“Ma’am Lustre!” ngatal na bulalas nang magkaharap sila. Alanganin ang ngiti. “Mrs. Andrade!” pagtutuwid niya.

Ni Mellodine A. Antonio

“MA’AM…”

Kumunot ang noo niya nang makita ang iniaabot nito sa kaniya.

“Ito po ‘yong cellphone ni Sir.”

Mas kumunot ang noo niya. Lumabas lahat ng linyang pilit niyang binubura sa pamamagitan ng paglalagay ng kung ano-anong pamahid tuwing umaga at tuwing gabi, bago matulog.

“H-hindi kaniya ‘yan. Hindi iyan sa asawa ko.” May kasamang iling ang pagtanggi niya. Nakarehistrong katiyakan sa magandang mukha bagaman kinababakasan na rin ng apat at kalahating dekadang pamamalagi sa mundo.

Hindi sumagot ang kausap niya pero mas inilapit sa kamay niya ang cellphone na hawak nito. Magkakahiwalay ang bahagi. “Bumagsak po ito no’ng natumba si Sir.” Indirektang paliwanag nito sa itsura ng tila hinimay na aparato.

Bantulot, nalilito, naguguluhan niyang tinanggap ang iniaabot nito. Kilala niya ang mga gamit ng asawa. Hindi ito gagamit ng ganoong uri ng cellphone. Maselan ito sa gamit. Hindi bibili at gagamit ng bagaman uso, mumurahing bersiyon ng aparatong kilala niya — parating gamit — nag-iisang telepono ng asawa.

NAKAUPO na siya sa silyang laan para sa kaniya sa punerarya, kung saan naroon ang labi ng asawa niya, nang maalala niya ang cellphone na nakasupot na basta niya inilagay sa bag kanina. Marami siyang inasikaso pagkalabas sa opisina ng kaniyang asawa. Inimis na ang lahat ng gamit nito, base na rin sa pakisuyo niya. Gusto niyang maisama sa labi ng asawa ang mahahalaga’t personal na gamit nito na nasa tanggapan nito. Alam niyang mapagpahalaga ang asawa niya sa mumunting bagay. Isa iyon sa nagustuhan niya kay Ramon.

“Ano ba ‘yan? Pati ticket ng sineng pinanood natin no’ng panahon pa ni Kopong-Kopong, itinatabi mo pa,” nakangiti niyang tudyo sa asawa nang minsang makialam siya sa inililigpit nitong gamit.

“Siyempre! Memory iyon, e,” nakangiti at malambing nitong sagot na may kasamang pagkabig sa kaniya’t paghalik sa kaniyang labi.  Mariin. Mainit. Mapusok.

Inilabas niya iyon sa supot. Inisa-isa ang nakakalas na piraso. Matiyagang ikinabit. Inayos. Pinindot para mabuksan. Saglit lang at umilaw ito. Walang password kaya madaling nabuksan. May larawang nasa screen. Napangiti siya pero mabilis  iyong napalis.

Babae ang nasa larawan. Babae pero hindi siya. Ibang babae. Bigla ang panginginig ng mga kalamnan niya. Tila siya binuhusan ng napakalamig na tubig.

Nangangatal ang mga daliring mariing nagtaas-baba sa screen.

Pumindot. Dumutdot.

Maraming larawan.

Iba-iba.

Pero iisa ang babae — hindi siya!

Napapikit siya.

Sumigid ang sakit — ang kirot — sa pinakasentrong bahagi ng kaniyang pagkatao.

Tila may mabigat na bakal na dagling dumagan sa kaniyang dibdib.

Pagdilat niya, higit siyang nagimbal.

Ang larawan ng kaniyang asawa at ng babaeng kanina pa niya nakikita roon — mga itsurang hindi pangkaibigan o pangkasama sa trabaho lang. Hubad-baro ang kaniyang asawa. Nakatakip ng kumot ang gawing dibdib ng babae. Nakangiti ang mga ito habang nakatitig sa bawat isa.

May kuhang malambing na nakahilig sa bawat isa. May akmang maglalapat ang mga labi.

May nakaakbay — nakapisil ang mga daliri ng kaniyang asawa sa hubad nitong braso. Pilyong nakadantay ang kamay sa ibabaw ng dibdib ng babae — sa ibabaw ng hubad na dibdib ng babae!

Nanggipuspos siya. Kinakapos ng hininga.

Wala namang pumipigil sa kaniya sa ginagawa pero nagmamadali siya. Gusto niyang makita lahat. Lahat-lahat.

Bukod sa mga larawan — mga nakaririmarim na mga larawan — baka may iba pa! Baka may mga mensahe — palitan ng kung ano — para malaman niya kung sino ang babaeng nakangiti — nagmamalaki — tila nagmamay-ari — hindi niya alam na kahati niya pala sa kaniyang asawang akala niya’y tapat sa loob ng dalawa’t kalahating dekadang magkasama sila!

Mahal, kumain ka na?

Oo. Ikaw? Huwag magpapagutom, Mahal.

Mahal, ang hirap ng ganito. Pasko pero hindi kita kasama. Kailan mo ba kasi sila iiwan?

Pasensiya na. Alam mo naman ang sitwasyon.

Sobrang hirap magmahal ng may pamilya na. Pero laban lang tayo, Mahal.

Mahal, tiis lang.

Sa ‘yo lang ako. Akin ka lang.

Oo naman. Akin ka lang. Akin na akin lang.

Kailan ba tayo puwedeng makita ng iba? Kailan puwedeng lumantad? Kailan ba kitang puwedeng ipagmalaki sa iba?

Alam mo naman ang sitwasyon. Unawain mo ‘ko.

Pagod na rin ako sa pagtatago pero mahal kita. Mahal na mahal.

Kaya nga mahal, intindihin mo ‘ko. Intindihin mo ang sitwasyon ko.

Masakit iyon. Masakit na masakit. Akala niya, tapat sa kaniya. Akala niya, siya lang. Akala niya…

Loko ka talaga, Mahal. Bakit mo ginawang screen saver ang ano ko?

Hahaha. Maganda kasi, Mahal. Gusto ko lagi kong nakikita.

Tiningnan niya ang mga petsa. Nangatal siya.

May ilang araw pa lang ang nakararaan. May ilang buwan. May ilang…

Diyos ko! Tutop niya ang bibig para di siya mapahiyaw.

Taon! Dalawang taon!

Patagilid siyang napasubsob sa sandalan ng silyang inuupuan. Parang sasabog ang kaniyang dibdib. Parang puputok ang kaniyang ulo. Parang gumuho ang mundo niya.

Biro ba ito ng asawa sa kaniya? Prank, gaya ng madalas gawin ng kaniyang asawa tuwing may ireregalo sa kaniya na walang okasyon? May sorpresa bang kasunod? May sasabihin ba itong magandang balita tulad ng promotion nito sa trabaho o kaya’y bagong sasakyang binili nito?

Tumayo siya. Pigil ang sariling bumagsak. Tinatatagan ang sarili. Kinailangan niyang hatakin ang mga paang tila ayaw kumilos. Walang lakas na humakbang.

Siya lamang ang tao roon. Wala pang ibang bisita. Siya lamang ang bantay dahil maaga pa.

Mamaya pa ang dating ng kanilang anak — ang kaisa-isa nilang anak. Babae. Idolo ang ama. Mahal na mahal ang ama.

Nanginginig niyang ipinatong ang kamay sa ibabaw ng kinahihigaan ng asawa.

Nagdaramdam na tinitigan ang mukha nito. Naninikip ang dibdib na bumubulong ang isip — humihiyaw ang puso.

Bakit…? Paano nagsimula…? Sino siya…? Saan ako nagkulang…? Ano’ng mali sa relasyon natin…? Paano mo ‘ko nagawang lokohin…? Paano mo nakayanang sumiping sa akin at sa kaniya…? Bakit mo ‘ko binaboy…? Bakit mo binaboy ang relasyon natin…? Saan ako nagkulang? Ano ang mali kong nagawa? Bakit mo ‘ko niloko…?

Nakapikit ang asawa. Kailanma’y di na magmumulat pa. Walang sagot na ibibigay o maibibigay sa kaniya.

“Mare, nakikiramay kami ng pare mo.”

Napaigtad siya sa narinig na tinig.

“Mare, kalamayin mo’ng loob mo.”

Niyakap siya ng kaibigan.

“Alam naming mahirap mawalan ng asawa. Masakit talaga ‘yan lalo na’t mahal na mahal ni’yo ni pare ang isa’t isa.”

Nakagat niya ang labi. Ang sakit! Ang sakit-sakit!

“Sige lang, Mare. Ilabas mo lang ang lahat ng sakit. Sige lang…”

Humagulhol siya. Sumisigok. Sumisinghot.

“Ang sabi nga ng pare mo, madalas na ibilin ni pare na alagaan at tingnan-tingnan namin kayong mag-ina. Sino ba’ng mag-aakalang may sakit pala siya sa puso. Ang sweet-sweet pa naman ninyo ni pare. Naiinggit nga kami sa inyo ni pare. Lalo na sa iyo, wala kang kaproble-problema kay pare. Ideal husband. Ideal father.”

HINAHALUGHOG niya ang mga naiwang gamit ng asawa. Nagbabakasakaling may makikitang kung ano-anong mementos nito kaugnay ng babaeng iyon.

Wala.

Malinis.

Ang naroon, iyong may kaugnayan sa kaniya — sa kanila bilang mag-asawa — sa kanila bilang pamilya.

Mahal, bakit di ka nagti-text?

Sumikdo ang dibdib niya sa tunog at mensaheng gumambala sa ginagawa niya.

Galit ka ba? Sorry na kung kinukulit kita kung kailan mo sila iiwan. Gusto na kasi kitang masolo. Gusto ko tayo lang. Gusto ko ikaw saka ako lang.

Kating-kati ang mga daliri niyang sumagot pero mas pinili niyang hintayin ang iba pa nitong mensahe.

Nataranta siya nang tumunog ang aparato. Hudyat na may tumatawag. Mabilis niyang pinatay. Hindi niya sinagot. Muling itinago sa loob ng bag.

HULING araw ng burol. Mas maraming tao. Mas maraming nakikiramay. Minumukhaan niya ang mga dumarating. Alagang tingnan ang registry. Naghahanap ng di pamilyar na pangalan.

Mahal, galit ka pa ba? Kapag di ka pa sumagot, pupuntahan kita sa inyo. Di bale na kaming magkagulo ni Ma’am.

Tumaas ang kilay niya. Ma’am…? Ma’am! Siya ba ang tinutukoy na Ma’am?

Ano, Mahal? Di ka pa ba kikibo? Susugod na ko riyan!

Hindi siya sumagot. Hinayaan niya lang. Sunod-sunod ang mensaheng dumating.

Mahal, nagagalit na ‘ko.

Naglalatang ang ngitngit sa dibdib niya. Kapal ng mukha! sigaw ng isip niya.

Wala akong pake kahit magalit sa akin si Ma’am Lustre.

Napanganga siya. Ma’am Lustre. Iyon ang tawag sa kaniya ng mga dati niyang estudyante. Noong dalaga pa siya. Noong hindi pa siya Mrs. Andrade. Hindi kaya…?

Ano ba? Alam kong magkakagulo kayo pero kapag di ka pa sumagot, susugod talaga ‘ko riyan! Wala akong pake kahit magkapahiyaan pa. Nilunok ko lahat ng kahihiyan no’ng makipagrelasyon ako sa ‘yo! Ngayon mo lang ako ginanito sa dalawang taon natin. Huwag mo ‘kong ganitohin, Mon ko. Huwag naman!

Gusto na niyang sumabog sa ngitngit! Tila puputok ang dibdib niya! Galit siya! Galit na galit! Estudyante niya pa pala! Hindi na nahiya ang asawa niya! Hindi na nakutya ang babaeng ito!

Kaya pala minsan, sabi nito: “Patingin nga ako ng class picture n’yo ng grade four sampaguita.”

Hindi siya nagduda. Basta lang niya ipinakita. Sanay siya sa pag-uusisa nito ng lahat ng tungkol sa kaniya.

Kaya pala!

Nanggipuspos siya!

Dama niya ang labis na kabiguan sa relasyong inakala niyang konti lang ang agwat sa perpeksiyon. Ramdam niya ang pagiging talunan. Tulad din lang naman pala sila ng iba. Ni hindi pala niya nahawahan ng katapatan ang asawa. Hindi pala nito pinanindigan ang maraming pangako sa kaniya sa altar. At siya bilang guro, hindi pala niya naturuan ng kabutihang asal ang dating mag-aaral. Hindi pala niya naimpluwensiyahan na maging mabuti sa kapuwa. Na huwag kukuha ng di pag-aari. Na huwag pagnanasaan o kukunin ang pag-aari ng iba!

Ramon, magtutuos tayo!

Mapait ang ngiti niya. Tama! Magtutuos tayo! bulong ng isip niya. Magtutuos tayo!

MALAYO pa lang, kilala na niya ang pigurang paparating. Kilalang-kilala niya base sa mga larawang halos kabisaduhin niya mula nang araw na matuklasan niya bagaman malayo na ang itsura sa batang kimi na dating estudyante niya sa grade four sampaguita.

Maiksi ang maong na palda nito. Hapit ang pulang blusa. Mahaba ang tuwid na buhok. Umaalingasaw ang pabangong gamit. Bisteng-biste! Handang-handa!

Napatda ito nang makita siya sa tarangkahan nila. Namutla.

“Ma’am Lustre!” ngatal na bulalas nang magkaharap sila. Alanganin ang ngiti.

“Mrs. Andrade!” pagtutuwid niya.

“E… A… A-ano po.”

Nakamata lamang siya.

“M-mag-aalok po s-sana a-ako sa inyo ng i-insurance.” Mailap ang mga mata nito.

“Anong klaseng insurance?” matigas niyang tanong bagaman gusto niyang matawa sa naisip nitong alibi.

“I-iyon pong ano… r-retirement…”

Mapakla ang ngiti niya. “Dapat pala asawa ko ang alukin mo.”

Nagliwanag ang mukha nito. Ngumiti. “Nandiyan po ba siya? Puwede po bang makilala? Puwede po bang makausap?” Hindi maitago ang pananabik sa tinig sa sunod-sunod nitong tanong.

“Bakit hindi mo ba siya kilala?” maanghang niyang tanong. Nagpipigil. Pilit pinaiiral ang pinag-aralan.

“Po..? H-hindi pa po.” Umilap ang mga mata nito. “N-nandiyan po ba s-siya?” Naglalakbay na ang mga mata nito sa paligid. Nagbabakasakaling mahagip ang hinahanap.

Nagpakawala siya ng peke — mahinang tawa. “Hindi mo pa kilala pero marami kayong picture na magkasama sa kama?” Sa pagitan ng mga ngipin iyon lumabas. Alam niyang hindi na niya maitago ang galit. “Hindi mo pa kilala pero patago kayong nagkikita?”

“Ma’am…” Sukol ito. Nagtungo ng ulo.

“Ma’am?” gagad niya. “Naging teacher mo pala ‘ko. Wala ka sigurong natutuhan sa klase ko dahil ang pinaka-basic hindi mo naisabuhay — paggalang sa kapuwa! Huwag magnakaw ng pag-aari ng iba!”

Gusto niya itong sampalin — sabunutan — kung maaari, iuntog ang ulo sa pader — paduguin — saktan — gantihan!

“Ma’am…” ulit nito. Mahina. Halos bulong.

“Gusto mong makita? Tinatakot mong susugod ka para masira siya para malaman ko na tinatarantado ninyo ‘kong dalawa…? Alam ko na! Alam na alam ko na! Wala kang puwede pang ipanakot sa kaniya.”

Tila pagong sa pagtatangka nitong itago ang ulo sa kinahaharap na kahihiyan. Yakap ang sarili.

“Gusto mong makita? Hanapin mo sa impiyerno! Baka naro’n na!”

Nag-angat ito ng tingin. Nasa mga mata ang pagkalito.

“Nasa garapon na siya! Abo na! Hindi mo na makikita! Hindi mo na kailangang siraan at sirain pa! Sapat na sigurong, sa akin na asawa niya, sirang-sira na siya!”

S-sorry po. Sorry po! Nagmamahalan p-po kami, Ma’am,” mahina nitong tugon.

“Nagmamahalan…? Paano…? Ano ang patunay…? Kung mahal ka niya, sana iniwan niya kaming pamilya niya! Sana pinanindigan ka niya!” mariin ang bitaw niya ng salita. Gusto niyang sumugat iyon sa kaluluwa ng kaharap niya — sakaling mayroon itong kaluluwa! “Parausan ang tawag sa iyo! Parausan lang!”

Umiling-iling ito.

Natatandaan niya ang sagot ng asawa nang tanungin niya noon, out of curiousity, kung bakit nambabae ang ilang lalaki: “Madalas kasi, pampataas ng ego. Meron din namang, available ‘yong babae at gusto ring makipaglaro. May pagkakataon ding may mga gusto kaming gawin bilang lalaki na dahil mahal at nirerespeto namin ang asawa namin, di namin magawa, kaya sa ibang babae namin ginagawa. Mahirap ipaliwanag ‘yong sa isyu ng respeto pero gano’n. Basta gano’n.”  Tumingin ito sa kaniya. “Maraming pagkakataon na pangit sabihin, pero parausan lang. Libangan. Pampalipas oras. May ilang mula sa parausan, nabubuo ang pagmamahal. At kung totoong mahal na ng lalaki ang babae niya, iiwan niya ang pamilya niya. Pakikisamahan at paninindigan na niya ang babae niya. Pero kung hindi gano’n, malamang hindi pa gano’n kalalim. Malamang, naglalaro lang. Malamang naghahanap lang ng excitement sa buhay. Wala kasing makapipigil sa isang lalaki kapag buo na ang desisyon niya.”

“Iyong mga ginagawa niya sa ‘yo, hinding-hindi gagawin ng lalaki sa babaeng mahal at nirerespeto niya! Pampadagdag lang ng excitement sa buhay ng isang lalaki ang tulad mo. Paksa sa usapan ng mga lalaking kabarkada. Palamuti para magyabang sa mga tulad niya. Gusto ko sanang paniwalaan iyang sinasabi mo pero naisip ko, kung mahal ka niya, ipinaglaban ka sana — pinanindigan dahil iyon ang sinasabi at alam kong paniniwala niya! Walang makapipigil sa kaniya kung ang desisyon niya, iwan ako, iwan ang pamilya namin at panindigan ka dahil sa sinasabi mong mahal ka niya!”

Kitang-kita niya ang epekto sa kausap ng masasakit na salitang binitiwan niya. Rumehistrong sakit at labis na pagkapahiya sa higit nitong pamumutla at pangangatal.

“Pupuwedeng marami-rami kayong pinagsaluhan sa kama pero kami, mas marami kaming pinagsaluhang higit pa sa kama. Puwedeng bumuo kayo ng marami ninyong pantasya, pero kami, ang binuo namin pamilya! Gusto mo siyang sirain dahil di niya maibigay ang gusto mo? Ang pangit naman ng uri ng pagmamahal na ipinagmamalaki mo! Masakit ang ginawa ninyo! Masakit ang ginawa niya sa akin! Pero dahil mahal ko siya nang higit sa katarantaduhang mayroon kayo, poprotektahan ko siya at ang pangalan niya! Ngayon, gusto mo siyang ikalat — siraan — sirain…? Gawin mo!”

Walang sagot ang kausap. Ni gaputok, wala.

“Sa iyo ang mga nakaw na sandali dahil gano’n talaga pag bawal na laro, exciting! Pero sa akin, sa amin ng anak ko, ang pangalan niya at ang mga panahong ipinagmamalaki at ipinangangalandakan niya sa lahat!” Tuwid ang mata niyang tiningnan ang kausap. “Dahil hindi ako parausan lang!” Mariin iyon at madalang. “Asawa ako na iniharap sa altar, nakasama sa maraming hirap at ginhawa at hinding-hindi niya maiwan kahit anong pangako mo sa kaniya na kaya mo ‘kong higitan! Mali siya sa pagtataksil sa akin pero di ko alam kung ano ang tama sa ginawa mong pagpatol sa tulad niya! Mahal mo? Nagmamahalan kayo ‘kamo? Mas tamang nag-e-enjoy sa laro! Nagkakasundo sa kababuyan pero wala siyang balak na panindigan dahil tulad ng bawat laro, matatapos din naman! Mananawa! Maghahanap ng bagong laro o ng…” Tiningnan niya ito mula ulo hanggang paa. Nakakaawa! Hanggang sa dulo, umaamot, nagtitiyaga sa kung ano ang matitira — iiwanang tira-tira! “… Kalaro! Pupusta akong hindi ikaw ang una at malamang, hindi rin ang huli kung humaba pa ang buhay niya!” Nagtaas siya ng kilay. Hamig na niya ang sarili. Gagap niya ang kahinahunan. Hawak niya ang dangal na matagal niyang iningatan at ihandang tindigan hanggang sa dulo ng kakayahan. “Sa huling hininga, bago siya nalagutan, alam mo ba’ng sinabi niya?”

Hiyang-hiya na nagtangka itong salubungin ang mata niya.

“Humingi siya ng kapatawaran sa malaking pagkakamali raw niya,” mariin ang pagkakabitaw niya niyon. “Sabi niya, ako lang ang babaeng pakakasalan niya’t gugustuhing maging ina ng anak niya sakaling mabuhay siya ulit,” matatag ang bagsak ng mga salitang iyon. Tila siya ibinalik sa tagpong iyon sa ICU. Noong una’y di niya maunawaan kung ano ang malaking pagkakamaling sinasabi ng asawa sa kaniya. Hawak nito ang mga palad niya. Ayaw bitiwan. Ikinulong sa mga palad nito. Sa pagitan ng hirap na paghinga’y ginawaran siya ng halik sa labi. Mariin. Pinakamariin na kinaya nito sa kondisyong mayroon.

“I-ikaw ang t-tanging babaeng p-pakakasalan at g-gugustuhin kong maging i-ina ng a-anak ko… W-walang iba… I-ikaw lang… P-patawarin mo ‘ko sa m-malaking p-pagkakamali ko. P-patawarin mo s-sana ako… M-ahal na mahal kita… Mahal na mahal…”

Hindi na niya tiyak kung sumagot o hindi ang babaeng iyon.

Hindi rin niya alam kung paano itong tumalikod at umalis.

Hindi na mahalaga iyon.

Ang mahalaga, nailabas niya ang lahat ng laman ng dibdib niya. Lahat-lahat ng gusto niyang sabihin.

Oo, masakit pa rin.

Masakit na masakit pa rin pero alam niyang unti-unti iyong mababawasan kung di man mawala nang tuluyan sa pagdaan ng bawat araw.

Tumingala siya sa kalangitan.

Dalawa’t kalahating dekadang masaya ang malaking bahagi ng relasyon nila bilang mag-asawa. Wala siyang alam na may ganito pala.

Hindi rin niya alam kung dapat niyang ipagpasalamat na hindi niya iyon nalaman noon.

Ang tangi niyang alam, totoong napingasan ang malinis na pagkakakilala niya sa asawa bilang lalaki. Nalaman niyang di buo ang katapatan nito. Ngunit hindi niya maitatatwang mahal niya ito.

Mahal na mahal.

May ganoon palang uri ng pagmamahal. Iyong kahit na nasaktan at sinaktan ka nang husto, mahal na mahal mo pa rin. Iyon ang nararamdaman niya ngayon.

Totoong mali ang naging desisyon nitong lokohin, saktan, at traydurin siya pero paninindigan niya ang higit pa rin sa kalahati ng pagkatao nito ang mabuti.

Hinayaan niyang pumatak ang mga luha para maibsan ang lahat ng nararamdaman niyang sakit at kirot. Gusto niyang tangayin nito ang pakiramdam ng kabiguan at panghihinayang.

Hindi niya pinigilan ang hikbing kumawala.

Masakit.

Sobra.

Ninamnam niya ang lahat ng pait.

Batid niya, mula sa mga nararamdamang iyon, makahuhugot siya ng lakas upang magpatuloy sa buhay kahit di na kasama ang asawa niya at tatay ng anak niya. Itutuon niya sa mabubuti. Hahanapin pa rin niya ang masasaya. Pipilitin niyang maunawaan kung di man matanggap agad-agad ang maraming mali at mga hindi akalain.

Unti-unti sa bawat araw.

Alam niyang hindi madali pero kailangan niyang simulan hindi lang para sa anak kundi higit para sa sarili. Gaya ng madalas sabihin ng asawa noon sa kaniya: “Hindi ako perpekto. Malayong-malayo sa perpeksiyon. Masasaktan at masasaktan kita, sadyain ko man o hindi, pero tandaan mong mahal na mahal kita. Masaktan man kita nang sobra at magalit ka naman sa akin nang labis, alam kong mangingibabaw ang kabutihan ng puso mo dahil higit sa gandang meron ka, iyon ang taglay mong wala ang iba na sobrang mahal at ikinahahanga ko sa ‘yo.”

Pinalis niya ang mga luhang nagpapahirap sa kaniyang paghinga.

Malayo pa pero malayo na.

Malayo pa marahil ang paglimot at buong pusong pagtanggap sa pangyayari pero malayo na rin ang pag-unawang nagawa niya. Hindi man ngayon, tiyak  siya, sa paglipas ng panahon, maghihilom din kahit ang pinakamalaking sugat at di na iyon muling aantak kahit pa malalim din ang iiwanang pilat.