Kanya-Kanyang Suwerte

Umibis sila sa may grandstand. Pagka’t may okasyon, sa pook na iyon ay kay kapal ng tao. Kabi-kabila ang lalaki’t babaing magkakaabrisyete. Ihipan ng torotot.

Ni Lualhati T. Bautista

SA pabrikang iyon ng samut-sari, (payong, manika, ukulele, bag at iba pa) ay magkakasama ang apat: sina Ban, Glory, Marie at Rod.

Dito umusbong ang pagiging magkaibigan ng dalawang lalaki at dalawang babae, at kina Merle at Rod, pagkakaunawaan. Dito rin, si Ban ay nag-umpisang makadama ng iba para kay Glory.

Sa simula, hele-hele si Gory. Pero di lamang dahil sa hele-hele. Talagang ayaw!

“Aanhin ko ba iyan?” May kasama iyong irap sa gawi ni Ban. Padabog nang bitiwan niya ang isang bag sa salansan niyon.

Nanukso si Merle. “Ku, tama ka na! Kungdi pa madalas kitang mahuling panay ang sulyap do’n.

Nandilat si Glory. “Oy, hindi! Hindi iyong klaseng iyon at iyong itsurang iyon. Maski ganito lang ako, marunong akong pumili. Hindi kamuk’a niyang kuntodo nakabrutsa pa! Hindi naman bagay!” Ang tinutukoy ni Glory ay ang bigote ni Ban.

Sa magkaibigang lalaki naman, ganito ang madalas na takbo ng pag-uusap:

“E, pa’no kang magugustuhan niyan kung ganyang papatay-patay ka! Dinadaan mo sa tingin. Kung nililigawan mo na ba…!”

Pumiksi si Ban. “Ligawan! Kung iyong tinitingnan ko pa lang, katakut-takot na pakipot na, e!”

Napatawa si Rod. “Aba, e natural! Babae yata iyon.”

“Hindi na!”

Tinapik ni Rod sa balikat ang kaibigan. “Easy.”

At minsan, may ipinagtapat si Ban.

“Puwedeng pagtiyagaan ko siya, Rod.”

Napangunot-noo si Rod.

“Wala na lang kasi ‘kong mapiling mahusay-husay dito sa pabrika kundi siya, e. Hindi naman kita makatalo kay Merle, komo magkaibigan tayo. Ang ibig ko lang, Rod, e ‘yong magkanobya ‘ko. Alam mo na, lalaki tayo.”

Komo lalaki nga rin, na nakauunawa sa damdaming-lalaki ay napatangu-tango na lang si Rod.

“Huwag mo namang masasabi.”

Nagtawa si Rod. “Basta ikaw!”

Ang magkatipang Merle at Rod ay hindi naiiba sa karaniwang magkatipan. Sa oras ng trabaho, madalas, si Rod, pag nalingat ang amo, ay sasalisi, lalapit sa kinaroroonan ni Merle makindatan man lamang ito, na gagantihan ng babae ng ngiti. Sa hapon ay sabay sila sa paglabas, maglalakad-lakad sa downtown, magmamasid ng paninda sa eskaparate, kakain, magsisimba, at ihahatid na ng lalaki ang babae. At sa bahay naman nitong huli, ang pag-uusap ay kung ilang oras ding inaabot. Madalas tuloy na ibinibiro ng ina ni Merle:

“Dito mo na kaya patirahin iyang nobyo mo?”

“Mayro’n silang biruan, kuwentuhan, at may tampuhan din naman, na lalo lang nagpapatamis sa kanilang pagsusuyuan.

SUMAPIT ang Bagong Taong iyon ng 1962. Sa huling araw ng pasok ay nagplano sina Merle at Rod. Na sa bisperas ay mamamasyal sila. At palibhasa’y lingid pa kay Merle na kunwari lang ang pagkakagusto ni Ban kay Glory, (Ayaw magbakasakali ni Rod na ipagtapat kay Merle ang tungkol doon. Babae yata si Merle at kaibigan nito ang nasasangkot) ay nakalikutan ng isip nitong yayain ang dalawa.

“Para foursome tayo,” sabi ni Merle kay Rod.

“Buti kung sumama si Glory pag nalamang kasama si Ban?”

“Ipaaalam nga ba natin? Basta kausapin mo si Ban at ako ang bahala kay Glory.”

Napakamot sa batok si Rod. “Istorbo lang sila sa ‘tin.”

Nakatikim siya ng kurot sa tagiliran. At pagkatapos ay iginiit ni Merle. “Basta, ha?”

Napilitang sumang-ayon si Rod. “Kung maisasama mo si Glory… di sige.”

Gayon nga ang nangyari. Kina Rod at Ban…

“Buti kung mapasama ninyo si Pakipot.”

“Bahala na si Merle do’n. At pag naro’n na, basta kami ni Merle, kayong dalawa. Digahan mo na.”

“Anong digahan lang?” Sumuntok sa palad si Ban. “Pag nagsosolo kami, subukan niyang lumuku-luko at pag hindi…”

At sa dalawang babae…

“Papayagan ba ‘ko? Siyempre, Bagong Taon, kailangang nasa bahay. At saka… kilala mo’ng Tatay ko. Ang higpit-higpit niya. Itong laki-laki kong ito’y pinadadapa pa niya’t pinapalo. Napapahiya ako sa mga kapitbahay… Ang lakas-lakas pa ng bibig kapag nagagalit. Gusto ko nga sana… hindi pa ‘ko nagbabagong taon sa Luneta… ang saya-saya raw.

“Oo, ang saya-saya,” sunggab ni Merle. “Pero h’wag kang mag-aalaala… uuwi tayo nang maaga.”

“Saka… kalabisan ako… Istorbo lang ako se’nyo ni Rod.”

“Hus, e ba’t ka magiging istorbo. Basta sumama ka.”

“Sige bahala ka.”

“Ayan!”

SA tapat ng isang sinehan sila nagkita-kita. Mangyari pa, nang matanaw ni Glory na kasama ni Rod si Ban ay waring ibig nitong umurong. Namula agad ang mukhang bumaling kay Merle.

“Sabi mo…”

“’Ba, hindi ko alam!” mabilis na pagmamaang-maangan ni Merle.

Nakangiti kapwa ang dalawang binate nang lumapit.

“Hi!” bati ni Rod.

“Helo, Glory,” bati ni  Ban. “Manigong Bagong Taon.”

Ngumiti nang pilit si Glory.

“Manigong Bagong Taon.”

“O, sa’n tayo pupunta?” tanong ni Merle.

“Kayo,” tugon ni Rod.

“Saan ba mabuti?” Si Merle uli.

“Manood na lang tayo,” mungkahi ni Rod.

“Ay!” nandidilat na tanggi agad ni Glory.

Natawa si Rod. “Sa ano na lang… sumakay na lang tayo sa Matorco.”

Humantong sila sa Luneta.

Sa upuan sa Matorco, tabi sina Merle at Rod. Si Glory ay walang magawa kundi ang pumayag nang makatabi si Ban. Wala silang kibuan sa pagkakaupo. Pero dahil kapansin-pansing yamot si Glory, sa inis ay ininis siyang lalo ni Ban. Ginitgit. Iniakbay pa ang kamay sa balikat. Komo naman maraming tao at natatakot mag-eskandalo, ang pobreng babae ay hindi makatutol.

Mag-aalas-nuwebe nang magbalik ang apat sa Luneta. Umibis sila sa may grandstand. Pagka’t may okasyon, sa pook na iyon ay may kapal ng tao. Kabi-kabila ang lalaki’t babaing magkakaabrisiyete. Naghahabulan ang mga bata. Ihipan ng torotot. Hagisan ng rebentador. Ra-ta-tat ng mga baril na kahoy. Kalampagan ng mga lata. Liparan ng mga kwitis. At hindi kinukusa, nagkahiwa-hiwalay ang apat.

Ibinili pa wari ni Ban ng sombrerong torotot si Glory, isinuot iyon sa ulo nito, bago niyaya sa may monumento ni Magallanes. Doon sa lugar na madilim at ang ingay ay bahagya na lamang umabot sa pandinig.

Doon, sa upuang bato, dumikit si Ban nang husto kay Glory. Ito naman ay umisod, palayo.

“Umuwi na tayo.” Nakamungot si Glory.

“Ang aga-aga pa.”

“S-sila kaya?”

“Bayaan mo sila. Maiistorbo lang natin sila. Magnobyo yata iyon.”

Usap. Ilang bagay. Yayaan uling umuwi.

“Alas-nuwebe lang.” Sumulyap pa si Ban sa orasang pambisig.

“‘Ba, hindi mo kilala ang tatay ko. Baka magbagong taon ako ng mura.”

“Mahigpit ba ang tatay mo?”

“E, ano pa kaya?”

Usap. Ibang bagay. Yayaan uli.

“Natatakot ka lang ‘ata sa ‘kin e,” payamot nang turing ni Ban.

“Hindi sa natatakot. Ang inaalala ko’y ang pag-uwi. Mamayang konti pa, hindi na ‘ko makakauwi.”

Sabay kamot sa ulo, padabog na tumayo si Ban. “Halika nga!”

Tinungo nila ang abangan ng sasakyan.

Nguni’t hindi lamang si Glory ang naghahabol na makauwi bago magpalit ang taon. Kung kaya bawa’t dyip na magdaan at parahin ni Ban ay sumesenyas ng “Wala na po”. O kung may bakanteng upuan man ay iisa. O kung higit pa sa isa ay mayroon namang mas mabilis sa kanila sa pagsakay. Lumakad ang kamay ng orasan.

Alas-diyes. Iiyak na si Glory.

“Naku, baka ‘tong laki kong ‘to, makatikim pa ‘ko ng palo sa Tatay.”

Si Ban, na inis na sa naging ayos ng kanilang lakad ay pabalang nang sumagot.

“E, ano’ng magagawa ko? Eto nga’t ihahatid ka na. Kung kaya mo sanang sumabit kahit sa estribo ng bus!”

Alas-diyes medya. Salamat sa Diyos, ang dalawa’y nakasakay rin. Pero ngitngit ng tadhana, kaya naman pala ayaw umusad-usad ang mga sasakyan pagdating sa may Lawton ay may nangyayaring disgrasya.

Naiyak na si Glory. Patago, pinahid niya ang mga mata ng panyolito upang huwag makatawag ng pansin. Hindi niya inaalis ang tingin sa labas ng bintana.

Si Ban, na napawi ang inis ay nakaramdam ng awa.

Alas-onse.

“Diyos ko naman, oo!” himutok ni Glory. “Ang tagal-tagal!”

“Ano… kung natatakot kang umuwi… maski huwag na lang muna.”

Tumingin si Glory kay Ban. “At sa’n ako pupunta?”

“Sumama ka sa ‘kin.”

“Ha?”

Ang pagyayayang iyon ng tanan ay hindi totoo sa loob ni Ban. At ang pagkakasabi niyon ay dagli niyang pinagsisisihan. Nguni’t naroon na, si Glory ay sumagot na ng “sige kaya” at nakahiyaan na niya ang pagbawi. Kaya, imbis na umibis sila sa gitna ng kaliwa’t kanang putukan sa Tayuman nang alas-dose’y, ang bus ay binayaan nilang dumiretso sa Balut. Sa bahay ng isang kaibigan doon ni Ban.

Kinabukasan ay nag-iisip nang malalim si Ban. Hindi totoong gusto niya si Glory at natitiyak niyang hindi rin siya gusto ni Glory. Kung pagkatapos kaya ng nagdaang magdamag ay takbuhan niya ito? Pero sa puso niya’y nanaig ang awa. Kaya pagkaraan ng tatlong araw, kasama ang mga magulang, ipinanhik nila si Glory sa mga magulang nito.

Samantala, noong gabi ring iyong magtanan sila, sina Rod at Merle, sa paglalambingan, ay nakalimot din sa oras. Umiihip na ang alas-dose nang “magising” sila. At masama na ang nangyari. Sina Ban at Glory ay bahagya na nilang napag-ukulan ng pansin, sa kaiintindi ng kung ano ang nararapat nilang gawin.

Sa bahay ng isang tiyahin ni Rod sila humantong.

Nang magkaalaman ng pangyayari ang apat, nauwi na lang sa tawanan. Kaya hindi nagluwat magkapanunod na idinaos ang dalawang kasal.

SA gabing iyon ng kanilang kasal, tulad noong magnobyo pa sila, nagpapangakuan sina Merle at Rod.

Off limits na sa ‘kin ngayon maski si Liz Taylor.” Pinagkrus ni Rod ang dalawang hintuturo. “Peks.”

“At ako, para wala kang masabi, hindi na si Elvis. Pagtitiyagaan ko na lang si Dolphy. Siguro naman e hindi ka magseselos kung iyon na lang ang gawin kong favorite.”

Mga halik at yakap ang kasama ng mga pangakong iyon.

Sa isang dako, sa gilid ng kama, nang gabi ring iyon, ay nakaupo si Glory at nilaru-laro ang sensing-pangkasal sa daliri na isinuot kangina ni Ban.

Ang lalaki’y nakatayo sa may bintana, nakasalikod-kamay na nakatanaw sa karimlan.

Ang mahabang katahimikan ay binasag ni Ban.

“Tapatan, Glo… ibig kong magsisi sa ginawa natin.

Lunok ang isinagot ni Glory.

“B’ro mo… ang sakit ‘atang magkaasawa sa hindi ka naman gusto.”

“I-ikaw kasi…” Pinutol iyon ng muling paglunok.

Parang binatukan si Ban.

“K-kung ano ka… kung ibig mo… Sabagay, walang walang diborsiyo sa ‘tin. Pero oras na maisipan mo, sumige ka. Iwan mo na lang ako.”

Napataas ang mukha ni Glory. Nangingilid ang luhang itinitig ang mga mata kay Ban.

“H-hindi kita gusto sa ngayon. Totoo. Pero sisikapin kong maging mabuting maybahay sa ‘yo. Narito na rin lang.”

Katahimikang saglit. Ngumiti si Ban. Tipid, pero matapat.

“Ikaw. Nasa sa ‘yo. Kung makapagtitiis ka sa hindi mo gusto. Pag-aralan mo na lang na gustuhin ako. Para hindi naman habang panahon kang magtitiis.”

SA pag-aasawa, ang dalawang babae ay kapwa tumigil na sa pagtatrabaho sa pabrika. Si Rod, na naliliitan sa suweldo, ay humanap ng ibang mapapasukan. Si Ban ay naiwang nagtitiis; namumuhunan siya ng tiyaga, sipag, at pawis, hanggang sa isang umagang matantiya niyang malamig ang ulo ng boss ay kakaba-kaba ang dibdib na pumasok siya sa opisina nito, nagkrus pa muna sa may pinto, at binuksan ang tungkol sa matagal na niyang pinagsusumikapang makuhang-umento.

Sa pag-aasawa ay nagkalayu-layo ang dating magkakaibigan. At nalagas ang mga araw na naging buwan at nahustong dalawang taon. At isang umaga, sa simbahan ng Quiapo, nagkita ang dalawang babae, na kapwa may kilik ng sanggol.

Si Glory ay mataba ngayon. Maganda pa ring tulad ng dati. Si Merle ay payat, humpak ang pisngi, malalalim ang mata.

Ang kumustahan ay sinundan ng balitaan. Masaya ang kuwento ni Glory.

“Mabuti. Nagkakasundo naman. Akalain mong no’ng una ay inis na inis ako sa kanya. At biro mo, ipinagtapat ba naman sa ‘king hindi niya ako talagang gusto no’ng araw! Ikaw?”

Malungkot ang istorya ni Merle. Naghihinagpis siya nang isaysay:

“Eto, hiwalay na kami, matagal na. Limang buwan pa lang ang tiyan ko dito. Akala ko, pag nagkaanak kami, mag-iiba na. Hindi rin. Oo nga, nagkasundo kami noong una. May dalawang buwan. Tapos, away uli araw-araw. Hanggang sa tuluyan na ‘kong umuwi sa mga nanay ko. Kaysa naman dumami pa muna ang anak namin.”

Talagang ang tao’y kanya-kanya ng suwerte, ‘ne po?