Si Em-em at si Ápong Bakét

“Apó, nangangati na ang anit ko. Kumuha ka nga ng butil ng palay na pambúnot,” sabi ng matandang nakaupo sa lumang katre.

Ni Mar Anthony Simon dela Cruz

PARANG aso’t pusa si Em-em at ang lola niyang si Ápong Bakét. Hindi kompleto ang araw ng maglola kapag hindi naaasar ang isa’t isa.

Isang araw, habang nagpapahangin sa katre sa lilim ng puno ng mangga, inutusan ni Ápong Bakét si Em-em na bunutan siya ng puting buhok.

“Apó, nangangati na ang anit ko. Kumuha ka nga ng butil ng palay na pambúnot,” sabi ng matandang nakaupo sa lumang katre.

“Ápong, balakubak lang po ‘yan,” sagot ng apó na ginawang unan ang kandungan ng lola.

“Pinahiran ko na ‘to ng lána kanina. Kita mo naman, kumikinang-kinang pa. Tunáw ang balakubak sa langis ng niyog.”

“Sa dami ng uban n’yo, baka po mapánot kayo,” sabi ni Em-em habang pinipitik-pitik ang laylay na balat sa braso ng lola. “Baka po magmukha kayong kinalbong manok.”

“Aba…”

Ang lakas ng hagikhik ni Em-em. Nagpagulong-gulong pa siya sa katre. Nabulabog at nagsiliparan ang mga mayang simbahan mula sa mga sanga ng kalapit na mga puno.

Palihim na dumukot si Ápong Bakét sa bulsa ng dalandaning nitong daster. Kinuha ang isang bagay na nababalot ng panyo. Dahan-dahan nitong tinanggal ang balot. Kinalabit ang apó na parang kitikiting natawa sa sariling patawa.

Nanlaki ang mga mata ni Em-em nang makita ang nasa palad ng lola. Naipit sa lalamunan niya ang huling hangin ng kaniyang hagikhik. Nanigas na parang sanga ng bayabas ang buo niyang katawan.

Pustiso!

Ngumisi si Ápong Bakét. Tumambad ang mga gilagid nito ilang taon nang nilayasan ng mga ngipin. Parang napangiti rin ang pustiso. Walang ano-ano, biglang inilapit ng lola ang pustiso sa leeg ng apó. Halos humiwalay ang tarantang kaluluwa ni Em-em sa kaniyang katawan.

Napatili at napabalikwas sa takot si Em-em. Nabingi ang mga uod na kumukutkot sa nabubulok bunga ng katabing puno ng langka. Kumaripas nang takbo ang bata na isang tsinelas lang ang suot.

Lingid sa kaalaman ni Ápong Bakét, nagkaroon ng masamang panaginip si Em-em noong nakaraang gabi lang. Tuwing gabi, nagkaroon daw ng sariling buhay ang pustiso. Una raw nitong biniktima ang mga alaga nilang aso at pusa. Lumaki nang lumaki ang pustiso at nilamon pati ang kanilang kalabaw. Isinunod daw nito ang kaniyang tatang at nanang. Nilamon din daw nang buo ng matakaw na pustiso si Ápong Bakét.

Naisip ni Em-em na itago ang pustiso ng lola niya. Kaya naman kinagabihan, nang makatulog si Ápong Bakét, lakas-loob na kinuha ng bata ang basong naglalaman ng pustiso. Inilagay niya ito sa loob ng baul at tinabunan ng mga damit. Ewan ko lang kung mahahanap pa ‘to ni Ápong, natatawang sabi ni Em-em sa sarili.

Mataas na ang sikat ng araw at maingay na ang mga aso nang magising si Em-em. Inaantok siyang naupo sa harap ng mesa para mag-almusal. Nasa harap niya si Ápong Bakét na humihigop ng mainit na sinabawang gulay.

Nginitian siya ng kaniyang lola. Lumitaw ang mapuputi nitong pekeng ngipin. Parang kinukumusta siya ng mga ito.

“Hapi bertdey, apó ko,” bati ni Ápong Bakét.

Bertdey nga pala niya. Sa sobrang gulat ay nawala ito sa isip ni Em-em. Wala siyang kaalam-alam na nakita pala ng kaniyang lola ang pagtatago niya ng pustiso nito.

“Kumain ka na,” sabi ng tatang ni Em-em.

“Inabraw na naman?” dismayadong tugon ng bata.

“Pampalinaw ng mata ang kalabasa, anak” sabi ng nanang ni Em-em.

“Pampahaba ng buhay ang sitaw,” sabi naman ng kaniyang tatang.

“Akala ko, may fried chicken,” malungkot na sabi ng bata.

Iniluwa ni Ápong Bakét ang pustiso nito at inilapag ito sa mesang gawa sa kawayan. Muntik nang mahulog sa kinauupang bangko ang bata. Nagtatampong lumabas ng kanilang kubo si Em-em.

“Hala, si Ínang,” sita ng tatang ni Em-em kay Ápong Bakét.

Magdamag na hindi pinansin ni Em-em si Ápong Bakét. Malapit siya sa lola niya. Kapag may sakit si Em-em, ang lola niya ang lubhang nag-aalala. Kapag umiiyak siya dahil napagalitan ng mga magulang, si Ápong Bakét ang nagpapatahan sa kaniya. Sabay silang nakikinig ng drama sa radyo sa lilim ng puno ng mangga. Doon din sila nagbabasa ng mga lumang komiks. Paborito ni Em-em ang mga kuwento ng lola tungkol sa mga diwata at engkanto.

Mahal na mahal ni Em-em si Ápong Bakét. Kaya naman ganoon na lang ang tampo niya na pinagtatawanan lang siya ng kaniyang lola.

Ang totoo, masama ang loob ni Em-em dahil hindi niya maramdamang espesyal ang kaniyang kaarawan. Subsob ang nanang niya sa inuwing mga papel mula sa paaralan. Nagsusunog naman ng balat ang tatang niya sa bukid. Sabado, pero abala sa trabaho ang kaniyang mga magulang.

Pagkatapos mananghalian, kinuha ni Em-em ang ilang damit sa baul. Isiniksik niya ang mga ito sa kaniyang bag. Palabas na siya ng bahay nang—

“Sa’n ka pupunta?” tanong ng nanang niya.

“Kina Andreng, maglalaro lang po.”

“Andami mong dala.”

“May gagawin lang po kami.”

“’Wag kang papagabi, ha.”

Diretso sa likod ng kanilang kubo si Em-em. Nakita niyang nakahilata sa katre sa lilim ng puno ng mangga si Ápong Bakét.

“O, sa’n na naman ang lakwatsa?”

“Maglalayas! Ayoko na rito!”

“E, sa’n ka naman tutuloy?”

Nakita ni Em-em ang pustisong nakabalot ng panyo sa tabi ni Ápong Bakét.

“Magsama kayo ng pustiso mo!”

“Aba…”

Humihingal na tinawid ni Em-em ang kakahuyan at bukid papunta sa bahay ng kalaro. Masaya silang naglaro ng patintero, mataya-taya, at syato. Panandalian niyang naipagpag ang bigat ng loob. Hindi na rin niya itinuloy ang paglalayas. Naisip niyang wala rin naman siyang mapupuntahan.

Palubog na ang araw nang makauwi si Em-em. Lumalamig na ang simoy ng hangin. Nadatnan niya si Ápong Bakét na nakahiga pa rin sa katre. Lumapit siya para gulatin ang lola niya. May mga langaw sa kulubot na noo at pisngi. Nasa tabi ng matanda ang panyo, pero wala ang pustiso.

“Boom!” sabay palakpak at padyak ni Em-em.

Hindi natinag si Ápong Bakét.

“Ápong, gising na. Hapon na.”

Hindi pa rin gumagalaw ang matanda. Tulad ng nakagawian, itinaas ni Em-em ang kamay ng lola at pinitik-pitik ang lawlaw na balat sa braso ni Ápong Bakét. Kinabahan na ang bata. Niyugyog niya nang niyugyog ang katawan ng matanda. Hindi pa rin ito gumagalaw.

“Ápong Bakét, Ápong ko!”

Hindi na napigil ni Em-em ang iyak. Niyakap niya ang kaniyang lola.

“Nanang! Tatang!”

Biglang bumangon si Ápong Bakét.

“Hindi pa ako patay!”

Nagitla at bahagyang napaatras si Em-em. Ngumiti si Ápong Bakét. Hindi na natakot ang bata sa mga pekeng ngipin. Muli niyang niyakap nang mahigpit ang lola. Nang mahimasmasan si Em-em, pinahid ng matanda ang luha at malabnaw na uhog ng apó.

“Halika na, kanina ka pa namin hinihintay.”

Sabay na umuwi ang maglola. Pagpasok sa pintuan ng kubo—

“Hapi bertdey!” masiglang bati ng nanang at tatang ni Em-em.

Napatalon sa tuwa ang bata nang makitang nakahain sa mesa ang umuusok pang pritong manok at ispageti.