Ni Harold Fiesta
Sa panaginip kinakalmot ko ang takip ng ataul.
Dinig ang dagundong ng dibdib habang naghihingalo
Ang tibok ng liwanag sa likod ng mata. Nagising sa kaluskos
Ng kuko sa baldosadong sahig sa ilalim ng kama, nakaligtaan
Uling gupitin ang kuko ng aso. Binuksan ang pinto at naunahan
Niya akong umihi sa labas. Patay na alipato ang mga gamugamo
Sa ilalim ng malamlam na poste ng ilaw. Tinawag ang alaga
Para suriin ang kuko. Ang ila’y natungkab na sa haba. Minsan
Sumasagitsit sa panagimpan ang bagay na ipinagpapabukas.
At naalala ang gabing ipinagpabukas mo ako’t hindi na muling
Binalikan. Maaliwalas ang langit, namumukhaan ang itinuro
Mong mga talampad*. Huling balita ko’y humarap na kayo
Sa dambana. Masaya na sa isiping masarap ang tulog mo ngayong
Gabi pero bakit tila natutulig sa tunog ng mga bituwing ipinapako
Sa kalbaryo ng limot. Tanggap ko nang hindi ikaw ang tagapagligtas.
Sa aking gunam-gunam, lumalangitngit ang ataul,
Unti-unting pinapalaya ang sarili.