Ni Buenaventura S. Buluran
KAHAPON pa naghihintay si Mang Saneo kay Mang Antero. Sa pagkakaupo niyang pasandig sa lumang silyong nasa tabi ng bintana ay palagi siyang nakatanaw sa daan at nanghahaba ang kanyang leeg kapag may awtong dumarating.
“Crisanta, hindi ba apat na araw na ang nakararaan mula nang ihulog mo ang sulat?” tanong ni Mamg Saneo sa dalagang nag-aayos ng kamang pinanggalingan niya bago siya naupo sa silyon nang umagang Iyon.
“Opo, Tatay,” tugon ni Crisanta.
“Bakit kaya hindi pa dumarating si Mang Antero mo?” At napabuntúnghininga si Mang Saneo. “Tama kaya ang pagkakasulat mo ng direksiyon sa sobre.”
“Tama po, Tatay… kinopya ko po ang nakatala sa inyong libreta,” sabi ni Crisanta. “Kapag ako po’y nagkamali . . . mali ang aking pinagkopyahan.”
Hindi na kumibo si Mang Saneo. Tumanaw siya uli sa labas ng bintana. Hindi maaaring magkamali ang direksiyon sa kanyang libreta. Si Mang Antero na rin ang nagtala niyon.
“Anuman ang kailangan mo sa akin ay sa direksiyong iyan mo ako puntahan, Saneo,” natatandaan ni Mang Saneo na sabi sa kanya ng kaibigan.
Noon ay may limang taon na ang nakararaan. Nguni’t kahit minsan ay hindi siya nakapagsadya sa bahay ni Mang Antero. Wala siyang kailangan. Naitaguyod niyang maluwalhati si Crisanta.
Makailang ulit pa rin silang nagkita ni Mang Antero. Tuwing darating ang kaarawan ni Crisanta ay nagtutungo si Mang Antero sa piyer na pinapasukan niya at may ibinibigay na alaala para kay Crisanta.
“Mamahalin ang mga ipinadadala mong alaala ka Crisanta,” minsa’y nasabi niya kay Mang Antero. “Pinag-aalinlanganan tuloy niya na ako ang bumibili niyon. Nasabi tuloy niya na baka raw kinukuha ko ‘yong hulugan, at makabibigat daw sa amin. Kahit daw wala akong handog sa kaarawan niya’y nasisiyahan siya pagka’t alam niyang mahal ko siya.”
“Nguni’t ang mga iyon ay alaala ko. Sa kanya,” sagot ni Mang Antero.
“Pero hindi niya nalalamang ang nagpapadala ay ikaw, ang kanyang tunay na ama!”
May lungkot na nalarawan sa mukha ni Mang Antero. “Ikaw ang higit na ama niya. Alam mong kapopootan lamang niya ako kapag nakilala.”
Napukaw si Mang Saneo sa kanyang gunitang yaon nang lumapit sa kanya si Crisanta at mag-usisa kung may kailangan siya. Napailing lamang si Mang Saneo.
Batid ni Mang Saneo na hindi magtatagal ang kanyang buhay at maiiwan niyang nag-iisa si Crisanta.
“Kung may kailangan kayo, Tatay, ay tawagin ninyo ako,” masuyong wika ni Crisanta. “Nasa labas po lamang ako at naglalaba. Huwag kayong mainip, Tatay. Darating po ang kaibigan n’yo. Siguro po’y wala pa lamang panahong makarating dito sa atin.”
Ngumiti si Crisanta at saka lumabas. Sinundan ng tingin ni Mang Saneo ang dalaga. Mapalad siya. Mapalad siya kahit hindi man tunay niyang anak si Crisanta. Siya ang nakikilalang ama nito. At siya ang tumatanggap ng pagtingin ng isang butihing anak.
Sanggol pa lamang si Crisanta nang maulila sa ina at maiwan sa pagkakandili nilang mag-asawa ni Aling Petang.
Mula pa sa pagkabinata’y kaibigan na niyang matalik si Mang Antero. Lumaki sila sa Masunlo. Maralita si Mang Saneo; si Mang Antero nama’y may namanang kabuhayan sa mga magulang nito.
Lumaki sa ginhawa at naging halaghag si Mang Antero. Nagkaroon ito ng kasintahan sa Masunlo, nguni’t pagkatapos mapagsamantalahan nito ay tinalikuran na lamang at sukat. Nang mamatay ang babae, ang anak nito kay Mang Antero ay naiwan sa pagkakandili ng mag-asawang Mang Saneo at Aling Petang. Si Mang Antero ay nangibang-bayan at hindi na nabalitaan.
Hindi nagkaanak sina Mang Saneo at Aling Petang kaya napamáhal sa kanila si Crisanta na parang tunay na anak. Mahal na mahal naman ni Crisanta ang nakikilalang mga magulang. Maralita man ang buhay na kinagisnan ay nasisiyahan na rin siya.
Labinlimang taon na si Crisanta at kamamatay pa lamang ni Aling Petang nang makatagpo uli ni Mang Saneo ang kaibigan. Hindi niya ikinaila kay Mang Antero ang tungkol kay Crisanta. Nakita niyang nalungkot si Mang Antero.
“Paano ang gagawin ko, Saneo? Ikaligaya kaya niya ang makilalang ako’y kanyang ama?”
“Ewan ko, pero ang masasabi ko’y isa siyang mabuting anak, Antero,” sagot ni Mang Saneo. “At ang isang mabuting anak ay humahanap ng isang mabuting magulang. Maralita lamang ang buhay na naidulot namin sa kanya, nguni’t siya’y maligaya . . .”
“Marami siyang maitatanong sa akin na hindi ko masasagot,” sambit ni Mang Antero. “Bakit ko pinabayaan ang kanyang ina? Bakit ko siya pinabayaan sa pagpapala ng ibang tao? Masasabi ko ba sa kanyang noon ay halaghag ako, walang tuto, umiiwas sa pananagutan. Hindi niya ako mauunawaan. Ang pagkabatid niya sa katotohanan ay makasusugat lamang sa malinis niyang puso.”
At napagkayarian nga nilang hindi na magpapakilala si Mang Antero kay Crisanta.
Subali’t nitong mga huling araw ay biglang nagkasakit si Mang Saneo. Dinapuan siya ng paralisis. Paminsan-minsa’y sinusumpong pa siya ng sakit sa puso. Batid ni Mang Saneo na hindi magtatagal ang kanyang buhay at maiiwan niyang nag-iisa si Crisanta.
Isang sulat ang idinikta niya kay Crisanta at ipinadala niya sa kaibigan. Sa isang bahagi’y ganito ang kanyang isinaad . . . Sinabi mo sa aking minsan na kung may kailangan ako’y magpasabi sa iyo. May sakit ako ngayon at kung maaari’y makipagkita ka sa akin dito sa bahay.
Ngayon nga’y hinihintay ni Mang Saneo si Mang Antero. Ang ibig niya, bago mapikit ang kanyang mga mata ay mailapit man lamang niya si Mang Antero kay Crisanta.
Biglang lumukso ang puso ni Mang Saneo nang may humintong awto sa tapat ng bahay. Si Mang Antero ang bumaba.
“Crisanta, dumating na ang hinihintay ko,” malakas na tawag ni Mang Saneo sa dalaga.
Nang makapanhik si Mang Antero ay nasa tabi na ni Mang Saneo si Crisanta. Namumutla si Mang Antero na napatitig sa mukha ng dalaga. Iyon ang kauna-unahang pagkikita ng mag-ama.
“Crisanta siya si Mang Antero mo,” ani Mang Saneo.
“Madalas pong nababanggit kayo sa akin ng aking ama,” wika ni Crisanta at nginitian ang hindi nakikilalang ama. “Kahit ngayon ko lamang kayo nakita ay parang kakilalang-kakilala ko na kayo. Kaibigang-kaibigan daw kayo ni Tatay. Ang ipinagtataka ko lamang ay kung bakit hindi kayo napapadalaw sa amin.”

“Wa-wala lang akong panahon dahil sa marami akong gawain.” Parang naninikit sa lalamunan ang tinig ni Mang Antero. “Kagagaling ko lamang sa lalawigan, at dinatnan ko sa bahay ang sulat ng ama mo. Naparito ako agad…”
Napatingin si Mang Antero kay Mang Saneo.
“Crisanta, ikuha mo nga ng kahit anong maiinom ang Mang Antero mo,” wika ni Mang Saneo sa dalaga. Iniwan ni Crisanta ang dalawang lalaki.
“Batid kong hindi na magluluwat ang aking buhay,” wika ni Mang Saneo. “Maiiwan ko si Crisanta. Dalaga siya at kailangan niya ang pagtingin ng isang magulang. Anak mo siya, Antero . . . Sa harap ng Diyos. Kung ako’y wala na, ang lahat ng pananagutan kay Crisanta ay ikaw ang magdadala.”
“Hindi dapat na makilala niya ako,” ani Mang Antero. “Walang bagay sa akin sa pagiging ama ko na magiging maganda sa kanya.”
“Antero, hindi mo magagawa ang tumakas kay Crisanta sa habang panahon,” sagot ni Mang Saneo. Hindi mó matatakasan sa habang buhay mo ang iyong pagkakasala sa kanya at sa kanyang ina. Kailangang harapin mo iyan sa iyong sarili, Antero. Itanong sa iyong puso kung anong mabuti ang maaari mo pang magawa upang matakpan ang mga pagkukulang mo.”
“Ano ang dapat kong gawin, Saneo?” nasabi ni Mang Antero.
Malungkot na napailing si Mang Saneo. “Ewan ko. Nguni’t bubuksan ko sa iyo ang landas upang makalapit ka sa iyong anak upang hintuan mo na ang pagtakas sa iyong sarili. Kung ano ang dapat mong gawin ay ikaw na ang makapagpapasiya niyan.”
Naputol ang pag-uusap nina Mang Antero at Mang Saneo nang pumasok si Crisanta na may dalang inuming pampalamig. Iniabot niya iyon kay Mang Antero. Pinaupo ni Mang Saneo si Crisanta.
“Crisanta, dumating man sa akin ngayon ang kamatayan ay matatanggap na ring matahimik ng aking kalooban,” wika ni Mang Saneo pagkaraan ng ilang sandali.
“Iyan pong Tatay, Mang Antero . . . Mula nang magkasakit ay pulos na kamatayan lamang ang sinasabi.”
nakatawa si Crisanta, ngunit namamakas ang pagdaramdam sa kanyang tinig. “Maigi na po naman siya…”
“Ito nga namang si Saneo. . . ” patianod ni Mang Antero. “Bakit hindi mo lakasan ang loob? Sa tingin ko nga’y malakas ka naman.”
“Ang ibig kong sabihin… Anu’t ano man ang mangyari sa akin ay matahimik ko nang matatanggap,” wika ni Mang Saneo. “Pagka’t naririto ka at ipinangako mo na sa aking hindi mo pababayaan si Crisanta.”
“Hindi ka mamamatay, Tatay!” At nabasag ang tinig ni Crisanta na parang mapapaiyak.
“Sakaling mapikit-pikit ang aking mga mata… ang Mang Antero mo ang makatitingin sa iyo… magiging ama rin siya sa iyo.”
Napayuko si Crisanta at malungkot na umiling, na waring ang ibig sabihin ay hindi mapapalitan ng sinuman sa kanyang puso ang nakikilalang ama. Parang may dumagok sa dibdib ni Mang Antero. Napakagat-labi siya.
“Crisanta,” ani Mang Antero na parang nakakalas sa sarili, “maaaring hindi ako maging maging kasimbuti ng Tatay Saneo, nguni’t ipinangangako kong pipilitin kong maging karapat-dapat akong maging iyong ama. Ang hinihingi ko’y bigyan mo lang ako ng pagkakataong maituring na ama mo.”
Napatitig si Crisanta kay Mang Antero. Nakita niyang may luhang nakapangilid sa mga mata ng matandang lalaki. Naramdaman niyang kung anong parang damdaming naantig sa ubod ng kanyang pagkatao.
“Salamat po, napakabuti ninyo sa akin!” nasambit ni Crisanta.