Ni Almayrah A. Tiburon
ANG sabi mo’y babalik ka ngunit tila pumuti ang aking mga mata sa kahihintay at kabibilang ng mga araw. Ang kayakap ko’y sarili lamang sa gabing kaaway ang lumbay. Nasasaktan ako tuwing maiisip ko noong nandito ka pa at paulit-ulit mong sinasambit sa akin na ako lang ang mamahalin hanggang sa dulo.
Isang umaga, sinubukan kong hanapin ka sa mga lugar na madalas nating puntahan, may mahalaga kang dapat malaman. Nagbakasakaling makita kita ngunit kung bakit ba para kang mahikerong bigla na lamang nawala. Sa bawat hinihinga’y hinahanap ang yakap mo’t pagmamahal. Ewan. Sinasaktan ko lamang ang sarili sa paniniwalang magtatagpo tayong muli. Patuloy na nalulunod sa lumbay at pangungulila.
Mabilis na lumipas ang panahon habang nag-iisa sa tahanang hindi pasukin ng liwanag. Nagsalitan ang tag-init at taglamig. Ayaw ko nang umasa. Hindi na ako titingin ng orasan at wala na ring pakialam sa kung anong araw at petsa.
Sinubukan kong sumilip sa bintana, tila nag-aanyaya ang mga puno sa paligid. Lumabas ako’t nagmasid sa kanluran kasabay ng paglubog ng araw. Napatingin ako sa aking mga kamay, kulubot na ito. Ibig kong alalahanin kung bakit ako lumabas kasabay niyon ay may babaeng inalalayan akong pumasok sa loob ng bahay at nagsabing, “’Nay, kakain na po tayo.”