Ni Arnold Matencio Valledor

SUMISID ako. Nakikita ko ang mga bato sa ilalim ng ilog. Ang pagkakatabi-tabi. Ang pagkakawatak-watak. Ang pagkakapare-pareho at pagkakaiba-iba ng hugis. Ang naghahabulang kagatan. Ang ibang mga kalaro kong sumisisid din.

Ikinampay ko ang aking dalawang kamay upang makarating ako sa medyo mababaw na bahagi ng ilog. Hanggang sa nakikita ko na ang nag-uunahang mga paa ng iba ko pang kalaro na hinahabol ng aming taya. Kailangan kong matantiya na kapusod ko ang tubig bago ako umahon. Kailangang bilisan ko ang pagkampay dahil bukod sa malapit na akong kapusin ng hininga ay lumalayo sa gawi ko ang naghahabulang mga paa. Kampay. Kampay. At idiniin kong sabay ang dalawa kong palad sa mga bato upang mas mabilis ang aking pag-ahon. Ipinilig ko ang aking ulo, sabay punas sa tubig na tumatabing sa aking mga mata. Tiningnan ko ang lebel ng tubig sa aking katawan. Lampas sa pusod. Nakita ko ang taya na mabilis na papalapit sa akin. Humabkang ako papunta sa mas mababaw na bahagi ng ilog. At bago pa man dumantay ang kanyang kamay sa aking katawan ay sumakto na sa aking pusod ang lebel ng tubig.

“Pusod! Pusod!” sigaw ko. Tuwang-tuwa ako dahil hindi ako naging taya.

DUMAMPOT ako ng bato. Ipinukol ko sa gawi ng ilog kung saan kami dati naglalaro. Ni hindi ito lumikha ng kilapsaw.

Sinipa ko ang putol na kahoy na bumaon sa dating buhay na ilog.