Ni Ernesto Lawagan

ARAW-ARAW, pito hanggang walo sa bawat sampung katao sa buong daigdig ang umiinom ng kape sa almusal. Pumapangalawa sa tubig, ito ang pinaka-popular na inumin ng tao. Sa larangan ng commodity trade, pumapangalawa rin ang coffee bean (baya ng kape) sa langis sa mga produktong kinakalakal sa buong mundo. Ito ang nagpapagalaw sa ekonomiya ng mahigit sa 30 bansa, at mahigit sa isang daang milyong manggagawa sa mga third world countries ang umaasa ng kanilang ikabubuhay sa kape.

Sa Pilipinas, alam niyo ba na kahit tumatagaktak na ang pawis ng mga tao dahil sa sobrang init ng panahon ay patuloy pa rin sila sa pag-inom ng mainit na kape sa umaga man o sa hapon? Sa loob ng 300 taon, ang kape – puro, barako, instant, extra-strong, 2-in-one, 3-in-one, herbal o exotic – ang pangunahing inumin ng mga Pilipino saan mang panig ng kapuluan.

Kasaysayan

Marami nang naisulat na tala at kuwento tungkol sa kung saan nagmula ang kape. Ang isa ay sa bulubundukin ng Southwestern Ethiopia, kung saan ang pananim na kape ay malawak na tumutubo bago pa ang ika-13 siglo. Katunayan, isang paulit-ulit na kuwento ang nagpalipat-lipat na sa mga bibig ng mga manunulat at tagatala ng kasaysayan. Ito ay tungkol sa isang mullah o Muslim religious teacher, na nakapansin sa kaniyang mga alagang kambing na tila sumobra ang sigla at gilas matapos kumain ng mga dahon at baya ng kape. Nang painumin niya ang kaniyang mga tagasunod ng pinaglagaan ng dahon at baya ng kape, naging alerto sila sa kanilang panggabing pananalangin. Ang isa pa ay sa Yemen kung saan ang nilagang pinatuyong butil ng baya ng kape ay iniinom na ng mga tagasunod ng Sufi, isang Islamic religious practice, bago pa ang ika-15 siglo.

Ang kape ay unang kinilala bilang isang inuming Muslim, datapuwa’t nang ito ay maging popular sa Europe, idineklara ito ni Pope Clement VIII bilang isang “Christian beverage” noong 1600. Una niya itong tinawag na “Satanic drink” subalit nang matikman, kaniya itong binasbasan at sinabing “napakasarap” at “higit na mabuti itong inumin kaysa alak.” Noong 1777, mahigpit na ipinagbawal ni Haring Frederick ng Prussia ang pag-inom ng kape dahil lubha itong nakabawas sa bentahan ng serbesa.

Ang salitang “kape” o “coffee” sa English ay maraming iba’t ibang etymologies o palaugatan. Ito ay pumasok sa English language mula sa salitang Italyano na caffe, na nagmula naman sa Ottoman Turkish na kahve. Ito naman ay halaw sa Arab qahwah, na hiniram sa salitang kahvah ng Ethiopia, na nagpapahiwatig na ito ay mula sa Kaffa, ang pangalan ng bulubunduking kabayanan kung saan unang napansin ang naturang halaman. Sa Pilipinas naman, pumasok sa katawagan ang salitang “kape” mula sa Hindu kaphee nang ito ay ipakilala sa mga Pilipino ng mga mangangalakal mula sa India.

Mula sa Ethiopia, dinala ang kape sa Yemen at Somalia, at kumalat sa Arabian region at sa buong Gitnang Silangan, pagkatapos ay sa Turkey, South Asia at Continental Europe. Nakarating ito sa India noong 1670, at dinala naman ito ng mga mangangalakal na Hindu sa Southeast Asia kabilang ang Pilipinas. Sinasabing mga mangangalakal na Muslim at Hindu ang nagdala ng kape ng bansa, una ay ang Arabica at sumunod ay ang Liberica. Mula pa ng unang bahagi ng 1700, mayroon nang tumutubong dalawang uring pananim na kape – Arabica at Liberica – sa kabundukang ng Northern Luzon, mula Ilocos Region hanggang sa kabuuan ng Cordillera.

Isang kabalintunaan ng kasaysayan na sabihing ang kape sa Pilipinas ay nagsimula sa Batangas, bagama’t noong kalagitnaan ng ika-18 siglo itinuturing na “coffee capital” ng bansa ang lalawigan. Ang mga Kastila ang nagdala ng kapeng Arabica sa Batangas subalit ng mga panahong iyon malawak nang tumutubo ang kape sa Northern Luzon at Mindanao. Noon namang 1880s, halos nalipol ng coffee rust disease ang mga pananim na kapeng Arabica sa Batangas. Matapos nito, nagdala ng kapeng Liberica sa Batangas ang mga mangangalakal mula sa Northern Luzon. Ang Liberica ay higit na matibay laban sa coffee rust disease kaysa sa Arabica. At dahil dito at sa higit na matapang na lasa ng Liberica, tinawag itong “Kapeng Barako” at nang lumaon ay “Kapeng Lipa” ng mga taga-Batangas.

Kape sa Pilipinas

Humigit-kumulang 190 taon na ang nakakaraan, ang Pilipinas ay itinuturing na pang-apat sa pinakamalaking coffee producer sa buong mundo. Mula 1960s hanggang sa kalagitnaang bahagi ng 1980s, ang kape ay isa sa top exports ng Pilipinas at nabibilang ang bansa sa top 15 coffee producers sa international market. Sa paglipas ng panahon at sa kakulangan ng suporta ng pamahalaan, bumagsak ang production ng kape at dumating pa sa punto na kinailangang mag-angkat nito upang matugunan ang pangangailangan ng bansa.

Nauna pa ang Pilipinas na magkaroon ng pananim na kape kaysa sa Brazil. Noon lamang 1727 nakilala sa Brazil ang kape at nagsimula ang commercial cultivation nito noong 1822, subalit sila ngayon ang pangunahing producer ng kape sa mundo.

Ang Pilipinas ay nasa loob ng tinatawag na “World’s Coffee Belt,” na kahugis ng numero otso na nagsisimula sa Brazil (pinakamalaking coffee producer) at kalapit-bansa nito na Colombia (pangatlo na pinakamalaki) at umikot patawid ng Pacific Ocean at China Sea tungo sa Vietnam (pangalawa) at Indonesia (pang-apat), at paikot na muli sa India (pangwalo) at tumawid sa Asia Minor at Gitnang Silangan patungo sa East Africa kung saan naruroon ang Ethiopia (pang-anim) at Uganda (pansampu) at pabalik sa South America sa bansang Peru (pampito) at Central America sa mga bansang Honduras (panlima) at Guatemala (pangsiyam). Ang Pilipinas ay naglalaro sa pagitan ng ika-29 hanggang ika-32 puwesto.

Lahat ng tatlong popular species ng tanim na kape ay tumutubo sa Pilipinas: Arabica (pangalang-agham Coffea arabica), Liberica (Coffea liberica) at Robusta (Coffea canephora). Ang Excelsa na meron din sa Pilipinas ay hindi pang-apat na specie; ito ay variety lamang ng Liberica.

Sa Pilipinas, ang pinakamalaking coffee producers ayon sa pagkakasunod-sunod ay ang Sultan Kudarat, Mountain Province, Benguet. Ilocos Sur, at Batangas. Malawak din ang pananim na kape sa Kalinga-Apayao at Bukidnon. Samantala, ang bayan ng Amadeo sa Cavite ay itinuturing sa kasalukuyan na sentro ng organic coffee production.

Ang pinakamahal naman na kape na kung tawagin ay “kapeng alamid” ay inaani sa bulubundukin ng Northern Luzon. Tinatawag din itong kape ti motit ng mga Ilocano, at kapeng Sagada o kapeng Bondoc sa Mountain Province. Ang halaga nito ay umaabot ng 500 dolyar kada kilo. Bago pa man ito sumikat at maging “hype” sa Mindanao at sa karatig-bansa natin na Vietnam, Indonesia at Malaysia, ang mga Ifugao at Igorot ay umiinom na ng ganitong uri ng kape.

Alam niyo ba na sa sobrang popular ng kape sa Pilipinas, ito ay nabanggit sa mahigit 300 tula at awit? Hindi lang iyon, nailagay na rin ito sa kalendaryo, postage stamps at postcards. Walang lungsod o lalawigan sa Pilipinas na hindi ka makakikita ng nagtitimpla ng kape.

Nakabubuti ba o Nakasasama sa Kalusugan?

Magsaya ang mga mahilig sa kape, dahil sa mga makabagong pagsasaliksik ito ay napatunayang nakabubuti sa kalusugan. Subalit dapat linawin nating mabuti ito.

Sa mga pag-aaral na ginawa mula 1960s hanggang 1990s, sinasabing hindi ito nakabubuti sa kalusugan. Ang kulang sa ginawa nilang pag-aaral noon ay ang epekto ng mga bagay na inihahalo sa kape at ang proseso ng paggawa ng iba’t ibang inuming kape bago ito nai-package. Hindi rin isinaalang-alang ang mga control factors katulad ng kung ang isang umiinom ng kape ay naninigarilyo at kumakain ng tama.

Mula 1990s, nang ang mga pagsasaliksik ay naging moderno at subject specific, napatunayan na ang black coffee kung iinumin nang walang halong additives, tunay ngang mabuti ito sa kalusugan. Kaya natuon ang pansin sa mga additives na katulad ng asukal at krema, at sa iba’t ibang proseso ng paggawa ng inuming kape.

Napatunayan din na ang caffeine sa kape, kung nasa moderate quantity, ay nakabubuti rin sa kalusugan. Ang black coffee ay halos walang calories. Ayon sa maraming pagsusuring ginawa sa caffeine kabilang na ang sa University of London, ang dami ng caffeine sa isang tasang black coffee ay nakatutulong pa nga bilang panunaw sa calories ng pagkain. Sa tamang dami, nagdaragdag ito ng alertness at endurance, at nagpapabilis ng metabolism. Ang tamang dami ng caffeine ayon naman sa Coventry University sa England ay anim na milligrams sa bawat kilogram ng timbang ng isang tao. Kung tatayahin, ito ay dalawang tasa para isang tao na may average na timbang na 50 kilograms.

Ang asukal (tunay man o artificial, lalo na ang refined), krema (lalo na ang whipped cream), ang iba’t ibang uri ng gatas, at iba pang flavor additives katulad ng caramel, sweetened chocolate, corn syrup, at butter ang tunay na pinanggagalingan ng fats (mga taba) at calories na siyang may masamang epekto sa kalusugan. Ang pagdaragdag ng butter ay nakasisira sa beneficial effects ng kape. Hindi rin sanhi ng insomnia ang pag-inom ng kape kundi ang asukal na pinaninimpla rito. Ang asukal ay scientifically proven na isang anti-sleep substance.

Sa marami ring pagsasaliksik, nalaman na ang pag-inom ng dalawa hanggang apat na tasa ng kape sa bawat araw sa pangkalahatan ay mabuti sa kalusugan. Ang borderline ay anim na tasa kung saan ang labis na caffeine ay maaaring magpabilis ng tibok ng puso; nagiging hyperactive ang isang tao at nahihirapan makatulog. Ang caffeine ay isa ring diuretic, na maaaring makaabala sa isang tao kung madalas ang pag-ihi.

Tungkol naman sa piyo o gout at rayuma o arthritis, marami ring kabalintunaang nailathala tungkol sa kape, manapa’y ipinagbabawal ang pag-inom nito sa mga may ganitong karamdaman. Ayon sa medical notes ng Cleveland Clinic, ang pag-inom ng black coffee ay nakatutulong pa nga sa mga may gout. Ito ay dahil binabawasan nito ang uric acid level sa katawan ng tao sa pamamagitan ng pagpapabagal ng breakdown ng purine upang maging uric acid. Pinapabilis din nito ang paglabas ng uric acid sa pag-ihi. Ang uric acid ang sanhi ng gout at ang purine naman ay isang organic compound na mula sa mga beans, peas, red meat, laman-loob ng mga hayop, shellfish, at maliliit na isda tulad ng dilis, na kapag naging uric acid sa loob ng katawan ng tao ay siyang nagiging sanhi ng piyo at rayuma. Sa iba pang pag-aaral, napansin na ang purong kape o kaya ay hinaluan ng gatas at walang anumang uri ng asukal ang pinakamainam sa mga may piyo at rayuma. Karagdagan pa na ito ay nakatutulong din bilang isang pain reliever.

Batay naman sa patuloy na pagsasaliksik sa Harvard Women’s Health Research, ang pag-inom ng tamang dami ng kape sa bawat araw ay nakatutulong mabawasan ang panganib ng type-2 diabetes, kidney stones, colon cancer, Parkinson’s disease, liver damage (cirrhosis), at nakatutulong sa pagpigil ng cognitive decline sa brain function.

Ang kakaibang aroma ng umuusok na kape ay nakatutulong naman bilang bronchodilator o pampaluwag ng pahinga. Sa iba pang pagsasaliksik na ginawa sa America, napansin na sa mga taong regular na umiinom ng kape nababawasan ng 29 na porsiyento ang pag-atake ng asthma.

Isa namang maling kaalaman na ang saging ang may pinakamaraming potassium content, sapagkat malayong higit na marami ang sa kape. Kinakailangang kumain ng 18 saging na katamtaman ang laki ang isang taong may timbang na 50 kilo sa bawat araw upang matugunan ang pangangailangan ng potassium ng katawan. Samantalang dalawa hanggang tatlong tasang kape lamang ang katumbas nito.

Sa mga bagong pag-aaral, sinasabing ang black coffee ay may higit na maraming anti-oxidants sa bawat gramo kumpara sa green tea, red wine at fruit juices. Ang purong kape ay isa ring magandang cleansing beverage at immune system booster, kaya nga ba’t ito ay pina-package kahalo ng mga herbal extracts tulad ng ganoderma at ginseng.

Ano pa hinihintay niyo? Tayo nang magkape!