Ni Mario S. Cabling
BUHAT sa taluktok ng kinatatayuan nilang talampas, na siyang pook na sumaksi sa masasayang araw ng kanilang kamusmusan, ay patuloy na pinagmamasdan ni Kaliyag ang mga ibong langkay-langkay na lumilipad sa kalawakan. Waring iniinggit siya ng kalayaan ng paglipad ng mga iyon sa papawirin.
“Hindi ka ba naiinggit sa mga ibong iyon, Linalig?” tanong na pabulong ni Kaliyag.
“Sa piling mo, Kaliyag, ay alin pa ang kaiinggitan kong ibang kalagayan? Pinakaiibig kita, ikaw na ang lahat sa akin!”
Marahang tumawa si Kaliyag at saka bahagyang lumayo kay Linalig. Nakatingin si Linalig sa ituktok ng bulkan.
Kasintayog ng bumbunan ng bulkang yaon ang pag-ibig niya kay Kaliyag. At naiwan siya roong hinahabi sa pangangarap ang salimsim sa isang kaligayahan at pag-ibig.
Isang malalim na buntunghininga ang nagtanan sa nagsisikip na dibdib ni Linalig. Magiliw si Kaliyag sa kanya. Mangyari, sila’y magkababata. Laging sila ang magkasama sa pagtungo sa ituktok ng gulod na yaon upang panoorin ang bulkan at ang paligid na natutunghayan. Ngunit hindi pa sinasabi sa kanya ni Kaliyag na siya ay iniibig nito. Gayunman ay umaasa siya. Marahil ay marubdob na lubha ang pag-asang iyon, at sa karubduban ay hindi makagitaw ang pag-unawa niya sa tila pagkabaliw ni Kaliyag sa pagtingala sa malalaking ibong nagsali-salimbay sa himpapawid upang ipagparangalan ang kanilang malayang paglipad sa kalawakan, isang kalayaang walang gambala, walang sansala.
Hindi itinatanong ni Linalig kay Kaliyag, kung bakit kinalulugdan at pinangingimbuluhan nito ang kalayaan ng mga ibon. Walang kapararakan kay Linalig ang mga ibon. Ang mahalaga sa kanya ay si Kaliyag, ang pag-ibig nito.
Kaya araw-araw ay inaasam niya ang kasagutan ni Kaliyag sa kanyang pamimintuho.
Isang hapon, gaya ng karaniwang mangyari sa kanila, ay katabi ni Linalig ang dalaga sa talampas na tumutunghay sa karagatan. Pabulong na nagsalita si Linalig: “Kaliyag, iniibig kita…”
Sinulyapan lamang ng dalaga si Linalig.
“Kasindalisay ng tubig sa batis at busilak na tulad ng mapuputing usok sa ituktok ng bulkang iyon ang pag-ibig ko sa iyo… Manalig ka, Kaliyag,” wika ni Linalig, isang hapong nasa gulod sila, sabay turo ng binata sa katarikan ng bulkang tila isang higanteng nagtatanod sa gawing silangan ng kanilang pulo.
“Nahihibang ka, Linalig,” nakangiting sagot ni Kaliyag sa binata.
“Walang pag-ibig ba hindi ipinaglihi ng kahibangan, Kaliyag…” ang sagot ni Linalig sa dalaga. “At ibig kong mamatay sa pagkahibang na ikaw ay iniibig ko.” Ngunit ang pamamasyal na yaon sa taluktok ng gulod upang panoorin ang bulkan ay naputol nang isang araw ay dumating si Hagkis na kapatid ni Kaliyag. Si Hagkis ay nag-aaral sa isang pamantasan sa Maynila.
Kasintayog ng bumbunan ng bulkang yaon ang pag-ibig niya kay Kaliyag. At naiwan siya roong hinahabi sa pangangarap ang salimsim sa isang kaligayahan at pag-ibig.

Bakasyon noon at sa kanilang pulo niya pararaanin ang pamamahinga. May kasama si Hagkis, isang kamag-aral niya, si Bert.
Ipinakilala ni Hagkis si Bert sa kanyang kapatid na kiming-kimi, at sa kanyang kaibigang si Linalig pagdating sa bahay nila buhat sa dalampasigang dinaungan ng bintang sinakyan ng magkaibigan buhat sa isang daungang malaki sa ibayo na siya namang dinaungan ng bapor na naghatid sa kanila buhat sa Maynila.
Si Bert, na isang makisig na binatang bihasa sa pamimihis, sa pagsasalita, pagkilos, at pakikitungo sa sinumang kausap, ay kinapansinan ni Linalig ng pagkagiliw kay Kaliyag.
At dahil sa nakikita ni Linalig na si Bert na ang parating kasama ni Kaliyag sa pagtungo sa ituktok ng gulod upang masdan ang bulkan, ipinalagay ng binatang taga-pulong iyon na napawi na sa puso ng dalagang kanayon ang kabahid-bahirang larawan ng kanyang pangalan at ang napalit ay ang pangalan ng binatang taga-Maynila.

Isang hapon ay nagkaroon ng pagkakataon si Linalig na makausap si Kaliyag. Nag-iisa noon si Kaliyag sa talampas. Nakalapit siya nang hindi namamalayan ng dalaga.
“Kaliyag,” bati ni Linalig sa dalagang nakapukol ang mga paningin sa malayo.
“Linalig,” mahina ang tinig ni Kaliyag, “hindi ko na kaiinggitan ang mga ibon sa kanilang malayang paglipad sa papawirin. Matutupad na rin ang pangarap kong makarating sa malalayong pook…”
Hindi nakasagot si Linalig. Naisip niya agad si Bert.
“Kasama na ‘ko nina Hagkis sa pagluwas nila sa Maynila. Makikita ko na ang matagal nang ibinabalita ng aking ama… ang ganda ng Sultana ng Pasig… ang matataas na bahay roon… ang gabing para ring araw sa kaliwanagan.” At saka bumuntonghininga si Kaliyag na halatang halata ang kasiyahan sa mga pangakong narinig niya kay Bert. “Sa piling ni Bert ay tatamasahin ko ang kaligayahan, Linalig.”
Isang malalim na buntunghininga ang pilit na nagtanan sa nagsisikip na dibdib ni Linalig. Noon lamang niya naunawaan ang lagi nang sinasabi sa kanya ni Kaliyag tungkol sa kalayaan ng mga ibon sa paglipad sa pawirin, ang kapangyarihan ng mga pakpak ng mga yaong madala sila sa pook na ibig na marating, at ang pangangarap sa mga pook na iba sa kanilang pulo.
“Umiibig na siya kay Bert,” ang tanging naibulong na lamang ni Linalig.
“Hindi ka ba naliligayahan, Linalig, sa mangyayari sa buhay ko?” tanong ni Kaliyag.
“Iyan ang pangarap ko, Kaliyag, ang ikaw ay maging maligaya sa buong buhay mo.”
“Salamat, Linalig…” at saka lumakad nang papalayo kay Linalig ang dalaga. Malayo na si Kaliyag nang maramdaman ni Linalig na wala na ang dalaga sa kanyang piling. Naipukol na lamang niya ang kanyang mga paningin sa malayo, na tila binabakas niya sa tagpuang-guhit ng dagat at langit ang kaligayahan ng dalagang iniibig niya. Ngunit wala siyang makitang maliwanag na kasagutan sa kanyang pagtatanong na kung doon ay maaaring matagpuan ni Kaliyag ang inaasam na kaligayahan.
At lumayo na siya kay Kaliyag; ibig niyang malasap ng dalagang iniibig ang kaligayahan. Ipinasiya niyang huwag dumalo sa parangal kina Bert at Kaliyag.
Nang hindi mabata ang malupit na dagok ng kalungkutang lalong nagpapahirap sa kanyang damdamin sa pag-iisa ay ipinasya niyang magbalik sa nayon. Muli niyang tinahak ang landas na patumpa kina Apo Lakas at inihanda na ang kanyang kaloobang sumaksi sa ginaganap na kasayahan nang biglang mayanig ang buong pulo, na sinundan ng nakatutulig na dagundong. Natigilan si Linalig. Napatingin siya sa bulkan. Ang bulkan ay tila isang higanteng nananabako, na sa bunganga ay bumubuga ang apoy at pumapailanlang ang makapal na usok sa himpapawid.
Sa pagkatigagal, pinukaw si Linalig ng malalakas na sigawan ng mga kanayong hindi magkandatuto sa paghanap ng kaligtasan. Kumilos agad si Linalig. Sinalubong ang nagtatakbuhang mga tao. Sa kanyang pagtakbo ay wala siyang hinahanap kundi si Kaliyag.
Kitang-kita niya ang pagkakasunuran nina Bert at Kaliyag sa paglayo sa pook ng panganib. Sinundan niya ang dalawa, ngunit biglang nabuwal si Kaliyag. Dinig na dinig pa rin ni Linalig ang malakas na pagtawag ni Kaliyag kay Bert, ngunit hindi napansin nito ang tinig ng dalaga na nalulunod sa magkahalong iyakan, sigawan, at dagundong ng bulkan. Nagpatuloy si Bert sa pagtakbo upang makatakas sa panganib. Ang ginawa naman ni Linalig ay pinangko ang dalaga at itinakbong papalayo sa panganib.
Parang walang pangko si Linalig sa bilis ng kanyang pagtakbo. Ibig niyang bago dumating ang bahay ng kumukulong putik ay marating niya ang dalampasigang kinaroroonan ng mga bintang siyang magagamit sa paglayo sa pulo. At habang tumatakbo siya ay nililinga ang mabilis na paggulong ng mainit na putik sa kapatagan. Lalo namang bumibilis ang kanyang mga hakbang.
Nang marating na niya ang dalampasigan ay pabulong na naitanong sa kanya ni Kaliyag kung saan naroroon si Bert. Wala siyang naisagot. Hinanap niya, ngunit buhat sa kanyang kinatatayuan ay kitang-kita ni Linalig si Bert na patakbong patungo sa dalampasigan. Napaligaw si Bert sapagkat bukod sa lito ito ay hindi nito alam ang pasikut-sikot doon. Itinuro niya kay Kaliyag ang lalaking tumatakbong iyon.
“Si Bert,” ang narinig na lamang niya kay Kaliyag.
Pagkaraan pa ng ilang saglit ay naipikit na lamang ni Kaliyag ang kanyang mga mata, samantalang isang malakas na sigaw ang narinig ng marami, na kasunod ng gumugulong na mainit na putik.
Isang kalagim-lagim na taghoy ni Bert ang pumailanlang, ngunit wala nang nakarinig sa tinig nito. Tinangay ito ng agos ng kumukulong putik. Papikit na napayakap na lamang si Kaliyag kay Linalig. Pagkatapos na tapunan ng huling sulyap ang bulkang nagbubuga pa ng apoy ay alalay si Kaliyag ni Linalig upang sumakay sa bintang naghihintay sa kanila.