Ni Bienvenido A. Ramos
(Unang nalathala: LIWAYWAY, Abril 22, 1963)
HUDAS!
Ang pasaring ay hindi nakatakas sa pandinig ni Nardo. Nasa tapat na siya ng bisita. Limang lalaki ang magkakahunta sa may patyo. Tumigil si Nardo: nakadakot ang kamay, nakatiim ang bagang. Hinintay niyang ulitin ang narinig. Sa lima, nakilala niya na dalawa ang kamag-anak ni Pentong.
Nguni’t wala nang nagsalita. Nang may mangusap ay iba ang narinig ni Nardo, iniba ang paksa. At habang palayo siya ay umaalingawngaw sa kanyang pandinig ang katagang Hudas, tila nangingibabaw sa matitinis na tinig ng matatandang babaeng nagbabasa ng Pasyon sa loob ng bisita.
Patungo siya kina Minyang at ibig man niyang lumihis ng daan ay wala siyang ibang mapaglalagusan. Malapit sa bisita ang bahay nina Minyang. Aywan niya kung siya’y naging maramdamin lamang nang mga araw na ito, nguni’t sumusugat sa kanyang puso ang naririnig niyang haka-haka ng kanyang mga kanayon; na siya’y isang Hudas. Narinig niya iyon mula pa nang mabalitang ikakasal na sila ni Minyang.
“Sinamantala niyang wala si Pentong saka niya niligawan si Minyang,” anang ilang kamag-anakan ni Pentong. “Kay galing na kaibigan!”
“Bagay na bagay nga sa kanya ang papel ni Hudas,” anang ilang matatandang mandi’y nagkikimkim ng pagkainis kay Nardo.
Noong araw ay hindi niya pinapansin kung binibiro siya ng mga kanayon, na bagay sa kanya ang magpapel na Hudas sa senakulo. Tila ikinararangal pa niya iyon. Noon, alam niyang napupuri siya sa kahusayan ng kanyang pagkakaganap sa senakulong itinatanghal sa Matimbo, na siya nga ang gumanap na Hudas Iskariote. Nguni’t ngayo’y binibigyan ng ibang kahulugan ang ginampanan niyang papel – pinakakahuluganang nagtaksil siya sa pagiging magkaibigan nila ni Pentong. Bagay na hindi naman totoo.
Napatulin ang lakad ni Nardo nang mapansin niyang may ilan pang nagkakaumpok sa tindahang malapit sa gripo. Sa ibayo siya ng daan nanalunton. At sinadya niyang huwag tumingin sa magkakaumpok. Nahihirapan siya sa ginagawa nguni’t kailangan niya ang kusang umiwas alang-alang na lamang kay Minyang. Ayaw niyang masira ang balak nila ni Minyang, ngayong nalalapit na ang kasal. Sa Pasko ng Pagkabuhay ang kasal nila at kasalukuyan nang pinaghahandaan nila iyon.
Nguni’t hindi maiwasan ni Nardo ang mag-agam-agam habang palapit siya kina Minyang. Ipinatawag siya ni Minyang sa isang kapatid nitong bata. Mahalaga umano ang pag-uusapan nila. Nguni’t kinukutuban na siyang ang pagpapatawag ni Minyang sa kanya ay may kinalaman sa pag-uusap nila ni Tata Anton kahapon ng hapon. Tumanggi siya kay Tata Anton kahapon ng hapon. Tumanggi siya kay Tata Anton na siya uli ang gumanap na Hudas sa senakulong itatanghal sa taong iyon.
“Palitan na ho n’yo ‘ko,” sabi niya kay Tata Anton kahapong sadyain siya nito sa bahay. Nagsadya sa kanila ang namamahala sa senakulo upang sabihin lamang na magsisimula na sila sa pagsasanay. Dalawang linggo bago dumating ang pagtatanghal ng senakulo, na nagsisimula sa Linggo de Ramos at natatapos sa Pasko ng Pagkabuhay, ay nagsasanay sila, silang mga tauhan ng senakulo. Nagsasaulo sila ng kani-kanilang dialogo, nagsasanay ng pagganap at paglalarawan ng damdamin ng tauhang ginagampanan nila.
Nakita niya ang pagtataka sa mukha ni Tata Anton. “Papalit ka? Pero sino ang ipapalit namin sa iyo?”
Batid niyang walang may gustong gumanap sa papel na Hudas Iskariote. Bagama’t palabas lamang iyon, natatakot ang iba na sila’y palaging bansagan ng “Hudas,” gaya ng kaugalian sa ngayon na pagbabansag ng kung anu-ano. Kung di siya pinakiusapan ni Tata Anton ay ayaw rin niyang pumayag sa ibinibigay sa kanyang papel, ang papel ngang Hudas.
“Maski na ho sino,” matabang na sabi niya. “Talagang ayoko nang gumanap na Hudas. At marahil ay alam na ninyo kung bakit. Ku, e, baka lang ho ako makapatay ng tao!”
Nagtawa si Tata Anton. “Bakit mo pakikinggan ang sasabihin ng tao? Ang mahalaga’y nakapag-aabuloy ka ng kakayahan mo para sa ikabubuti ng marami. Kaya lang gusto kong taun-taon ay makapagsenakulo tayo, ibig kong maipamata sa tao ang tiniis na hirap ni Kristo.”
Nguni’t hindi rin siya nalamuyot ni Tata Anton. Nagmatigas siya.
Ang ipinangangamba niya ngayon ay baka nagbabagong-isip si Minyang. Sa nayon nila’y walang hindi nababalita at natitiyak niyang ang pagtanggi niyang gumanap na Hudas ay nakarating na sa kaalaman ni Minyang. Baka kaya siya ipinatatawag ni Minyang ay ibig na ng dalagang iurong ang kasal nila dahil sa pangyayaring binabansagan siya ng Hudas; pinakakahulugan sa kanilang nayon na ang pagpapakasal nila ni Minyang, ay isang pagtataksil niya kay Pentong.
Nasa tapat na siya ng bahay nina Minyang, at marahang pumasok sa tarangkahan si Nardo. Matagal bago niya nagawang tumawag. Dumungaw si Ba Korne, saglit siyang inaninaw sa dilim at nang makilala’y pinapanhik.
Nagmagandang-gabi si Nardo sa ama ni Minyang. Sa may salas, dinatnan niyang nakaupo sa tumba-tumba si Aling Itang. Bahagya na niyang narinig ang tugon ng matandang babae nang siya’y magmagandang-gabi. Mag-iisang taon nang maysakit si Aling Itang, sakit sa puso na may kasaping pagkatuyo.
Si Minyang, ay nasa silid pa nito, at naupo sa kabahayan si Nardo. Dumampot siya ng isang babasahin sa ilalim ng kalapit na mesitang pandak. Nguni’t binuklat man niya iyon ay wala roon ang kanyang isip. Sa diwa niya’y humuhugos ang maraming gunita, at naaalala niya si Pentong. Si Pentong! Kung naroon lamang si Pentong ay wala siyang suliranin. Kung nagtotoo lamang sa salita si Pentong. Kung…
Magkababata silang tatlo nina Minyang at Pentong. Inuuliran sa kanilang nayon ang matamis na pagsasama nila ni Pentong, at ngayon, iyon ang ipinapalagay ng mga kanayon nila na sinira niya; pinagtaksilan niya si Pentong.
Sa kanilang nyon, maraming matamis na pagsasama ng dalawang magkaibigan ang sinira ng suliranin ng pag-ibig. Nguni’t hindi sila ni Pentong. Kaya, nang ipagtapat sa kanya ni Pentong na umiibig ito kay Minyang, nagawa agad niyang inisin ang gayon ding damdamin na iniuukol sa dalaga.
“Baka magkakaribal pa tayo kung di ko agad ipagtatapat,” sabi pa ni Pentong. “Mabuti na ang nagkakaintindihan tayo.”
“Tutulungan pa kita,” nakatawang sabi niya noon; ang tawa niya’y itinakip sa pagkasiphayo. Ang lihim ba pagdurusa ay hindi niya ipinamalay kay Pentong at kay Minyang. Ang lihim na paninibugho. Lalo pa’t nakikita niya ang matamis na pagsasama nina Minyang at Pentong. Kung bakit naman ibig na ibig ng dalawa na lagi siyang kasama sa lakad: sa piknikan, sa pagliliwaliw at sa pamamasyal sa mga bisita kung Mahal na Araw.
Taun-taon ay ginagampanan ni Nardo ang papel na Hudas sa senakulo sa kanilang nayon. Ngayon ay nagkaroon ng malaking dahilan upang tanggihan niya iyon.
“Bakit ‘ala ka ‘atang nililigawan?” minsa’y biro ni Pentong sa kanya. “Ibig ko sana, kung pakakasal kami ni Minyang ay kasabay namin kayo… kayo ng mapapangasawa mo. Para lalong masaya ang kasal.
Hindi alam ni Pentong na umiibig pa rin sa kanya si Minyang sa kabila ng katotohanang katipan na nito si Minyang. Tumawa lamang siya.
“Mauna ka na, at saka na ‘ko susunod,” sabi lamang niya.
Parang ibig niyang matiyak na magkakatuluyan sina Minyang at Pentong bago siya manligaw sa iba. Sa palagay niya, malilimot lamang niya si Minyang kung makita niyang kasal na ito kay Pentong.
Ang lihim na pag-ibig niya sa dalaga ay naipahihiwatig niya sa ibang paraan: sa walang kupas na pag-aalaala kay Minyang kung mga araw na mahalaga, gaya ng Pasko at Araw ng mga Puso. At hindi niya nalalamang iyon ay naihahambing pala ni Minyang sa mga pagkukulang ni Pentong sa dalaga.
“Mabuti ka pa’t nakaaalala,” may pagdaramdam na sabi ng dalaga sa kanya nang sumapit ang isang kaarawan nito at handugan niya si Minyang ng isang rosaryo. “Si Pentong ay ni hindi nakaisip magpadala kahit lason!”
“Siguro’y nakalimutan niyang kaarawan mo ngayon,” pagtatakip niya sa kaibigan.
“Nakalimutan? Kung mahal mo ba ang isang tao ay makakalimutan mo ang isang araw na napakahalaga sa kanyang buhay?”
Pinagtatakpan man niya ang pagkukulang ni Penyong kay Minyang, yaon ay ipinamamata niya sa kaibigan.
“Mapaghanap naman siyang masyado, e,” inis na tugon ni Pentong. “Pagka binuwisit niya ako, papalitan ko pa siya, e.”
Tumitig siya nang tuwid kay Pentong noon. At patag na patag ang tinig nang siya’y magsalita: “Kapag ginawa mo iyan, masisira ang pagkakaibigan natin! Hindi ako papayag na paluhain mo lang siya!”
Napatinging nababaghan si Pentong sa kanya. “Bakit ganyan na lamang ang pagmamalasakit mo sa kanya?”
“Sapagka’t mahal ko siyang tulad… sa isang kapatid,” nasabi niya at huminga siya nang malalim. “Daramdamin kong mapariwara siya, lalo pa’t ang magpapariwara sa kanya ay isang kaibigan ko!”
Hindi kumibo si Pentong, tila nagdamdam sa kanya. At aywan niya kung iyon ang naging sahi ng unti-unting pagtabang ng pakikisama sa kanya ni Pentong. Madalas na siyang hindi nito isinasama sa lakad. Nguni’t siya’y hindi nagbago.
NAPUKAW sa pag-iisip si Nardo nang makita niyang papalapit si Minyang. Ngumiti ang dalaga pagkakita sa kanya, ngiting tila malungkot at walang sigla.
Naupo si Minyang sa silyang kaibayo ng kinauupuan ni Nardo. Matagal na sa kanilang pagkakaharap ay namagitan ang katahimikan.
May nagpapahirap sa kalooban ni Minyang, gaya ng nakikita ni Nardo sa hapis na anyo ng dalaga. Hindi rin nakaila sa kanya ang pamumutla at pagkahumpak ng mga pisngi nito. Ang panlalalim ng mata. Sa anyo ni Minyang, alam ni Nardo na nasa kalagayan na itong tumatahak sa pagiging ina.
“Ipinatawag kita,” ani Minyang sa tinig na bahaw, “dahil sa ating usapan. Sa ating … kasal.”
Napatuwid si Nardo sa pagkakaupo. Tama ang hula niya. “Nabalitaan mo na?” sambot niya.
Tumango si Minyang. “Alam kong diniribdib mo ang sinasabi nila,” patuloy nito, “at iyan ay pinatutunayan ng pagtanggi mo kay Tata Anton. Nakausap ko siya kahapon.”
“Pero walang kinalaman doon ang usapan natin,” tutol ni Nardo.
Ngumiti nang mapait si Minyang. “Naiisip kong kung hindi mo binibigyan ng ibang kahulugan ang nasabi ng mga kanayon natin, hindi ka tatanggi sa pakiusap ni Tata Anton. Ipinapalagay mo ngang Hudas, nagtaksil ka. Kung tunay ang sabi mo, na iniibig mo ako, hindi mo papansinin ang lahat mong maririnig…”

Natigilan si Nardo. Iyon na nga ba ang pinangangambahan niya: ang may isaloob na iba si Minyang.
Nang ipagtapat sa kanya ni Minyang na may dapat nang panagutan dito si Pentong ay matagal bago niya napapayag ang dalaga na pakasal sila. Umalis si Pentong sa nayon na hindi sinabi kung saan tutungo. Sinabi lamang na hahanap ng trabaho sa ibang bayan.
“Hahanapin ko siya,” galit na nasabi niya noon. “Kapag hindi ka niya pinakasalan, papatayin ko siya!”
“Huwag na, sayang lamang,” mapait na wika ni Minyang. “Magbalik man siya’y hindi na ako pakakasal sa kanya. Isinusumpa ko siya.”
Nabatid niya kay Minyang na ito’y pinaglalangan pala ni Pentong. Isinama sa isang pamamasyal at sinabing aalis nga ito. At nagawang dahasin ni Pentong ang dalaga nang mapagsarili sila sa pook na pinasyalan.
“Kung ayaw mong pakasal sa kanya,” ani Nardo na tumitig kay Minyang, “tayo ang pakakasal. Mamanhik kami ng tatang ko sa tatang mo.”
Parang hindi makapaniwalang napatitig sa kanya si Minyang.
“Naaawa ka lang sa akin,” ani Minyang. “Hindi ako makapapayag na ikaw ang magpasan ng kasalanang ginawa ng iba.”
“Sa simula pa’y iniibig na kita,” pagtatapat niya, at taimtim sa loob ang kanyang sinabi. “Nagparaya lang ako kay Pentong. Akala ko kasi’y malinis ang hagarin niya sa iyo.”
Makailan pa silang nag-usap ni Minyang. Noon ay halata na ang dinadala nito sa sinapupunan. At upang malamuyot ang dalaga, ipinamata niya ang mangyayari, kung mabubunyag ang lihim nito. Ang sasabihin ng mga tao. Ang gagawin ni Ba Korne. Ang sasapitin ni Aling Itang na may sakit sa puso.
“Tingnan mo,” sabi pa niya. “Kung malalaman ng tatang mo ang nangyari, tiyak na hahanapin niya si Pentong. Baka mapatay pa niya ito. Saka, alalahanin mo ang kalagayan ng inang mo. Baka mabigla siya at tuluyan nang mamatay.”
Naunawaan siya ni Minyang at pumayag ito sa mungkahi niya. At itinakda nga ang kasal nila. Noon naman siya binansagang Hudas ng kanilang mga kanayon.
“WALANG mabuti kung di ang huwag matuloy ang ating kasal,” dugtong ni Minyang, na pumutol sa pagbubulay-bulay ni Nardo. “At maaari pa namang iurong iyon.”
“Hindi ako makapapayag,” nasumpungan ni Nardo na matatag niyang sinasabi. “Maski ano pa ang sabihin ng mga tao, itutuloy natin iyon.”
“Sinasabi mo lang iyan,” giit pa rin ni Minyang. “Nakita mo’t ngayon pa lang ay binabansagan ka nang Hudas. At ngayon pa lamang ay dinaramdam mo na iyon. Kung makakasal tayo, habang panahon na gayon ang magiging pagkakakilala sa iyo. Habang panahong tatawagin kang Hudas!”
Huminga nang malalim si Nardo. “Walang kailangan!” aniyang may tatag ng kapasiyahan sa tinig. “Kakausapin ko uli si Tata Anton. Sasabihin kong ako uli ang gaganap na Hudas. Kahit ano pa ang sabihin nila… kahit ano!”
Ngayon niya nakilalang higit na mahalaga ang pag-ibig niya kay Minyang kaysa sasabihin ng tao. Matatanggap niya ang gaano mang paghamak huwag lamang si Minyang ang upasalain.
LIMANG gabi nang itinanghal ang senakulo. Sa gabing iyon ay gaganap na si Nardo. Suot-Hudas siya, nakatunika ng pula, may sandalyas at may artipisyal na balbas. Ang tagpo ay sa Halamanan ng Getsemane. Kasama ni Nardo nang buksan ang telon ang ilang kawal na hudyo na dalang mga sulo at sibat. Na nangunguna siya.
Saglit na naiisa ng kanyang tingin ang makapal na taong nanonood. At nakita niya si Minyang, malapit sa entablado. Nakatingin sa kanya. Ngumiti sa kanya.
At tinupad na ni Nardo ang kanyang papel. Nilapitan niya ang gumaganap na Hesus at walang salitang hinagkan. Iyon ang tanda na iyon ang Kristo. Nagsigawan ang mga manonood.
“Talagang mahusay ang Hudas! Talagang mahusay!”
“Talagang Hudas!” sumalit ang isang tinig na nanunuya.
Saglit na natigilan si Nardo. Muntik na niyang malimutang siya’y nasa tanghalan. Nalito siya. Nguni’t nang muli siyang mapatingin sa gawi ni Minyang ay nakita niyang nakatingin ito sa kanya. Sa tingin nito’y parang nabasa niya: “Magpatuloy ka… Sa kanila, ikaw ay si Hudas. Nguni’t sa akin, ikaw ay isang manunubos… Ikaw ay isang Kristo…”