Ni Jhusua Celeste
SINALUBONG sina Paul at Neil ng gintong tanghali paglabas ng Mariners Hotel. Tumawid sila ng kalsada, sumilong sa lilim ng sarado pang bar, saka pinara ang parating na jeep. Nang marating ang bayan, dumeretso silang SM City Olongapo Central.
Sa food court nila naisipang kumain. Iyon ay nasa ikaapat na palapag. Habang hinihintay ang inorder na Korean food, nagpaalam si Paul na sandaling bibili ng dessert. Bumaba siya sa Ground Level at umorder ng dalawang slice ng triple chocolate cake sa isang coffee shop. Debit card ang ipinambayad niya. Subalit, kumunot ang kanyang noo nang hingan ng ID ng kahera. Iyon ang unang beses na nangyari iyon. Sa pagkakaalam niya, hindi naman kailangang magpakita ng ID. Pakiramdam niya ay may ginawa siyang mali o kung anong ilegal. Pakiramdam niyang siya ay isang kriminal. Hinayaan na lamang niya at balisang sinunod ang sabi ng kahera.
Sa buong buhay ni Paul, pinagagalaw siya ng mga bagay-bagay sa kanyang paligid. Hindi siya ang nagpagagalaw sa mga ito. Kinasusuklaman niya nang lubusan ang sarili dahil dito.
Papanhik na siya ng escalator nang mapalingon sa kanyang likuran. “Sir!” paulit-ulit na tawag sa kanya ng barista mula sa binilhang coffee shop. At nang maabot nito ang kinatatayuan niya, ibinigay ng lalaki ang ID niyang nahulog nang hindi namamalayan. Pinasalamatan niya ang lalaki ngunit nginitian lamang siya nito, matipid, bago ito maglakad pabalik ng trabaho.
Ano ba ang inaasahan niya? Na kakamayan siya ng barista? Kakausapin? Muntik nang matawa si Paul sa sarili. Hindi naman niya napigilang mapansin ang full sleeve na tato nito sa kaliwang braso. Partikular ang naggagandahang alon ng dagat sa matingkad na tintang asul––ang paborito niyang kulay.
Okupado na halos ang food court pagdating niya. Tinahak ni Paul ang laberinto ng mga mesa at upuan at natagpuan ang partner sa gilid––kumakain na.
Tahimik sila buong sandali. Maski nang matapos silang kumain. Sa mga unang yugto ng kanilang relasyon, napag-usapan na nina Paul at Neil ang lahat ng bagay tungkol sa isa’t isa. Wala nang sulok ang natira upang siyasatin. Wala ni isang misteryo ang kailangan pang resolbahin. Madalas na ganoon ang kanilang sitwasyon sa tuwing magkasama.
At habang nagpapatunaw, sinimulang basahin ni Paul ang dinalang libro. Abala naman sa paglalaro ng mobile game si Neil. Paminsan-minsan, sumusulyap si Paul sa labas. Mula sa salaming pader ng food court, tanaw niya ang dikit-dikit na mga kabahayan, ang mabundok na bahagi ng Mabayuan, ang Cherry Midtown Hotel, ang dumadaang mga sasakyan sa Rizal Avenue at mga papasok ng Hospital Road, at ang walang hanggang asul na kalangitan.
Ginalugad nila ang bayan matapos bumili ng Root Beer sa supermarket. Hindi nila iyon nagawa kahapon sa kadahilanang pagdating ng Olongapo, dumeretso sila ng Barretto upang mag-check in. Sinilip nila ang nadaanang ukay-ukay, ilang minuto mulang SM, kung saan bugnutin ang mga tindera. Kumanan sila paglagpas ng isang fast food restaurant. Kumaliwa bago ang isang Katolikong simbahan.
Kalaunan, natunton nila ang gilid ng Olongapo City Public Market. Doon, bumili sila ng prutas sa nagtitindang ale. Pagkatapos, napadpad silang Arthur Street. Pumasok sila sa maliit na shopping center, at bagama’t mura ang mga paninda, wala silang balak na bilhin doon. Subalit, napansin ni Paul na panay ang tingin sa kanila ng security guard na nakaistasyon sa entrada. Paniguradong kakapkapan sila nito paglabas, naisip niya, sa pag-aakalang mga shoplifter sila. Kaya upang isalba ang sarili sa nakaambang kahihiyan, iminungkahi ni Paul kay Neil na bumili sila ng salbabida.
Dumeretso silang dagat pagbalik ng Barretto. Pasado alas-singko na ng hapon subalit mataas pa rin ang araw. Mainit ang buhangin. Malawak ang dalampasigan. May mga lalaking nag-iinuman. May mga babaeng naglalaro ng volleyball. May mga batang naghahabulan. Nakasilong naman sa ilalim ng mabababang puno ng talisay ang ilan.
Sa tabi ng nakadaong na bangka napagkasunduan nilang pumuwesto. Sa buhangin, maingat na inilatag ni Paul ang puting beach towel. Inilapag nila roon ang kani-kanilang sling bag, ang mga pinamili, saka umupo upang pagmasdan ang pilak na Subic Bay. Pagkaraan ng ilang minuto, nagpaalam si Neil na maglalakad-lakad muna. Tumango si Paul. Pag-alis nito, ipinagpatuloy niya ang binabasang libro habang umiinom ng root beer at kumakain ng clementine.
“Tara, langoy,” narinig niyang sabi ni Neil pagbalik nito.
Tumingala siya sa partner. “`Sunod ako.”
“Sige,” sang-ayon ni Neil. “`Una na `ko.”
Ilang sandali pa, itinabi ni Paul ang binabasa at iniunat ang mga braso––huminga siya nang malalim. Lumulubog na ang pulang araw sa kabundukan. Nang sandaling iyon, ang langit ay kakulay ng isang bagong silang na sanggol. Kinunan iyon ni Paul ng retrato, makailang ulit, bago umusad patungo sa tubig. Hindi niya makita kung nasaan si Neil. Gamit ang biniling salbabida, mag-isa siyang nagpalutang-lutang sa dagat at pikit-matang nagpaanod sa mga agos hanggang sa mamayani ang dilim.
Pagdating sa kanilang hotel, ipinakita sa kanya ni Neil ang nakuha nitong mga sea glass. May puti, berde, brown, at asul. Sinabi ni Neil na gagamitin nito ang mga iyon sa aquarium. Ngumiti siya. Nagpanggap na interesado. Inilagay ni Neil sa ibabaw ng nightstand ang mga sea glass saka pumasok ng banyo para maligo. Doon humandusay sa kama si Paul. Kanina pa kumikirot ang kaliwa niyang sentido. Bumangon siya maya-maya at uminom ng gamot. Hindi pa sila naghahapunan at iyon marahil ang dahilan.
Nang umepekto na ang gamot, tiningnan niya sa cellphone ang mga kuhang retrato. Ginawa niyang wallpaper ang isa. Subalit, nakaramdam siya ng panlulumo matapos buksan ang kanyang Facebook app. Ipinangako ni Paul sa sariling hinding-hindi gagamit ng social media ngayong nasa bakasyon sila. Nabigo siya. Totoo ngang hindi madaling talikuran ang temtasyon ng mga nakagawian.
Napansin niya na may bago siyang friend request.
Mula sa isang lalaki––Ivan ang pangalan.
Nang puntahan niya ang profile ng lalaki, nasorpresa siya nang matantong iyon ang barista.
Sa buong buhay ni Paul, pinagagalaw siya ng mga bagay-bagay sa kanyang paligid. Hindi siya ang nagpagagalaw sa mga ito. Kinasusuklaman niya nang lubusan ang sarili dahil dito.
KINAUMAGAHAN, nagising si Paul sa sunud-sunod na tapik. Tumambad sa kanyang harapan ang partner na si Neil. Nakaupo ito sa gilid ng kama––bagong ligo at may hindi mawaring ekspresyon.
“May sasabihin ako…” umpisa ni Neil, “pero inumin mo muna `to.”
Iniabot nito sa kanya ang mainit pang tasa ng kape. Inaantok pa, sumandal siya sa headboard at sinunod ang bilin ng partner.
Tumayo si Neil upang buksan ang kurtina. Bumaha sa loob ng kuwarto ang bayolenteng liwanag ng umaga. Nabulag si Paul, pansamantala. At mula sa parihabang mesa, sa tabi ng bintana, sinabi ni Neil na kailangan nitong bumalik ng Maynila.
“`Pinapatawag ako sa ospital,” patuloy nito. “Gusto mo bang sumama pauwi?”
“`Di na,” sagot niya matapos sandaling hindi makaimik. “`Sulitin ko na lang `binayad natin dito sa hotel––sayang naman.”
Sa kama, pag-alis ni Neil, hinintay niyang dumating ang higanteng alon ng pagkadismaya laban dito. Hindi iyon nangyari. Sa katunayan, wala siyang naramdaman. Malinaw kay Paul na walang saysay na makipagtalo kay Neil sapagkat mahal na mahal nito ang trabaho higit sa lahat. At maliban doon, sa tatlong taon nilang relasyon, walang pagtatalo nila ang kailanmang humantong sa kasukdulan. Dahil bago pa lumiyab ang apoy ng galit sa kani-kanilang dibdib, dali-dali na nila itong pupuksain ng basang kumot ng pagkikimkim.
Pagsapit ng tanghali, natagpuan ni Paul ang sarili sa Subic. Nilibot niya ang bayan. Bukas na bukas ang langit doon, partikular bandang public market, kaya mababa ang langit sa unang tingin. Sinuong niya sa kabila ng tumitinding init maski ang kahabaan ng fishport. Sa dulo ng ikalawang pantalan, malapit sa istasyon ng Philippine Coast Guard, namamahinga ang malaking bangkang pangisda. Mula roon, paulit-ulit na lumulusong sa tubig ang tatlong patpating bata.
Nang makaramdam ng gutom, kumain siya sa isang karinderya. May kasabay siyang tricycle driver, pahinante ng truck, at empleyado ng munisipyo. At gaya ng lahat ng tanghali sa probinsiya, nakaaantok ang tanghaling iyon, dahil pagkatapos kumain, tila na-hipnotismo si Paul. Nagising lamang ang kanyang katawang lupa nang sumagi sa isip ang isang ideya.
MAINIT sa loob ng bar. Higanteng ceiling fan ang tanging pinagmumulan ng hangin. Dilaw ang kulay ng mga ilaw. Si Paul pa lamang ang kustomer na naroon. Medyo maaga pa.
Ilang sandali pa, dumating ang barista na si Ivan. Nanggaling pa ito ng trabaho at dumeretso ng Barretto upang kitain siya. Nang magtama ang kanilang mga mata, nakangiti itong lumapit sa kanyang mesa na nasa tabi ng pader. Tumayo siya at nagkamayan sila.
“Kanina ka pa?” bungad na tanong nito sa kanya.
“Kakadating ko lang,” balisang sagot niya.
Umupo silang dalawa. Umorder. At habang kumakain, tinanong ni Ivan kung ano ang ginagawa niya sa Olongapo.
“Nagbabakasyon lang.”
Tumungga si Ivan ng beer. “Sino’ng kasama mo?”
Natahimik sandali sa tanong na iyon si Paul.
“Mag-isa lang ako,” ang isinagot niya.
May dumating na grupo ng mga babae at retired US Navy. Pumuwesto ang mga ito malapit sa kanila. At hindi nagtagal, mas nagdagsaan pa ang tao. Nang maubos ang kinakain nila, ang iniinom na beer, napagpasyahang mag-bill out nina Paul at Ivan. Paglabas, tinahak nila ang gilid ng mga establisimyento at nagtungo sa pinakamalapit na tabing-dagat.

MAY kung ano sa gabing pinagkaitan ng buwan at mga bituin, habang nakaupo sa tabing-dagat ng Olongapo, sa malamig at pino nitong buhangin, at hindi lamang doon, kundi sa lahat ng kostal na lugar, kung saan katabi mo ang estrangherong kakikilala mo pa lamang, subalit tila buong buhay mo nang kilala, kaya walang pag-aatubili mong hinubad ang buo mong kaluluwa, ang iyong pagkatao, habang pinagmamasdan ninyong dalawa ang liwanag ng dumadaang barko sa malayo, sapagkat alam mong ligtas ka sa piling ng estrangherong ito, at naniniwala kang kailanman, hinding-hindi ka huhusgahan ng estrangherong ito, maski sa sandaling maghiwalay ang inyong mga landas.
Ipinagtapat ni Paul ang tungkol kay Neil. May ilang sandali ng katahimikan pagkatapos niyon. Mahinahon ang dagat sa kanilang harapan.
“Masaya ka ba?” tanong ni Ivan.
“Sa’n?” paglilinaw niya gayong alam niya ang ibig sabihin nito.
“Sa partner mong si Neil.”
Hindi nakaimik si Paul. Alam niya ang isasagot, subalit, ayaw niya itong ilagay sa salita, dahil kapag nangyari iyon, ang kanyang naiisip, ang kanyang nararamdaman, ay magiging isang ganap na katotohanan. Lulutang ito sa hangin at kasama nilang iiral. Hindi pa siya handang harapin iyon, sa tingin niya.
Naramdaman niya ang palad ni Ivan sa kanyang balikat. Sinabi nitong hindi niya kailangang sagutin ang tanong. At upang ilihis ang usapan, inalok siya nito ng sigarilyo. Matagal nang hindi naninigarilyo si Paul. Inabandona niya ang bisyong iyon noong makilala si Neil. Si Neil, sa katunayan, ang nag-udyok sa kanyang huminto. Pansamantala muna niyang isinantabi sa isipan ang partner at kumuha ng isang stick. Sinindihan iyon ni Ivan. Halos magdikit ang kanilang mga mukha. Pagkatapos, nagsindi ito para sa sarili.
Naglakad sila sa dalampasigan. Bago marating ang dulo, napahinto silang dalawa nang mapansing may nagaganap na kasal sa isang beach resort––sinilip nila ang nangyayari. Sa bakuran ng beach resort, kung saan naglipana ang malalaking paso ng puting bugambilya, nagaganap ang seremonya. May nakasabit doong mga lantern at fairy lights na nagbibigay ng romantikong ambience sa lugar. Tahimik silang pumuwesto sa gilid ng isang palm tree. Mula roon, pinanood nila, na parang pelikula, ang palitan ng vows ng bride at groom. Kasunod ang palitan ng mga singsing. At ang panghuli, siyempre, ang matamis na halikan. Sabay-sabay na nagsitayuan ang mga bisitang nakapuwesto sa mga bilugang mesa at nagpalakpakan. Pumalakpak pati sina Paul at Ivan.
“`Di ako naniniwala sa kasal,” biglang sabi ni Ivan, “pero masaya `ko para sa kanila.”
Kinunan ng photographer ang bride at groom: una, kasama ang pamilya ng mga ito, at pangalawa, kasama ang mga bisita. Pagkatapos niyon, handa na sanang umalis sina Paul at Ivan nang lapitan ng isang matandang lalaki. Nagpakilala ang matandang lalaki na si Armand, ang ama ng groom. Nakipagkamayan si Armand sa kanila, kinuha ang mga pangalan nila, saka tinanong kung mga bisita ba sila ng anak nito.
“Napadaan lang po kami, sir,” mabilis na sagot ni Ivan.
“Ganoon ba?” sabi ni Armand saka humigop sa hawak na wine. “Mga iho,” patuloy nito matapos linisin ang lalamunan, “kung ayos lamang sa inyo, samahan ninyo ako roon sa kinauupuan ko––wala akong ibang kasama. At hindi ninyo kailangang mahiya dahil ako ang nagbayad ng lahat ng narito.”
Nagkatinginan sila.
“Ano sa tingin mo?” tanong ni Ivan kay Paul.
“Okey lang,” sagot niya. “`Kaw ba?”
“Kung okey sa `yo, okey sa `kin.”
“Wala ka bang pasok bukas?”
Kinindatan siya ni Ivan. “Ako na’ng bahala.”
Pumuwesto silang tatlo sa nag-iisang mesa malapit sa fountain. Nang sandaling iyon, inihahatid ng catering service sa mga bisita ang main dish. Tumango sina Paul at Ivan nang tanungin ni Armand kung kumain na ba sila, kaya, sa halip, tinanong nito kung ano ang gusto nilang inumin.
“Gaya ng iniinom mo, sir,” sagot ni Ivan.
“Ikaw ba, iho?” direktang tanong ni Armand kay Paul.
“Wine,” sagot niya. “Wine din po.”
Inagaw ni Armand ang atensiyon ng isang waiter. Lumapit ito sa kanila at dali-daling umalis matapos utusan ng matanda. Bumalik ang waiter pagkaraan ng ilang minuto. Sa kanilang mesa, inilapag nito ang isang mangkok ng pistachio, dalawang wine glass, at isang bote ng white wine na mula pang Sancerre, France. Kinuha ni Ivan ang wine. Sa mga kamay, sinuri nito ang bote bago buksan. Pagkatapos, tinanong ni Ivan si Armand kung gusto ba nito ng refill. Tumanggi ang matanda.
“Para sa inyo talaga ang boteng iyan, iho,” sabi nito.
Ngumiti si Ivan saka nilagyan ang dalawang wine glass. Ibinigay ni Ivan ang isa kay Paul at nag-cheers sila kasama si Armand.
Nalaman nilang si Armand ang may-ari ng malaking hardware store na may puwesto sa Maynila, Subic, at Olongapo. Nalaman din nila ang dahilan kung bakit nag-iisa ito sa kasal ng bunsong anak. Inilahad ng matanda na bukod kay Markus, ang groom, ito ang sinisisi ng mga anak sa pagpanaw ng ina ng mga itong si Carmen, maraming taon na ang nakalilipas. Hindi na idinetalye pa ni Armand ang nangyari. Gusto iyong alamin pareho nina Paul at Ivan, subalit, mas pinili nilang itikom na lamang ang mga bibig. Ilang sandali pa, nag-umpisa ang first dance ng bride at groom. Bumaling ang lahat ng mata sa harapan. Tumayo si Armand––at mula sa kinauupuan, binati nito ang bride at groom habang nakaangat sa hangin ang hawak na wine. Napalingon sa direksiyon ni Armand, hindi lamang ang bride at groom, kundi pati ang mga kumakaing bisita.
“I love you, Dad!” sigaw ng groom na si Markus.
Tumango-tango lamang ang matanda.
Pinipigilan ang mga luha.
Pagkatapos niyon, nagpaalam si Armand kina Paul at Ivan. May mahalaga pa itong aasikasuhin kinabukasan, paliwanag nito. Pinasalamatan sila ng matanda sa pagsama rito at pinayuhan na manatili roon hanggang sa matapos ang gabi. Sumang-ayon sina Paul at Ivan at pinasalamatan si Armand. Bago tuluyang umalis, ipinagtapat sa kanilang dalawa ng matanda na ang rason kaya sila nito nilapitan kanina ay dahil nang makita sila nito, biglang nagbalik dito ang maraming alaala.
Nang matapos ang first dance, tumugtog ang isang upbeat na kanta. Inimbitahan ng bride at groom ang lahat na sumayaw sa harapan kasama ng mga ito. Tumayo halos ang karamihan.
Nahuli ni Paul si Ivan na nakatingin sa kanya. May kahina-hinalang ngiti.
“Gusto mo bang sumayaw?” tanong nito.
Agad na umiling si Paul. Natatawa.
“`Kaw na lang,” sabi niya. “`Nood na lang ako dito.”
Ngumisi lamang si Ivan.
Nag-refill si Ivan ng wine bago sumanib sa mga sumasayaw. Nilagok nito ang umaapaw na inumin sa isang iglap. At gaya ng sabi ni Paul, pinanood niya si Ivan.
Si Ivan na nalulunod sa pambihirang tuwa.
Si Ivan na sumasayaw sa magandang musika.
Si Ivan na kung minsan ay nililingon siya, pilit na pinapupunta sa harapan, iniimbita.
“NAG-ENJOY ka ba?” tanong ni Ivan sa kanya nang marating nila ang tapat ng Mariners Hotel.
Tumawa si Paul. “Ako dapat magtanong n’yan, `di ba?”
Si Ivan naman ang tumawa.
“Pero oo, nag-enjoy ako,” patuloy niya, saka pinasalamatan si Ivan sa paghatid sa kanya.
May ilang sandali ng katahimikan.
“Basta ikaw,” sabi sa wakas ni Ivan.
Napayuko si Paul. Sigurado siyang namula ang kanyang mukha dahil sa sinabi ni Ivan at ayaw niyang mapansin iyon nito. Iniangat niya ang kanyang ulo matapos ang ilang segundo. Hinuli ni Ivan ang kanyang mga mata, gaya ng inaasahan niya, at matapang niyang hinawakan ang titig nito. Doon, nakatayo silang dalawa, siya at si Ivan, nakatingin sa isa’t isa. Hanggang sa sumagi sa isip ni Paul ang isang ideya na alam niyang babago nang lubusan sa mga bagay-bagay, subalit handa siyang gawin iyon, sapagkat iyon ay gagawin niya para sa sarili, hindi isang bagay na itinapon sa kanya ng buhay at sinalo niya lamang.
“Gusto mo ba pumasok sa loob?” tanong niya kay Ivan.