Ni Ricris R. Deposoy
TUWANG-TUWA si Mirasol pagkagising ngayong umaga.
Bisperas na ng pista. Makulay na makulay ang paligid, at abalang-abala sa plasa. May nakasabit na iba’t ibang kulay ng banderitas na wumawagayway na tila sumasasayaw.
Maraming maliliit na tindahan. May naglalako ng kakaning puto, suman, bibingka, at sapin-sapin. May iba’t ibang lasa at kulay ng popcorn at cotton candy. May mga lobong iba’t iba ang anyo at kulay.
Makapaglalaro siya buong maghapon kasama ang bumibisitang pinsan at mga kaibigan. Sumasakay sila sa iba’t ibang palaruan sa perya. May ferris wheel, caterpillar, carousel, at higanteng bibeng lumulutang sa tubig.
Makikikain din siya sa kaniyang mga kamag-anak ng masasarap na ulam. Malinamnam din ang mga minatamis at pamutat.
Kakaiba ang sayang nararamdaman ni Mirasol. Parang bawal ang malungkot kapag pista. At, ang pinakaaabangan ni Mirasol ay ang karakol.
Sampung taon na siya ngayon, at alam niya gaya ng dati, ay sama-sama na naman silang buong pamilyang magsasayaw sa karakol. Ngunit, ngayon ay nagtatataka na siya. Natutuwa naman siyang magsayaw sa karakol, ngunit bakit nga ba? Ang naitanong niya sa sarili ngayong umaga. Iyon ang gusto niyang malaman.
Kaya’t agad siyang bumangon at iniligpit ang hinigaan. Pagkaagahan ay una niyang tinungo ang kaniyang lolo.
“Lolo, bakit po kayo nagsasayaw sa karakol?” agad niyang tanong sa lolo niyang nagkakape.
“Alam mo apo, ako man noong bata pa ay isinasama rin ni nanay at tatay sa pagsasayaw. Ang sabi nila, may panata raw ang ating pamilya,” ang umpisang paliwanag ni lolo.
“Ano po ang panata?” usisa pa ni Mirasol.
“Ang panata ay isang pangako na palaging tinutupad,” paliwanag pa ni Lolo Ambo.
“Nagkaroon daw noon ng matinding tagtuyot sa ating lugar. Nangamatay ang mga pananim. Kaya nagtulong-tulong ang mga tao na gumawa ng patubig. Mula noon, nangako silang taon-taon ay magsasayaw sila sa liwasan tuwing kapistahan ng ating patron,” mahabang paliwanag ng kaniyang lolo.
“Tingnan mo ito!” pahabol pang sabi ni Lolo Ambo habang iniabot sa kaniya ang isang lumang abuhing larawan.
Binata pa si Lolo Ambo sa litrato. Nakabihis ito nang maluwag na sedang pantalong nakatupi hanggang tuhod. Nakasuot ng camisa-de-chino at may sambalilong buntal. May hawak na bigkis ng palay sa magkabilang kamay. Mukhang tuwang-tuwang sumasayaw sa gitna ng maraming tao.
Hiningi ni Mirasol ang larawan ng kaniyang lolo. Tinitigan niya ang larawan habang papalabas ng bahay kaya hindi niya napansing makasalubong na niya si Lola Luz.
“Ay, Mirasol, apo! Tumingin ka sa dinaraanan mo,” wika ng lola niyang may bitbit na kaserola.
“Pasens’ya na po, lola. Nawili kasi akong tingnan ang larawan ni lolo,” paumanhin ni Mirasol.
“Ay iyan ba. Naku, kay g’wapo ng lolo mo, ano?” natatawang sambit ni Lola Luz. “Alam mo bang ang larawang iyan ay kuha noong kami ay nagkakilala? Napakasaya ng kapistahang iyan.” Nagniningning ang mga mata ni lola habang nagkukuwento.
“Talaga po, lola? Ibig ninyong sabihin ay sa pagsasayaw sa karakol kayo nagkaibigan ni Lolo?” gulat na gulat na tanong ni Mirasol.
“Oo, apo. Halika, at ipapakita ko sa iyo ang aking larawan.”
Magkasabay silang muling pumasok sa bahay at kinuha ni Lola Luz ang isang lumang photo album. Pinili niya ang larawan ng isang magandang babaeng nakabaro’t saya. Pula ang tapis at may bilaong nakasukbit sa baywang. Mukhang umiindak din ang kaniyang lola. Nakaakma ang kamay na parang may kinukuha sa bilao at ihinahasik sa lupa. Ang bilao ay may lamang mga butil ng palay.
“Ay, para kayong nagsasayaw na nagtatanim?” ang agad na napansin ni Mirasol nang makita ang larawan.
“Oo, apo. Tama ka, ang sayaw na iyan ay sayaw ng pagtatanim ng palay. Nagpapasalamat kami sa masaganang ani. Tuwing pista, kaming mga kabataang babae ay pinagsasayaw upang ipakita rin sa mga tao ang ritwal ng pagtatanim ng palay,” ang mahabang paliwanag ni Lola Luz.
“Parang ganito, o,” sabay tayo ni Lola Luz at umindak-indak na tila may hawak na bilao at mabining ikinakampay ang mga kamay. Tila may kinukuha sa bilao at ihinahasik sa lupa.
“Ay, opo, ganyan nga ang isinayaw ko noong nakaraang pista. May kahulugan pala ang sayaw na iyon,” tuwang-tuwang hiningi rin ni Mirasol ang larawan ng kaniyang lola.
Kakaiba ang sayang nararamdaman ni Mirasol. Parang bawal ang malungkot kapag pista. At, ang pinakaaabangan ni Mirasol ay ang karakol.

Sa kabilang bahay ay nakita niya si Tiyo Carding. Si Tiyo Carding, ang nakatatandang kapatid ng kaniyang ina. Matangkad, balingkinitan, at maputi. Hanggang balikat ang tuwid na tuwid nitong madulas na buhok. May hawak pa itong pamaypay. Kilalang-kilala si Tiyo Carding sa kanilang lugar. Mananahi ito ng damit at bestida ng mga santo.
“Tiyo Carding. Magandang umaga, po!” agad niyang bati sa tiyuhin.
“Ay Mirasol, iha. Magandang umaga naman. Saan ka ba galing?” malumanay na tugong bati at tanong nito.
“Galing po ako kina lola. Nagtatanong po ako tungkol sa karakol.”
“Ay, talaga ba? Nakita mo na ba ang stage sa plasa?” patuloy na tanong nito.
“Opo, kayo po ba ulit ang umayos ng dekorasyon? Ang daming iba’t ibang kulay ng bulaklak pati na rin ang andas ng ating patron. Napakaganda po.”
“Maraming salamat, iha. Oo, akong muli ang nag-ayos ngayong taon. Larawan ba iyan ni nanay at tatay?” tanong nito nang mapansin ang hawak niya. Napangiti si Tiyo Carding. “Meron rin ako niyan. Halika!”
Pumasok sila sa bahay ni Tiyo Carding. Nagbukas rin ito ng isang lumang photo album. Nakita ni Mirasol ang mga larawan ni Tiyo Carding na naka-gown na tila isa sa mga reyna ng Santa Cruzan. Pinili nito ang isang larawang siya ay nakasuot ng maluwag bulaklaking palda. Ang pang-itaas ay barong gawa sa pinya. Nakapusod ang buhok at may bulaklak sa tainga. Gayon din ang suot ng iba pang nakapaligid sa kaniya. Sa larawan ay tila umiikot si Tiyo Carding dahil bahagyang tumaas ang kaniyang palda.
“Iyan ang larawan ko noong pista labindalawang taon na ang nakaraan. Talyada ang tawag sa aming grupo,” paliwanag nito.
“Tuwing pista ay nagdadamit-babae kami at nagsasayaw. Tinatanggap kami ng mga kababayan. Ang pista para sa amin ay araw ng pagtanggap at pagiging malaya.”
“Talaga po! Ang ganda-ganda ninyo tiyo pati ang inyong kasuotan,” namamanghang wika ni Mirasol.
“Aba talaga naman! Kaya lagi rin akong nagboboluntaryong ayusin ang plasa at andas ng ating patron bilang pasasalamat sa pagtanggap at sa kalayaang maging ako.”
Nang makauwi na ay nakita niyang abala sa paghahain ng tanghalian ang kaniya ama at ina. Humingi rin siya ng larawan sa mga ito.
Ibinigay sa kaniya ni Tatay Pablo ang larawan nito noong binata pa. Nakauniporme siya na tila isang kadete.
“Noong bata pa ako at nag-aaral, gawain naming magkakaklase na sumayaw sa pista suot ang aming uniporme sa paaralan. Nagsasayaw kami bilang pagdarasal na makatapos ng pag-aaral. Tingnan mo, nagbubuhat rin kami ng andas ng ating patron. Nagdadamayan kaming mga magkakaibigan,” paliwang ng kaniyang ama.
Kitang-kitang sabay-sabay ang kilos ng mga tila-kadeteng bumubuhat ng andas habang sumasayaw, at parang malakas din ang kanilang tawanan.
Sumunod na nagbigay ng larawan ang kaniyang Nanay Miling.
Sa larawan, may kasama itong iba pang mga kababaihan. Kulay pula ang kanilang damit. Nakahanay sila sa gitna ng kalsada, at tila kumekembot. May sunong-sunong na bilaong may lamang iba’t ibang bagay tulad ng gulay, prutas, isda, at iba.
“Iyan ang samahan naming mga tindera sa palengke,” wika nito. “Tuwing pista, nagsusuot kami ng pareho-parehong damit at sumasayaw sunong ang bilao ng aming paninda. Kasalukuyan kitang ipinagbubuntis nang panahong iyan. Pansinin mo ang aking tiyan,” nakangiting wika ni Nanay Miling.
Huli niyang tinanong ang kaniyang Kuya Sonny.
Ang larawang inabot sa kaniya ay ang grupo ng kanilang magbabarkadang nakaunipormeng pam-basketball.
“Nitong nakaraang liga lang iyan. Natatandaan mo ba?”
“Gusto naming magkakaibigan na magsama-sama sa pagsasayaw suot ang aming unipormeng panliga. Nagdarasal kami ng lakas at tatag para manalo sa palaro. At sinuwerte naman dahil kami ang naging champion nitong nakaraang taon. Kaya ngayon magkakarakol ulit kami,” ang masayang-masaya nitong kuwento.
At sabay-sabay silang nananghalian.
Tuwang-tuwa si Mirasol sa maghapong pagtatanong sa kaniyang pamilya. Sa pagtitig niya sa mga larawan ng gabing iyon ay may ilang mahahalagang bagay siyang natandaan:
Ang panata ni Lolo Ambo, ang pagpapasalamat ni Lola Luz, ang pagtanggap at pagiging malaya ni Tiyo Carding, ang pagdadamayan ng mga kaklase ni Tatay Pablo, ang samahan ng mga kapwa-tindera ni Nanay Miling, at ang pagkakaibigan ng barkada ni Kuya Sonny.
Maraming dahilan pala talagang dapat isayaw sa karakol.
Kaya bago matulog ay inisip na niyang mabuti kung ano ang kaniyang isusuot sa bukas, sa araw ng pista.