Hinggil sa Buwan

Ni John Carlo S. Gloria

ORAS na sana ng kaniyang pahinga dahil tapos na ang buong araw niyang klase nang magbalik pa sa ulirat ni Sam ang bugtong na tinalakay niya at mga nangyari kanina.

Quinain na,t, naobos / naboboo pang lobos. Katutubong tula. Heptasilabiko, monorima, couplet, talinghagang batay sa kalikasan. Madaling tukuyin ng mga bagay tungkol sa anyo, naisip niya. Hindi na kailangan pa ng maraming kulubot ng utak para sanayin ang mga mata’t isipan ng mga mag-aaral dito. Heptasilabiko, monorima, couplet, talinghagang batay sa kalikasan – halos mekanikal nang maituturing basta ba’t alam mo kung ano ang titingnan at hahanapin. Ang kaso, nang tanungin na niya ang sagot sa mismong bugtong, parang nalunok ng mga bata ang kanilang mga dila. Naghintay siya ng ilang segundo. Thinking time, mahigpit na paalala ng kaniyang department chair, na dapat ipagkaloob para sa mga estudyanteng talagang naghahanap ng maisasagot. Isa… dalawa… hanggang sampu. Bokya pa rin kaya’t kailangan nang ilabas ni Sam ang sunod niyang baraha: ilapit ang kutsara ng sagot sa mga nakangangang bibig ng mga mag-aaral. “Ano kaya ‘tong naubos na pero nabubuo ulit? Nasa langit, tinitingala natin sa himpapawid.”

“Buwan,” sigaw ng batang naunahan ng tulak ng bibig ang pagtaas ng bisig. Hindi na ito sinita pa ni Sam. Wala nang puwang ang paalala sa nanamlay nang klase. Mahalagang mabawi kaagad ang momentum kaya sinegundahan niya agad ng “Tama! Very good. Ngayon, paano tayo nakarating sa sagot na buwan?” Presto! Nagliwanag ang mga mata ng mga bata sa waring pagri-reverse engineer ng lumang bugtong. Agad na nagsipag-unahan sa pagtataas ng kamay ang mga estudyanteng kanina’y iwas ang pagtingin sa kaniya. Napangiti siya. Naging bisikletang pinedal ang talakayang gumulong sa kaniyang klasrum.

Tagumpay na sanang ituturing ni Sam ang nagpinid na araw ng pagtuturo kundi lang siya basta binagabag ng bugtong na iyon. Kung bakit ba ngayon lang niya pinroblema ang panahong iginugol ng mga ninuno para mabuo ang akdang iyon. Sambuwan na pagtingala sa buwan? Nagtatalaban sa loob niya ang pagtatanong at pagkamangha. Posibleng bunga ng pagkabagot at pagkabilib ang naturang bugtong; maaaring kawalan ng makaagham na paliwanag o sadyang pagiging kaisa ng kalikasan. Bakit nga ba kay raming tula tungkol sa buwan? Bakit kailangang tulaan pa ang buwan o ang siklo ng pagpapalit nito ng anyo? Parada ng mga sagot. Salpukan ng mga palagay. Lahat, nilulusaw rin ng diwa.

Naisip niyang kung sana’y marunong pa siyang tumingala nang matagal at mas maging malay sa mga dumarating at naglalaho, marahil, magaganap din sa sarili ang marami niyang pagkabuo.