga kamay at paa sa bisig ng ina.

Tulad din ni Putol ang kapatid nito. Kakaiba rin ang mga daliri sa kamay at paa. Maigsi at balu-baluktot.  Ewan ba ni Biboy, baka pinaglihi rin ito sa alimango.

Natawa naman si Aling Doria nang marinig ang usapan ni Biboy at Putol noon. “Anong ipinaglihi sa alimango, alimango?” singit nito habang hinahalo ang nilulutong adobo. “E, bumili ’yan ng gamot sa Quiapo, ayan tuloy.” 

Nang sumunod na araw, maagang bumalik si Biboy. Ramdam na ramdam niya ang hapdi sa kaniyang sikmura at panginginig ng kaniyang mga tuhod. Ilang dyip din ang nasampahan niya pero wala talagang nagbibigay sa kaniya kahit konting limos. Kaya naisipan niyang subukin ulit pumunta kina Putol.

Nagtitimpla ng gatas sa bote ang nanay ni Putol nang datnan niya. Maganda raw ang pinagkakakitaan ni Putol ngayon.

“Mas madali pa kaysa pagkakalkal ng basura. Mas malaki pa ang kita,” sabi nito.

Ilang beses ulit bumalik si Biboy, nagbabakasakaling maisama siya sa trabaho pero palaging ang nanay ni Putol ang tanging inaabutan niya.

“Kanina pa sinundo ni Obet.”

“Mga anong oras po kaya babalik?” tanong ni Biboy.

“Di ko rin alam, e,” sagot nito. “Agahan mo kasi punta rito para abutan mo.”

***

Inilagay ni Biboy ang dalawang sako na may lamang mga gamit sa tuyong bahagi ng papag. Sumilip siya sa siwang, medyo maliwanag na sa labas pero patuloy pa rin ang pag-ulan.

Nag-aalala siya na baka kailangan na nilang lumikas, nais sana niyang puntahan muna si Putol. Ilang araw na rin noong huling pumunta siya sa kaibigan. 

Naisip niyang baka puwede muna siyang humiram ng pambili ng pagkain. Hindi pa rin kasi lumilipas ang gutom niya, humihiwa na nga ang hapdi sa kaniyang sikmura. Baka puwede na rin siyang sumama sa trabaho ngayon.

Nagtataka nga rin si Biboy kung ano ang bagong trabaho ni Putol, hindi naman nabanggit sa kaniya. Basta ang kuwento ng nanay ni Putol, madali lang daw at malaki kita.

***

Nakakapit sa tiyan si Biboy, parang masusuka siya kahit wala namang laman ang kaniyang sikmura.  Nakadagdag pa ang mabahong amoy na kanina pa niya nalalanghap. Nakakaramdam na rin siya ng pagkahilo.   

Nang makita niyang medyo humina ang ulan ay napagdesisyunan ni Biboy na pumunta na kina Putol.    Aagahan niya ngayon para siguradong maaabutan niya.

Sa pagbukas niya ng pinto, agad bumungad ang mas matinding amoy. Nanunuot, sumisigid ang bulok na amoy. Tinakpan niya ang kaniyang ilong at nanginginig ang tuhod na lumakad palabas. 

Kahit nakararamdan ng pagkahilo ay napako pa rin ang kaniyang paningin sa lumulutang kasama ng mga basura sa estero.

Hindi patay na aso ang nangangamoy…

“Naku bata,” narinig ni Biboy.

“Oo nga.”

Nakadapa ang bangkay at nakapatong ang isang kamay sa mga supot ng basura. Mas lalong nanginig ang tuhod ni Biboy nang may mapansin siyang kakaiba.

***

Palakas nang palakas ang sirena ng parating na sasakyan. Nagliliwanag ang mga ilaw nitong asul at pula.

Hindi na pala talaga aabutan ni Biboy ang kaibigan niya.