Ni Aurelio G. Angeles
Sa lumang piitan, nang ikaw’y lumabas
Dawag at di daan ang unang binagtas;
Sa hangad magbalik
Sa kinalaglagan ng pigis na bahag,
Nasok ka sa loob ng dating Petrograd;
Bawa’t makarinig
Sa linilikha mong sumisidhing yabag,
Sa katahimikan ay nagbabalikwas.
Nang magbagong-anyo ang iyong katawan,
Muli kang kumilos sa pinangublihan.
At nang makalayo
Sa pinto ng moog na iyong nasaklaw
Ay sa ibang dako nagtudla ng tanaw…
May baon kang punlo
Na kapag nagsindi ay sulong pananlaw
Sa mga baybayin na nilulunsaran.
Bawa’t tuntungan mong lupa sa kanugnog
Ay nahuhubaran ang bihis na pook;
At sa kalakhan mong
Sadlakan ng dahas ay pinaluluhod
Ang ayaw humalik sa huwad na kurus;
Sa bunton ng abo,
Ang tagasunod mo ay nangakatanghod
At nangagmamatmat sa mga nalugmok!
Habang nag-aalab ang poot mong dala
May nangabuburol na buntunghininga;
Habang sumisinsin
Ang mga kaluskos ng sugatang paa
Ay may naninigid na sariwang lansa;
Habang nakatingin
Sa gitna ng hapag ang puyat na mata
Ay nag-iiringan ang drago’t agila!