Ni Rolando D. Melegrito
LUMAPIT siya sa harap ng parihabang salamin at sinipat ang sarili. Matiim. Mistulang palad na humahagod ang mga matang malamlam, masusing tinalunton ang hungkag na mukha pababa sa gawing talampakan. Naghahanap. Kumilos ang nanlalamig niyang kamay. Lumapat ang mga daliri niyon sa maputlang pisngi at unti-unting dumausdos sa mga labing nababahiran ng panghihinayang dahil tuluyan nang naglaho ang kanyang katangiang noo’y laging ipinagyayabang.
Tumitig siyang muli sa parihabang salamin. Mula sa yayat na katawang naaaninag, sinubok niyang alalahanin ang dating kariktan.
Subalit naputol ang kanyang pagbabalik-tanaw nang maulinigan ang mumunting yabag sa gawing likuran. Lumingon siya’t agad na namataan ang maglilimang taong gulang niyang supling. Huminto sa hindi kalayuan ang may karamdamang bata at malamyang sumalampak sa baldosang sahig. Sa kanyang kinatatayuan nakatuon ang mga mata nito habang tila suklay na sumusuyod ang mga daliri ng kaliwang kamay sa kulutang buhok ng tangang manyika.
Magiliw siyang ngumiti nang magtama ang kanilang paningin ngunit sa unang pagkakatao’y walang ipinakitang reaksiyon ang paslit. Sa halip, dali-dali nitong binawi ang pagkakatitig at ibinaling iyon sa laruang pinagkakaabalahan. Lumapit siya, naupo sa tabi ng anak at ibinulong ang mga salita ng pagmamahal na lagi niyang ipinaririnig kahit noong ito’y sanggol pa. Muli, katahimikan ang naging tugon. Tila nakapiit sa bibig nito ang mga katagang nais niyang marinig.
“D-Dami kong kasalanan sa ‘yo, ‘nak… ‘sensya ka na kay mama, ha?”aniya habang hinahaplos ang bumbunan ng paslit.
Pagkaraa’y muli siyang tumayo’t sumilip sa parihabang salamin upang kahit saglit ay kanyang makaligtaan ang kaawa-awang kondisyon ng supling. Doo’y sinimulan niyang sariwain ang lumang larawan ng angking kagandahan.
Isang maladiyosang kaanyuang kinahumalingan subalit hindi ng mga bathala kundi ng mga alipin ng kamunduhan. Iniluklok nang paulit-ulit hindi sa tuktok ng pedestal kundi sa ibabaw ng mga kamang parausan ng pagnanasang karnal. Naglabas-pasok sa iba’t ibang motel, pinagpasasaan ng kung sinu-sino, sa harap ng parihabang salaming buong-layang nakamasid sa mga palusong at paahong galaw ng bayarang pakikipag-ulayaw.
Dito siya nasadlak: sa mismong larangang dati-rati’y kinasusuklama’t pinandidirihan; sa likaw ng kalakarang unti-unting nakagamayan, kalauna’y nakagawian, hanggang sa tratuhing pangkaraniwan na lang. At dito uminog ang kanyang mundo: sa isang sulok ng lipunang lantara’t talamak ang bentahan ng laman, kapiling ang mga babaeng prosti, puta at bayaran kung bansagan.
‘Ba’t kaya di sila nagpapakita? naisip niya. Pwes, ako na’ng pupunta sa kanila!

Sa kanyang paglisan, ang paglingon sa mga iniwa’y pilit niyang iniwasan sa kabila ng katiyakang sa habang panahon, ang mga ito’y hindi na magagawa pang balikan.
KILALA ang prostitusyon bilang isa sa pinakamalaong propesyon sa mundo. Nauna pa itong umusbong kaysa orihinal na manuskritong nagsaad sa naging buhay ni Maria Magdalena. Sa pag-usad ng mga taon tungo sa kasalukuyang panahon, mapupuna ang pagbabago sa lumang anyo nito na lalong nagpalubha sa naturang suliranin – dahil ngayo’y pabata na nang pabata ang mga nalululong sa mismong trabahong patanda naman nang patanda. Nakaaalarma rin ang pagdami ng mga sumasabak sa larangan ito. Patuloy na binabalewala ang mga babala hinggil sa mga negatibong epektong maidudulot nito sa kanilang pisikal, emosyonal, sikolohikal, pati na sa aspektong ispirituwal. Upang bigyang-tuwid ang kanilang ginagawa, pirming iginigiit ang iba’t ibang dahilan subalit kung susurii’y iisa lang ang sanhing pinag-ugatan: kahirapan, karalitaan, karukhaan.
MALALIM na ang gabi nang siya’y nakabalik sa tinitirahan. Matulin ang kanyang mga hakbang papasok sa pinto. Walang pakialam. Hindi man lang niya tinapunan ng pansin ang mga bisitang nabungaran sa iba’t ibang sulok ng sala. Nagtuloy siya sa sariling kuwarto’t pabagsak na naupo sa gilid ng katre. Hindi na niya sinindihan pa ang bumbilya, sapat na sa kanya ang liwanag ng bilugang buwan na pumupuslit sa mga siwang ng durungawan. Sa kabila ng kapanglawan sa loob ng silid, mababakas pa rin ang lungkot sa kanyang mukha. Ito’y sanhi, marahil, ng pagkabigo niyang makasalamuha ang mga kasamahan sa trabaho. Pilit mang iniwasa’y kusang nagbalik sa kanyang alaala ang usapang naulinigan niya kaninang pumaroon siya sa naturang lugar.
“Pre, going straight na ata‘ng mga pokpok dito, ‘ala nang nakatambay kahit isa!”
“Anong going straight? Pinagdadampot sila ng mga parak kagabi!”
Marahan siyang yumuko’t mariing pumikit upang putulin ang huntahan ng dalawang tindero ng balut sa kanyang gunita. Tumindig siya kapagdaka, humakbang at inikot ang kabuuan ng silid. Saglit pa’y sa sala ng kabahayan huminto ang kanyang mga paa. Nadatnan niya roon ang inang naidlip sa sopa habang kandong nito ang tulog na apo. Lumuhod siya sa harap ng mga ito.
“Kung nag-ingat lang ako n’on, anak… ‘ala ka sanang sakit ngayon!”
Pagkawika’y mahigpit niyang niyapos ang maglola, nagbabakasakaling maipararating ang kanyang pagsisisi. Nakaramdam na rin siya ng matinding pangungulila sa puntong iyon, dahil gustuhin ma’y hindi na maaari pang ipagpaliban ang napipinto niyang paglayo. Hanggang sa kusang kumalas ang kanyang magkabilang bisig mula sa katawan ng ina at anak, kasunod ang paghulog ng mga katagang halos ayaw bitawan ng bibig.
“P-Paalam… mahal na mahal ko kayo!”
Hindi man batid ang patutunguhan, walang pag-aatubili niyang sinuong ang pusikit na karimlang sa kanya’y nag-aabang at doon sa sinapupunan nito’y naglaho nang tuluyan. Sa kanyang paglisan, ang paglingon sa mga iniwa’y pilit niyang iniwasan sa kabila ng katiyakang sa habang panahon, ang mga ito’y hindi na magagawa pang balikan. Maging ang parihabang salamin sa kanyang tabi’y hindi na muli pang pinagkainteresan. Marahil, gusto na niyang kalimutan magpakailanman ang mga alaalang doo’y nananahan – mga pangit na alaala sa likod ng parihabang salaming nagsisilbing durungawan sa kanyang walang buhay na katawan.