Ang Pagragasa ni Ulog

Nakakapit siya sa mga ugat ng dalawang magkatapat na puno ng balite, naroong nakabantay ang iba’t ibang uri ng engkantong tagapangalaga ng kalikasan, nalulungkot ang mga ito sa maaaring mangyari.

Ni Sherald C. Salamat

WALANG sino man sa mga agos ang gugustuhing dumating ang araw ng kanilang pagragasa mula sa kabundukan, sapagkat panganib ang idudulot nito sa kapatagan.

Mamayang gabi, si Ulog ang nakatakdang rumagasa; isa siyang baguhang baha. Kung hindi lang dahil sa utos ni Anitun Tabu, ang diyos ng hangin at ulan, ay hindi niya gagawin ang bagay na ito. “May pagpipilian ba ako?” sa isip niya.

“Sa ganap na ikasiyam ng gabi, kapag natipon na ang tubig sa tuktok ng bundok, ikaw Ulog, ay raragasa kasama ang makapal na putik, naglalakihan at matatabang mga troso!”

Galit na galit ang diyos dahil sa patuloy na pagkalbo ng mga tao sa kagubatan, kaya ipinadala nito si Rusing, isang napakalakas na bagyo. Ang humahagunot nitong hangin ang nakatakdang titipak sa Bundok Balatok, at ang labis-labis naman nitong tubig ang magdudulot ng pagbaha sa Sitio Malusak.

Nag-aalala si Ulog dahil unang beses niyang magiging ulo ng baha, baka magkamali siya. “Paano kung maraming mapahamak dahil sa akin?” tanong niya sa sarili.

Hinanap ni Ulog ang kaibigang si Tikbalang matapos ipabatid ni Anitun Tabu ang kaniyang misyon, natagpuan niya ito sa kawayanan.

“Hindi ba’t nagkasundo na tayo, na ililigaw mo ang mga taong magtatangkang pumasok sa pusod ng kagubatan?” tanong ni Ulog.

“Ginawa ko ang lahat ng aking makakaya, subalit natuklasan nila ang paraan upang hindi maligaw,” paliwanag ni Tikbalang.

“Anong paraan ito?”

“Nagpatulong ang mga tao sa isang babaylan, nagbayad sila ng malaking halaga para aminin ang lihim ng aming angkan. Nagbaliktad sila ng mga damit, kaya narating nila ang sagradong pook kung saan tumutubo ang pinakamalalaki at pinakamatitibay na mga puno.

“Makailang ulit na rin kaming nagpakasal ng mga kauri para itaboy sila palayo, subalit hindi sapat ang ibinubuhos naming ulan.

“Humiling din ako kay Anitun Tabu ng ulan, subalit madalas siyang masaya kung kaya’t ambon at bahaghari lamang ang kaniyang ipinadadala.”

“Kung ganoon ay wala na nga akong magagawa. Sa ganap na ikasiyam ng gabi, raragasa ako hanggang sa kapatagan,” malungkot na tugon ni Ulog.

Samantala, ang mga tao sa kapatagan ay walang malay sa maaaring mangyari sa darating na gabi. Patuloy ang kani-kanilang pagtatrabaho sa bukid, pagpasok sa paaralan, paglalakbay, at pagkukuwentuhan tungkol sa bagong diskubreng bahagi ng Bundok Balatok na mayaman sa magagandang klase ng punongkahoy.

“Marami tayong magagawang kubiko. Tiyak na kikita tayo nang malaki sa mga susunod na araw,” paniniguro ng tao.

Ilang saglit lang, umulan sa gitna ng tirik na araw. “May ikinakasal na namang tikbalang,” sabi ng tao.

“Hayaan ninyo, lilipas din iyan,” dugtong ng isa pa.

Ngunit nagpatuloy ang pabugso-bugsong buhos ng ulan, hanggang sa umitim ang kalangitan. Sinundan ito ng humahagunot na hangin, sanga-sangang mga kidlat, at dumadagundong na mga kulog.

Nagtakbuhan ang mga tao sa kani-kanilang mga tahanan.

Si Ulog, nanginginig sa bingit ng talon, iniipon ang tubig sa kaniyang likuran.

Nagsalita muli ang diyos na si Anitun Tabu. “Malaking-malaking baha ang nais kong mangyari, Ulog,” mahigpit nitong bilin.

Tahimik si Ulog kahit bigat na bigat na siya sa pinapasang tubig, parang sasabog sa kaba ang kaniyang dibdib. Nakakapit siya sa mga ugat ng dalawang magkatapat na puno ng balite, naroong nakabantay ang iba’t ibang uri ng engkantong tagapangalaga ng kalikasan, nalulungkot ang mga ito sa maaaring mangyari.

Bukod kay Tikbalang, ginawa rin ni Kapre ang lahat para pigilan ang mga tao sa pagsira sa kalikasan.

“Tinakot ko na sila ng aking usok, ngunit nagpatuloy pa rin sila sa pagwasak sa ating tahanan.”

“Binigyan ko na sila ng mga sakit sa katawan, ngunit nagpatuloy pa rin sila sa pagdudumi kung saan-saan,” si Duwende.

“Hinatak ko na sila hanggang sa aming kaharian, ngunit nagpatuloy pa rin sila sa pag-iingay sa kagubatan,” si Sirena.

“Sinapian ko na sila, ngunit nagpatuloy pa rin sila sa pagpatag sa kabundukan,” si Diwata.

“Masyado tayong naging mabait, mga kasama,” sabi ni Tikbalang. “Nilinlang nila tayo ng kanilang ‘tabi-tabi po’.”

Narinig ni Anitun Tabu ang hinaing ng mga kasama, na lalong nagpagalit dito. Kung kaya, ikawalo pa lang ng gabi ay inutusan na nitong rumagasa si Ulog. “Ito na ang tamang panahon, rumagasa ka buong magdamag!”

At bumitaw nga si Ulog, kasunod ang makapal na putik at matatabang mga troso. Bumulusok siya, kahit ang mga engkanto ay hindi nakita kung paano siya naging dambuhala.

Siya lamang ang nakaaalam kung gaano kalaking tipak ng bundok ang kaniyang dala-dala, at kung gaano karaming troso ang kaniyang inipon para sama-samang iparagasa sa kapatagan.

Dumaan siya sa tatlong talon ng Sitio Malusak: ang Tabon, Kulalabang at Malupitiks. Tinangay niya maging ang mga kubong labahan sa gilid ng ilog, gayundin ang mga punong maluwag ang kapit ng ugat sa lupa.

May ganitong kuwento na siyang narinig noon. Ang bulong sa kaniya ni Tubig, nakaagos na rin daw ang mga ito sa kakawan ng diwatang si Maria sa malayong isla.

Sa tuwing mag-aani raw si Maria ng mga kakaw sa Bundok Lantoy, ibinababa nito ang produkto para dalhin sa iba’t ibang panig ng bansa. Madaling araw nito ibinibiyahe sakay ng gintong barko, may dala itong malaking-malaking baha na kayang pumutol ng tulay sa kapatagan.

Kinabukasan, ikagulat ng mga tao sa bayan ng Argao na wala na ang tulay. “Dumaan na naman si Maria Cacao,” ang bulong-bulungan.

Ang sabi rin ni Tubig, kung ayaw nitong magdusa ang mga tao sa baha, may isang paraan para hindi makaabot doon ang tubig.

“Pero atin-atin lang ito, huwag mong ipagsasabi sapagkat parurusahan ako ni Anitun Tabu,” bulong ni Tubig.

“Huwag kang mag-alala, mapagkakatiwalaan mo ako,” pangako ni Ulog.

“Sa ibaba ng talon ng Tabon, malapit sa puno ng baliteng nababalot ng mga alitaptap, may isang sanga ng ilog doon na hindi pansin dahil sa makakapal at matataas na mga damo. Sa dakong iyon, kailangan mong ipihit ang iyong ulo pakanan at tiyak na maililigtas mo ang buong bayan. Ngunit may kapalit ito,” babala ni Tubig.

“Ano ang kapalit?” tanong ni Ulog.

“Ang dulo ng ilog na ito ay tinatawag na nilulubugan, iyon ang hangganan ng ilog. Ang tubig na nakararating doon ay lumulubog sa lupa, naglalaho, at nalilimot ng kasaysayan,” paliwanag ni Tubig.

Sa kasagsagan ng pagragasa ni Ulog, naalaala niya ang bagay na ito. Binabalak niyang suwayin si Anitun Tabu. Pagsapit ng balite, ang libo-libong alitaptap doon ay nakahilera sa daan patungong nilulubugan. Walang ano-ano, ipinihit niya ang ulo ng baha sa kanan.

“Hindi bale nang malimot, kaysa maging dahilan ng mapait na alaala,” sabi niya habang nilalandas ang nilulubugan.

Gulat na gulat sa kaniyang ginawa ang dala niyang makapal na putik at matatabang mga troso; gayundin ang mga engkantong nagmamasid sa kaniyang paglalakbay, lalo na ang diyos na si Anitun Tabu. “Hindi maaari!” sigaw nito.

Natatanaw na ni Ulog ang dulo ng ilog, handa na siya sa kaniyang paglubog. Napaluha siya. Nanalangin din kay Bathala. “Sundan ako ng iba pang mga baha!”

“Isang kaparusahan ang iyong ginawa. Ipinag-uutos ko, sa ngalan ni Bathala, ikaw ay maglalaho hindi lamang sa mundong ito, higit sa alaala ng sanlibutan.”

At tuluyan na ngang naglaho si Ulog, nakulong siya sa ilalim na lupa, at kailanman ay walang makaaalaala sa kaniya.