Parisian Life

Ni Glenn Ford B. Tolentino   

I.     Belle

Sa gitna ng ampiteatro,

waring kahahangong pizza mula sa pugon

ang inihain sa takam-na-takam na mga mata ng manonood.

Nanlalamig ang aking dibdib sa pangungulila’t pananabik.

Matamang nakatanaw ang lahat sa inyong tikas at tindig.

Waring kamera na magbubukas-kurtina ang lihim ng dilim.

Ngayong hinahaplos ko ang tuhod at sakong ng ating lahi―

at paulit-ulit na iniikot ang globo; na tila kinakabisa ang

mga linya, kurba’t hati sa magkabilang pisngi ng ekwador.

Nanlalamig ang aking dibdib sa pangungulila’t pananabik.

Muli, hahakbang ka na taas-noo’t nakatingkayad

Sa diyamanteng suwelo’t kuwelyo ng belle époque.

Tahimik.

Naglilimi wari ang iyong mga kinalyong daliri sa nakaambang trahedya―

O, sa hudyat ng kislap-kinang ng mga malamuebles na retina ng mga hurado.

Banayad ang inyong galaw,               

                                             hanggang sa bumilis-bumilis-nang-bumilis. . .

at simbilis ng magkasalungat na tiyempo’t areglo, ng magkalayong pulso

ng ektopyang daloy ― lukso ng dugo at puso sa balisang palad ng esfero.

Pumapaimbulog Ka, kalaro wari ang alaala ng nangawalang anino sa nayon―

Tantiyado ng iyong pakpak-balahibong pandama;

ang grabidad ng paglagpak sa lupa, at ang hatak-palakpak

ng batubalani’t konstelasyon ng mga selestiyal saalta sociedad.

Nanlalamig ang aking dibdib sa pangungulila’t pananabik. 

Pagdaka’y lumapag kang gaya ng busilak na sampaga sa dapithapon,

at mariin mong itinundos ang impit ng kaliwang paa sa puyo―frenologia 

                                  ng matandang Pransiya.

Ito nga ba ang silohismo ng hakbang-lukso’t hinlalay ng iyong sining?