Ni C.L. Balagoza
MAY nakapagsabi sa akin kung nangangati ang palad mo, ipasok mo ito sa iyong bulsa dahil susuwertehin ka. Nang hanapin ng nangangati kong palad ang siwang ng bulsa, doon pumasok sa utak ko. Anak nga naman ng malas! Tinahi ko nga pala ang lahat ng bulsa sa pamasok kong pambaba. Bumalik sa utak ko ang dahilan ng management, marami na raw ang nangungupit ng item, dumarami na ang malilikot ang kamay. Napatingin na lang ako sa nangangating palad, minsan na nga lang dapuan ng suwerte. Naabutan ko pang walang kasabay sa sakayan ng traysikel, matagal-tagal na hintayan na naman ito.
Kailan nga ba iyong huling pagkakataon na naramdaman kong suwerte ako?
Pumasok ka na naman sa isip ko, una iyong manipis mong labi na hindi nililisan ng ngiti, pangalawa iyong singkit mong mga mata, na tulad sa labi mong parang ‘di naaabot ng kalungkutan, at pangatlo ang tinig mo na isang matamis na awit sa pandinig. Alam ko, bago ka maging Bathaluman para sa akin, nang una kitang makilala, inakala kong katulad ka lang ng ibang babaeng estudyante sa private school. Nangmamaliit ang mga tingin, pero mali ko iyon. Itinama mo iyon, dahil ayaw mo rin sa mga taong nanghuhusga agad.
Parang ang tagal-tagal na no’n, pero ang totoo wala pang dekada ang layo ng mga gunita. May mga ganitong pagkakataon lang na parang kay daling kumupas ng nakaraan ‘pag binabalikan, dahil hinahanap-hanap pa rin ng nangangating palad ko ang kapanatagan nito sa pisngi mo at ipapaalala sa akin: ako ang suwerte mo. Hindi ako aangal.
“Ato, sasakay ka ba?” ikinuyom ko ang aking kamay nang marinig ang malalim na boses ng traysikel driver na lumapit sa akin. Umiling ako at sunod na sinabing, naghihintay ako ng kasabay. Matapos ang pandemya, hindi na ako madalas sumakay nang mag-isa, kung kakayanin, maghihintay ako hanggang sa may dumating na isa o dalawa. Para hindi masakit ang pamasahe. Marami na ang nagbago, minsan naiisip ko, ako na lang talaga ang hindi makatanggap nito. Tumango ang drayber at bumalik sa traysikel nito, napakamot ako sa palad ko. Bahala na, baka maya-maya may dumating pa. Alas-onse pa lang ng gabi, paniguradong may mga uuwi pa katulad ko.
AMORSEKO
“Kristy,” sa fire exit ng fifth floor sa Building A, bigla mong inilahad ang kamay mo at nagpakilala. Nang balingan kita ng tingin, nakilala kita sa mukha, ikaw iyong kaibigan ng kaklase ko mula sa STEM na katabing section lang namin. Ang totoo, nasisilaw ako sa iyo nang balingan kita, ilang segundo bago kita makilala. Inabot ko na lang ang kamay mo, tumabi ka sa akin.
“Hindi ka ba natatakot na mahuli?”
“Ikaw, hindi ka ba natatakot?”
Wala pa mang sumasagot sa tanong nang makarinig tayo ng silbato at agad tayong napatayo sa pagkakaupo. Sunod na lang nating napagtanto, tumatakbo tayo sa pasilyo at bumaba sa gitnang hagdan. Tumigil tayo sa ikatlong palapag kung nasaan ang mga klasrum natin. Nauna kang tumawa, hindi malakas, ngunit nakahahawa.
“Puwede ka nang bumitaw…” sabi mo sa pagitan ng mga halakhak. At natigil ako, napabitaw sa hiya. Patuloy kang tumawa. Napakamot ako sa palad, naramdaman ko ang kamay mong hinigit ang kamay ko at ipinasok ito sa bulsa ko.
“Baka makawala ang suwerte!” bulalas mo. Pinilit kong ilabas ang kamay ko sa bulsa, pero hindi ko alam kung saan mo nakuha ang lakas, nagpaubaya ako. Sa mga sandaling iyon, may naalala ako, bahagi ng pagkabata ko sa ilalim ng araw. May isang uri ng damo na may maliliit na bunga, ngunit hindi nakakain. Makati pa nga kung kumapit sa damit, ginagamit namin ito ‘pag naghahabulan. Ibinabato sa mga kalaro. Para kang amorseko, na nang kumapit sa akin, hindi na bumitaw—kasalanan ko rin, dahil hindi rin ako bumitaw.
“Ian,” bulong ko, habang nakahawak ka pa rin sa braso ko. Nasa bulsa pa rin ang kamay ko. Unti-unti kong naramdaman ang pagluwag ng iyong kamay, at pag-angat ng tingin sa akin. “Ako si Ian,” pag-uulit ko, ngumiti ka at tuluyang bumitaw.
“Ako si Kristy,” pagpapakilala mo ulit at muling inalahad ang kamay. Tinanggap ko ito, pati na rin ang pagpasok mo sa buhay ko.
Naramdaman ko muli ang pangangati ng palad. Nang muling maghanap ng bulsa ang aking kamay, wala itong napasukan. Kinuyom ko ito, mahigpit, ibinabaon ang kuko sa palad — gusto kong palisin ang kati ng sakit.
Binigkas ko ang pangalan mo, sa hangin, ang dating sa dila’t labi ko ay parang lumang paboritong awitin na ngayon na lang ulit inawit. Nakatayo pa rin ako sa sakayan, may ilan na dumating, ngunit special trip sila, hindi rin dadaan sa Gerona. Pang-apat na drayber na ang nagtanong sa akin kung sasakay ako, pareho pa rin ang sagot ko: hindi, maghihintay ako ng kasabay. Sa mata ko, parang iisa na lang din ang mukha ng drayber, dahil iisa lang din ang kanilang reaksiyon. Matapos lumapit, babalik ito sa kanilang mga traysikel at uupo.
Mula sa likuran, naramdaman ko ang vibration ng aking cellphone, kusang gumalaw ang katawan ko upang alisin ang pagkakasabit ng bag sa likod ko. Tumambad sa akin ang may kaguluhang ayos ng mga gamit sa loob ko, kitang-kita ang laman ng bag ko. Hindi pa rin ako sanay, kung hindi lang kahingian sa trabaho, katulad ng pagtatahi ng bulsa, ang dahilan ng management: para walang makapag-uwi ng item, marami ang nangungupit, malilikot ang kamay. Hinalughog ng kamay ko ang umiilaw na cellphone sa bandang ilalim. Nang mahawakan, tumigil ito sa pag-vibrate. Tumawag si mama, pero sunod na nag-pop-up sa iskrin ang text nito: luto na lang u noodles pag-uwi. Agad akong nag-reply: ok. Panigurado, hindi na naman nagkasya ang iniwan kong budget. Nitong nagdaang mga araw, noodles na lang ang bumubuhay sa akin, kaya nang mapanood ko sa Tiktok ang report tungkol sa estimated budget ng NEDA sa pagkain, gusto ko silang murahin. Saan ba nila nakukuha ang ganoong kalkulasyon? Tumataas ang mga bilihin, ang hirap makahanap ng trabahong nakabubuhay ang sahod. Ano kayang magiging reaksiyon mo, kung nalaman mo ito. Panigurado, maghihimutok ka rin, magrereklamo sa tabi ko. Katulad no’ng nalaman natin na hindi nakapag-exam ang kaibigan mo, dahil hindi nakapagbayad ng tuition at hindi tinanggap ang promissory note. “Para namang hindi magbabayad! Minsan ang ironic ng pangalan ng school na ito sa ginagawa nila sa mga estudyante!” Hindi pala nakakatawa, kaya nagsisisi ako na tinawanan ko ang reaksiyon mo. Nawala sa isip ko, parehas lang kami ng kaibigan mo na iskolar, suwerte ko lang at pinopondohan ng tiyahin ko ang aking tuition. Ilang araw mo rin akong hindi pinansin nang mangyari iyon, nag-sorry ako ng wala sa loob, pero tinanggap mo ako. Ngayon humihingi ulit ako ng tawad.
Ian, sama ka mini-reunion? Sunod na nag-pop up sa iskrin ng phone ko ang isang mensahe ng dating kaklase. Iyong kaibigan mo. Hindi ko alam ang isasagot, kahit ang totoo nasasagot ito ng simpleng oo at hindi.
KABUTE
Matapos ang una nating pagpapakilala, hindi ko alam kung baka naeengkanto ako, dahil hindi ko maiwasang hindi ka makita sa kahit saanmang kumpol ng tao. Sa foodcourt, sa Prayer Garden, sa court, kahit sa Junior High at Elementary Building. Pero sa tuwing namamalikmata ako, alam kong totoong nandoon ka, kapag naririnig ko ang kantyaw ng mga kaibigan mo.
“Uy nandiyan si Ian! Yieeeeehhhh!” maririnig ko hindi kalayuan sa inyo, ngingiti ka naman at kakaway. Kakaway din ako pabalik, kahit madalas ang gusto kong gawin ay huwag kang pansinin. Huwag ka nang pansinin. Dahil kung iniisip mo, kaibigan mo lang ang nang-aasar. Pati mga kaklase kong kasama ko, bigla na lang akong dudunggulin at ngingitian. Mga siraulo.
Sa isang asignatura ng pinsan ko sa Science, nagpatulong siya sa akin tungkol sa mga kabute. Nang unang sumagi sa isip ko, na ganoon ka noong mga panahong iyon, natawa ako sa kalokohan ko. Pero inisip ko, posible, maaaring ulan ang una nating pagkikita at ngayon, kung saan-saan ka sumusulpot sa buhay ko. Mababaw na analisasyon. Natakot sa akin ang pinsan ko matapos namin gawin ang assignment niya, narinig ko na lang sa tita ko, nang pagalitan ako: Nababaliw ka na ba? Natakot sa iyo ang pinsan mo kasi tawa ka raw nang tawa mag-isa!
Baliw? Binabaliw siguro ang tamang salita.
Isang hapon, nakatanggap ako ng text mula sa iyo, pumunta ako sa fire exit, kung saan una kang sumulpot sa buhay ko at magpakilala. Nang mabasa ko iyon, hindi ako mapalagay, parang inaabangan kong sabihin ng teacher sa Creative Writing na last subject namin, na puwede na kaming lumabas. Dumating din iyon, at pinuntahan ka. Sa fire exit, nakaupo ka na sa dating kinauupuan ko. Habang naglalakad papalapit sa iyo, dumadagundong ang ulo ko—pati puso ko. Para akong naduduwal. Napatingin ka sa direksiyon ko, parang unti-unti akong nawawalan ng balanse.
“Ian!” tawag mo at umalingawngaw ang pangalan ko sa pasilyo. Pinagpag mo ang iyong palda at tumayo, naglakad papalapit sa akin. Ang mga sumunod na nangyari ay parang malakas na bugso ng hangin.
“Gusto kita…” at naramdaman ko ang pagdampi ng iyong labi sa aking pisngi. Bukod sa init ng araw na nagbabadyang mamaalam kaya nagpapasiklab, naramdaman kong nag-iinit din ang aking tainga. Ilang segundo bago muli makapagsalita, sinabi ko rin ang gustong kumawala sa dibdib ko: gusto rin kita.
At sa harap ko, bigla kang naging Bathaluman. Nakangiti, tila nagbibigay biyaya. Ikaw ang biyaya.
Ibinalik ko na sa loob ng bag ang cellphone, tumanaw ako mula sa kinatatayuan. May bagong truck na namang dumaan, sarado na ang mga Fast Food sa kabilang kalsada. May mga jeep na tumitigil para magbaba ng pasahero, pero hindi sila sa sakayan ng Barangay Duhat pumupunta. Sa Barangay Bunducan madalas. Pansin ko rin, ang pagtingin sa akin ng drayber na kanina’y nagtanong sa akin.
“Baka magtagal pa, bago may dumating o wala na!” hirit pa nito.
“Okay lang po!” sagot ko pabalik.
May bumaba sa kabilang kalsada, isang pamilya. Mula siguro sa handaan, maraming bitbit, tumawid sila at dumiretso, papalapit sa kinatatayuan ko. Isang libis, sabi ng lalaki, tumango ang drayber. Tumingin ito sa gawi ko at umiling-iling. Pinanood ko silang makasakay, sinundan ng tingin hanggang sa lumiko ang traysikel at hindi ko na makita. Paano kung habulin ko sila?
Noong huli kitang makita, hindi kita hinabol, dahil kampante ako na makikita pa kita. Ano nga naman ba ang laban ng nararamdaman mo, sa pag-ibig natin, ang biro mo—ano ba ang kanser sa baga sa kapangyarihan ng pag-ibig? Hirit mo pa kung sa mga pelikula, gumagana iyon, sa realidad pa kaya? Kaya nang magpaalam kayo ng pamilya mo. Sakay ng sasakyan ninyo, pinanood ko kayong umalis, paano kung humabol ako?
ULAN
Nang mag-immersion ako sa Elementary Building ng paaralan natin, bawat hapon nakikiupo ka sa mga bata para makinig sa mga binabasa kong kuwento. Gustong-gusto ka ng mga bata, parang lahat sila gustong magpakandong sa iyo at makipaglaro. Noong hapon na iyon, labas sa kuwentong Bibliya ang pinabasa sa akin.
“…Kung Bakit Umuulan ni Rene O. Villanueva…” panimula ko at kasama ng mga bata, nakinig ka sa buong kuwento. Tungkol sa mag-asawang Bathala ng Panay, na ang isa’y gustong tumulong sa pagbuo ng daigdig ngunit ayaw ng lalaking asawa, kaya iniwan siya ng asawa at nagsariling gumawa ng daigdig. Nang matapos ko ito, hindi ko alam kung pinaglalaruan lamang ako ng aking paningin, ngunit may patak ng luha na dumausdos sa iyong kanang pisngi. Kabaliktaran naman nito ang reaksiyon ng mga bata, masaya silang pumalakpak nang matapos ko ang kuwento. Kung babalikan, naiintindihan ko, ang iyong nararamdaman. Maski ako, ayokong lumikha ng ulan, para lang masilayan ka.
“Mula ngayon, tatawagin mo na akong Alunsina!” nakangiti mong sabi habang kumakain tayo ng flying saucer sa foodcourt, matapos natin magpauwi ng mga bata. Kumunot ang noo ko nang mag-suhestiyon ka ng ganoon.
“Nakinig ka ba sa kuwento?” tanong ko. Tumango ka lang habang kagat-kagat ang tinapay na inipit.
“Hindi naman katulad sa kuwento, hindi tayo maghihiwalay! Hindi mo naman kaugali si Tungkung Langit!” dahilan mo pa. Pumayag na lang ako, dahil pinanghawakan ko ang tatlong salita: hindi tayo maghihiwalay. Sobrang tamis, kung tatanawin ang pangako. Dahil hindi na rin ako sanay, na wala ka sa tabi, noon tinatawanan ko pa ang mga magkasintahan sa pinanggalingan kong pampublikong paaralan dahil parang kapit-tuko sila sa isa’t isa. Ngayon, ganoon na rin ako sa tabi niya. Matapos kumain, nang aalis na kami, biglang bumuhos ang malakas na ulan. Pero maliwanag ang langit.
“Binibisita na ni Tungkung Langit si Alunsina,” sabi mo at sinahod mo ang iyong kamay sa buhos ng ulan. Bumaling ka sa akin, at sunod mong binanggit ang laging sinasabi ng lola mo pag sabay na umuulan at umaaraw, may ikinakasal na manananggal at tikbalang. Sinabi ko rin ang sinasabi ng lola ko pag sabay na umuulan at umaaraw, may biyaya.
Walang makalilimot no’n, dahil sa silong ng food court, una ko ring naranasan makahalik sa labi. Dampi lang ito katulad ng patak ng ulan.

Gusto kong tumula, ito ang palatandaan ‘pag naglulunoy na ako sa alaala natin. Tinutumbasan ko ng pananalinghaga. Ito ang bumubusog sa kalam ng pangungulila. Ngunit lagi’t laging parang nabibitin, sakit sa puson, ang hindi pagdampi ng panulat sa papel. Akala ko, katulad ng sabi mo sa akin, magiging manunulat ako ‘pag ipinagpatuloy ko ito sa kolehiyo. Sapat na ang salita mo para sa direksiyon na puwede kong puntahan, pero sa totoong mundo, lagusan lang ito sa laberinto. Binitawan ko na’t lahat ang panulat para mabuhay, naliligaw pa rin ako.
Napaatras ako sa kinatatayuan nang maramdaman ang sunod-sunod na pagpatak ng ulan. Alas-dose na, isip ko, nitong nagdaang mga hatinggabi napansin ko na saktong-sakto rin bumubuhos ang ulan. May payong ako sa bag, pero mas pinangunahan pa ako ng katamaran para ilabas at buksan. Sumilong din ang ilang drayber.
“Kanina ka pa naghihintay, a,” pansin sa akin ng drayber na nasa unahan ng pila. “Hindi ka pa ba uuwi?”
“Maghihintay pa ako ng kasabay.”
“Imposible na ‘yan dong!” singit ng isa pang drayber.
“Okay lang ba dalawa?” pagtawad ko.
“Parang bago ka naman na dito, tatlo na ang bayad.”
“Maghihintay pa ako.”
“Ikaw bahala.”
Napaangat ako ng tingin sa langit, binibilang ko, at parang hindi magkamayaw na imahen ang patak ng ulan. May bumalik na bahagi ng isang maikling kuwento sa utak ko na isinulat ng isang hinahangaan na manunulat. Ang sabi niya sa kaniyang kuwento, kapag umuulan mas masakit ang mga alaala. Gusto kong tumula.
TULA
Pinuri mo ang tulang sinulat ko para sa Creative Writing namin. Doon mo sinabi, nakikita mo akong magiging sikat na manunulat. Kahit ang totoo, iyon pa lang ang nababasa mong naisulat ko para sa klase na iyon. Kokontrahin pa kita, pero iyon din ang simula ng mga hapong magpapabasa ako sa iyo ng tula. Hindi ko na matandaan lahat ng naisulat, pero lagi’t laging pag-ibig na parang hindi ako nasusuya sa salita at konsepto.
Hanggang minsan, marinig natin, may nagsabi na hindi tayo bagay. Hanggang ngayon, nakikinita ko pa rin ang alon sa noo mo, bitbit mo iyon hanggang sa samahan kita na mamili sa Pandayan sa Bocaue Crossing. Doon, nakita natin ang maliit na aklat ng mga tula ni Jerry B. Gracio na ang pamagat ay Hindi Bagay. Napangiti ka rito at binili, nagulat na lang ako nang makita ko ito sa loob ng bag pag-uwi sa bahay.
Doon ko napagtanto, nang mabasa ko ang mga tula roon, kung gaano kapangit ng mga naisulat ko, nahiya ako sa mga tulang pinabasa sa iyo. Kaya matapos kong basahin ang aklat, sineryoso ko rin ang pagtula. Hinayang lang na hindi na ulit naulit ang mga hapon na kasama ka.
Hindi nakakapagpagaling ang mga talinghaga. Para pa itong tumor na kumakalat, nakababaliw, kapag hindi naisusulat.
Babalik ako, tila bumulong ang ulan, palakas nang palakas ang buhos nito. Nakatayo pa rin ako sa silong sa sakayan. Katabi ang ilang drayber, katulad kong nanonood sa pagbuhos nito, sumasayaw na rin sa ilang bugso ng hangin. Dahil siguro sa gutom, narinig kita, ang paninigurado mo. Dahil sigurado kang katulad noong una, babalik kang masigla. Nakampante ako, lagi’t lagi sa iyong salita. Napahawak ako sa dibdib, kung nasaan ang aking puso. Muling bumibigat, kaakibat ng muling pagtungkab sa langib ng nagdaan. Natatandaan ko, nang malaman kong wala ka na, iniyakan ko ang text na natanggap mula sa kaibigan mo. Hindi ikaw. Walang ikaw na naabutan ang ulirat ko. Pumasok lang sa kokote kong wala ka na, nang kainin ako ng pangarap mo sa akin, na pinangarap ko na rin. Buang!
Naramdaman ko muli ang pangangati ng palad. Nang muling maghanap ng bulsa ang aking kamay, wala itong napasukan. Kinuyom ko ito, mahigpit, ibinabaon ang kuko sa palad— gusto kong palisin ang kati ng sakit. Tumila na ang ulan.
“Kuya isang Gerona!” anunsiyo ko, sabay lakad at sumakay sa traysikel. Narinig ko ang pagpalakpak ng ilang drayber na kasama ko sa silong. Ilang sandali pa ay umandar ang sasakyan at habang nasa biyahe, binalikan ko ang tanong sa akin sa cellphone:
Sama ka sa mini-reunion? Pupunta rin parents ni Kristy.
[Sige.]
Habang nakatingin sa labas ng umaandar na traysikel, pumasok sa isip ko ang mga salitang maaaring isulat para sa resignation letter ng pinapasukang trabaho. Salamat sa lahat…Paalam.
Isang gabi, noong nasa ospital ka pa, napatawag ka. Ang hiling mo, basahan kita ng bago kong tula, pero hindi ko nagawa. Kaya pamalit sa halik at tula, pinupog kita ng pagsabi nang paulit-ulit na mahal kita. Kahit hindi nahihigitan ng pag-ibig ang karamdaman ng katawan.