Ni Benigno R. Juan
(Huling Bahagi)
A, SI Meyor. Mabait si Meyor!
Noong kumandidato ito bilang reeleksiyunista pagkaraan ng may labinlimang taong panunungkulan, walang iskinitang hindi naipasemento sa kanilang bayan. Kay galing ng bukadura ni Meyor. Nang magmiting ito sa plasa noon ay buong giting na sinabi:
Lahat kayo’y magkakaroon ng pantay na karapatan sa harap ng ating mga batas. Dito sa ating bayan, iiral ang hustisya para sa lahat. Kay mayaman ka, kay mahirap, ang trato’y pantay-pantay pagkat pare-pareho lang tayong mga anak ng Diyos! Sa bayang ito, na isa sa mga pangunahing bayan sa kapuluan, ipinangangako kong kapag muli ninyo akong inihalal ay magtatamasa tayong lahat ng mga biyaya ng isang modernong pamayanan na may pantay na pagtingin sa lahat! Malaya, matahimik at mapanatag tayong mabubuhay sa ilalim ng sikat ng araw!
Naroroon siya sa plasa, sa madilim na bahagi, sa isang sulok na malayo sa karamihan, ngunit ang alingawngaw ng tinig ni Meyor sa mga loudspeaker ay nanunuot sa kaniyang pandinig. Napapapalakpak siya sa sinabing iyon ni Meyor. May nabuhay na pag-asa sa kaniyang dibdib.
At pagkaraan ng ilang araw, sa presintong kaniyang bino-botohan, ang buong pangalan ni Meyor ay buong linaw niyang inilimbag sa kaniyang balota.
Si Josefina de la Cruz, 59, balo, ay isang tipikal na mamamayang Filipinong buong layang ginagamit ang kaniyang karapatang ipinagkaloob ng batas.
“Hihingi ako ng tulong kay Meyor!” May nabuhay na panibagong pag-asa sa kaniyang dibdib. Siya’y isa ring tipikal na Filipinong kapag nagawan ng pabor, umaasang siya’y gagantihan din ng ibayong pabor ng kaniyang tinulungan:
“Sa bahay ni Meyor ako maghihintay sa kaniya.”
TAHIMIK ang bahay ni Meyor. May kahol ng mga aso ang sumasagot nang tuunan niya ang timbre sa pintong bakal sa harapan ng mansiyong iyon na nalilibot ng lawn na alam niyang pinaglalaruan ng golf ni Meyor kung ito’ y hindi abala sa pagtingin sa mga nasasakupan at sa pag-aasikaso sa patuloy nitong lumalagong negosyo.
“Hindi pala rito ang handaan,” nausal sa sarili ni Tandang Pinang.
Umalis sa tapat ng pinto ang matandang pulubi. Lumigid siya sa gawing matatanaw siya ng mga nasa loob ng bahay.
Sa harapan, ang pader ay di-gaanong mataas, ngunit sa ibabaw ay may mga rehas na bakal na ang dulo’ y matutulis.
Pantay-mata niya ang bakod na konkreto at tanaw ang kabuuan ng mansiyong mula roon. May ilaw sa loob ng bahay. Maraming ilaw, ngunit wala siyang makitang tao.
Kaipala’y abalang-abala ang lahat para sa gagawing pagsalubong sa mga bagong kasal pag-uwi mamaya pagkaraan ng resepsiyon na gagawin kung saan.
Gusto ni Tandang Pinang na makatawag ng pansin sa sino man sa mga katulong sa mansiyon ni Meyor. Gusto niyang magbilin kay Meyor. Aalamin niya kung anong oras gigising si Meyor bukas at babalik siya roon para makausap ito nang sarilinan. Makikiusap siya kay Meyor. Luluhog siya. Luluhod kung kinakailangan. Kung maaari, dahil alam niyang walang kasalanan ang kaniyang anak na nasa piitang-bayan dahil sa bintang lamang, sana’ y mamagitan si Meyor at mapalaya ang kaniyang anak.
Ikinaway niya ang isang kamay sa pagitan ng mga rehas.
Natanaw iyon ng mga aso at lalong lumakas ang kahulan.
Wala pa ring lumalapit na katulong sa kaniya.
Muli niyang iwinasiwas ang kamay. Nagwawala na ang malalaking aso. Dumamba’t nagwawala sa pagkakadena habang nag-uulol ang mga kahol.
Isang malaking aso ang nakawala mula sa kinatataliang kadena at mabilis na sumugod sa kinaroroonan ni Tandang Pinang. Huli na nang mabawi ng matandang pulubi ang iwinawasiwas na kamay. Nasagpang iyon ng aso at nang pilitin niyang hilahin, pakiramdam ni Tandang Pining ay natanggal na lahat ang kaniyang mga laman at naiwan iyon sa matatalim na mga ngipin ng asong sumagpang.
Nang mapawi ang pamamanhid, naramdaman niyang patuloy palang tumutulo ang dugo at ang sakit ay tumatagos hanggang sa dulo ng kaniyang anit. Napaurong ang matandang pulubi. Hawak ng kaliwang kamay ang nakalaylay niyang kanan, paika-ika siyang lumayo sa mansiyon ni Meyor.
Sa madilim na bahagi ng daang patungo sa plasa ay napalugmok si Tandang Pinang. Nakaramdam siya ng pagkahilo at panghihina. Sa dako pa roon, ang tingin niya sa ipinasadyang fountain ni Meyor ay isang higanteng kawang ang pulandit ng tubig sa iba’t ibang kulay ay parang malalaking heringgilyang sumisipsip sa lahat ng kaniyang dugo. Gusto niyang sumigaw. Takot na takot siya. Nagugunita niya si Nitoy sa pitang pambayan. Ang anak ko! Ang anak ko!
Ikinikibot ng kaniyang mamad na mga labi habang patuloy na umaagos ang dugo mula sa malaking sugat niya sa bisig at ito’y sumasanib sa nagpuputik na tubig-ulan sa bangketa.
Katahimikan.
DINIG mula sa munisipyo ang mga dupikal ng kampana sa malaking simbahan na hudyat ng orasyon ngunit iyon ay parang isang pang-araw-araw na ritwal lamang na hindi pinag-uukulan maski sandaling pagmumuni, lalo na ng mga pulis na nasa puwesto sa may pagpasok sa piitang pambayan. Naghikab lamang ang isang pulis, ni hindi tinakpan ng kamay ang nakabukang bibig, saka iyon sinabayan ng ubos-kayang pag-iinat. Ipinilig ang ulong nangalay sa pakikipaglaro ng ahedres sa kasamang pulis, saka napansin ang nakalahad na kamay sa rehas ng selda.
Payamot na tumayo ang matabang pulis at uuyad-uyad na nilapitan ang nasa mabaho at mapanghing selda sa unahan.
“Ano, namamalimos ka ba? Anong itinatanghod mo riyan?” bulyaw nito.
“Ala pa’ng nanay ko?”
Naroroon siya sa plasa, sa madilim na bahagi, sa isang sulok na malayo sa karamihan, ngunit ang alingawngaw ng tinig ni Meyor sa mga loudspeaker ay nanunuot sa kaniyang pandinig. Napapapalakpak siya sa sinabing iyon ni Meyor. May nabuhay na pag-asa sa kaniyang dibdib.
“’Kaw iyong anak ng pulubi, ano?”
“Pawalan ninyo ako. ‘Ala akong sala. ‘Sumbong ko kayo kay ‘Nay pagdating mamaya!”
“Sinungaling ang lokong ito, a! Batutain kita uli riyan, nakita mo’ng hinahanap mo!” Iniamba ng pulis ang hawak na batuta at ang anak ng pulubi’y takot na napaurong.
Kagabi kasi, naranasan na niya ang mabatuta. Naranasan na niya ang pagpasa-pasahan sa loob na bawat isa’ y nanununtok, nangangadyot, naninipa sa kaniya. Hangga ngayon, mahapding-mahapdi ang kaniyang buong katawan. Parang may pasa pati ang kaniyang mga buto. Namumusarga ang kaniyang mga labi, pasa-pasa ang kaniyang mukha at buong katawan. Ngayong nagsisimula na namang gumabi, ano naman kayang pahirap ang daranasin niya rito sa loob?
Matitigas na mga kriminal yata ang mga nakasama niya sa selda. May labinlima sila roon. Bawat isa’y may galit wari sa isa. Bawat isa’y parang hayok sa pananakit. Bakit sila ganoon? Bakit? Hindi maipaliwanag sa kaniyang isipan ang lahat ng nagaganap na ito sa kaniya ngayon.
Bakit kayong lahat ay galit sa akin? Wala naman akong ginagawang masama, a! Malinis ang aking konsensiva.
Alam ito ni Inay. Nang gabing iyon na maganap ang nakawan sa malaking botika sa palengke, ako’y kasalukuyang namamahinga sa karitong ginagamit kong panghanapbuhay para makatulong sa aking matanda at mahina nang ina.
Wala nang maggugulay at mag-iisdang nagpapakarga sa aking kariton. Bago umuwing bahay, nakagawian ko nang mamahinga muna saan man lugar sa may palengke na malamig ang hangin. At sa gawing iyon, sa kabilang ibayo ng kalsadang katapat ng malaking botika, inihimpil ko ang aking kariton at ako’y namahinga.
Nakatulog ako’t nagmasid. Kitang-kita ko ang ilang kabataang nagmamadaling nagsisakay sa isang magarang kotse. Lahat sila, tatlo o apat marahil, ay may kargang sako ng kung ano. Saka ko napansin, may nakababang sako ring puno ng kung ano sa gilid ng aking kariton.
Hindi ko malaman kung ano ang aking gagawin. Nalito ako. Saka ko nakita ang guwardiya sa tapat ng botika.
Nakagapos. May takip sa bibig. Lalo akong nalito. Gusto ko nang tumakbo at umuwi kay Inay, pero papaano ang sakong ito? Binuhat ko ang sako at isasauli sana sa guwardiya pero nakita kong duguan siya. Takot na takot ako sa dugo! Walang malay ang guwardiyang naliligo sa sariling dugo. Sa matinding takot ko’y tumakbo ako nang tumakbo.
Hindi ko namamalayang dala ko pala sa pagtakbo ang sakong may lamang mamahaling mga gamot na ninakaw mula sa botika.
At ako’y kanilang dinakip. .. .
Diyos, hindi! Hindi ako magnanakaw maski kailan. Ang dalas ko ngang sumala sa gutom. Pero ang sabi ni Inay, hindi baleng mamatay sa gutom, huwag lang galing sa masama ang kinakain. Hindi baleng manghingi, mamalimos sa kapuwa. Kung malakas lang ba’ng katawan natin, e.
Kung hindi lang me diperensiya iyang kukote mo … Pero me awa ang Diyos, Anak. Binigyan Niya tayo ng ganitong buhay, bibigyan din Niya tayo ng ikabubuhay!
“Ano’ng itinutulala mo riyan?” Ipinukpok ng pulis ang batuta nito sa rehas na bakal. Ang mga nasa loob ng selda ay parang mga unggoy na nangabulabog. Lahat ng mata’ y napako sa pulis. Ang tensiyon na malaon nang nasa loob ng piitang pambayan ay muling nagkatitis, naglagablab. At biglang tumama ang isang kung anong matigas na bagay sa likod ng pulis.
“Mga walanghiya kayo! Sino’ng bumato sa akin?”
“Walanghiya ka rin! Pumasok ka rito’t nang makita mo’ng hinahanap mo, ulol!” pasigaw na sabi ng isang kalbo‘t maskuladong preso na naghahamon ang tingin sa pulis.
Walang babala. Walang ano mang premonisyon.

Sapat na iyon. Sigawan. Murahan. Kani-kaniyang hawak ng ano mang matigas na bagay. Kani-kaniyang sugod. May magkakalabang pangkat sa loob ng selda at bawat isa ngayon ay gustong makapagwala. Kalampagan. Sigawan.
Mga daing.
Si Nitoy ay parang isang yagit sa dagat na iyon ng nag-aalimpuyong mga damdaming-hayop. Parang dikeng nabuksan at ang umapaw na emosyon ay pilit na sumambulat. Mistulang mga tigreng sa pagkakakulong, pagkagutom, at pagkauhaw ay lalong nag-ulol ang tapang.
Matira ang matibay!
lyon kaipala ay matatala bilang isa sa pinakamadugong riot ng mga bilanggo sa piitang-bayan.
Nang mapakalma ang nagsisipaglatang na mga damdamin sa tulong ng mga batuta, mga hose ng tubig ng bumbero, at mga paitaas na pagpapaputok ng mga baril ng mga pulis na nagsigibik, lima ang patay sa mga bilanggo at kay raming sugatan.
Nakatayong lahat sa isang tuwid na hanay ang mga bilanggong hindi gaanong grabe ang mga sugat. Ang mga walang malay naman at grabe ang lagay ay mabilis na isinakay sa isang naghihintay na ambulansiya.
Kumibot ang mamad na mga labi ni Nitoy nang maramdaman niyang may bumubuhat sa kaniya. Una siya sa mga nabuwal kangina at damang-dama niya ang paggiik ng maraming mabibigat na paa.
At siya’y sinalakay ng hindi maulatang takot.
Ngayon ay mabigat na mabigat ang talukap ng kaniyang mga mata. Manhid na manhid ang buong katawan niya. Ang utak niya’y para bang nakahiwalay sa kaniyang pisikal na katawan.
Ano ba’t sa inaantok niyang pakiwari ay umanag-ag ang kaniyang ina, papasalubong sa kaniya. Siya’y buong pagsuyong inalalayan, itinayo at niyakap, saka waring isang sanggol na ipinaghehele sa kandungan nito.
“I-inay!” huling kibot ng kaniyang mga labi bago lumaylay nang ganap ang magkabilang balikat.
Katahimikan.
ORASYON. Sandali ng pagdidili-dili. Isiping lahat ang mabubuti at ang masasama’y iwaksi. Pero papaano? Meron ba ni isang mag-uukol ng mga gangganitong sansaglit na panalangin sa Coral Ballroom ng Manila Hilton na isang otel na may limang estrelya?
Ewan din.
Para sa punong weyter na nakadestino sa silid na iyon na naiilawan ng mga mamahaling chandelier na may libo-libong mumunting bombilya, ito ang oras upang ang lahat ay mailagay na sa dapat kalagyan. Di na magtatagal, huhugos na ang mararangal na panauhing pinagpipitagan at iginagalang dahil sa salapi ng mga ito upang punuing lahat ang mga mesang laan para sa 500 bisita sa halagang P120.00 bawat isang plato.
Sa gitna ng marangyang presidential table, nakasabit na ang malaking hugis-kampanang bastidor na nababalutan ng puting papel de-hapon na kinapapalooban ng dalawang puting kalapating ang lasong tali’ y hihilahin ng mga bagong kasal mamaya upang pawalan, bulabugin, takutin hanggang sa matuliro ang mga kawawang ibon.
Sinulyapan din ng punong weyter ang wedding cake, isa sa pinakamalalaki at pinakamamahaling wedding cake na nakita niya sa kaniyang may limang taon nang paninilbihan sa otel na iyon. Ito’y ipinasadya sa pinakapopular na bake shop sa Maynila.
Handa na rin ang lahat ng plato, kubyertos, platito, serbilyeta at iba pa. Ang presidential table ay napahihiyasan din ng mga bulaklak at gayon din ang bawat mesa. Nagsisimula nang maglagay ng malamig na tubig sa mga baso ang unipormadong mga weyter niya, kaya’t waring nararagdagan ang kaniyang tensiyon habang papalapit ang dakilang function na ito — kasalan ng taon! Ang anak ng Meyor at ang anak ng mayamang negosyanteng bukambibig ang pangalan!
Pati ang bar ay sinuring mabuti ng punong weyter. Ang alak, kabilin-bilinan ng kanilang manedyer ay hayaang bumaha. Walang takda. Hanggang may hihingi, kailangang dulutan mamaya.
Sky is the limit!
Ang totoo’y may mangilan-ngilan nang panauhin. Sa taya’y malalapit na kamag-anak ni Meyor na tumitingin kung maayos na nga ang lahat para sa mga magsisidating na mga bisita maya-maya.
Isang pangkat ng mga tin-edyer, limang lalaki na sa bihis ay mahihinuhang mga anak-mayaman, ang nasa isang mesa sa sulok at sumisimsim ng inorder kanginang mamahaling alak habang paanas na nagkukuwentuhan.
Maya-maya’ y kinambatan ng isa ang punong weyter at nang lumapit ay binulungan.
“Isang boteng brandy pa nga. Charge kay Epa. Kapatid ko ‘yong groom. Hindi ako ginawang best man kaya’t mag-iinuman na lang kami nang husto rito.”
“Saka bigyan mo rin kami ng cold cuts para mapulutan.Charge din kay Meyor,” sabi naman ng isa.
“Hoy, huwag kang masyadong uminom, Bimboy. Baka tamaan ka ay magwala ka pa rito!”
“lyon lang po bang order ninyo?” magalang na tanong ng punong weyter.
“Oo,” sabi ni Bimboy. “Saka bigyan mo kami ng malamig na tubig para gawing chaser.”
Nang makatalikod na ang punong weyter ay binalingan ng mga kasama si Bimboy, ang bunsong anak ni Meyor.
“Easy ka lang, Bimboy!”
“Siyanga, Bimboy! Delikado. Hindi pa sarado iyong huling kaso natin.” Luminga-linga ang nagsasalitang tin-edyer at nang matiyak na walang ibang nakakarinig ay nagpatuloy: “lyong dyaguwar ng botikang tiniklo natin ay 50-50 pa rin daw sa ospital.”
“lyang utol mo kasi, Bimboy,” sabat ng isa, “kung bakit kay hilig mambira. Ikakasal na lang, e, sukat naniklo pa!”
“Hindi ko nga malaman kay ‘Tol. Sana’y makarekober ang dyaguwar. Pero mahirap na. Hindi pa rin daw inaalis sa ICU ang balita ko!”
“Sabit tayo pag nadedbol iyon!”
“Sabit,” gagad ni Bimboy. “Ano’ng ginagawa ng Epa ko? Yakang-yaka kung ganiyang kaso lang. What are we in power for?”
Sumimsim ng brandy si Bimboy. Straight.
“Ang totoo, mga erap, kay utol ako naaawa. Ngayong me waswit na siya, baka mapuwera na siya sa ating barkada. Baka maputol na ang delihensiya niya na pambili natin ng damo sa Quiricada. Dehins na siguro siya makakasama sa ating mga sesyon…”
“Masyado ka namang pessimistic!”
“Ano naman ang ginagawa ng kaniyang waswit na maatik? Sa’n nila dadalhin ang kanilang bread?”
“Saka what are we in power for?”
“Kung mag-going straight?“
“Ha-ha-ha! Ang labo niyan, mga pare ko!”
“Para sabihin ko sa inyo ang totoo, habang nasa panig natin ang Epa ni Bimboy, walang makabubuwag sa ating grupo. Maski iyang kasal-kasal!”
“Shhhh! Tigil muna ang pagsasalita at dumarating ang dakilang weyter!”
Lahat ng paningin sa mesang iyon ay nabaling sa punong weyter na dala ang bandehadong kinalalagyan ng kanilang mga order at taas-noong lumalakad papalapit sa kanila.
Katahimikan.