Sa Garapon

Ni Lawrence Andrew G. Basallote

Dito ko itinatago

Lahat ng alaala ko sa ‘yo,

Sa gitna ng hapag-kainan

Na tanging ako lang ang nakaupo.

Sa tuwing nais kitang makita,

Dahan-dahang bubuksan

At iaangat ang takip nang bahagya

—kundi sasabog ang laman

At iyong malalaman

Na nag-aalboroto pa rin ang bulkan.

Kukuha lamang ng isang dakot

Ng pagmamahal at isusubo,

Babalik na ako sa araw na

Una kang namasdan.

Ikinagagalak kong ipaalam sa ‘yo

Hangin na lang ang natitira rito.