Filter

Ni Janine P. Solitario

“ANONG ginagawa mo?” tanong ko.

“Di mo ba nakikita? Sumasayaw.”

“Oo nga. Para saan kasi? Saka ang ganda mo naman sa filter na ‘to! Parang hindi ikaw!”

“Tiktok content… Fb reels.”

“Tapos?”

“E, kasi, gusto kong sumikat. Pero wala naman akong talent. Hindi ako marunong kumanta. Hindi rin ako marunong sumayaw. Kung gagamit ako ng filter, gaganda ako. At least, kahit hindi ako gano’n kagaling sumayaw, mapapansin pa rin ako kasi maganda ako. Tapos pag kumita na ang videos ko, saka ako magpapaganda nang totoo.”

“Ikaw bahala. Pero parang hirap din maging content creator, para kang mag-aartista. Sumusugal. Isipin mo ‘no, ‘yung social media, walang armas pero napakamakapangyarihan.”

“Pa’no mo nasabi?”

“Kaya nitong bumuhay at kaya rin nitong pumatay. Kaya rin nitong buhayin ang patay. Isipin mo, sa likes, shares at views p’wedeng kumita ang isang tao. Kaya na niyang buhayin ang sarili niya o ang pamilya niya. Pero sa isandaang masasamang comment, p’wedeng matulak ang tao na kitlin ang sariling buhay. Si Michael Jackson na matagal nang patay, hanggang ngayon buhay pa rin sa socmed.”

Umismid lang siya sa akin. Iniwan ko na rin siya. Hindi na kami nagpansinan mula noon pero top fan pa rin niya ako sa mga content niya. Maraming nanonood at natutuwa dahil gandang-ganda sa kaniya.

Matutupad na sana ang pangarap ng kaibigan ko, kundi lang sa isang pagkakataon. Sumayaw siya sa tabi ng salamin, lumitaw ang totoo niyang hitsura.

“Yuck. Kapangit mo! Peke ka pala!”

“feEling mAgandUhh. fake nAman pAlahh.”

“dAti ka bang haLimaw?”

Napuno na ng comments ang video.

Paulit-ulit ko pa ring naaalala ang mga pamba-bash na iyon. Hanggang noong libing niya.