Lihim Ng Tadhana

Ni Carmela Obar

Rodel

MAHAPDI ang sikat ng araw. Pakiwari niya ay hindi nakakatulong ang sombrerong nakaputong sa kanyang ulo upang mabawasan ang tagaktak ng pawis na nagmumula sa kanyang noo. Mamamatay na yata siya sa uhaw. Tanghaling tapat noon at isa na namang bigong araw para makahanap ng mapapasukang trabaho si Rodel. Puno ng kawalang pag-asa ang mukha ng binata habang papauwi sa bahay na tinutuluyan kasama ang ina at mga kapatid.Sa isip niya, hindi talaga biro ang hirap at pagod na dinaranas ng mga katulad niyang laki na sa hirap ay wala pang pinag-aralan. Mailap ang oportunidad at punong-puno ng balakid ang daan patungo sa tagumpay.Masuwerte na kung paminsan-minsan ay nakakadilehensiya siya bilang isang construction worker. Isang trabaho na bugbog sarado na ang katawan, mahina pa ang kita. Sa kabila ng lahat ay pinahahalagahan ni Rodel ang bawat trabahong naibibigay sa kanya. Kahit papano ay nakakatulong din ito sa kanyang pamilya. Isa pa, ano pa ba naman ang inaasahan ng isang tulad niya na grade six lang ang natapos. Napangiwi siya nang maalala ang mapait na katotohanang iyon kaya’t minabuti niyang itigil na ang pag-aalburuto sa isipan.Para matakasan ang nakatakdang pagkasunog ng kanyang balat ay lalo na lamang niyang binilisan ang paglalakad. Hanggang marating niya ang lilim sa harap ng isang malaking bahay. Doon ay tumigil muna siya upang magpahinga. Hinugot niya mula sa bulsa ang isang maliit na bimpo at pinunasan ang pawis sa mukha at leeg. Habang pinapaypayan ang sarili ay hindi niya mapigilang tumingin at humanga sa malaking bahay sa tapat niya. Bagong-bago iyon at napakaganda. Parang kailan lang ay ginagawa pa lang ang mala-mansyong tahanang iyon . Nasambit niya, “Kailan kaya ako magkakaroon ng ganitong klase ng bahay.”Naputol ang kanyang pangangarap nang makarinig ng busina ng isang kotse. Napatingin siya sa magarang kotseng puti. Bumusina ito sa tapat ng gate ngunit tila tulog ang mga tao sa loob sapagkat nakailang busina na ay wala pa ring nagbubukas ng pinto. Napilitan tuloy lumabas ang lalaki sa loob ng kotse. Matikas ang tindig at mukhang matapang ang mestiso at matangkad na lalaking mukhang may edad na rin. Medyo nahiya siya kaya’t aalis na sana nang mapansin ang isang dalagang mukhang anak ng lalaki na palabas ng kotse. “Ano bang ginagawa ng mga tao diyan sa loob?” tanong nito na mukhang naiinip at naiinis.Parang nabatubalani sa pagkakatingin si Rodel. Nalimot niya ang nadaramang alinsangan sa katawan. Tila isang malamig na hangin ang dumaan sa kanyang harap. Nawala ang lahat ng pagod niya sa katawan at bagama’t galit ang tono ng babae, tila saliw ng batis ang tinig nito na tumighaw sa kanyang pagkauhaw. Nang saglit na mapatingin ito sa kanya, parang aabot sa langit ang tibok ng puso niya kahit maliwanag pa sa sikat ng araw ang pagkadismaya sa mukha nito. “Napakaganda niya,” isip ni Rodel. Mahaba ang nakatali nitong buhok, may taas na pangmodelo, balingkinitan ang pangangatawan, likas na mestisahin, matangos ang ilong at maamo ang mukha. Bukod pa roon sa ayos nitong nakapang-executive ay mukhang ismarte ang babae, sosyal at sopistikada.Hanggang sa bumaba na rin sa wakas ang naistorbo sa pagtulog na katulong ay hindi na natinag sa kanyang puwesto si Rodel. Isang malubhang karamdaman ang dumapo sa kanyang puso at siya’y namimiligro!Mula noon ay araw-araw ng nag-aabang sa tapat ng malaking bahay si Rodel. Hindi ito kalayuan sa bahay na tinutuluyan kung kaya’t nagagawa niyang manmanan ang pag-alis at pagdating ng dalaga na sadya niyang tinandaan. Gayunpaman, ni minsan ay tila hindi man lang siya natapunan ng pansin ng dalaga. Kalimitan kasi ay isinasabay ito ng kanyang ama sa kotse at minsan lang umuwi ng nasa oras ang dalaga.Ngunit hindi niya sinasayang ang mga pagkakataong nasisilayan niya ito. Lahat ng pagpapa-cute at pagpapapansin ay ginagawa niya. Minsang nakita niyang maraming bagaheng dalahin ang dalaga na bumaba ng kotse ay agad siyang nagboluntaryong tumulong. Sa tuwina ay tulala siyang nakatingin dito, bakas ang paghanga sa mukha, para siyang nahihipnotismong buwang na handa nang mamatay sa sobrang galak. Palagi niya rin itong binabati ng magandang umaga at pinaalalahanang mag-ingat. Tila nakalimutan na ni Rodel kung paano mahiya. Pangarap niyang makilala man lang nito kundi man sa pangalan ay kahit sa mukha lang, mabatid na hindi siya basta ordinaryong tao kundi isang masugid at matapat na tagahanga.Ngunit talaga nga bang malupit ang mundo. Minsan man ay hindi nasuklian ang mga ngiti niya para rito. Dapat nga sana ay manghinawa na siya dahil kahit halos lumawit na ang kanyang balikat dahil sa bigat ng mga dalahin nito, hindi ito marunong magpasalamat. Saglit na sulyap na bahagya pang nakataas ang kilay ang tanging tugon nito. Mga tinging lagus-lagusan, nakatingin sa kanya ngunit alam niyang hindi siya nakikita.Hanggang sa maramdaman na lang niyang unti-unting nababawasan ang pagtatangi niya sa dalaga. Hindi dahil sa pinanghihinaan na siya ng loob kundi dahil sa dahan-dahan siyang nagigising sa kanyang ilusyon, namumulat sa reyalidad na hindi siya bagay dito… hinding hindi kailanman! Kahit alalay man lang nito ay hindi siya papasa. Ang dalaga ay langit at siya ay mababa pa sa lupa…isang putik na kailanma’y hindi nanaising masayaran maging ng sandalyas man lang ng mayamang dalaga!

Lorraine

Ang supladang dalaga ay si Lorraine, 25-anyos, tapos ng kursong Business Administration sa Ateneo at ngayon ay nagmamay-ari ng mataas na posisyon sa isang prestihiyosong kompanya na pag-aari ng kanyang pamilya. Isa sa iilang mapapalad na nilalang na isinilang na nakalatag ang halos lahat ng kaginhawahan sa buhay, lumaki siyang maganda at matalino. Palibhasa ay nag-iisang anak, larawan siya ng isang makabagong babae; may tiwala sa sarili, may tapang at lakas ang tindig, tingin, at pananalita.Sa pagkakaroon ng marilag na personalidad, marami ang nangingilag sa kanya. Sa tuwina ay nakaukit sa kanyang mukha ang bakas na nagsasabing siya’y tunay na pinagpala at hindi nangangailangan ng tulong o kalinga ng sinuman. Kompleto siya’t ganap na nabubuhay sa kanyang sarili.Ngunit ang lahat ng impresyong ito’y isang matibay na katibayan kung gaano kakitid at limitado ang mga imaheng ipinahahatid ng hubad nating mga paningin. Dahil sa katotohanang si Lorraine ay nag-uumapaw pa rin sa mga kahinaan, ang obserbasyong ito’y maituturing na isang malupit na panghuhusga. Sa kabila ng lahat niyang kayamanan, si Lorraine ay marami pa ring hinahanap. Napakalaki ng hungkag na bahagi sa kanyang puso ang hindi niya alam kung paano pupunan. Sa gabi, pagkatapos ng nakababagot na trabaho niya sa opisina ay mabigat ang loob niyang inihihiga ang pagal na katawan sa kanyang kama. Doon ay tinatanong niya sa sarili kung ano nga ba ang kulang sa kanya? Bakit ba sa kabila ng kanyang mga biyaya ay hindi pa rin siya lubos na masaya? Ano pa ba ang hinahanap niya? Bakit ang lahat ay tila walang saysay, walang halaga? Ang lahat ng mayroon siya na pawang nakuha niya ng kay dali ay bigong punan ang malaking kakulangan sa buhay niya.Sa apat na sulok ng kanyang silid ay nalalantad ang tunay niyang mukha…balisa, marupok, watak watak na piraso. May mga gabing inuubos niya ang magdamag sa pag-iyak upang maibsan ang kalungkutang sumasakop sa kanya. Minsan naman ay nangangarap siya ng gising, umaasang sa malao’t madali ay matatagpuan niya ang nawawalang bahagi ng kanyang sarili, na bubuo at momolde sa wasak niyang pagkatao.Lumipas ang panahon, nagbago ang kulay ng mundo…Kasama nitong nagbago at umusad ang buhay ni Rodel. Mahirap mang paniwalaan pero ang kahapon ng kanyang karukhaan ay isa na lamang malabong panoorin sa kanyang kasaysayan ngayon. Ang minsang pagkakataong sumungaw sa kanya ang ngiti ng mabuting kapalaran ay pinagyaman niya ng lubos. Isang malayong kamag-anak sa probinsiya ang hindi niya inaasahang nag-iwan sa kanya ng pamana. Kasama ang buo niyang pamilya ay nilisan nila ang siyudad at nagtungo sa lalawigan. Doon ay ginamit niya ang perang pamana upang makapag-aral at makapagtayo ng maliit na negosyong lumago nang ganoon na lamang sa loob ng maikling panahon. Nagawa niyang paalwahin ang buhay ng ina at mga kapatid. Nakapagpatayo na siya ng malaking bahay, nakapagpundar ng ilang ari-arian, at ngayon nga’y umaani ng papuri at respeto sa kanilang bayan.Si Lorraine naman ay patuloy na umangkas sa gulong ng buhay. Naroon pa rin ang kahungkagan subalit sa pagdaan ng panahon ay natutuhan niya na rin itong balewalain. Sanayan lang, ‘ika nga. Nasanay at nagsawa na rin siya. Sa bunsod ng kanyang ama ay nakipagkasundo siyang magpakasal sa anak ng isang mayamang kompadre nito. Dahil sa wala rin naman siyang maimungkahing alternatibong gawin sa sarili ay hindi na siya tumutol pa. Bagama’t binabalot siya ng pangamba at mga alinlangan. Wala kay Roy ang mga katangiang hinahanap niya sa makakaisang dibdib!Isang araw, si Rodel ay komportableng nakaupo sa kanilang sofa. Sa kanyang paligid ay nakapaligid ang kinasabikang karangyaan. Marahan niyang binubuklat-buklat ang isang diyaryo na parang may hinahanap. Nang matagpuan ito, isang matamis na ngiti ang sumilay sa kanyang labi. Ang isang buong artikulo sa nangungunang pahayagan na iyon ng bansa ay naglalaman ng kanyang larawan at kuwento. Inilahad dito kung paanong ang ilang libong pisong namana ng hindi inaasahan ay nagamit niya upang baligtarin ang kapalaran. Dito’y ipinakilala siya bilang isang masikap, masipag, at matalinong indibidwal.Isang araw, si Lorraine ay komportableng nakaupo sa isang silya sa hardin sa loob ng kanilang bakuran. Sa kanyang paligid ay nakapalibot ang kinasanayang karangyaan. Marahan niyang binubuklat-buklat ang isang diyaryo na parang may hinahanap. Nang matagpuan ito, isang mapait na ngiti ang sumilay sa kanyang mukha. Sa isang sulok ng malapad na papel ay nakalagay ang larawan niya at ng nakatakdang maging kabiyak na si Roy. Sa ibaba noon ay nakasaad ang araw at oras ng kanilang kasal, maging ang lugar na pagdarausan. Mabilis na napuno ng agam-agam ang kanyang dibdib.Ititiklop na sana niya ang babasahin at akmang tatayo na nang sa minsang pagbuklat ay mahagip ng tingin ang isang artikulo. Ito’y tungkol sa isang binatang nagtagumpay sa kabila ng lahat ng balakid sa buhay. Naantig ang kanyang puso sa nabasa. Matagal niyang tinitigan ang maamong mukha nito sa larawan at sa isang ‘di niya maipaliwanag na sandali ay nasabi niya sa sariling, “siya… siya ang lalaking matagal ko nang hinihintay at hinahanap… ngunit hindi ko naman matagpuan.”Ititiklop na sana ni Rodel ang babasahin at akmang tatayo na nang sa minsang pagbuklat ay mahagip ng tingin ang isang larawan. Matagal siyang napatitig dito. Hindi siya maaaring magkamali! Ang babae sa larawan na kasama ng isang ginoo ay ang dalagang matagal na niyang pangarap at hanggang ngayon ay wala pa ring kapalit sa kanyang puso. Si Lorraine ay malaking inspirasyon sa bawat niyang gawin at sa tuwina ay nabubuhay-buhay sa kanya ang pag-asang sila’y muling magkikita at sa pagkakataong iyon ay mayroon na siyang lakas ng loob upang… ngunit huli na! Ang mutya ng kanyang panaginip ay mag-aasawa na! Sa kanyang balintataw, nakita niyang isa-isang nabasag at natunaw ang lahat ng mga plano niya kung sakaling muling makita si Lorraine…Patuloy na lamang na pinagyaman ni Rodel ang kanyang negosyo at nang malaon ay nakakita rin naman ng babeng itinangi sa puso. Sa piling nito’y lumigaya siya nang husto subalit sa kung anong kadahilanan ay hindi pa rin lubos…Si Lorraine ay nagpakasal kay Roy. Sa piling nito at ng mga naging anak ay nakaranas siya ng ibayong kaganapan subalit sa kung anong kadahilanan ay hindi pa rin lubos…Sa ibabaw nila’y tahimik na nagmamasid ang makapangyarihang puwersang nagpapaikot sa daigdig. Sa kanilang paligid, ang lahat ng mga elemento’y abala sa kanilang bulung-bulungan…Ilang kasaysayan, ilang buhay pa, ilang panahon, ilang ulit, ilang balik… ilang pagkakataon pa kaya ang kailangang bunuin bago nila matagpuan ang mailap na lihim ng kanilang tadhana…