Ni Luis Gatmaitan
MAGANDANG alalahanin ngayong anibersaryo ng Liwayway magasin ang naging kontribusyon ni Severino Reyes sa panitikang pambata. Sino ba ang hindi nakakakilala kay Lola Basyang? Kung ang bansang Denmark ay may Hans Christian Andersen na umakda ng 168 na fairy tales, tayo naman ay may Severino Reyes na umakda ng kay raming kuwentong pambata.
Ang ‘Lola Basyang’ ay sagisag-panulat (pen name) ng mandudula na si Severino Reyes na umakda ng dulang ‘Walang Sugat.’ Pero higit siyang nakilala nang magsulat siya ng mga kuwentong pambata sa mga pahina ng Liwayway magasin noong naging patnugot siya nito. Tinatayang aabot sa 400 na kuwentong pambata ang kanyang naisulat at nailathala sa mga pahina ng Liwayway magasin. Siya ang nasa likod ng seksiyon na ‘Mga Kuwento ni Lola Basyang’ ng Liwayway.
Ayon sa mga salaysay, madalas daw maanyayahan si Severino Reyes na maghapunan ng kanyang kapitbahay sa Quiapo, Manila, na si Gervacia Guzman de Zamora, ang matriarch ng pamilyang Zamora. Sa kanya raw ipinangalan ang tauhang ‘Lola Basyang’ nang magdesisyon si Severino Reyes na gumawa ng kolum na magtatampok sa mga kuwentong pambata. Nakita kasi niya na pagkatapos maghapunan, titipunin ni Tandang Basiang ang kanyang mga apo at magsisimulang magkuwento habang nakaupo sa silyang tumba-tumba. Masasabing ito’y bilang pag-alala na rin kay Gervacia Guzman de Zamora na namayapa noong 1925. Matatandaang naging patnugot ng Liwayway si Severino Reyes mula 1925 hanggang 1932.

Nakatutuwang malaman na ngayong 2024, halos 82 taon mula nang pumanaw si Severino Reyes, ay may isang national award na ipinangalan sa kanyang alaala – ang The Severino Reyes Medal: Parangal sa Pinakamahusay na Aklat Pambata. Ito ay pagkilala sa mga katangi-tanging aklat pambata na nalathala. Ang award na ito ay itinataguyod ng International Board on Books for Young People (IBBY)-Philippines, ang pambansang sangay ng international organization na IBBY. Ito’y sa pakikipagtulungan na rin ng National Library of the Philippines.
Matagal nang napag-uusapan na sana’y magkaroon ng award patungkol sa aklat pambata’t pangkabataan (children and young adults) na mismong ang mga librarians ang mamimili. Sa Amerika, mula pa noong 1944, ay nandiyan na ang American Library Association (ALA) na nagbibigay ng ALA Notable Book award para sa mga aklat na pambata at young adult. Ito’y itinataguyod ng Association of Library Service to Children (ALSC), isang dibisyon ng ALA. Lahat ng manunulat ng aklat pambata’t pangkabataan ay nangangarap na mapabilang ang kanilang libro sa listahan ng mga pinipili nila taon-taon. Prestihiyoso ang naturang award.
Salamat at naisakatuparan ito sa Pilipinas sa pamamagitan ng IBBY-Philippines. Noong Abril 2, 2024, ginanap ang kauna-unahang THE SEVERINO REYES MEDAL awards sa National Library of the Philippines bilang tampok na gawain sa pagdiriwang ng International Children’s Book Day na idinaraos sa buong daigdig tuwing ikalawa ng Abril (April 2). Ang award na ito ay ‘parangal para sa mga pinakamahusay na aklat pambata.’ Ayon kay Cesar Gilbert Adriano, Direktor ng National Library of the Philippines, “nakakatuwa na involved ang mga librarians sa pagpili ng mahuhusay na aklat pambatang nalathala. Siyempre, nakasuporta dito ang ating Pambansang Aklatan.”
Hindi madali ang pagpili ng librong pararangalan sapagkat napakaraming aklat pambata ang nalathala sa nakaraang sampung taon. Isang dekada raw kasi ang naging sakop ng mga nalathalang librong pagpipilian sa kauna-unahang pagkakataon na magbibigay sila ng gawad. Ang mga librarians ng ating bansa ang naging mga hurado. Kinailangang maki-partner ang IBBY-Philippines sa mga propesyunal na library organizations gaya ng Philippine Librarians Association Inc. (PLAI), Philippine Association of School Librarians Inc. (PASLI), at ang Association of Librarians in the Public Sector (ALPS) para sa award na ito. Alam naman natin na napakahalaga ng ginagampanang papel ng mga librarians sa pagtataguyod ng reading habit ng mga estudyante. Siyempre, nandiyan din ang suporta ng National Book Development Board (NBDB) at ang mga kaanak ni Severino Reyes.
Dumalo sa naturang award ang mga ‘apo sa tuhod’ (great grandchildren) ni Severino Reyes. Lahat sila ay may baong masayang kuwento na nagpapasa-pasa na sa ilang henerasyon ng kanilang angkan. ‘Lolo Binoy’ pala kung tawagin nila si Severino Reyes. “Hindi namin inakalang ganoon pala katindi ang iniwang impact ng mga akdang pambata (at mga zarzuela) ng aming Lolo Binoy,” ayon kay Cecille Medina, isa sa mga apo sa tuhod. “Biruin n’yo, naging pelikula pa ito, ipinalabas sa telebisyon at sa entablado.” Nandoon din sa awarding ceremonies ang dalawa pang apo sa tuhod ni Severino Reyes na sina Bb. Ani Reyes at Gng. Villadelgado.
Tinatayang aabot sa 400 na kuwentong pambata ang naisulat ni Severino Reyes at nailathala sa mga pahina ng Liwayway magasin. Siya ang nasa likod ng seksiyon na ‘Mga Kuwento ni Lola Basyang’ ng Liwayway.
Ipagpaumanhin ang pagbubuhat ng bangko. Nagagalak kasi ako sapagkat mapalad na nakasama sa HONOR LIST ng ‘The Severino Reyes Medal’ ang aking young adult book na pinamagatang ‘MASELAN ANG TANONG NG BATANG SI USMAN (The Tricky Question of Young Usman).’ Ang librong ito ay tumalakay sa naganap na Marawi Siege kung saan libo-libong tao, kasama na ang mga bata’t kabataan, ang nagbakwit tungo sa ligtas na lugar sa lungsod ng Iligan at Cagayan De Oro. Ang kuwento ay inilahad sa pananaw nina Noraida at Usman na kabilang sa mga batang Meranaw na nagbakwit noong giyera. Inilathala ito ng OMF Literature-Hiyas bilang isang chapter book. Nalathala rin ito bilang tampok na kuwentong pambata rito sa mga pahina ng Liwayway. Ang kuwentong ito ay dati ring nagwagi ng Unang Gantimpala sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature sa kategoriyang kuwentong pambata noong 2019. Ayon sa Publications Manager ng OMF Literature na si Joanna Nicolas-Na, ‘even as we celebrate the award the book received, we remember in prayer our fellow Filipinos in Marawi who are bravely rebuilding their lives.’
May tig-lilimang aklat (o top 5 books) na pinili sa tatlong kategoriya ng The Severino Reyes Medal: Picture Book category, Storybook category, at Young Adult category. Mula sa tig-lilimang aklat, may itinampok na winner. Ang natitirang apat ay awtomatikong kabilang sa Honor List ng naturang award. Ang Honor List ay maihahalintulad sa ‘runner-up’ ng bawat kategoriya.
Heto ang listahan ng mga nagwaging aklat sa kauna-unahang The Severino Reyes Medal. Binigyan ng pagkilala ang tagapaglathala (publisher), ang awtor, at ang ilustrador ng isang partikular na aklat.
Para sa STORY BOOK CATEGORY, ang nagwagi ay ang aklat na I like Wearing Rainbows na inilathala ng Center for Art, New Ventures, and Sustainable Development (o CANVAS), kuwento ni Agay Llanera at guhit ni Lui Manaig. Kabilang sa HONOR LIST ang mga sumusunod: Bago na ang Dating Ako (The New Me), inilathala ng Johnny and Hansel Publications, sinulat ni Patrick Opena, guhit ni Hareol Noval Tero; Ang Bahay na Maraming Klasrum (The House with Many Classrooms), inilathala ng Johnny and Hansel Publications, kuwento ni Eugene Evasco, guhit ni Danielle Florendo; Moon Rising, inilathala ng CANVAS, kuwento ni Phoebe Ysabel De Leon, guhit ni Iggy Rodriguez; at Isla Esperanza, inilathala ng Chikiting Books ng Vibal Group, kuwento ni Eugene Evasco, guhit ni John Ronnel Popa.
Para sa PICTURE BOOK CATEGORY, ang nagwagi ay ang librong Kalambing na inilathala ng Adarna House, kuwento ni Augie Rivera, clay art ni Al Estrella. Kabilang sa HONOR LIST ang mga sumusunod: Mamemi Mumu, inilathala ng Ilaw ng Tahanan Publishing, kuwento’t guhit ni Jomike Tejido; The Perfect Tree, inilathala at sinulat ni Gloria Concepcion Moralidad, guhit ni Danielle Florendo; Tides of the Sea, inilathala at sinulat ni Alanna Michelle Escudero, guhit ni Hazel Rosie Bayaras; at ang Si Tonyo at ang Sipit sa Kaniyang Sapatos, inilathala ng Johnny and Hansel Publications, kuwento ni Mary Grace Constantino Suplico, guhit ni Alexandro Maghari.

Para sa YOUNG ADULT BOOK CATEGORY, ang nagwagi ay ang nobelang Momoy Lulumboy: Ang Batang Aswang, inilathala ng Lampara Publishing House Inc, isinulat ni Segundo Matias Jr, guhit ni Jomike Tejido. Kabilang sa HONOR LIST ang mga sumusunod na young adult books: Ang Larong Nagwakas sa Atin, inilathala ng Anvil Publishing, isinulat ni Fe Esperanza Trampe; At Home with Crazy, inilathala ng Milflores Publishing Inc, isinulat ni Katrina Martin, guhit ni Angela Taguiang; Maselan ang Tanong ng Batang si Usman (The Tricky Question of Young Usman), inilathala ng OMF Literature-Hiyas, isinulat ni Dr. Luis P. Gatmaitan, guhit ni Danielle Florendo; at ang Supremo, inilathala ng Adarna House, isinulat ni Xi Zuq, guhit ni Al Estrella.
Pihado akong ikinagagalak tayong maging ‘apo’ ni Lola Basyang.