Ni Luis Gatmaitan
“WRITE your grief, Luis.”
Gayon ang iniwang salita sa akin ni Evelyn Miranda-Feliciano, ang kilalang evangelical Christian author, nang pumanaw ang aking ama. Ito ang mga katagang isinulat niya sa isang card na iniabot niya sa akin nang panahong matindi ang aking nararamdamang pighati sa pagkamatay ni Tatay. Matapos kasing ma-diagnose si Tatay na may leukemia, nagkaroon siya ng pulmonya na nagpabilis sa kanyang buhay. Compromised na ang kanyang immune system noon kaya hindi na makalaban pa ang katawan. Sisimulan pa lang sana ang chemotherapy session ni Tatay batay sa payo ng kanyang internist-oncologist pero binawian na siya ng buhay.
Mabilis ang pangyayari. Hindi ko pa napo-process ang diagnosis ni Tatay pero nakatakda na pala siyang bawian ng buhay. Gusto kong magalit. Gusto kong magtampo. Gusto kong magwala. Gusto kong takasan ang lahat. Katunayan, ginawa kong matulog na lang nang matulog para malimutan ang reyalidad ng kanyang malubhang sakit. Pero magigising pa rin ako at halos ma-torture kapag naisip na maaaring lumisan na si Tatay. Pinanghihinaan ako ng loob. Ayokong isipin man lang na papanaw na si Tatay.
Kung magbabalik-tanaw ako sa mga nangyari, naisip kong sa lahat ng pagkakataon – lalo na sa isyu ng kamatayan – ay makasarili tayo. Ayaw nating mamatay ang isang mahal sa buhay sapagkat ayaw nating maulila. Ayaw nating maramdaman ang walang katulad na lungkot. Ayaw natin na may kulang. Dapat ay laging kumpleto. Madalas kaysa hindi, mas pinipili pa nating makitang nakakabit ang iba’t ibang aparato at life-support devices sa mga minamahal. “Basta’t buhay lang siya. Basta’t humihinga lang siya. Ayos na ‘yun.” Puro patungkol ito sa atin at sa ating mga nararamdaman. Kung iisipin natin, sa panig kaya ng taong may malubhang karamdaman, ano kaya ang mas nais nila? Tayo ang ayaw bumitaw. Ganoon yata talaga ang nagmamahal. Nahihirapang bumitaw. Madalas, hindi praktikal ang taong nagmamahal – sa pag-ibig man o sa kamatayan.
Edad 54 pa lamang si Tatay noon. Hindi pa siya matandang tingnan. Hindi pa pumuputing lahat ang kanyang buhok. Pero iniwan na niya kami. Kasabay ng mga ulan at bagyo ng Oktubre, lumisan si Tatay at inulila kaming limang magkakapatid. Hindi ko naisip na maaga siyang papanaw. Akala ko’y makikita ko pa siyang tumanda. Akala ko’y marami pa kong titipuning alaala kasama siya. Akala ko’y sabay silang tatanda ni Nanay habang ini-enjoy ang bunga ng kanilang mga pinaghirapan. Kung may pampalubag man sa loob ko, ito ay ang nakaranas naman siyang mag-alaga ng dalawang apo (salamat sa kapatid kong nurse na siyang unang nag-asawa sa amin).


Kay rami kong tanong noon (na dahil sa di ko malaman kung kanino itatanong) ay sa Panginoon ko ipinukol. Bakit ‘kako hinayaan niyang magkasakit nang malubha si Tatay? Bakit sa lahat ng klase ng leukemia, ang napunta kay Tatay ay ang pinakamalubhang klase: ang Acute Myelogenous Leukemia (AML)? Bakit hindi Niya gawan ng paraan dahil Siya naman ang Panginoon? Alam kong hindi marapat na magtanong sa Kanya ng mga ganitong bagay. Ano ang karapatan ng isang palayok na magtanong sa Dakilang Magpapalayok sa kung ano ang plano nito para sa kanya? Bagama’t tinatanong ko Siya, bagama’t nagtatampo sa Kanya, sa Kanya rin naman ako umaamot ng lakas para malampasan ito.
“Write your grief, Luis.” Paano nga ba isinusulat ang pamimighati sa isang mahal sa buhay na lumisan? Lilipas pa ang mahigit isang taon mula nang sabihin ni Mrs. Feliciano sa akin ang mga katagang ‘yun bago ko naisulat ang isang booklet tungkol sa paglisan ng mahal kong Tatay: ang ‘Sa Panahon ng Taglagas’ na nagkaroon din ng salin sa English na ‘Tears for a Season.’ Inilathala ito ng OMF Literature Inc. maraming taon na ang nakalilipas. Nais ng naturang publishing house na magkaroon ng maikling babasahin, sa anyong booklet, na tumatalakay sa paksang kamatayan at kung paanong harapin ito. At gusto nilang sa kontekstong Pinoy nakasulat.
Totoo, may mabibili nga namang aklat na tumatalakay sa grief o pagdadalamhati ngunit ito’y pawang nakalathala sa ibang bansa. Bagama’t unibersal naman ang karanasan ng kamatayan at pagdadalamhati, iba rin kapag ang konteksto ng aklat ay Pinoy. Iba-iba ang kultura ng bawat lahi at iba-iba rin ang paraan natin nang pagharap sa pagdadalamhati. Nais ng OMF Literature na magkaroon ng babasahing maaaring ipambigay ng mga taong dadalaw sa mga kaanak na naulila. Bukod sa nakagawiang pagbibigay ng bulaklak, mass card, at abuloy, ninais naming makapaglathala ng isang munting aklat sa kung ano ang dinaanan ng isang tao nang sumuong siya sa dalamhating dulot ng kamatayan ng isang mahal sa buhay, nagbabaka-sakaling ito’y makatulong sa mga babasa.
Ang children’s book author na si Grace Chong ay naglathala ng isang aklat pambata tungkol sa pagdadalamhati. Paano ba natin maipapaunawa sa mga bata ang reyalidad na ito lalo na kung miss na miss na nila ang namatay na kaanak? Sa kuwentong “Dump Truck in my Heart” na inilathala ng Hiyas Books ng OMF Literature, nagtataka ang batang bida kung bakit kailangan nilang maghanda at magkita-kita hustong isang taon matapos mamatay ang kaniyang lola. Babang-luksa kung tawagin natin. Ayaw niyang makisali sa magaganap na reunion ng angkan. Hindi na raw ba nila mahal ang lola nila kaya waring sila’y nagsasaya? Sa puso ng batang bida, nandoon pa rin ang dump truck sa loob ng puso niya. Mabigat. Nakaparada roon. Kinailangan nilang alalahanin bilang isang angkan ang mga mabubuting bagay kaugnay sa naturang lola para unti-unting umusad paalis ang nakadagang dump truck sa puso ng batang bida.
Kahit kailan, hindi madaling talakayin ang paksa patungkol sa kamatayan. Madalas ay iniiwasan ng nakatatanda na magpaliwanag sa bata kapag may isang kaanak na namatay. Mas madali pang banggitin na ‘nasa langit na si lola’ o ‘natutulog lang si lola’ kaysa sabihing namatay na ito. Sa aklat ni Jacqueline Franquelli na pinamagatang ‘Paborito ni Lola ang Lila’ (na inilathala rin kamakailan ng OMF-Hiyas), pinaglaruan ng awtor ang konsepto ng kulay, partikular ang kulay lila, upang maipaabot sa mambabasa ang reyalidad ng pagdating ng kamatayan. Aaminin ko, hindi ko paboritong kulay ang lila. Nalulungkutan kasi ako rito. Noong bata pa ako, upod na ang ibang kulay ng krayola ko ngunit ang lila ay nananatiling buo pa rin. Pero sa kuwentong ito, itinampok ng awtor na ito ang paboritong kulay ni Lola. Nakaaaliw na ipinakita niya sa atin sa kung paanong ang daigdig ng naturang lola ay umiikot sa kulay lila — mula sa kulay ng kuwarto hanggang sa mga pang-araw-araw niyang gamit (at maaaring hanggang sa suot niyang damit sa langit!). Napalitan ng malinamnam na ube at masarap na puto bumbong ang imahen ng malungkot na kulay lila!
Ano ang karapatan ng isang palayok na magtanong sa Dakilang Magpapalayok sa kung ano ang plano nito para sa kanya? Bagama’t tinatanong ko Siya, bagama’t nagtatampo sa Kanya, sa Kanya rin naman ako umaamot ng lakas para malampasan ito.
Pero sa kuwentong ito, maingat na hinawakan ni Jacqui Franquelli ang paksang ito. Sa kuwentong ito na nasa anyong berso, naipakita ng awtor ang hindi napapatid na relasyon ng maglola sa kabila nang pagpanaw ng isa sa kanila. Kailangan natin ng mga ganitong aklat na tutulong sa mga bata’t kabataan kung paano haharapin ang dalamhati kaugnay ng paglisan ng isang mahal sa buhay. Magandang maipaunawa sa kanila, kahit sa mura pa nilang gulang, ang reyalidad ng kamatayan. Maganda ring napag-uusapan ng buong pamilya ang paksang ito kahit hindi pa ito nangyayari sa kanilang mga minamahal.
Lahat tayo ay nakaranas nang mawalan ng mahal sa buhay dahil sa kamatayan. Magulang, anak, kapatid, asawa, kaibigan. Iba-iba ang sanhi: pagkakasakit, aksidente, karahasan, suicide. Pero ano man ang sanhi, iisa ang common dito: masakit mamatayan. Walang kasing sakit. ‘Yung sakit na di mo kayang ipaliwanag kasi’y nanggagaling sa loob. ‘Yung sakit na may pilit binubuong luha sa mata. May iniiwang guwang sa loob. Kapag naranasan mo ito, hindi mo nanaising maulit pa ito.

Nang mangyari ang pandemyang Covid-19, muli nating hinarap ang kamatayan na posibleng dala ng mabagsik na virus. Araw-araw tayong dinadalaw ng takot dahil hindi tayo nakatitiyak kung tayo na ba ang susunod na magiging biktima ng naturang virus. Kay rami nating kababayang namatay. Dahil sa ipatutupad na health protocol noon, marami ang hindi nakapagluksa o nakapagdalamhati. Sa isang iglap, ang isang kaanak, kaibigan, o kakilala ay dinagit sa atin. At wala tayong nagawa kundi lumuha.
Pansamantalang humimpil ang karaniwan nating ginagawa upang magbigay ng huling parangal sa yumao. Sa isang iglap, nilaktawan nito ang nakaugaliang paglalamay sa burol at ang paglilibing makalipas ang ilang araw. Naging birtuwal ang yakap, halik, at pag-alo. Iniwan tayong sugatan ng nagdaang pandemya. Masakit na nga ang mamatayan, lalo pang naging masakit ito dahil hindi na natin personal na madaluhan ang minamahal. Kahit na ang disenteng libing ay ipinagkait sa kanila. Kay bagsik ng ubod na liit na virus! Nagawa nitong pahintuin ang daloy ng buhay. May isang panahon na ayoko nang magbukas ng aking facebook account kasi’y puro obituary notices na lang ang nakikita ko. Nakapanghihina ng loob. Puro ‘condolences’ o mga salita ng pakikiramay ang ipinaaabot. Tatlong taon ‘yun na waring natutulog ang Diyos.
Isa pang libro ang inilathala kamakailan na buong-tapang na tumalakay sa paksang kamatayan at pagluluksa. Sa kalagitnaan ng pandemya ay inilunsad ng OMF Literature ang aklat na ‘THIS SEASON OF GRIEF.’ Isa itong antolohiya na naglalaman ng mga kuwento at sanaysay, tula, panalangin, at ilang praktikal na payo upang alalayan tayo sa dinaraanang pighati. Hindi ito madaling sulatin sapagkat kinailangang danasin ng karamihan sa mga awtor ang mawalan ng mahal sa buhay (o mawalan ng iba pang mahahalagang bagay sa buhay). Iba-iba ang kuwento nila. Iba-iba rin ang paraan kung paano nila hinarap ang naturang pagsubok. Pero ang lahat ng salaysay ay nauuwi sa kung paano napagtagumpayan ito sa tulong ng ating pananampalataya sa Panginoon.
Sa blurb ng naturang libro, binanggit na di lamang pisikal na kamatayan ang ipinagluluksa natin: “We’ve also suffered the loss of the intangibles – freedom, memories, justice, peace. We’ve also suffered the loss of the ambiguous; we know we have lost them even though we could not name them.” Kung isa-isahin ang mga lahok, mapapansing hindi lamang ang pisikal na kamatayan ang tinatalakay sa aklat na ito. Marami pa kasing ibang bagay ang nawawala sa atin. Nagdadalamhati rin tayo sa pagkawala ng ating hanapbuhay, kita (income), mga pag-aari (assets), kalusugan, at kung ano pang mga pinahahalagahan sa buhay. At sa lahat ng ito, tayo ay muling sumusuong sa ‘season of grief.’
Ibinahagi ng mga staff ng OMF Literature ang napakarami nilang natanggap na tawag mula sa mga mambabasa lalo na noong katindihan ng pandemya, naghahanap ng aklat na tumatalakay sa ‘grief’ o pagluluksa. Kailangan nila ng kaakbay at kaagapay sa mga nangyayari. Ang isang aklat ay puwedeng magsilbing kanlungan, isang refuge. Kapag nakabasa tayo ng testimonya o pagbabahagi ng karanasan ng ibang tao tungkol sa paksang ito, at nakita nating nakaahon sila mula sa pagdadalamhati, tayo man ay lumalakas ang loob na makakaigpaw rin tayo sa malungkot na karanasang ito.
May isang bagay na hindi kayang gawin ng kamatayan: hindi nito kayang kitlin ang matatamis na alaalang pinagsaluhan ng isang nabubuhay at isang yumaong minamahal.