Ni Al Joseph A. Lumen
PARANG mga lobong dala-dala ng naglalakong lalaki sa abalang kalsada ang mga ideya, piraso, mga salita na gusto kong isulat. Dala ko ang mga lobo sa tuwing napasok sa trabaho. Pati na rin sa paghihintay ng tren, o tuwing nakadungaw sa bintana ng bus. Ang mga lobo, dala-dala ko kung saan man magpunta. Dala ko tuwing naglilinis ng kubeta. Dala ko ‘pag naghuhugas ng plato.
Dala ko rin ang mga lobo habang nagpapaligo at nagpapakain ng mga matatanda kong pasyente. At tuwing Linggo, sa aking paglalaba ay mas napapansin ko na para bang unti-unting nadaragdagan ang mga lobo.
Sa pagsapit ng gabi, sa trabaho ko sa resto, ay kasama ko pa rin ang mga lobo habang iniaabot ang mga alak sa mga uhaw na parokyano. Pakiramdam ko nga na sa tuwing tinitingnan ako ng aking mga customer ay ang liit-liit ko. Akala siguro nila ay hindi ako marunong magsulat at magbasa. Nakaka-appreciate rin naman ako ng tula at pinta.
Hinihintay ko lang ang panahon kung kailan may malayang oras para masimulan na ang pagkatha. Sa aking utak ay may maliit na silid-aklatan. Doon mayroon akong kumpletong buong libro, ang ilan ay sinusulat pa lang sa panaginip at pagtutulala. Sa mga pahina ng mga libro nakatali ang mga lobo.
Ang ilan sa mga lobo paminsan-minsan ay nawawalan ng hangin, o hindi kaya ay pumuputok, may ilan namang napapatid kaya nakakawala, inilalayag ng hangin sa himpapawid. Ang mga natitira naman ay nagiging mga ibong tiririt, mga kawan na paikot-ikot sa ibabaw ng aking ulo. Maiingay. Nasanay na rin ako.
Sa pagkaupo sa harapan ng computer, o kapag hawak na ang ballpen at papel, ang mga kawan ng ibon ay nagiging mga isda na makulit na palangoy-langoy. May malaki, may maliit. Mayroon din namang dambuhala. Ako ay nagiging mangingisda na nakikipagbunong manghuli sa hangin.