Ni Ricris R. Deposoy
ANGHEL na hulog ng langit, iyan ang madalas itawag sa kaniya.
Lalo na kapag nariyan ang kaniyang lola. Mas mahigpit ang yakap nito at pinupupog pa siya ng halik. Tinatapik-tapik ang kaniyang likod na parang may kinakapa. Hinahanap kaya ni Lola ang aking pakpak, sa isip niya.
Kamakalawa, dumating ang kaniyang Ninang Sining. Ito ang ninang niyang nagbabasa sa simbahan at namumuno sa choir.
“Siya na ba ang ating munting anghel!” agad na sabi nito nang siya’y magmano.
“Oo, Sining. Pitong taon na siya. Pumayag na rin si Isidro. Kaya, tuloy na tuloy na!” nagniningning ang mata ng mama niyang sumasang-ayon.
“Naku! Kailangan nang maghanda dahil sa isang linggo na iyon,” tila natatarantang sabi pa ng kaniyang Ninang Sining.
Gusto niyang malaman ang totoo kaya’t inusisa niya ang kaniyang ama. “Papa, totoo po bang hulog ako ng langit?”
“Oo, anak! Hulog ka talaga ng langit sa amin ng iyong mama. Ikaw ang aming munting anghel,” masayang sagot nito.
“Hindi n’yo po ba ninyo ako anak?” halos naluluha niyang tanong.
“Naku, anak, bakit ka naman malungkot? Totoong nag-iisang anak ka namin. Isinilang ka kahit may edad na kami ng mama mo,” paliwanag nito.
Hanggang sa pagtulog ay dala pa rin ni Angela ang alalahaning iyon.
“Angela, anak, gising na,” ang mahinahong tinig na gumising sa kaniya kinabukasan. Bahagya siyang nasilaw nang buksan ng kaniyang mama ang bintana. May sumalubong sa kaniyang tainga.
“May kumakanta?” ang pupungas-pungas niyang tanong.
“Oo, anak. Dito sa atin mag-eensayo ang choir ng simbahan. Kasama ka!” sabi ng mama niya.
“Sasali po ba ako sa choir?” Noon pa niya ito gusto.
“Oo, anak. Ito na ang tamang panahon dahil magiging anghel ka na,” sabi pa ng kaniyang nanay habang iniimis ang higaan.
Kahit naguguluhan ay sumama na rin siya sa pag-eensayo. Nakilala niya ang ilan pang mga batang babae. Pati ang mga ito ay nagsasabing siya nga raw ang anghel sa susunod na Linggo.
Magiging isang anghel nga ba siya? Iiwan na ba niya ang kaniyang mga magulang at kaibigan? Aakyat na nga ba siya sa langit?

Nitong Sabado ay isinama siya ng kaniyang mama sa mananahi.
“Ito ba ang ating anghel? Ay, napakaganda naman pala,” humahangang sabi ng mananahi.
“Oo, Celia. Eksayted na eksayted na nga kami,” tuwang-tuwa rin namang sagot ng kaniyang mama.
Inilabas ni Aling Celia ang isang putimputing bestida at isinukat sa kaniya. “Para ka talagang anghel!” bulalas pa nito habang pinagmamasdan siya sa salamin. Ngumiti lamang siya at hindi masyadong nagtanong. Sumusunod lang siya sa lahat ng utos nito. Ikot pakanan. Ikot pakaliwa. Itaas ang kamay. Ibaba ang kamay. Sukat dito. Sukat doon. Siya man ay nagandahan din sa kaniyang damit.
Nang Linggong dumating ay may dala silang palaspas sa pagsimba. Simula na raw ng Semana Santa. Alam naman niya iyon. Ngunit, parang may kakaiba ngayon. Magiging isang anghel nga ba siya? Iiwan na ba niya ang kaniyang mga magulang at kaibigan? Aakyat na nga ba siya sa langit? Palagi bang may ganoon kapag Semana Santa? Kay raming tanong sa kaniyang isipan.
Mula noon ay binibilang ni Angela ang mga araw. Linggo ngayon at may pitong araw pa bago muling mag-Linggo. Kailangang maging handa siya.
Kaya nitong Lunes, nang isinama siya ng kaniyang ina sa palengke ay naisipan niyang siya na ang magbitbit ng kanilang pinamili.
Nang Martes naman ay hindi siya masyadong nagkalat sa paglalaro. Kusa na rin niyang iniligpit ang kaniyang mga laruan na dati ay ang mama pa niya ang gumagawa.
Nang Miyerkules ay nagwalis siya sa bakuran. Napansin niya ang mga puting pakpak ng manok na nagkalat, ngunit hinid na siya nag-usisa.
Nang Huwebes ay ibinilin ng mama niyang gumising siya nang maaga sa darating na Linggo, kaya mas maaga na siyang natutulog mula noon.
Biyernes, sinabi ng mama niyang mas maging tahimik kaya hindi na siya nangulit kahit ang dami-dami niyang gustong itanong.
Sabado ang huling araw ng kanilang ensayo. Kinabisa niyang mabuti ang mga kantang iba ang lengguwahe at sinanay ang mga ikikilos niya. Sinamahan din niya ang kaniyang mama na mamitas ng bulaklak ng bonggabilya. Bago gumabi ay niyakap niya nang mahigpit ang kaniyang mga magulang at sinabing mahal na mahal niya ang mga ito. Ito na yata ang pinakamaaga niyang tulog.
Alas-tres pa lang ng madaling-araw ay bihis na bihis na silang tumungo sa plasa.
Pag-akyat sa entablado ay isinuot sa kaniya ang putimputing bestidang may ruffles sa leeg, mga braso, baywang at laylayan. Para siyang nababalutan ng mga ulap. Kumikinang ang mga puting bato sa kaniyang dibdib. May mangilan-ngilang pula, asul, berde, at dilaw.
May ikinabit pa sa kaniyang ulo na isang bilog na kawad na nababalutan ng pilak na palara. Pagkatapos ay isinuot ng papa niya sa kaniyang balikat ang isang parihabang puting kahon. May tabing itong mahabang puting tela sa likuran kaya tila nagkaroon siya ng mahabang kapa. Saktong-sakto ang kahon sa kaniyang likuran at balikat. May sinturon din itong puti na ikinabit sa kaniyang baywang. Sa mga balikat ay may makikinang na bilog. May nakataling lubid sa kahon na nakakabit naman sa magkabilang mataas na poste ng entablado. Binilinan siyang huwag masyadong magalaw. Sumunod naman siya dahil ito rin ang kanilang inensayo.
“Anak, kapag nasa gitna ka na ng entablado at habang umaawit ng Regina ay titingin ka sa akin. Kailangang sumunod ka sa ituturo ko para maging maayos ang iyong paglipad,” bilin ng kaniyang papa. Halos maluha si Angela habang nakikinig sa kaniyang ama. Lilipad na raw siya.
Pinapunta na nga siya sa gitna ng entablado.
Maliwanag ito at napalilibutan ng kumikislap na ilaw. Nababalutan ang entablado ng balumbon ng puting tela at bulaklak na parang isang malaking lumulutang na ulap. Mas mataas ng tatlong hakbang ang kaniyang puwesto sa gitna. Nakahanay sa kaliwa’t kanan ang mga batang kasama niyang aawit. Pawang nakabestidang puti at may pilak na bilog na kawad sa ulo.
Kahit nalulula ay tumingin siya paibaba. Naroon ang kaniyang mama at papa. Magkaakbay na nakatingala sa kaniya. Mas lumakas ang kaniyang loob. Biglang may tumatakatak na ingay mula sa malayo.
Napalingon siya sa kaliwa at nakita niyang dumarating ang andas ng imahen ng Mahal na Birhen. Marahan itong itinutulak ng mga tao. Tumingin siya sa kanan. Paparating na rin ang Hesus-Resureksiyon. Noon kumumpas ang kaniyang Ninang Sining. Sabay-sabay na umawit ang mga batang babae sa entablado. Sila’y tila mga kerubing kumakanta at kumukumpas. Naghahagis ng mga bulaklak. Tila inuulan ng bulalak ang nagsasalubong na imahen ng mag-ina.
Nang ilang pulgada na lamang ang pagitan ng Banal na Mag-ina ay kumumpas pababa si Ninang Sining. Humina ang kanilang mga tinig. Tumango naman ito kay Angela. Mas lumakas at pumailanlang ang solong tinig niyang umaawit ng Regina Coeli.
Itinapat sa kaniya ang mga ilaw. Tinatamaan ng liwanag ang mumunting bato sa kaniyang dibdib at balikat. Kuminang ang buo niyang katawan. Para siyang nagliliwanag. Habang umaawit ay napapaluha si Angela. Ito na ba ang takdang oras ng kaniyang pag-alis, naisip niya.
Tumingin siya paibaba at nakita ang kaniyang mga magulang. Kitang-kita ang pagmamalaki sa mukha ng mga ito. Noon humudyat ang kaniyang papa. Itinuturo ang magkabilang balikat. Naunawaan niya ang tinutukoy ng ama. Kaya inalis niya ang pagkakadaop ng kaniyang mga palad, at hinawakan ang dalawang bilog sa balikat.
Marahan niya itong pinindot, at umigkas sa kaniyang likuran ang mga pakpak. Kasabay nito ay sumaboy ang mga maliliit na piraso ng iba’t ibang makukulay na papel. Ilang saglit pa ay may marahang humila paitaas sa lubid. Umangat siya ng ilang talampakan mula sa entablado.
Bahagyang nagulat si Angela, ngunit nagpatuloy pa rin siya sa pag-awit. Kumakampay ang kanyang mga pakpak at wumawagayway ang kaniyang kapa sa ihip ng hangin. Nararamdaman niya ang malamig na hangin sa kaniyang talampakan. Nakalutang siya.
Unti-unti siyang lumulutang at umuusod papalapit sa mag-inang Hesus at Maria. Nang ilang pulgada na lamang ang layo niya sa Mahal na Birhen ay marahan niyang inabot ang mukha nito. Kinuha niya ang manipis na itim na belo sa ulo at ibinuhol sa tatlong puting lobong nakatali sa andas.
Kasabay ng huling mataas na nota ng Aleluya, pinakawalan niya ang lobo kasama ang belo. Nalantad ang maamong mukha ng Birhen. Kumalembang ang kampana ng malayong simbahan. Nagpalakpakan ang mga tao. Sumabay na muli ang mga bata sa pag-awit. Parang mga tinig na nagmumula sa langit.
Samantala, nanatili siyang nakalutang at umaawit habang tumataas ang mga lobong kaniyang binitawan. May nagpakawala pa ng ilang puting kalapati at tila sinasabayan siya sa paglipad. Hindi naman talaga siya umaalis sa lugar. Tila lumilipad siya ngunit hindi lumalayo. Naroon pa rin ang kaniyang mga magulang habang nakatingala sa kaniya.
Naunawaan na niya. Anghel lamang siya sa umagang ito ng Linggo ng Pagkabuhay. Siya pa rin ang kaisang-isang anak ng kaniyang mga magulang. Ang anghel sa buhay ng mga ito.
Kaya’t buong pagpapasalamat niyang tiningnan ang kaniyang ina at ama sa ibaba, at ang mag-inang Hesus at Maria sa kaniyang harapan. At hinabol ng tanaw ang papalayong lobo at mga ibon patungo sa bukang-liwayway.