“Bago ka rito. Saan ka pupunta?” “Hindi ko pa alam,” matipid niyang sagot.

Ni Sherald C. Salamat

SA malayong karagatan ng Dagat Pasipiko, naglalakbay ang napakaraming alon sa iba’t ibang panig ng daigdig. Kabilang sa mga ito si Alona, isang maliit na alon na bunga lamang ng pagbabanggaan ng dalawang malaking alon nang minsang dumaan ang isang malakas na bagyo.

Sumusunod lamang siya sa landas ng mga along sanay na sa iba’t ibang panahon. Pinag-uusapan ng mga ito ang tungkol sa kanilang misyon.

“Gaya ni Taib, ang misyon natin ay humampas sa dalampasigan,” paalaala ni Lumanay.

“Mahabang panahon na akong naglalakbay pero nagpapabalik-balik lamang ako sa lugar na ito, kahit kailan ay hindi pa ako nakahampas sa magandang isla,” malungkot na sabi ni Halon.

“Ako rin. Habambuhay na yata akong bihag nitong karagatan,” sabad naman ni Tiwasay.

“Saan ba ninyo balak makarating?” tanong ni Lumanay.

“Gaya ninyo, gaya rin ni Taib na noon ko pang katunggali, hahampas din ako sa isang napakagandang isla at maisusulat sa kasaysayan ang aking pangalan,” sagot ni Hibas.

Napansin ng nag-uusap na mga alon ang tahimik na si Alona, kinausap siya ni Lumanay.

“Bago ka rito. Saan ka pupunta?”

“Hindi ko pa alam,” matipid niyang sagot.

“Sumama ka na lang sa amin sa dalampasigan,” panghihikayat ni Lumanay.

Kahit hindi niya alam kung saan ang dalampasigan, sumunod si Alona. Masaya nilang nilakbay ang karagatan palayo sa Dagat Pasipiko. Alon sila nang alon, itinutulak ng malilikot na hangin pakanan, pakaliwa, pasulong, at paurong.

“Sino si Taib?” usisa ni Alona.

“Si Taib ang pinakaunang alon na nakahampas sa dalampasigan. Mahusay siya sapagkat nagagawa niyang takasan ang malalakas na bagyo, kaya ang mga bakas niya ang aming sinusundan. Kung paano? Lumalaki ang mga alon tuwing masama ang panahon, at sinasamantala niya ang pagkakataon upang lalong lumaki sa pamamagitan ng pagkuha sa maliliit na mga alon,” paliwanag ni Lumanay.

Agad na bumilib si Alona kay Taib. Tinawag niya itong idolo. “Gusto ko ring maging katulad niya,” sigaw ni Alona.

Muli siyang umalon nang mabilis para habulin ang mga kasama. Magdamag silang naglakbay. Nang sumikat ang araw ay sabay-sabay silang pinakalma nito, at pinag-usapan nila ang dalampasigan. Narinig ni Alona ang kuwento tungkol sa mga isla, at lalo siyang nasabik sa buhanging maaari niyang hampasan, sa makukulay na mga korales, at sa naglalakihang mga bato.

Habang masaya nilang pinapangarap ang dalampasigan, napansin ng isang bihasa sa panahon ang paparating na dilim.

“Humanda kayo!” babala ni Hibas sa mga kasama.

“Sabayan natin ang bagyo,” hamon ni Tiwasay.

“Kailangan nating maghiwa-hiwalay upang makahuli ng maraming alon,” utos ni Halon.

Naghanda ang lahat, subalit napakalakas ng bagyo; pinaikot-ikot sila nito at tinangay sa iba’t ibang dako.

Samantala, napagmasdan ni Alona ang ibang mga alon na mabilis lumaki sa paghuli ng maliliit na alon. Hindi maganda ang kaniyang pakiramdam nang masaksihan niya ito, umiiyak sa hinagpis ang maliliit habang nilalamon ng malalaki. Sa isip niya, “Hindi patas ang labang ito.”

Nagpasya si Alona na humiwalay sa mga kasama. Mali ang sumabay sa bagyo, at lalong mali ang humuli ng kapwa alon para sa pansariling kapakanan. Ang balak niya, “Iiwasan ko ang bagyo, at saka ko ito susundan.”

Sa kaniyang pag-iisa, nagpakita sa kaniya ang isang nilalang.

“Ano ang bagay na iyon?” tanong niya sa sarili.

Kahit lumubog-lumitaw siya sa gitna ng bagyo, lulubog-lilitaw ring nagpapakita ang nilalang. Sinundan niya ito pakanan, hanggang sa tuluyang lumampas ang bagyo.

“Sirena ang tawag diyan.” Nagulat siya nang marinig ang tinig ni Lumanay. “Pasens’ya ka na kung sinundan kita. Gaya mo, nagbago rin ang isip ko para makaligtas sa bagyo.”

“Sirena? Ano iyon?” tanong ni Alona.

“Isang uri ng engkanto; kalahating tao at kalahating isda.”

“Ano naman ang tao at engkanto?”

“Ang engkanto ay kagila-gilalas na nilalang na may natatanging kakayahan, maaaring naninirahan sa langit, tubig at lupa. Ang tao naman ay nakatira sa mga isla, mapagmahal sila. Hayaan mong ikuwento ko sa iyo ang aking nalalaman tungkol sa sirena at tao na matagal nang pinag-uusapan ng mga alon.”

Nagdahan-dahan sila sa pag-alon.

“Noong unang panahon, sinira ng malakas na bagyo ang bangka ng tatlong mangingisda, nakaligtas ang dalawa maliban sa isa. Nagluksa ang bayan ng Atimonan dahil sa nangyari, ngunit makalipas ang isang linggo, nakitang naglalakad ang lalaki sa dalampasigan.

“Iniligtas siya ng sirena, at patunay ang hawak niyang gintong suklay na bigay sa kaniya; na kapag idinawdaw sa tubig ay magpapakita ang taong isda.

“Nagkagustuhan ang dalawa, subalit pinaghiwalay rin nang dumating ang mga piratang Moro sa kanilang lugar. Tumakas ang mga tao, umakyat sa bundok, hanggang sa naglaho ang mangingisda.

“Dahil sa pag-ibig ng sirena sa tao, prinotektahan nito ang bayan laban sa mga pirata, ngunit hindi na muli nito nakita ang mangingisda. Sabi ng ilan, namatay ito sa sakit habang nagtatago sa bundok; sabi naman ng iba, nakahanap na ng bagong pag-ibig sa malayong bayan.

“Makalipas ang maraming taon, nakakikita ang taumbayan ng isang magandang babae na nakaupo sa malaking bato sa dalampasigan. Madalas itong nakatanaw sa bundok na parang naghihintay sa pagbabalik ng mangingisda, subalit sa tuwing lalapitan ito ng mga tao ay tumatalon sa tubig at naglalahong parang bula.

“Dahil doon, pinaniwalaan ng lahat na ito ay sirena. Bilang pag-alaala, ipinagtayo nila ito ng istatwa sa ibabaw ng malaking bato.”

Habang nagkukuwentuhan ang dalawa, dumaan sa ibabaw ni Alona ang isang barko, hinati siya nito, at muling nagdikit pagkalampas ng dambuhalang sasakyan. Nakiliti siya.

“Nasaan ang batong iyon?” tanong ni Alona.

“Naroon!” turo ni Lumanay sa unahan.

Tinanaw ni Alona ang islang nagtatago sa hamog. Namangha siya sa laki at hugis nito. “Napakaganda!” sambit niya.

Maya-maya ay narinig niya ang nag-iingay na mga alon.

“Magdiwang!” sigaw ng lahat.

“Nakalabas na tayo sa Dagat Pasipiko, malaya na tayo!” sambit ni Lumanay.

Dahil sa tuwa ni Alona, unti-unti siyang lumaki. Bumilis din ang kaniyang paglalakbay dahil sa gaang nararamdaman ng kaniyang puso.

Umalon siya nang umalon, sinasabayan siya ng awit na hangin. Dumaan sa kaniyang harapan ang isang bangka, sumagwan ang taong nakasakay rito; pinaikot siya nito kaya bahagyang naghugis ipo-ipo siya. “Iyon pala ang tao,” kumpirma niya.

Umibabaw rin siya sa mga korales, nakipag-unahan sa mga isdang naglalaro sa tubig, at nakipag-ilagan sa mga ibong sumisisid upang manghuli ng makakain.

Naramdaman niya ang pagdausdos ng taong nasa tabla nang sumabay ito sa kaniya.

Naramdaman niya ang yapos ng mga taong nagtatampisaw sa kaniya.

Naramdaman niya ang inihagis na batong apat na ulit tumalon sa ibabaw ng ibang mga alon bago lumubog sa kaniya.

Naramdaman niya ang pagsakay ng kabibe sa kaniya.

Sa unahan, natanaw niya ang istatwang sirena na nakaupo sa ibabaw ng malaking bato; nakatalikod ito sa karagatan, nakaharap sa bundukan.

“Doon ko gustong humampas, Lumanay!” sabi niya.

Subalit nakaramdam siya ng kaba. Nasaktan siya nang makitang nababasag ang mga along humahampas sa bato ng sirena. Pinigil niya ang sarili, lumiit siya nang lumiit. Nais niyang sa buhangin na lamang humampas, ngunit naglalaho naman doon ang mga alon.

Patuloy siyang lumiliit. “Saan sila napupunta?” pagtataka ni Alona. “Ito ba ang hangganan naming mga alon?” Naguguluhan din siya kung bakit umaawit pa sa galak ang mga ito bago maglaho.

“Halika, Alona, humampas ka na! Ito ang kapalaran natin, ang maglaho para pasiyahin ang iba. O s’ya, mauuna na ako, ikuwento mo sana sa tao ang tungkol sa sirena,” at masaya ngang naglaho si Lumanay.

“Kung ganoon ay magiging maligaya rin ako.” Sinikap niyang muling pagalawin ang sarili upang umalon patungo sa dalampasigan, subalit hindi niya magawang lumaki.

Hanggang sa naramdaman niyang tila hinahampas siya ng lahat ng alon na nasa kaniyang likuran, iniaalay pala ng mga ito ang sarili para palakihin siya.

“Kaya mo iyan! Ikaw ang totoong idolo dahil matalino ka at may mabuting puso. Ikaw ang susunod na maisusulat sa kasaysayan,” sabi nina Halon, Hibas at Tiwasay.

Lubos siyang naligayahan sa narinig at nakita. Unti-unti siyang lumaki hanggang sa maging sapat para maihampas sa dalampasigan ang sarili at ang dala-dala niyang kuwento ng sirena. Ang kaniyang mga tilamsik ang nagsilbing luha ng kaniyang kaligayahan at ng maraming nagsakripisyo para sa kaniya.

Kasabay ng kaniyang paghampas ang paglaho niya.

Pinulot ng isang bata ang kabibeng pasan ni Alona kanina, kulay ginto ito at hugis suklay. Matagal niya itong pinagmasdan habang masayang nakatunghay sa karagatan.

Gamit ang kabibe, isinulat ng bata ang kaniyang pangalan: Alona, pagkatapos ay idinawdaw niya ito sa tubig para hugasan.