Ni Teresita P. Capili
(Unang nalathala: LIWAYWAY, Marso 20, 1961)
HINDI pa man nailalapat ni Edna ang dahon ng pinto ay nilingon na niya ang mesa ni Mrs. Neido. Nais niyang malaman agad ang anyo ng mukha nito: kung nakasimangot, nakalabi o nakangiti. Batid ni Edna na sino man sa kanyang mga kasamahan ang ipatawag ng kanilang puno ay gayon ang ginagawa nito, hindi man sinasadya, pumapasok pa lamang sa pansariling silid ni Mrs. Neido.
Ayon sa mga kasamahan ni Edna ay iilan lamang sa tanggapang iyon ang hindi pa nasisigawan ng matanda. At wala itong pinipiling pagkakataon, kahit na sa karamihan ng tao.
Nguni’t walang makapangahas na magsumbong sa mga ginagawi ni Mrs. Neido sa pangkalahatang tagapamahala sa punong-tanggapan sa Maynila.
“Magandang umaga po,” magalang na bati ni Edna na nakatayo na sa harap ng mesa ng tagapamahala.
Walang narinig na tugon ang dalaga. Hindi niya makita ang mukha ni Mrs. Neido na natatakpan ng pahayagang binabasa nito.
Naalaala ni Edna ang pagkakatawag sa kanya ni Elvira nang papasok na siya sa silid ng tagapamahala.
“Naku, Edna, mag-ingat-ingat ka sa pagsagot sa ating puno at baka ka mapatalsik nang hindi oras.”
“Ikaw naman, parang laging mangangain ‘yon ng tao kung magsalita ka.”
“Bago ka pa kasi rito kaya kuntentong-kuntento ka! Pag natagal-tagalan ka na rito ay makikita mo rin ang kalibre ng ating amo.”
Nangiti siya. Hindi siya gaanong naniniwala sa mga naririnig sa mga kasamahan sa opisina tungkol kay Mrs. Neido. May dahilan iyon, naisaloob niya.
“Paano ka ba namang sisipagin sa trabahong ito sa mga nakikita mo?” sabi pa ni Elvira.
“Bakit, ano ‘yon?”
“’Ku, malalaman mo rin. Sige, pumasok ka na.”
At ngayon nga’y mahaharap niya uli si Mrs.Neido. Unang nakaharap niya ang puno nang tingnan nito ang kanyang mga papeles na galing sa punong tanggapan ng kawanggawa sa Maynila, mga kasulatang nagpapatunay ng pagkakatalaga niya sa sangay na iyon ng tanggapan sa lalawigan. Ang kanilang opisina ang namumudmod ng mga pagkain at damit sa mga nasunugan o napipinsala ng bagyo. Isa siya sa mga namamahala sa pamumudmod.
Ang pagdidilidili ni Edna ay pinutol ng pagtikhim ng tagapamahala. Naibaba na matanda ang binabasang pahayagan. Inayos ang pagkakalagay ng salamin sa mata at pinagmasdan si Edna.
Sa kanyang paglilingkod sa tanggapan ay laging nagugunita niya ang pangaral ng yumaong ama: “Maging matapat ka sa iyong tungkulin.”
“Magandang umaga, Mrs. Neido,” ulit na bati ni Edna. Tumango lamang ang binati. Itinuro nito ang silyang malapit sa hapag.
Naupo si Edna.
“O, ano, MissDinos, kumusta ang trabaho mo, naiibigan mo ba?”
“Oho, salamat ho.”
“E, ang Nanay mo?”
“Nasa ospital pa rin ho. Kailangan pa hong mamahinga roon at nang matiyak ang di na pag-ulit ng sakit.”
Tumangu-tango si Mrs. Neido.
At nabigla si Edna sa biglang pagtigas ng tinig ng kaharap. “Miss Dinos, hindi tama ang ginawa ninyong pamumudmod ng mga de-lata kahapon sa Tubigan.”
Natigilan si Edna. Pilit niyang inalaala ang pagkakamaling tinukoy ng tagapamahala. Nguni’t wala siyang magunita kundi ang pamamahagi nila kahapon ng mga damit at pagkain sa mga nayong pininsala ng bagyo, ang mga nagibang bahay, ang pananabik ng mga napinsala nang makita ang mga rasyong idinarating nila.
“Alin ho ang di-tamang tinutukoy ninyo?” hindi nakatiis na tanong niya. Winalang halaga na niya ang bilin ni Eliza na mag-ingat sa pagsagut-sagot sa kanilang puno.
“Pati ang mga nasa may tatak na kahon ay ipinamipay mo.”
“Nakatala rin ho ang mga iyon sa listahang hawak ko.”
“Oo nga! Oo nga! Pero wala bang sinabi sa ‘yo ang bantay sa bodega?” payamot nang usisa ni Mrs. Neido.
“Wala ho. Kasi, itinanong ni Mr. Reyes kung hindi luma ang mga nasa kahong iyon. Kaya naman pinabuksan kong lahat sa bantay.”
“Sinong Mr. Reyes?”
“’Yon hong manedyer ng pabrika ng sabon sa kabayanan. Dalawampung kahong de-lata ang iniambag niya.”
“Alam ko! Kaya nga pinatatakan ko, a.”
Padabog na tumindig si Mrs. Neido at nakapamaywang na namintana.
“Sayang!” napalakas na sambit nito, at saka hinarap na muli si Edna. “MissDinos, hindi kaila sa iyong isa ka sa mga may mabuting katayuan sa opisinang ito. Aba, maraming naghahangad sa puwesto mo, baka akala mo!”
Nanatiling nakatikom ang mga labi ni Edna. Sa kanyang isipan ay unti-unting nagkakahugis ang malamang pangungusap ni Elisa: Malalaman mo rin!
“Buweno, sa palagay ko’y hindi mo kasalanan ang nangyari sa bodega kahapon. Kasi, ang Mr. Reyes na ‘yan! Bakit dito pa uusisain kung bulok na ang kanyang iniabuloy? Hindi pa binisita nang binisita sa pabrika nila bago dinala rito. Hu, pero hindi na bale. Huwag nang mauulit iyon, Miss Dinos. Alam mo na ang gagawin sa mga pinatatatakan kong kahon. Ikaw na ang bahalang gumawa ng paraan kung sakaling may mag-uusisang muli. Maaaring bisitahin, pero gawan mo ng paraang maipasok uli sa bodega. Alam mo na. Siya, sige na. Pag nasunod na lahat ang bilin ko’y magkakasundo tayo.”
HANGGANG sa pagamutan, sa bayan ay dala-dala ni Edna ang damdaming pinausbong ni Mrs. Neido sa kanyang katauhan.
“Anak, bakit ba kangina ka pa walang kakibu-kibo riyan?” Bahagya pang napakislot si Edna nang marinig ang tinig ng kanyang ina.
Nakahilig si Aling Chayong sa pinagpatung-patong na unan sa may ulunan ng kama. Humantong ang pansin ni Edna sa namumutla pang mukha ng kanyang ina. Talagang kailangan pa niyon ang manatili sa pagamutan. Ayon sa manggagamot na tumitingin ay walang gaanong ipinagbabago ang lagay ni Aling Chayong. May pumipigil sa tuluyang pagbuti niyon, sabi pa ng doktor. At nahuhulaan na ng dalaga kung ano ang pumipigil na iyon. Ang gunita ng yumao niyang ama. Hindi makatkat iyon sa alaala ng kanyang ina. Ulirang kawani ang kanyang ama. Natatandaan pa niya ang lagi niyong pangaral sa kanya.
Maging matapat ka sa iyong tungkulin.
“Inay, bakit hindi yata ninyo sinusunod ang bilin ng doktor?” paibang wika ni Edna.
“Tila wala pa kayong kasigla-sigla hangga ngayon.”
“Wala naman akong nararamdaman sa katawan, anak. Talagang ganito na lamang ako. Ikaw lang, e. Ayaw mo pa akong ilabas sa ospital. Kahit sa bahay ay makapagpapalakas na ako.”
“Wala kayong makakasama roon. Magha-maghapon ako sa opisina. Sikapin na lamang ninyong gumaling kaagad.”
Nais niyang idugtong, huwag na ninyong alalahanin ang Tatay, natatahimik na siya.
Nguni’t hindi niya nasabi iyon, at sa kanyang diwa ay naningkad ang larawan ng kanyang ama at ang pagkakaiba niyon kay Mrs. Neido.
“O, ano, Tinoy, handa na ba ang dadalhin namin ngayon?” tanong ni Edna sa bantay habang binubuklat-buklat niya ang mga takip ng mga kahong nasa bungad na ng bodega.
Nag-ulap ang mukha ni Edna. lilan lamang ang kahong iyon. Sa palagay niya’y hindi sasapat na ipamudmod sa mga nayong binaha.
Pumasok ang dalaga sa bodega. Pinagmasdan niya ang maraming kahong nakasalansan doon.
“Tinoy, ang mga ito, bakit hindi pa inilalabas?” baling niya sa bantay.
“May bilin ho tungkol diyan si Mrs. Neido,” matuling sagot ng bantay.
“Alam na raw ho ninyo kung ano iyon.”
Tinunghan ni Edna ang listahang hawak. Kasama sa talaan pati ang mga kahong may tatak na nasa loob pa ng bodega. Napabuntunghininga si Edna. Tinungo niyang muli ang kinalalagyan ng mga nailabas nang kahon. Inangat niya ang takip ng mga iyon. Pinagpilian. Luma na ang iba. Ito ba ang pamumudmod nila sa mga pininsala ng bagyo, ng baha, sa mga taong ilang araw nang hindi nakatitikim ng hustong pagkain?
Muling nagunita ni Edna ang ama, ang payo nito. At si Mrs. Neido, ang banta nito. Nakapagitna sa dalawang larawang magkabuhay sa kanyang isipan ang kalagayan ng kanyang ina. Napapikit ang dalaga. Waring nakita niyang kaakbay ng kanyang ina ang daan-daang taong nangangailangan ng kanyang paglilingkod, ng kanyang tulong. “Tinoy,” napabigla niyang tawag sa bantay, “ikarga mo rin sa trak ang mga kahong nasa bodega.”
“Pero…”
“Ako ang bahalang managot.”

MAGHAPONG namudmod ng mga de-lata sina Edna. Gayunman ay hindi maramdaman ni Edna ang pagod. Kaakbay niya ang mga nasisiyahang ngiti ng mga taong tumanggap ng pagkaing ipinamudmod nila. Hindi pinag-ulap ng pagkakapatawag na muli sa kanya ni Mrs. Neido ang kasiyahang kanyang nadarama, ang katahimikan ng kanyang budhi. Yari na ang kanyang pasiya.
Kaiba sa una nilang paghaharap, nakatayo na si Mrs. Neido at tila sadyang hinihintay ang pagdating ni Edna. Naramdaman niya ang nananalim nitong titig habang kinakabig niyang pasara ang dahon ng pinto. Lumapit siya sa mesa ng tagapamahala. Matatag ang kanyang hakbang. Matatag pati na ang pintig sa kanyang dibdib.
“Miss Dinos, sinabi ko na sa iyong… “
“Dinaramdam ko ang pagkakalabag sa inyong kagustuhan. Nguni’t higit akong magdaramdam kung hindi ko nilabag iyon.”
“Miss Dinos, iniinsulto mo ako!”
“Hindi ko hinangad na magkagayon. Sa katunaya’y magbibitiw na ako sa aking tungkulin. Ihaharap ko ang sulat ng pagbibitiw bukas sa punong-tanggapan sa Maynila. Hindi ninyo maitatangging iyon ang tama sapagka’t sila ang naglagay sa akin sa puwesto ko ngayon.”
Mabilis pa tumalikod na papalabas si Edna. Hindi na niya hinintay ang ano mang sasabihin ni Mrs. Neido. Nguni’t narinig niya ang tinig nito. Marahan. Nangangamba.
“Miss Dinos…” at hindi agad nakapagsalita ang tagapamahala. “Mananatili ka sa iyong tungkulin. Hindi ko man naibigan ang iyong ginawa ay hinahangaan ko naman ang iyong paninindigan.”
Napabuntunghininga si Edna. Sa loob-loob niya’y mapagbabago pa si Mrs. Neido ngayong mapatunayang may makatututol sa gusto nito.
“Malaki pa ang pag-asa,” sa sarili’y bulong ni Edna. At sa kanyang gunita ay naningkad ang larawan ng kanyang ama.