LIWAYWAY, hindi lamang Susukatin sa Wikang Filipino

Ni Efren R. Abueg

NAGING “makulay” ang paglitaw ng Liwayway bilang Photo News (sa tatlong wika) noong ika-15 ng Hunyo, 1922 sa panahong namamayani ang wikang Kastila. Bagama’t mga Amerikano ang “pumalit” na kapangyarihan sa pamahalaan pagkaraang magapi ang plotang Kastila sa Manila Bay, wikang Kastila pa rin ang sinasalita ng mga “nakatataas” sa lipunan sa mga siyudad at sentro ng kapangyarihan. Tagalog naman ang sinasalita ng “masa” sa Katagalugan at wikang katutubo naman ang komunikasyon ng masa sa kani-kanilang probinsiya. Kaya minabuti marahil ni Don Ramon Roces na paibabawin ang wikang Tagalog bilang wika ng pagkakaisa sa buong kapuluan. Iyon marahil ang “basa niya sa pagbabago ng panahon” dahil ibig na ng maraming Pilipino noon ang isang sariling pamahalaan at isang wikang magbibidbid sa hiwa-hiwalay na kapuluan ng Pilipinas. Kaya sa ikalawa pa lamang labas ng Photo News (Hunyo 30, 1922), lumitaw na ang iba’t ibang balita sa Tagalog at Kastila at sa dakong hulihan ng babasahin, lumitaw na ang nobelang “Lihim na Kaaway” ni Severino Reyes, ang unang patnugot ng magasin. Sa ikatlong labas naman ng Photo News noong Hulyo 15,1922 ang “Dahong Tagalog” na may ika-2 labas ng nobelang “Lihim na Kaaway” ni Reyes at ng salin sa Tagalog ng isang akda ni Dorothy Dix—may kabuuan nang walong (8) pahina ito. Sinundan naman ang ika-4 na labas nito ng maikling kuwento ng isang nagngangalang Silvio Ruiz—“pen name” marahil ni Severino Reyes. Sa ika-10 bilang ng Photo News (Nobyembre 18, 1922), inanunsiyo nang magiging Liwayway ang Photo News. Binigyang-diin sa paliwanag “na hindi lamang mga taong tubo lamang sa Katagalugan ang nagmamalasakit upang ang wikang ito’y siyang maging pambansa at maging pampamahalaan kundi gayon din ang taga-ibang lalawigan”! Naging bukambibig mula noon ang Liwayway ng mga taong mahilig magbasa ng Tagalog, malinis na babasahing maiuuwi sa tahanan, babasahing ikalulusog ng isip ng nakatatanda at ng kabataan.

Ang Pagbabagong Bihis ng Liwayway

Hindi lamang ang paglipat-bahay ng Liwayway sa isang matatag na gusali sa may Soler ang nagpalalim ng komitment nito sa mga suliraning-bayan. Hindi lamang pinaksa nito ang maraming artikulong sumasaklaw sa mga litaw na suliranin ng mga taumbayan sa harap ng digmaang Hapon-Amerikano kundi ang mga sagabal sa pag-unlad ng bansa dulot ng mga tratadong iniumang ng mga mapagsamantalang negosyante ng dating magkaaway na panig. Kung nakubli man sa mga nobela, kuwento, tula at mga lathalain ang mga suliraning pambansa, idinilat naman iyon sa taumbayan ng mga patriatikong kababayang makabago ang pag-iisip at hindi natatakpan ng propaganda ng dating magkatagis sa nakaraang digmaan. Kung nagkatutak man ang mga diyaryong tulad ng Manila Times, Manila Chronicle, Evening News at iba pa, nakilahok din ang Liwayway sa mga suliraning pambansa na kinaharap ng mga diyaryong ito. Patunay dito ang artikulong “Ang Liwayway ay Laging Sumasangkot sa Suliranin ng Bansa” (Liwayway, Mayo 30, 1977). Isa lamang ang artikulong ito na nakasubaybay sa nangyayari sa lipunang Pilipino.

Ang pabalat ng pag-aanunsiyo na magiging Liwayway na ang Photo News (Nobyembre 18, 1922)

Ang Liwayway sa Mata ng Bayan

Hindi nga nangimi ang Liwayway sa pagbatikos sa “nakikita” nitong kaaliwaswasan sa paligid nito. “Walang pangimi ang pag-ulos nito sa mga katiwalian at masasamang gawa”, at “lagi namang bukas upang purihin at bigyan ng komendasyon ang mabubuting trabaho”. Kabilang sa walang sawang sinusubaybayan bago ang 1972 ang mga pitak na “Bomba” ni Willie Ng, “Balitang Barbero” ni Narciso Pimentel, Jr., “Basta Okey Kayo, Okey Tayo” ni Fr. Ben A. Carreon, at “Ito ang Batas” ni Hukom F. Chanco. Hindi rin nakaila sa editoryal ng Liwayway tungkol sa family planning (na sagot sa lumalaking populasyon ng bansa), at ang kakapusan sa nutrisyon ng mga bata. (Sino ba ang makalilimot sa “Tahanan at Sining” ng nobelistang si Liwayway Arceo, “Teacher’s Guide sa Population Education” ni Ligaya Perez at “Pitak-Pampaaralan” ni Teresita Capili? Hindi rin nakaligtas sa paningin ng mambabasa ang matalisik na mga paksa ng mga natatanging nobela ng Liwayway! Sino ba ang makalilimot sa mga nobela nina Edgardo M. Reyes (Sa mga Kuko ng Liwanag), Dominador Mirasol (Mga Aso sa Lagarian) at Rosario Guzman-Lingat (Ano Ngayon, Ricky?). Malilimot ba naman ang mga nobelang nakikisangkot ni Amado V. Hernandez, ang makata ng anakpawis? Bilang National Artist, habang panahong nakagitaw sa Panitikang Tagalog ang mga nobela niyang “Mga Ibong Mandaragit”at “Luha ng Buwaya”! At sino rin ang hindi magbabasa ng mga nobela ng isa pa nating National Artist, si Lazaro Francisco, halimbawa ang “Daluyong”?

Ang “Ngayon” ng Liwayway

Lagi nang sinasabi dahil sa haba ng panahong nababasa ng publiko ang Liwayway na “nasa dulo na ang buhay ito”. Noong 1959, bigla na lamang pumasok sa Liwayway ang “Bagong Dugo”—yaong sinasabi ni Edgardo M. Reyes na “sa Liwayway nagsusulat ang pinakabobo, pero d’yan din nagsusulat ang pinakamagagaling!” Parang nagdilang anghel si Edgardo Reyes (Sa mga Kuko ng Liwanag at Sa Kagubatan ng Lungsod). Sa pagpasok ng “Pitak ng Bagong Dugo”, tumaas ang sirkulasyon ng Liwayway. Umugnay din sa kabataang manunulat si Efren R. Abueg (Dilim sa Umaga at Habagat sa Lupa). Noon namang 2007, dumaing ang halos lahat ng mga negosyante dahil sa tinatawag na “Asian Crisis” o bumaba ang halaga ng salapi sa Asya. Sinundan naman iyon ng pagtaas ng sirkulasyon ng Liwayway! Hindi “tulog” na babasahin ang Liwayway! Noon ding 2007, hindi lamang natagpusan nito ang financial crisis ng Asia kundi bilang “most maligned magazine”, ayon sa kritikong si Dr. Bienvenido Lumbera, tumanggap ito ng parangal sa Gawad Tanglaw bilang “Liwayway Lifetime Achievement Award” at “2007 Best Literary Magazine Award” na ipinagkaloob sa publisher nitong si Atty. Hermogenes Pobre! Nitong 2020, isang malaking karangalan ang tinanggap na naman ng Liwayway. Kinilala ng Cultural Center of the Philippines (CCP) ang mga nagawa nito at ng mga manunulat nito sa pagdaraan ng panahon. Sa mga artikulo ni Soledad Reyes at Luna Sicat-Cleto, binigyang-diin ang nagawa nito para sa sining sa loob ng isang siglo. Ngayong buwan ng wika (Agosto, 2024), hindi lamang sinusukat ang nagawa nito para sa wikang Tagalog/Pilipino/ Filipino kundi pati na sa buhay/kabuhayan ng sambayanan. Masasabing ang Liwayway sa mahigit isang daan taon nitong buhay ay nakahanda pa rin na maglingkod sa lahat!