Walang Wakas

Ni A. G. Abadilla

NANG nalasap ni Ening ang linamnam ng bulaklak ng buhay nang siya at si Pepe Gerona ay kapuwa nag-aaral pa lamang: siya ay sa ‘high school’ at si Pepe ay sa unibersidad. May ilang taon na ngayon ang nakalipas.

Matay man niyang alalahanin, gaya ng ginagawang pagsariwa ngayon ni Ening sa alaala, ay walang natatambad sa kanyang guniguni kundi ang larawan ng mga unang taong yaon ng kanyang pagdadalaga. Masaya ang mga araw na yaon at walang malulubhang alalahanin sa buhay maliban sa banayad na pag-aalapaap ng kaloobang nang huling taon na’y walang iniwan sa halip ng habagat na manakanakang nagdadala ng unos ng pangamba.

“Mabango at malinamnam pala ang bulaklak ng buhay,” ang naibulong ni Ening sa sarili nang nakangiti na sapagka’t pawi na sa kanyang mukha ang larawan ng pangamba.

Kung sa bagay ay hindi na sana nararapat pamahayin sa gunita ni Ening ang naging buhay nila sa piling ng isang kababayang may kaluwatan na ring nangingibig sa kanya. Katulad ng alak na nakalalasing, bahid lamang ng alaala ng lumipas ay maaaring makalasing sa buo niyang kaluluwa ngayon upang ang hinaharap, katulad ng panganorin ay mapawi na lamang at sukat sa bughaw ng namamanaag na kapalaran.

Datapuwa’t si Ening ay hindi naiiba sa karaniwang mga kabaro na matuwaing magpailanlang sa madilim na karurukan ng lumipas.

At iyan ang dahilan kung kaya sa mga sandali ng kanyang pag-iisa, katulad ng pinagpapasasaan ngayon sa loob ng sariling silid samantalang ang kanyang tiya Loreto ay nasa kusina at naghahanda ng kanilang almusalan, ay hindi kataka-takang mangulilang lubos si Ening, mauhaw sa pangungulila, at makalikha sa gunamgunam ng mga larawang kaanyung-kaanyo sa kaligayahang nalalasap na.

A, hindi! Hindi na. Hindi na maaari!

Ganyan, humigit-kumulang, ang piping sigaw ng damdaming biglang nakapagpatindig sa pagkakaupo niya sa gilid ng katreng kani-kanina lamang ay kanyang kinahihigan. Sino nga naman ang hindi magugulantang sa harap ng gayong larawang sumulpot na lamang at sukat sa pangitain ng diwang may hangad lamang namang umunawa? Hayun si Pepe na una at bugtong niyang pag-ibig: bata pa rin na gaya ng dati, taglay ang damdaming nagpupuyos.

Nakaramdam si Ening ng bahagyang panlalamig ng katawan. Hindi niya natitiyak kung siya’y nadadaig ng kalikasan si Pepe, o kung nababagot sa pangyayaring tumakot at gumulantang sa kanya.

Subali’t hindi na makauurong si Ening. Sa mapatunayan man o hindi ang kutob ng loob na nagpapagunita lamang sa kanya ng pangyayaring hindi inaasahan, ay kailangan nang tapangan ang kanyang loob at tumalaga. Alam niyang siya’y paluwas ngayon sa Maynila upang mamili ng mga kasangkapan sa nalalapit na nilang pag-iisang dibdib ni Dr. Villarica, ang kababayang maluwat na niyang tagahanga, at upang sunduin tuloy si Loleng, na kaibigang matalik.

Sa loob ng apat na taon niyang ipinag-aral sa Maynila ay si Loleng ang lagi niyang kasama-sama at tanging kapalagayang loob, anak palibhasa ng may-ari dormitoryong tinirhan.

Ang apat na taon ni Ening sa ‘high school’ ay masasabing hitik sa matitingkad na kulay ng karanasan, nguni’t karanasang hindi malawak.

Kilala man siya sa kanilang paaralang katulad ng ibang tanyag dahil sa kung tawagi’y “it” ng isang babae, si Ening naman ay hindi tumulad sa kanila sapagka’t iisa ang pinakisamahan ng tapat sa loob. Si Loleng lamang. At sa mga lalaki namang kakilala, na lalong marami sa loob at labas ng paaralan, ang iba’y humahanga lamang, ay hindi rin niya kinasangkapan ang karaniwang pamamaraan ng mga kabarong katulad niyang tinitingala. Si Pepe lamang ang tanging nakatawag ng kanyang pansin at kinahulugan ng loob.

Kararating pa ni Ening sa Maynila at hindi pa naluluwatang nabubuksan ang mga klase ng paaralan. Si Loleng at saka siya ay naanyayahang dumalo sa sayawang parangal ng kanilang mga kaklase sa mga guro. Sa sayawang ito siya nakilala ni Pepe Gerona.

“Ening,” ani Pepe at pabulong lamang, pagkaraan ng may ilang ulit na nilang pagsasayaw. “Hindi ko malilimutan ang gabing ito.”

Marahil ay pagkikilala lamang nila ang ibig sabihin ng binata sa kasayaw; subali’t hindi, hindi iyon lamang, gaya nang natiyak ni Ening sapagka’t naramdaman niya ang ginawang pagkabig sa kanyang baywang na dili ang hindi nakalikha sa kanya ng damdaming kakaiba at kakatuwa.

Mula noo’y bumango na nang bumango ang pagkikilala ni Ening at Pepe. At katulad ng panahong patuloy sa pagsulat ng di maiiwasang katotohanan, sa puso ng dalaga ay humalimuyak na lamang ang isang kapasiyahan.

Kaya, isang araw, pagkaraan ng dalawang taong pagtitiyaga, ay nasilayan ni Pepe sa mga mata ni Ening ang kaluluwa nitong hindi na makapagkait. Sila noon ay malayang nag-uusap sa isang kubling sulok ng sala de visita ng dormitoryo.

“Ening, Ening…”

Hindi na nakuhang makapagpigil ng binata.

“Pepe, ayoko na nga. Ayoko na nga. Ganyan ka pala!”

“Pagkaraan ng mga saglit na mahalaga at makasaysayan…”

Iba na ngayon ang daigdig ng dalawa. Iba na kaysa dati nilang daigdig.

Dati, si Ening at si Pepe ay hindi nakikitang magkasabay man lamang sa paglakad sa mga lansangan. Ngayon ay iba na: magkaakbay na sa mga pasyalan, magkasama tuwina sa mga sine motograpo, at sa iba mang pook na liwaliwan ay madalas na rin silang nakikita. Sila lamang dalawa. Hindi na ngayon nakakasama ni Ening ang matalik na kaibigang si Loleng.

Isang hapon, at nangangalahati na noon ang katapusang taon ni Ening sa ‘high school,’ si Pepe at saka siya ay makikitang kumakain sa isa nga restauran sa Ermita. Bagay na bagay kay Ening ang suot niyang damit, sunod sa pinakahuling moda. Ganyan din marahil ang damdaming nasa kay Pepe nang mga sandaling yaon ng kanilang malayang-malaya na sila sa pagniniig, at ngayo’y sa isa na sa mga lihim na silid sa itaas.

Mula nga noo’y hindi na miminsan, mamakalawa, ni mamakatlo nilang kinagiliwan ang bahay-kainang yaon sa may Luneta. Marahil, ang sapantaha ng mga nakakakita sa kanila, ay kapuwa nila naiibigan ang pagkain doon. Kaya tuwing sila’y makatatapos ay lunod na lunod sila sa kaligayahan.

“Ening, huwag kang matakot,” ang nawika ni Pepe isang araw nang hindi na nalalayo ang pagpipinid ng mga klase. “At saka,” ang wika pa, “magkalayo man tayo ngayong bakasyon, e, lagi kitang gugunitain.

Si Ening ay hindi nakatiis. Sumagot siya.

“Hindi ako natatakot, Pepe. Nguni’t alam mo namang iba na ang kalagayan natin sa bakasyong ito. Maaaring…”

“Oo nga. Bayaan mo’t makauwi lang ako e masasabi ko na sa matatanda ang ating…” ganyan ang alo ni Pepe. “Nayag sila o hindi e darating ako sa iyo, sa inyo, upang magpalumagak sa iyong pagmamahal.

Ang bakasyon ay sumapit, ang bakasyon ay natapos, sa buhay ni Ening ay walang Pepeng dumarating, ni sulat ay wala.”

Nagdamdam si Ening sa nangyari, nangulila nang gayon na lamang. Sinong babae ang hindi nga naman magdaramdam?

Hindi nalaunan, nalubos ang pangungulila ni Ening. Ang mahal niyang ina ay sumakabilang-buhay. Bago nalagutan ng hininga ang matanda ay nakapangako rito si Ening na tatanggapin na niya ang pangingibig ni Dr. Villarica. Di miminsang naipaliwanag sa kanya ng kanyang ina, nang ito’y nabubuhay pa, ang kabutihan ng gayon. Isa sa mayayamang angkan palibhasa ang mga Villarica sa kanilang bayan. Gayunman, alam ni Ening sa puso ng kanyang puso na siya’y tumutupad lamang sa huling kahilingan ng kanyang ina.

At nalalapit na nga ang kasal nilang dalawa. Ito ay alam ni Ening at alam din ng buong bayan.

Dumating si Ening sa Maynila, kina Loleng. Napansin niyang hindi nagbabago ang siyudad. Ang ayos ng dormitoryo ay gayon din, lalo na sa sala de vista na madalas pag-antayan ni Pepe samantalang hindi pa siya nakapananaog. Sumagunita na naman niya si Pepe, gunita at kutob ng loob na mandi’y nagpapaalala sa kanya ng pangyayaring hindi inaasahan.

Nakaramdam si Ening ng bahagyang takot, at ang katawan niya’y tila nanlamig. Hindi rin niya matiyak kung siya ay nadadaig ng kalikasan ni Pepe, o kung nababagot sa kanyang pagkatakot. Sumaisip niya… sakaling naririto si Pepe, at sila ay magkatagpo, at magkita, at magkaniig…

“A, kahangalan!”

Iyan ang payamot na nawika ni Ening sa sarili sa hangad marahil na maiwasang lubos ang gayong sapa-sapantaha at ipinalalagay na lagnat lamang ng pag-iisip. At kaya, di man dapat, si Loleng na nagbibihis na ay walang atubiling inapura.

“Loleng, madali ka na nga!”

“Apurado ka naman,” ang sagot ni Loleng. “Teka, may surpresa pala ako sa ’yo paglabas natin.”

Samantalang sila’y naglalakad na, ang wika ni Loleng: “Alam ni Pepe ang pagluwas mong ito, Ening. Kahapon e nasa amin siya. Alam din niya ang nalalapit mong kasal.”

Nagitlahanan si Ening, hindi makapagpigil.

“Ano ‘kamo? Alam niya? Naririto siya?”

“Natatakot ka ba? E ano?”

Hindi na kumibo ni kaputok si Ening.

Sa telepono, pagbalik nila sa dormitoryo nang mananghali na.

“Helo,” ang wika ng tinig sa kabilang dulo ng kawad.

“Helo,” ang sagot ni Ening.

“Ening, ikaw nga ba iyan?”

“Oo, ako nga.”

“Ibang-iba ka na ngayon, bakit? Maaari bang…”

“Talaga, ibang-iba na.”

“Maaari bang magkausap tayo nang sarilinan? Utang na loob. Ibig ko lang makapagpaliwanag sa iyo.”

“Paliwanag? Hindi na kailangan, Pepe.”

“Kailangan, Ening. Kung malalaman mo lamang ang mga ‘bakit’. O, kung natatalos mo lang, Ening.”

Nagmamakaawa na si Pepe, at ito’y alam ni Ening, sa puso ng kanyang puso.

Sa dati ring pugad ng pag-ibig, sa Luneta, pagkaraan ng may kalahating oras lamang.

Talagang iba na si Ening. Iyan ang unang nakita ni Pepe sa una pa lamang pagtatagpo ng kanilang mga mata. Nakatawag ng unang pansin ng lalaki ang suot na damit ng dalaga. Nakabalintawak si Ening.

Gaya ng dati, sila ay kumuha ng isang mesa sa isang sulok ng restauran: kumain muna, gaya ng madalas nilang gawin noong araw, saka maligayang nagniig.

Sa pasimula’y malawak na katahimikan ang nakapagitan sa kanila. Si Pepe ang unang bumasag ng katahimikan.

Ipinaliwanag ni Pepe kay Ening, sa pamamaraang kanya-kanya lamang, ang baliw na katotohanang siya ay may asawa na, kung papaano niya naisagawa ito nang di man lamang naibalita sa kausap, at kung bakit kinusa niyang ipaglihim kay Ening ang lahat. Humingi ng tawad ang lalaki sa babae sa nagawang pagkakasala, samantalang ang una’y may ibang iniisip na higit pa marahil sa kapatawarang ibig makamit. Marahil ay alam, o nadama, ni Pepe na ang kalagayan ngayon nila ni Ening ay hindi naiiba kaysa dati: hayun din sa gawing tagiliran ng katre ang dating salaming tila nakaupo sa ibabaw ng mesa. Iyon din ang dating pugad na taglay ang datihang amoy na di lubos na nakasisiya…

Talagang ibang-iba na si Ening, ang naibuntonghininga ni Pepe pagkaraan ng mga saglit na di niya halos mapaniwalaan. Ang damit-Pilipinang kanina’y nakatawag ng kanyang pansin, ngayon ay maganda pa rin sa balingkinitang katawan ni Ening, ilang saglit pa bago ito lumulan sa taksing tinawag. Datapuwa di tulad ng dati, ngayon sa katawan ng babae’y lukot na lukot na ang damit na yaong tila walang pakundangang inihagibis ng lumisang taksi sa dako pa roong walang wakas.