Ni John Carlo S. Gloria
Ganito lagi ang mukha ng umaga:
Sa harap ng coffee maker,
marahang-marahan
tatanggalin ang kahapong paper filter.
Basa pa subalit wala nang init. Itatapon
para palitan ng bago.
Kung bakit kahit nababasa, hindi ito nagugutay?
Dalawang punong scooper ng kape ang itataktak.
Magsasalin ng dalawang basong tubig,
para sa dalawang tao.
Masuyong panonoorin ang mga patak,
sing-itim ng ulap. Panahon na ng tag-ulan.
Lalagos kaya ang matutulis na tikatik sa bukbuking bubong?
Hindi dapat umagos ang kape sa labi ng lalagyan.
Aroma ng kape at sulasok ng alimuom,
laging pagtatagpo ng magkaiba.
Sasalinan ng kape ang tasa,
hanggang sa bumbunan ng hawakan sa gilid.
Dalawang kutsaritang asukal,
Limang beses na paghalo. Saka titikman.
Estrangherong tuwina sa dila ang lasa ng tubig-ulan.
Bibitbiting pabalik sa kuwarto
ang bagong timplang kape.
Sa kama, sa tabi ng nakakulapol pang kumot,
unang dadamputin ang lumang polo.
Kinupasan na ng panahon
Ngunit hindi ng masasamyong gunita.
Ragasa ng mga alaala, daluyong ng damdamin.
Marahan itong idadantay sa binti.
Papantayin ang kuwelyo’t papatagin ng kamay.
Patayong itutupi ang kanang manggas
hanggang makatagpo ng kaliwa sa gitna ng damit.
Papantayin at papatagin ng kamay.
Isang tupi sa dulo patungong gitna,
Isang panibagong tupi patungong kuwelyo –
Ritwal na tatlong beses mauulit
hanggang sa takasan ang kape ng init.
Nagpapalamig nga ba ng panahon itong ulan?
Ganito lagi ang mukha ng umaga:
Rutinaryong daigdig ng abandonadong pag-iisa.