“Naiisip ko lang, oy. Paano kaya ako kung wala ka na?” Ang malabong mata ng matandang babae ay nakapanunghay sa pawisang mukha ng asawa.

Ni Benigno R. Juan

(Ang kuwentong ito ay nagwagi ng Pangatlong Gantimpala sa Palanca Memorial Awards for Literature 1973)

MULA noon at hanggang ngayon, sa kabila ng lahat, ang kasal ay isang dakila at sagradong institusyon pa rin.

Tinanggap ni Cayetano de la Cruz si Ines La Vida bilang asawa mahigit nang limampung taon ang nakalipas. At sila’y nagsama sa hirap at ginhawa, sa sakit at kalusugan, kaipala at hanggang sa sila’y papaghiwalayin ng kamatayan.

Si Tandang Tano.

Si Tandang Ines.

Giray na ang kubo sa liblib na nayong madalang pa rin ang bahayan. Marami nang tagping kalawanging lata at karton ng gatas ang atip na lumang pawid ng giray nilang kubo. Mula sa malayo, kung titingnan ang palupo ng kubo ay parang isang ulong pulos pilat.

Ang mga laglag na dahong tuyo mula sa mga punong atis, sinegwelas, santol at mangga ay nangagkalat sa madamong harapan ng kubo. May mga yagit din ang maliit na papag na nasa ilalim ng malabay na punong mangga sa kaliwang tagiliran ng kubo. Ang mga batong nakapaligid sa balon na di kalayuan sa kubo ay nilulumot na at tinutubuan ng maliliit na damo at ng mga halamang bato. Nagsisimula na ring mangatuyo ang mga baging ng patolang nakagapang sa ibabaw ng balag na kawayan at mga siit sa paligid.

Napailing si Tandang Tano sa bungad ng tarangkahan. Nilingon ang asawang nasa may likuran.

“Bilis-bilisan mo naman, oy. ‘Tamo’ng nangyari sa pamamahay natin. Dadalawang linggo lang tayong nawala, a.”

“Ku, huwag mo nga akong madaliin. Sumasakit na itong likod ko.”

“Para ka kasing kuhol kung maglakad.”

“Kuhol kung kuhol…E, sa umaatake’ng rayuma ko.” Umungol si Tandang Ines. Dinampi ng kaniyang alampay ang pawisang mukha.

“Inaamin mong matanda ka na, oy?”

“Ku, magtigil ka nga niyang pambabadya’t akayin mo ako.”

Ginagap ng butuhang mga palad ang maliit at yayat na butuhang kamay. Inalalayan ni Tandang Tano ang asawa sa paghakbang sa hanggang tuhod na hakbangan sa tarangkahan.

“Dahan-dahan, Ines.”

“Ano ba itong ginagawa ko?” Sikmat.

SA POOK ding ito, sa tarangkahang ganito rin, mahigit nang limampung taon na ang nakalilipas, ay inaalalayan ng lalaki ang babae sa paghakbang sa kanilang unang pagsasarili’t pagharap sa buhay bilang mag-asawa. Pinaliit-pinalaki ng panahon, saka muling pinaliit at niluma ang kanilang “pugad”. Nagpalit-palit ang mga sahig na kawayan, ang mga bubong, ang mga sawaling dingding. Hinulipan ang mga sahig at mga butas ng bubong. Nagbabago ang panahon, ngunit hindi ang dalawang payak na kaluluwang pinagtali ng pag-ibig, kalikasan at pangangailangan sa paurong na nayong iyon–kung nayon ngang matatawag ang Paliwas na kalahating kilometro yata ang layo sa pinakamalapit na kapitbahay.

Sa loob ng mahabang panahong ipinanirahan nila sa Baryo Paliwas, iyon ay parang walang ipinagbago. Ang totoo, parang lalong nababawasan ang nagsisipanirahan sa baryong ito, sa halip na madagdagan. Papaano’y napakalayo nga sa sibilisasyon ng baryong nasa paanan na halos ng bundok. Walang elektrisidad. Ilawang tinghoy at hasag. Pagdikit ng dilim ay tahimik na ang lahat. Ang gabi roon ay para sa mga keruwe, bayakan, kabag-kabag, alitaptap at matsing na nagnanakaw ng mga tanim na mais at hinog na buwig ng saging sa tumana.

Ang mga anak ng Paliwas ay nagsilipat sa “mabuti-buting lugar”, sa mga bayan at lungsod. Sa Maynila, sa partikular. Kahit saan, basta’t huwag mabulok at mapag-iwanan ng panahon sa baryo. At sa mangilan-ngilang nagkaugat na sa baryo kabilang ang mag-asawang Tandang Tano at Tandang Ines.

Mahusay na magsasaka si Tandang Tano. At matipuno at malakas ang pangangatawan noong kaniyang kapanahunan. Kaya niyang makipagtagisan sa panahon. Noon iyon. Ngunit higit na mahusay na katulong sa buhay si Tandang Ines. Higit pa ito sa isang asawa. Karamay niya sa anumang pinakasukdulang tiisin at gayon din naman sa manaka-nakang kapurit na ginhawa.

Biniyayaan ng limang anak ang kanilang pagsasama. Ngunit ang tatlong lalaki, na binata’t binatilyo na noong panahon ng pananakop ng Hapones, ay nabihag ng mga kaaway. Sa garison, nabalitaan nilang nagsipanlaban iyon at nakapatay ng mga kaaway bago napatay. Ang mga bangkay ng kanilang tatlong anak na lalaki ay di na nakita pa ng mag-asawa.

Tinanggap nila ang trahedya. Magkasalo. Naging konsolasyon ng mag-asawa ang isiping di naman nasayang nang pagayon lamang ang buhay ng kanilang tatlong anak. At may dalawa pa naman silang anak na babae.

Nang matapos ang digmaan, naitaguyod nila ang pag-aaral ng kanilang dalawang anak na babae. Ang nakatatanda, na isa nang modista at may sariling parlor sa lugar ng napangasawa nitong mekaniko, ay tatlo na rin ang anak at katamtaman ang pamumuhay sa Tundo, Maynila. Ang bunso naman, na naging sanhi ng biglaan nilang pagluwas sa Maynila at pagtigil sa bahay ng anak na modista, ay isang nars. Natanggap para magtrabaho sa isang ospital sa California kaya’t nakipaghatid sila sa paliparan.

Ang dalawang linggong pagtigil nila sa bahay ng modistang anak sa Tundo ay waring katumbas ng ilang taon para sa mag-asawang matanda. Hindi nila maagpangan ang buhay-lungsod, kahit anong pilit ang gawin sa sarili. Kinaiinipan nila ang pagbabalik sa iniwang tiwalag na nayong Paliwas.

“PUTRAGIS na Senyong iyan! Ipinagbilin ko pa namang pakitingnan lang itong bahay…,” humihingal na sabi ng matandang babae.

“Sabi mo pala’y tingnan lang, e. Wala sigurong ginawa kundi tingnan lang.”

“Nayayamot na ako. Tigilan mo nga iyang pagsisiste mo. Makita ko lang ang ayos ng paligid, naaalibadbaran na ako.”

“Ikaw kasi, e. Hindi ka makaalis-alis sa anak mo.”

“E, sa nasasabik ako sa mga apo mo, maiaalis mo ba iyon? Lalo na iyong dalaga mo, kelan kaya muli natin siya makikita?”

“Ma’nong huwag iyon ang isipin mo. Ang isipin mo’y ang gagawin natin bukas. Ikaw ang magwawalis at magtitipon ng mga yagit. Ako naman ang hahakot at magsisiga sa ilalim ng punong mangga. Kailangang mapausukan na ang mangga bukas.”

“Siya, ikaw na muna’ng magluto ng hapunan natin ngayon, oy. Parang inihampas itong katawan ko?”

“Dahan-dahan sa pagpanhik sa hagdan. Mag-unat-unat ka nga muna sa papag diyan at ako’ng bahala sa hapunan natin. Pero sasaglit lang muna ako kina Senyong at titingnan ko kung pinalalamon iyong kalakian natin. Baka buto’t balat na’ng damontres na hayop, a.”

KINABUKASAN, madilim-dilim pa nang magising si Tandang Tano ngunit nabuglawan na niya sa maliit nilang kusinaan na nakahain na sa dulang ang umuusok pang sinangag at dalawang pritong itlog. May kape rin sa puswelo nang alisin niya ang nakatakip na platito. At sa looban, naririnig ng matanda ang banayad na kaluskos ng walis na nagtataboy sa mga tuyong dahon. May nadama siyang kakaibang pintig ng kasiyahan.

Dumunghal siya sa bintana. “Oy, halika na’t baka malamigan iyang sikmura mo. Akala ko ba’y nirarayuma ka? Inunahan mo pa’ng mga manok sa pagbaba sa hapunan, a!”

“Uminom na ako ng kape. Ikaw nga ang bumaba rito’t nang madakot na itong naiipon kong yagit,” pasigaw ring tugon ng asawa.

At ilang sandali pa’y magkatulong ang dalawang matanda sa kanilang uuyad-uyad na pagkilos upang linisin at sinupin ang kanilang looban. Ito ang kanilang payak na paraiso. Dito nag-ugat ang buhay sa kanila. Ngayon, na sila na lamang muli, nadarama nilang higit kailanman ay kailangan nila ang isa’t isa. At di man ipahayag ng bibig, hindi maitatatwang ang relasyon nila ngayon ay higit pang tumibay. Alam nilang walang sino mang nagpapakasakit sa kanila para sa kapakanan ng isa. Magkatuwang sila.

Nagbabangay rin sila. Nagtatampuhan. Nagkakagalit.

“Makikita mo, isang araw e lalayasan kita.”

Madalas ipinakot ni Tandang Ines sa asawa kapag grabe ang pagsisikmatan nila. Ngunit kailanman, ang banta’y nananatiling isang banta lamang. Sapagkat maaari mo nga bang iwanan ang iyong anino?

Lalo na ngayong sila na lamang dalawa.

At ang buhay…

Pagkalinis ng looban, ang mag-asawa’y magkatabing naupo sa papag na kawayang nasa ilalim ng punong mangga. Dati, magkasalo silang ngumanganga ng hitso habang namamahinga. Ngunit ang katikot nila ay matagal nang nakasuksok sa dingding.

“Naiisip ko lang, oy. Paano kaya ako kung wala ka na?” Ang malabong mata ng matandang babae ay nakapanunghay sa pawisang mukha ng asawa.

Pagak ang matandang lalaki. “Pag wala na ako’y dumoon ka na sa anak mo sa Menila. Ipagbili mo itong ari-arian natin. Ang mapagbibilhan ay partihin mo sa tatlo: sa iyo, at sa dalawa mong anak. Siguro naman e bastante na’ng parte mo sa mga nalalabing araw mo pa sa mundo.”

“Di yata ako makatitira sa Menila. Iba’ng buhay doon. Di ko rin maipagbibili itong kapirasong ari-ariang kay-tagal nating pinagpapala.”

“Pero sino’ng titingin sa iyo rito?”

“Ba’t ba para kang nakatitiyak na ikaw ang mauunang mamatay? Baka ako pa’ng mauna kaysa iyo!”

Baka ako pa’ng mauna kaysa iyo!

Napatigagal ang matandang lalaki. Makatitira rin kaya siya sa Tundo? Magagawa rin kaya niyang ipagbili ang kanilang ari-ariang ito sa Paliwas? Papaano na kaya ang buhay niya kapag wala na ang asawa?

Bigla ang pagsuno ng pangamba kay Tandang Tano.

UMAGA. Wala ang umuusok na sinangag, pritong tuyo at malasadong itlog ng manok-Tagalog. Malamig na malamig ang dapugan. Wala ring mainit na salabat o kaya’y barakong kape sa puswelo. Hindi tumitinag ang matandang babae sa pabaluktot nitong pagkakahiga sa papag.

Nagbalik sa higaan nilang papag ang matandang lalaki at naupo sa tabi ng asawa. Hinawi nito ang pranelang nakatakip sa yayat na kulubot na mukha at sinalat iyon.

“Inaapoy ka ng lagnat, oy,” may pag-aalalang sabi.

“Hindi ako nakabangon para magluto. Tatrangkasuhin yata ako,” parang humihingi pa ito ng paumanhin sa asawa.

“Susundo ako ng doktor sa bayan.”

“Huwag na. Sumaglit ka na lang mamaya kay Kinting albularyo. Ipatawas mo ako. Me kandilang nakasuksok diyan sa dingding, sa tabi ng retrato ng Santo Kristo. Ibigay mo kay Kintin…”

Subalit ilang albularyo na ang tumingin kay Tandang Ines ay hindi pa rin gumaling ang karamdaman nito. Hindi nakakakain, patuloy na humihina ang katawan ng matandang babae. Hindi na niya madala ngayon sa bibig ang puswelo ng mainit na nilagang dahon ng banaba. Latag na latag ang yayat na katawan niya.

Saka pa lamang nagtungo sa kabayanan si Tandang Tano. Nang hapong magbalik siya na kasama ang nasundong doktor sa kabayanan, malamig na bangkay na ang kanilang inabutan.

Pulmonya. Maraming komplikasyon, saka may edad na, sabi ng doktor.

“Baka sakali’t nailigtas kung nadala agad sa ospital sa kabayanan at nasaksakan ng suwero,” napapailing pang dugtong.

Kung nadala agad sa ospital! Iyon ang sumbat na tumitimo sa damdamin ng matandang lalaki. Hindi man lang sila nagkausap ng asawa bago ito namatay…

SA TATLONG gabing pagkakaburol ng bangkay ni Tandang Ines, halos tatlong araw at tatlong gabi ring walang tulog si Tandang Tano. Tulala siya. Hindi umiiyak, hindi nagsasalita at parating sa labas ng bintana nakatanaw. Ayaw niyang isiping iniwan na siya ng asawa.

Sa araw ng libing ay dumating ang anak na modista at ang manugang ni Tandang Tano. Hindi kasama ang mga apo niya. Uuwi raw agad pagkalibing pagkat maraming mabibiting trabaho sa Maynila. Ayaw namang pahinuhod ni Tandang Tano na pagkatapos ng pasiyam, ay susunduin siya para sa Tundo na tumira.

“Kaya kong mag-isa rito. Malakas pa’ng katawan ko. Saka me mga kapitbahay na titingin sa akin dito. Pag isinama mo ako roon, baka lalong dumali’ng buhay ko,” tutol ng matanda.

Nang matapos ang pasiyam para sa kaluluwa ni Tandang Ines, lalong kay-laki ang inihulog ng katawan ng matandang lalaki. Buhat nang mamatay ang asawa, pasanda-sandali na lang ang tulog niya. Hindi niya matanggap na si Tandang Ines ay patay na. Hindi siya gaanong makakain, lalo’t naiisip na si Tandang Ines ang nagluluto, naghahain at sa tuwina’y kasalo niya.

Nagugunita niya ang asawa kapag nakikita niya ang katikot nilang nakasuksok sa dingding. Parang naroon ang asawa sa harap ng kalan, sa may banggerahan, sa papag sa ilalim ng punong mangga. Ang nakatambak na mga labahin na nasa batya sa batalan. Kailan kaya itutuloy ni Ines ang paglalaba niyon?

Mauupo si Tandang Tano sa papag na nasa ilalim ng punong mangga at palilipasin niya ang maghapon sa pag-iisip sa asawa.

Si Tandang Tano ay nangungulila.

Sa kauupo ni Tandang Tano sa ilalim ng punong mangga, sa madalas na pagkalipas ng gutom, sa malabis na pag-iisip sa asawa, sa panlalabo ng mga mata, sa katandaan, minsan ay sumiksik sa isip niya na nagpapakita sa kaniya si Tandang Ines.

Kaya kinagabihan ay balisa si Tandang Tano. Maaga siyang nagluto at kumain. Nagpalit ng malinis na gris matapos nagpunas ng katawan. At naupo siya sa hagdanan pagkakain upang salubungin ang pagdating ng asawa. Naghintay.

Maliwanag ang buwan. Kapag ganitong maliwanag ang buwan at ang gabi’y alinsangan, nauupo sila noon ni Tandang Ines sa papag sa ilalim ng punong mangga. Nag-uusap sila roon. Nagkukuwentuhan ng mga kuwentong daang beses na nilang napagkukuwentuhan. O kaya’y nagsisikmatang parang aso’t usa. Basta’t naroroon sila. Nadaramang naroon sa isa’t isa.

Ngayon ay wala na si Tandang Ines. Balisa si Tandang Tano sa paghihintay sa asawa.

Kay-tagal naman niya. Usal sa sarili.

Nananakit ang malalabong mata niya sa paghihintay sa asawa. Walang taong pumapasok sa tarangkahan nila. Sa dako pa roon ay nalalatagan ng manipis na liwanag ng buwan ang mga puno, ang mga damo–ngunit ang landas patungong tarangkahan ay nananatiling parang ahas na nakabalatay sa kahungkagan ng paligid.

Umugong sa kaniyang pandinig ang katamihikan ng payapang gabi. Wala pa siya…Wala pa, pero alam kong darating siya.

Sa isang iglap na pagpikit ni Tandang Tano at muling pagdilat, ano ba’t napatuon ang paningin niya sa papag sa ilalim ng punong mangga. Kitang-kita niya, naroon at nakaupo sa papag si Tandang Ines. Nakatalikod sa gawi niya. Parang siya’y hinihintay. Nakabalabal ito ng puting alampay, panangga sa lamig ng gabi.

May tampo siya sa akin. Hihingi ako ng tawad sa kaniya.

Bulong ng maluridong isip ng matandang lalaki.

Sumikdo ang dibdib niya. Ngatal ang buong katawan at nangangalog ang mga tuhod sa pananabik nang tumayo siya at pasubok na nanaog patungong ilalim ng puno ng mangga.

Subalit nang mapalapit siya sa papag sa ilalim ng puno ay malinis na malinis iyon. Wala si Tandang Ines! Ayaw niyang aminin sa sarili na sikat lamang ng buwan na naglalagos sa pagitan ng mga dahon at sanga ng mangga ang gumagawa ng ilusyon na animo’y pigura ng isang isang babae kung tatanawin buhat sa malayo. Malikmata.

Napaiyak si Tandang Tano.

Isang umaga naman, nagising siya na parang may nagwawalis sa looban nila. Lumukso ang puso niya. Si Ines…Si Ines ko ay nagbalik na.

Ngunit nang dumungaw si Tandang Tano, ang nabuglawan ng paningin niya’y isang akayang manok na alaga nila na kumakahig sa mga di nawawalis na dahong tuyo sa panginginain ng mga langgam at uod.

Aywan kung dala ng kaniyang katandaan, pagkaulyanin o damdamin sikolohiko, nabuo na sa isip ng matandang lalaki na hindi pa patay ang kaniyang asawa. Na nagkatampuhan lamang sila at siya’y nilayasan nito. Pinaniwalaan ni Tandang Tano ang naisip na iyon kaya halos araw-araw ay palakad-lakad siya sa buong Paliwas sa paghahanap kay Tandang Ines.

PINAGTATAWANAN si Tandang Tano ng mga batang nadaraanan. Ginagaya ang pasubsob niyang paglalakad. Tinatakot naman ng mga ina ang umiiyak na mga anak kapag nakikita siya. Tahan, gusto mo bang ibigay kita riyan?

Naging pamilyar na tanawin siya sa buong Paliwas at mga karatig-nayon. Pinagtatawanan ng mga paslit at lihim na kinaaawaan ng matatanda. May nagpapakain sa kaniya, may nagpapainom, may nagbibigay ng mga pinaglumaang damit.

Subalit ang kailangan niya ay ang asawang si Tandang Ines.

MAHINANG-MAHINA na siya sa magha-maghapong paghahanap sa asawa. Dalawang araw na siyang hindi kumakain. Nanlalabo na ang kaniyang mga mata, ngunit pinilit pa rin niyang maupo sa hagdan nang gabing iyon na kabilugang muli ng buwan. Umaasa siya at patuloy na naghihintay sa pagbabalik ng kaniyang asawa.

Saka niya nagunita ang pamahiin ng mga ninuno kapag may kaanak na umalis at gustong balisahin at pauwiin ng bahay. Bakit ba ngayon ko lang naisip ito?

Marahan siyang tumayo, parang binibilang ang mga hakbang na hinanap ang sandok sa banggerahan at lumuhod siya sa harap ng tapayan nila sa banggerahan. Matapos mag-antanda at makausal ng isang Ama Nain, makaitlong ikinawkaw ni Tandang Tano ang sandok sa tubig sa loob ng tapayan.

Humihingal, iniubos ang nalalabing lakas sa pagsigaw.

“Ines, p-para m-mo nang a-awa. Umuwi…k-ka…n-naaa!”

Saka siya muling nagbalik sa hagdan upang maghintay. At di nga nagluwat, nang mapawi ang ulap na nakalambong sa buwan, sa nanlalabong paningin ni Tandang Tano ay umanag-ag ang anyubog ng asawa na nakaupo sa kanilang papag sa ilalim ng punong mangga.

“Ines! I-Ines! Salamat at n-nagbalik k-ka…”

Sa biglang bugso ng kaligayahan, nakalimutan niyang mahihang-mahina na siya’t nangangalog ang mga tuhog. Kaya sa unang hakbang pa lamang niya ay sumala na sa baitang ng hagdan ang kaniyang isang paa.

Ang katawang lupa’y rumaragasang humalik sa lupang pinagmulan.

Ungol.

At katahimikan.