Ni Benigno R. Juan
(Ang kuwentong ito ay nagkamit ng Pangatlong Gantimpala sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature 1980)
(Unang Bahagi)
MULA sa mga kalawanging yerong atip ng malaking simbahan sa kabayanan, ang unang ulan sa buwan ng Hunyo ay nananalaytay sa mga gapok na alulod at pigtas na mga alero. Nangaiipon iyon sa mabababang bahaging tangay ang nagpupusaling sukal at alikabok ng katatapos na katag-arawan, saka naglalandas sa nilulumot at marusing na pader ng matandang simbahan.
Sa gilid ng pader ng simbahan, alumpihit sa pagkakatalungko ang matandang pulubi na marusing din sa kaniyang gulanit na kasuotan. Alumpihit siya, hindi sapagkat siya’y natitilamsikan ng nagpuputik na ulan, kundi dahil sa masidhing paghahangad niya na sana’y tumila na ang ulang iyon at nang makapunta na siya sa kaniyang puwestong pinagpapalimusan sa harapan ng simbahan, sa kanang bahagi ng malaking pintuan nito.
Nag-iisa si Tandang Pinang, ang pulubi, sa madilim na bahaging iyon ng simbahan. Malayo siya sa karamihan at sa ipinasadyang waiting shed sa di-kalayuan nagsisilong.
Kaipala’y alam ni Tandang Pinang na sa kaniyang abang kalagayan, hindi siya dapat makihalubilo maski sa mga karaniwang tao pagkat siya’ y talagang mababa kaysa pangkaraniwang tao. At alam din niya, na sa kaniyang katayuan ay sa awa ng kapuwa siya mabubuhay, kaya sa tuwi-tuwina’y kailangang mapagitaw niya ang awang iyon ng tao sa sukatan ng mga baryang bumabagsak sa nakalahad na mga butuhan niyang kamay kung siya’ y nasa puwestong pinamamalimusan.
Tumugtog ang orasyon. Lalong alumpihit ang pulubi.
Humarap siya sa dakong kinaroroonan ng altar, nag-antanda, saka inusal sa sarili: “Sana’ y tumila na ang ulan!
Mahal na Birhen, para mo nang awa, sana’y tumila na ang ulan! Kasal ng anak ni Meyor ngayon!” Kung sa bagay, alam ni Tandang Pinang, sa tumila’t sa hindi ang ulan, tuloy ang dakilang kasalang iyon ng taon.
Subalit may malaking pagkakaiba kung umuulan o kung hindi sa sandali ng kasal. Kapag kasi umuulan, naisip ni Tandang Pinang, ang karamihan sa mayayamang panauhin ay hindi na magsisibaba sa magagarang sasakyan ng mga ito. Kapag umuulan, nagsisipagmadali ang mga tao.
Ang konsentrasyon ng mga ito’y nakatuon sa mga patak ng ulan, iniisip na huwag mangabasa ang magagara nitong mga kasuotan. At siya’ y magmimistulang isang tumpok lamang ng basurang iniiwasan ng pasagsag, nagmamadaling mga hakbang ng mga maninimba.
Kailangang mapansin siya, kailangang tumila ang ulan, kailangang maging maayos at normal ang daloy ng mga tao mamaya sapagkat higit sa lahat ng napakaraming beses niyang pangangailangan ng pera ang pangangailangang umabot sa matandang pulubi sa pagkakataong ito ngayon.
Pulubi na siya at sanay sa maraming kadusta-dustang kalagayan, subalit aywan kung bakit parang may hindi matanggap ang kaniyang sikmura nang makita ang ayos ng kaniyang anak na si Nitoy nang puntahan niya ito sa kanilang piitang pambayan. Maaaring ang kaniyang damdaming-ina, maaaring ang awa sa sarili dahil sa para bang lalo pang nagiging abang-aba ang katulad nilang mga kapuspalad, ang nagtulak sa kaniya para madama ang gayong kakatwang damdamin kangina. Sapagkat sa pusong-ina niya’y nagtutumining ang kutob na ang kaniyang may dalawampung taong gulang na anak, kaisa-isang supling sa yumao niyang asawa, ay walang kasalanan sa napakagrabeng krimen na ibinibintang nila rito.
Pinagsususpetsahang isa sa mga nagnakaw ng mga gamot sa malaking botika sa palengke at muntik pang nakamatay ng isang guwardiya ang kaniyang si Nitoy? Diyos! Kung nalalaman lamang nilang bansot ang isip ni Nitoy. Isip-bata, naunang tumanda ang pisikal na pangangatawan nito kaysa isip. Pero kailanman ay hindi nakapanakit si Nitoy, mabait ito, matulungin at kahit sino ang tumukso’y nakangiti lamang. Ano’t makapagnanakaw ito at magtatangka pang pumatay ng kapuwa?
Kangina, nang dalawin niya sa piitan sa munisipyo nila si Nitoy, naipangako niya sa sariling gagawin ang lahat ng makakaya upang mailabas doon ang kaniyang anak. Lunos na lunos siya sa nakitang ayos ng kaniyang anak. Namumusarga ang mga labi, pasa-pasa ang mukha, at parang nanghihinang mapapalugmok, mapapakapit sa kalawanging mga rehas na bakal ng piitan.
“Nisaktan nila ako, Inay!” pagagong pagsusumbong nito sa kaniya saka sinundan ng parang batang pagpapalahaw. “Yoko rito, Inay. ‘Labas mo ako … Nipapatay nila ako!”
Nang kumalma ang anak, tinitigan niya ito nang matagal.
“Inay, wala akong kasalanan. Mahal kita, Inay, at kailanman ay di ko magagawang pagsinungalingan kita.
Hindi totoo ang bintang sa akin na ako’y isa sa mga nagnakaw at nagtangkang pumatay sa guwardiyang iyon sa malaking tindahan ng gamot. Nabubuhay naman tayo, Inay, sa pamamagitan ng pagpapalimos mo at ng pagkakargador ko sa palengke. Napakapayak lamang naman, Inay, ng mga ambisyon natin sa buhay – ang masidlan ang ating sikmura sa tuwing gugukgok, ano’t makaisip ako ng gayong karumal-dumal na krimen?”
Kitang-kita niyang sinasabi iyon ng luhaang mga mata ni Nitoy kaya’t si Tandang Pinang ay napaiyak. Nagsasabi ng totoo si Nitoy, alam ng pusong ina ng matandang pulubi.
“Nigugutom nila ako . .. Lahat galit . .. Pulis galit, nibubugbog ako. Ako daw, amin na . .. Lahat bilanggo galit din … Nisusuntok ako!” Iyak nang iyak ang lalaking retarded sa ina.
At nagtumining nga sa isip si Tandang Pinang na kailangan niyang kumita nang malaki. Malaking halaga kaipala ang kinakailangan upang maituwid ang nadirimlang isipan ng mga imbestigador na iyon ng pulisya. Maski kailan, alam niyang malaki ang nagagawa ng kislap ng salapi upang magliwanag ang talagang matwid.
Ngunit pansamantala, ang kikitain niya ngayong gabi, o ang isang bahagi nito’y ilalaan niya sa pagbili ng mga pagkain para sa anak na dumaraing ng gutom sa loob ng piitan.
Pulubi na siya at sanay sa maraming kadusta-dustang kalagayan, subalit aywan kung bakit parang may hindi matanggap ang kaniyang sikmura nang makita ang ayos ng kaniyang anak na si Nitoy nang puntahan niya ito sa kanilang piitang pambayan.
MULING isinahod ng matandang pulubi ang kanang kamay, pataas sa langit, at siya’y nakadama ng kasiyahan – papatila na ang ulan. Maliliit, tikatik na lamang ang mga patak nitong ibinadya sa kaniyang palad. May nabuhay na pag-asa sa kaniyang dibdib.
Ilang sandali pa’y nakapuwesto na ang pulubing si Tandang Pinang sa gilid ng simbahan. Nagsisimula nang sumagsag na papasok sa simbahan ang mga tao, kabilang ang mayayamang sasaksi sa kasal ng anak ni Meyor.
Sumilip ang matandang pulubi sa loob ng simbahan.
Madalang pa ang mga tao sa loob, kaipala y dahil sa katitila pa lamang ng ulan. Subalit sindido na lahat ang ilaw sa altar at ang lahat ng aranya sa loob ng simbahan. Naliligo sa liwanag maski kaliit-liitang sulok. May nakalatag na alpombra mula sa harapan ng altar hanggang sa bukana ng malaking pintuan ng simbahan. At kay raming bulaklak!
Tinuhog na daan-daang malalaking kuwintas ng sampagita na alay sa leeg at mga kamay ng Mahal na Birheng Inmaculada Concepcion. Mulang altar hanggang pinakahuling upuan ng simbahan ay nagagayakan ng sari-saring mamahaling sariwang bulaklak. Puting gladyola, saka rosas, cally lily, baby’s breath! May mabining halimuyak na inihahatid ang mamahaling sariwang bulaklak hanggang sa puwesto ni Tandang Pinang.
Napailing sa sarili ang matandang pulubi. Diyos, isang pumpon lamang ng sariwang bulaklak na iyon ay maghapo’t magdamag sigurong di magugutom ang anak ko!
Sapagkat naisip niyang hindi lamang sandaang piso ang nagugol sa bawat pumpon ng mamahaling bulaklak na iyon.
Panggayak lamang sa simbahan ay di biro-birong halaga!
Subalit gasino na ang napakalaking gastos na iyon para sa isang katulad ni Meyor na iilan sa mga bukod na pinagpala sa kanilang bayan? May malaking kompanya ng konstruksiyon si Meyor na sinasabing milyon-milyong piso kung magpanhik dito sa mga proyektong tulay, kalsada, at gusali.
Ang balita niya’ y kontratista ring katulad ni Meyor ang magiging balae nito. At tulad ni Meyor, hindi rin basta-bastang kontratista. Ang pangalan ng kontratistang iyon ay parati ring mababasa sa mga puno ng malalaking tulay na itinatayo at gayon din sa kalansay ng nagtatayuang mga gusali. Samakatwid, kung mayaman ang anak ni Meyor, ang mapapangasawa nito’y ganoon din.
Di nga kasi, kapag nagkasanib ang dalawang tukod ng yaman na bawat panig ay may koneksiyon sa matataas na tao sa gobyerno at sa mataas na lipunan, magkakatipon ngayon sa simbahan ng kanilang bayan ang napakaraming pinagpalang maituturing na pinakakrema ng sosyedad, naisip ng matandang pulubi. At ito ang kaniyang pag-asa ngayon upang mahatdan ng pagkain at matubos ang kaniyang anak na nasa piitan.
Kaya’t hindi alintana ni Tandang Pinang ang tikatik na ulan. Hindi siya giniginaw. Maalinsangan ang panahon kahit bumugso na ang ulan kangina. Gayon talaga ang Hunyo maski kailan.
Sa nakalahad niyang kanang kamay sa kaniyang pagkakatalungko sa puwesto niyang iyon sa may simbahan ay may mangilan-ngilang baryang nagsimulang bumagsak.
Salamat po! Maraming salamat po! Diyos na po ang bahalang gumanti sa inyo! At ang mga baryang iyon ay kaniyang tinitipon sa kaniyang sisidlang lata.
Ilang sandali pa’y lalong bumilis ang pagdagsa ng mga tao. Sa labas ng patyo ng simbahan, hindi magkamayaw ang mga busina ng mga sasakyan. Ganap nang tila ang ulan.
Umaapaw na ang paradahan ng mga sasakyan sa patyo.
Hindi na maisiksik ang mga dumarating pa. Kaipala’y puno na rin ang mga kalsadang kalapit ng simbahan. Masikip na rin pati ang bungad ng simbahan sa humuhugos na mga tao. Alam ni Tandang Pinang na karamihan sa mga táong iyon ay may iba’t ibang kadahilanan sa pagtungo sa simbahan: magpapakita ng kanilang bagong mamahaling damit, alahas; mag-uusyoso ng isang napakaringal na kasalan at iba pang dahilan, bukod sa pagdarasal!
Wala pa rin ang mga ikakasal.
Tinaya ni Tandang Pinang ang salaping kaniyang napagpalimusan. Humigit-kumulang lamang na sampung piso.
Kailangang madagdagan pa ito. Diyos, kakaunti ba sa mga pinagpalang taong ito ang may lantay na kabutihan at awa sa kanilang kapos-palad na kapuwa tao?

Unang dumating at humimpil sa tapat ng simbahan ang itim na Mercedes Benz na kinasasakyan ng anak ni Meyor na ikakasal at ang mga abay nito. Hindi gaanong nagkagulo ang mga taong nagmamasid maliban sa ilang bulungan sa paligid. “Iyan ba iyong salbaheng anak ni Meyor?” “Iyan.”
“Lahat naman ng mga anak ni Meyor e salbahe, a!” Nagkaroon ng kaunting komosyon ang mga tao nang dumating ang puting Mercedes Benz na kinasasakyan naman ng babaeng ikakasal at mga abay nito. Kasunod ang air-conditioned na Hi-Ace na kinalululanan ni Meyor at ng ilang miyembro ng pamilya nito.
Isa’t isa’y nanghahaba ang leeg sa pagmamasid sa magiging asawa ng anak ni Meyor. Kay ganda ng ikakasal sa damit-pangkasal nito na ipinasadya sa pinakakilalang couturier sa Maynila. Tatlumpung libong pisong tumataginting daw ang halaga ng damit-pangkasal na iyon, narinig ni Tandang Pinang na bulong ng isang matrona sa katabi nito.
Halos magiik ang matandang pulubi sa pagkakauklo niya sa may gilid ng simbahan.
Maawa na po kayo! ‘Limos po. … Namamaos na siya pero hindi pa rin tuluyang naglalaho ang pag-asa.
Komosyon muli. Tabi kayo, paraanin si Meyor! Mga alalay ni Meyor iyon. Hinahawi ang mga nag-uusyoso
lamang sa dakilang kasalang iyon ng taon. Silbato.
Si Tandang Pinang, kahit nakauklo na sa pagkakasiksik sa gilid ng pader ng simbahan ay hindi nakaligtas sa isa sa mga alalay na iyon ni Meyor.
“Ano ba, Tanda, kay tigas ng ulo mo, a! Alis diyan at nang magluwag-luwag naman ang daan!” paasik na sabi ng isang lalaking mapintog ang tiyan at may hawak na silbato sa isang kamay.
Gustong tumutol ni Tandang Pinang. Wala naman akong sinasakop kundi kaunting puwang lamang. Hindi ako nakasisikip sa daloy ng buhay ninyong mayayaman at makapangyarihan. Wala akong iniistorbong tao. Walang karapatang niyuyurakan. Kasalanan bang mang-antig ng walang maliw na awa mula sa kapuwa? Alam kaya nila kung gaano kahalaga para sa isang paris ko ang ilang baryang nagkakasama-sama at maaaring tumubos sa kalayaan ng aking anak at pumawi sa gukgok ng aming sikmura? Ang barya, kapag nagkasama-sama ay mahalaga!
“Ang tigas talaga ng ulo ng matandang ito!”
“Huwag po. Maawa na po kayo!”
“Anong awa-awa?”
May naghagis ng ilang barya, sumala iyon sa butuhang kamay ng pulubi. Bumagsak, gumulong, nawala sa putikan.
Mabigat ang barya. Hindi maaninaw ng pulubi kung saan iyon bumagsak kaya’t hinalihaw ng kamay niya ang putik sa harapan upang kapain ang nalaglag na barya. Subalit napipilan ang humahalihaw niyang kamay nang bagsakan iyon ng mabigat na takong ng sapatos. Tadyak. Kay sakit.
Saka pagahasa siyang itinindig, sinaklit sa balikat hanggang mapunit, mawakwak ang gahi-gahi niyang damit. Ang matitipunong bisig ay marahas na umakay sa kaniya, halos pasagsag, palayo sa kaniyang puwestong iyon sa may harapan ng simbahan.
Sa makalabas ng patyo, ang bilis ng mga pangyayari’y parang lumito sa pulubi kaya’t huli na nang maisip niya na ang tinipon niyang baryang napagpalimusan ay naiwan niya sa latang kaniyang sisidlan.
“Para na po ninyong awa, ang pera ko sa lata’ y….” At anyong pipihit ang pulubi.
“Hindi!”
Kay rahas ng tinig. Lalong humigpit ang matitigas na kamaong pumipigil sa kaniyang kanang braso. “Lumayo ka na rito, Tanda. Lumigpit ka na muna ngayon! Importante’ng gabing ito kay Meyor. Ano’ng sasabihin ng mga bisita niya kung makikitang me katulad mong nakatanghod sa may simbahan?”
“Pero ang mga perang iyon po’y kailangang-kailangan ko!”
“Hindi sabi. Gusto mo bang gamitan pa kita ng dahas?” Hindi pa ba dahas ang ginagamit na ito sa kaniya ngayon?
Napatingin si Tandang Pinang sa alalay na iyon ni Meyor.
Siya, isang aba, mahina at sakiting pulubi’y gagamitan ng dahas ng isang kasibulan at matipunong lalaki na bukod sa lakas na taglay ay may kapangyarihan pang iaamot sa kanilang punongbayan?
Alam kaya ni Meyor ang ganitong kabuktutan ng kaniyang mga tauhan? tanong sa sarili ni Tandang Pinang na pinipigil mapaiyak.
(May Karugtong)