Ni U Z. Eliserio
HINDI naman siya nahirapan sa paghahanap nila sa bata. Sabi ni Albert, mahihirapan sila kasi wala sa waze ang barangay. Sabi naman ni JB, sige, tumuloy sila, pero malamang kakainin sila ng mga sigbin. “Barangay Sigbin!”sabi pa nito habang pinapainit ang makina ng kotse.
Barangay Sigbinang pangalan ng barangay, at, bagaman wala sa waze, hindi naman sila nahulog sa bangin o nakain ng mga aswang sa paghahanap nito. Pamilyar naman si Albert sa Sta. Maria. Lumampas lang sila nang kaunti sa eskwelahan na binigyan ng donasyon ng banko (ang palagiang landmark ni Albert). Natakot si Aiko nang lumampas sila sa Garden of Peace, ang huling lugar na kilala niya. Pero tuloy-tuloy lang sila sa Norzagaray. May ilang lubaking kalsada, may ilang bigotilyong tambay na ayaw magbigay ng direksiyon, may ilang asong ayaw umalis sa daan, nagbabanta ba ang mga ito o nagmamalasakit? Pero natunton nila ang Barangay Sigbin. Mula sa arko, madali na nilang nahanap ang bahay ng bata. Kilala ito sa lugar nila.
Gusto lang ni Aiko na gumawa ng content. Si Albert, gusto lang mag-drive nang mag-drive. At si JB, kahit saan hatakin ng pinsan, sasama. Kaya ayun, hinanap nila ang bata.
Mahirap maging foodie vlogger. Unang-una, nanaba na siya. Kain siya nang kain, mula cup noodles hanggang crispy pata. Huli na nang masabihan siyang huwag kainin ang tapoica sa milk tea. Mas malala ang asukal, pero hindi rin naman nakakabuti sa kanyang kalusugan ang cholesterol. Pero ang mas mahirap ang palagiang paghahanap ng content. Pag na-feature na niya sa kanyang channel ang isang kainin, kung wala silang bagong idinagdag sa kanilang menu, hindi niya puwedeng balikan. Si Albert ang nagsabing gawin niyang “tungkol sa tao.” Ibig sabihin, imbes na puro lang pagkain ang bida, mag-interbyu siya ng mga may-ari at cook. Iyon daw ang magiging bentahe niya sa iba. Sila, kumakain lang ng lechon kawali. Siya, magiging kaibigan pa ang nagluto nito. Siya raw ang magiging Jessica Soho ng social media. Kapuso Mo, Aiko Holdon. (“Hindi catchy,” sabi ni JB, na para bang alam kung ano ang papatok at hindi.)
Kaya hinanap nila itong bata. Bata cook, nakakatuwa! Nine pa lang, pero nagluluto na ng pata. Tatay nito ang nagtataga sa pata, pero ito ang nagse-season, ito ang nagsasandok ng kumukulong mantika, ito ang naghahango. Hindi malaman ni Aiko kung bakit hindi nag-viral ang post nito sa TikTok, pero iyon din ang kanyang pitch sa mga magulang ng bata. “Gusto ko pong i-amplify ang kanyang presence sa Internet,” sabi niya sa mga ito. Sige raw. Bisita raw sina Aiko. Paglulutuan daw sila ni Joshua.
Naging matagumpay naman ang pagbisita nila. Mabait ang mga magulang ni Joshua, isang dating seaman ang tatay nito, at homemaker naman ang nanay. Magiliw na bata si Joshua, at tila ipinanganak sa harap ng camera. May mga sandali na ito na nga ang nagdi-direct sa tatay. (“Dito po ang camera,” “Take two po tayo”). Grade 2 na ito sa lokal na eskwelahan. Paboritong subject nito ang science. Pangarap daw nitong maging engineer. May dalawa itong kapatid. Ang ate nito ay sampung taong gulang na, at ang bunso nila ay isang shi tzu. Dinadamihan na nila ang mga post ni Joshua na kasama ang aso, pero hindi pa raw nila malalaman kung may positibo itong epekto hanggang hindi nila ginagawa ng dalawang buwan. Kung sakali raw, baka gawan nila ng sariling channel ang shi tzu, na Joshua rin ang pangalan.
Masama ang balitang natanggap niya tungkol kay Albert. Nagkulong daw ito sa kuwarto. Ayaw lumabas…
Isa pang nagustuhan ni Aiko kay Joshua, iyong tao, hindi iyong aso, napakasarap nitong magluto! Mapaso-paso siya, pero tulo laway din siya sa lechon kawali nito. Dapat ay nagdidyeta siya, pero nakatatlong tasa siya ng kanin. Nakatulong din na buhaghag ang kanin nina Joshua. Ayaw na ayaw ni Aiko sa malatang kanin. Lagi niyang sinasabi, kung gusto niya ng malata, e di kumain na lang siya ng biko.
Siya rin ay kinuhanan ng video ng pamilya ni Joshua. Isa iyon sa kondisyon nila, kailangan ay may sarili silang bersyon ng kanyang pagbisita. Normal naman iyon sa mundo ng vlogging. Alam ni Aiko na makakadagdag pa nga ito sa views at subscribers niya. Iyong mga makakapanood sa pagbisita niya sa channel ni Joshua na fan ng bata, pupunta sa channel niya bilang pagsuporta, at sa pagbabasakaling may dagdag na footage na hindi naisama sa “main” channel.
Hapon na nang matapos ang kanilang “shooting.” Busog na busog pa rin si Aiko, kaya kahit makapal ang mukha ni JB, tumanggi na siya sa alok nina Joshua na magmeryenda sila. Isa pa, trapik sa bypass road ng Sta. Maria, dahil malapit ito sa toll booth ng NLEX.
Pauwi, nadaan sila sa isang simbahan. Trapik, tulad ng inaasahan. Lumabas si JB ng kotse para bumili ng puto-bumbong. Matabang daw, sabi ni Albert. Hindi naman mahusgahan ni Aiko. Hindi naman siya mahilig sa puto-bumbong.
Gabi na sila nakauwi. Mabagal magmaneho si Albert, kaya nga ito ang paborito niyang driver. Aktibo pa ang utak niya, kaya nagdesisyon siyang simulan na ang pag-edit ng mahaba-haba ring video. Ito ang hindi nakikita ng mga taong mahilig sa reels. Akala ng mga ito, dahil isang minuto lang ang video, isang minuto lang ang kailangan para magawa ito. Ilang tao na rin ang sinubukan niyang debatehin tungkol dito, lalo na noong uso ang Asoka challenge. Sa huli, siya rin ang sumuko.
Tulog na ang kanyang mga magulang kaya nakaiwas siya sa sermon. Bukas sa agahan, combo siguro ang matatanggap niya. Mula sa kanyang nanay, tungkol sa pagsama sa mga lalaki nang dis oras ng gabi. Mula sa kanyang tatay, tungkol sa paghanap ng tunay na trabaho. “Graduate ka ng nursing!” sasabihin nito. Kailangang laging ipaalala ni Aiko, hindi siya lisensyado. Hindi niya alam kung sino sa kanilang tatlo ang pinakamatinding sanhi ng sakit ng ulo.
Mula sa kanyang kuwarto, tanaw niya ang Christmas lights sa kanilang terrace. Inabot siya ng madaling-araw. Masaya rin kasing balikan ang nangyari, lalo na iyong bloopers. Nakatulog siya sa desk isang beses, at natapon ang iniinom na kape. Buti na lang hindi nabasag ang tasa. Kahit na may ganitong bulilyaso, natapos niya ang post. Nakangiti siyang humiga sa kama, kontento dahil nai-schedule post na niya ang kanyang “Bisita kay Joshua — Espesyal na Lechon Kawali!”
Kinabukasan, tulad ng inaasahan, nag-away sila ng mga magulang niya. Talo siya, wala namang comeback sa “Magbayad ka ng renta.” Hindi naman siya iyong uri ng Gen Z na makapal ang mukha ang sinasabing obligasyon ng mga magulang niyang pakainin siya kasi hindi naman niya piniling ipanganak sa mundo.
Kaya sa sumunod na linggo, tumulong siya sa puwesto nila sa palengke. Nakapag-vlog pa rin naman siya, “Meryenda Week” ang naging tema. Nasorpresa siyang nagustuhan niya, sinserong nagustuhan, ang turon with ice cream.
Buong linggo rin niyang binantayan ang “Bisita kay Joshua.” Lunes niya ito pinost. Tulad ng inaasahan, marami ang nanood sa unang tatlong araw, pagkatapos ay bumaba. Baka nga tama si Albert, kasi 30% mas marami ang nanood dito kaysa sa normal o average niyang post. Nag-message siya rito ng pasasalamat, pero hindi ito nag-reply. Tinawagan niya ito, pero hindi sumagot. Busy siguro ito, isip niya. Busy din naman siya. Kung puwede nga lang maging manananggal para magawa niyang mag-multitasking. Sa pagitan ng paghahanap ng kakaibang meryenda, pag-shoot at pag-edit, at paghahanap ng iba-ibang size ng damit, kailangan pa nga na hatiin sa apat ang katawan niya.

Sabado nang puntahan siya ni JB sa puwesto nila sa palengke. Hindi siya nagtakang hindi siya kinausap nito ng buong linggo. Madalang ito sa social media, at ipinagmamalaki pa nga ang “dumb phone” na Snake lang ang tanging laman para aliwin ang sarili. Nagmano ito sa nanay ni Aiko, seryoso ang mukha. Takang-taka si Aiko, dahil hindi pa niya ito nakikitang hindi nakangisi. Nagpaalam siya sa nanay niya, na sumimangot, at dinala niya si JB sa tindahan ng turon. Kung may masama itong balita tungkol sa pinsan, mainam nang may ice cream si Aiko.
Masama nga ang balita nito tungkol kay Albert. Nagkulong daw ito sa kuwarto. Ayaw lumabas.
Malaki ang naging mga kagat ni Aiko sa turon. Panay niya ang subo niya ng ice cream. Nang hindi tumitingin si JB, pumuslit siya nang kaunti mula sa plato nito.
“Hindi ko alam kung ano ang problema niya. Pagkahatid namin sa iyo, nag-aya pa siyang uminom. Ako naman, go.” Panay ang tingin ni JB sa paligid. Hindi pa yata nakakapunta sa palengke ang lalaki buong buhay nito. “Bili kaming beer. Bumili siya ng tsitsaron. ‘Kako, tsitsaron kaka-lechon kawali lang natin. Alam mo naman iyon, wala raw basagan ng trip.”
Sa bahay daw sila nag-inuman. Nagbago raw ang mood ni Albert pagkakagat ng tsitsaron. Akala ni JB, makunat. “Pero hindi. Kumagat ako. Masarap naman.” Ngayon naman nakikipag-away ito sa langaw. “Malutong. Medyo maanghang. Bagay na bagay sa beer.”
Tumango si Aiko. Hindi pa naman siya nakakainom ng beer buong buhay niya. Solid GG siya (gin girl).
“Ewan ko do’n, bigla na lang nang-iwan. Matutulog na lang daw siya. Noong Lunes, tinawagan ako ni Tita. May nangyari ba daw? Pumunta ako sa kanila.” Habang nagkukuwento, inilabas ni JB ang pitaka, tila nagbilang ng pera, ibinulsa ito, pagkatapos ay inilabas ulit.
“Ano ba iyan, bakit di ka mapakali?” Hindi na itinago ni Aiko, hinati niya sa dalawa ang turon ng lalaki.
Ngumiwi ito. Kumutsara ito ng ice cream. “Matamis ba?”
Dinilaan ni Aiko ang sariling kutsara. “Ice cream, malamang matamis.”
Kumagat si JB sa turon, maliit lang. “Baka p’wede mo siyang puntahan? Baka ikaw, kausapin niya. Ngayon lang kasi nangyari iyon. Para siyang, ano, nag-breakdown?” Tumayo ito at nag-ayos ng silya, saka umupo ulit. “Ngayong gabi?”
“Oo naman. Ito talaga. S’yempre.” Ang wirdo talaga ni JB pag hindi kasama si Albert.
“Salamat. Salamat.” Kinamayan pa siya nito bago sila maghiwalay, akala mo hindi sila magkaibigan.
Pabalik sa puwesto nila, binilhan ni Aiko ng bibingka ang nanay niya. Busangot ito pagdating niya, pero lumambot nang kaunti ang mukha nang iabot niya ang kahon. Rumelyebo si Aiko para makapagpahinga ito.
“Pakahon-kahon pa sila. Dati plastik lang ito.” Naubos nito agad ang bibingka, maliit lang kasi. Inabot nito ang kahon kay Aiko. “Oy, ‘wag mong itapon, tinirhan kita.”
Sinilip ni Aiko ang kahon, may isang slice pa nga sa loob. Nagpunas niya ng kamay sa pantalon. Nilunok na lang niya ang piraso. Noon pa man ayaw na niya sa bibingka, na kinaiinis ang nanay niya, na paborito ito.
Malakas ang benta nila, buti na lang. Sa tricycle pauwi, nagpaalam siya sa nanay niya. Magsisimba siya sabi niya. Alam niyang alam nitong nagsisinungaling siya, pero dahil good mood, pumayag ito. Nagbihis pa siya at naligo, para lang ituloy-tuloy ang pagkukunwaring alam naman niyang alam ng nanay niya na pagkukunwari.
Para hindi naman todo-todong isumpa ng Diyos, dumaan siya sa simbahan bago tumuloy kina Albert. Hanggang sa labas lang siya. Ipinagpasalamat niya na naging maganda ang resulta ng pagtitiyaga niyang taasan ang kalidad ng kanyang content. Malamig ang simoy ng hangin. May saya ang bawat damdamin.