Ni Pedro L. Ricarte
(Unang nalathala: LIWAYWAY, Hunyo 16, 1969)
SUMISIKAT ang araw, ang sasakyang-dagat na iyon ay pumapasok sa look ng Maynila. Kabilang sa mga pasaherong nakatayo sa kubyerta ang isang binatang Pilipino at isang dalagang Espanyola. Ang binata ay si Isagani, nag-aral ng ilang taon sa Espanya at pabalik na sa tinubuang lupa. Ang dalaga ay si Maria Consuelo, ulila na sa ina at sa kauna-unahang pagkakataon ay patungo sa Pilipinas upang pumisan sa amang opisyal ng hukbong Kastila at dito nakadestino.“Iyan ang Corregidor,” wika ni Isagani sa wikang Kastila at itinuro ang isang pulong nasa gawing kanan ng nagdaraang bapor. “May naninirahan ba riyan?”
“Wala siguro. Pero may mga sundalong destino riyan. May mga kanyon diyan. Ang pulong iyan ay isang kutang nagtatanod sa Maynila. Noong araw raw, nang hindi pa dumarating dito ang mga Kastila, sa pulong iyon namumugad ang mga pirata.”
“Sabik na sabik na akong makita ang iyong bayan.”
“Huwag kang mainip. Hindi na magluluwat at daraong tayo sa Maynila.” At hindi nga nainip si Maria Consuelo. Kasabay ng pag-angat ng araw sa silangan, palapit nang palapit ang lunsod na nababakod ng mataas na pader na bato.“Hindi matanaw na mabuti rito ang ayos ng loob ng Maynila,” sabi ni Isagani. “Pero pag tayo’y nasa lupa na, lalo’t nakita mo na ang ayos ng mga bahay sa loob, marahil ay masisiyahan ka.”
“Ngayon pa ma’y nasisiyahan na ako.”
“Sana’y maibigan mo ang tumigil sa aking bayan.”
“Maiibigan ko, natitiyak ko iyan.” At ang isang kamay ni Maria Consuelo ay mahigpit na humawak sa isang kamay ni Isagani.Sa bapor na iyon lamang nagsimula ang kanilang pagkikilala. Si Maria Consuelo ay isang labing-anim na taong gulang na dalaga na nasasabik sa bayang patutunguhan at ang isip ay puno ng mga romantikong bagay. Ang pangungulila ng isa at pananabik ng isa pa ang naglapit sa kanila. Sa loob ng maikling panahong ipinagkikita nila at ipinag-uusap araw-araw sa kubyerta nagana pa ang kanilang pagkakaunawaan.“Ilang sandali na lamang at maghihiwalay na tayo,” may bahagyang bahid ng lungkot sa tinig ni Isagani.“Huwag ka sanang makalilimot. Nasabi ko na sa iyo kung saan ako titigil. Dadalaw ka sana roon. Hihintayin kita.”
“Oo, dadalaw ako.” Naputol ang kanilang pag-uusap nang lumapit ang dueña ni Maria Consuelo, isang babaing lampas na sa katanghaliang gulang na siya niyang kasama sa paglalakbay. Sinabi ng dueña na kailangang mag-ayos-ayos na si Maria Consuelo pagka’t hindi magluluwat at daraong na ang bapor at sila’y lulunsad.Nagpaalam na si Maria Consuelo kay Isagani.
Sa Araw ng Kalayaan, nagbalik sa kanyang alaala ang mga nagdaang panahon.
DAPITHAPON noon. Si Isagani ay mag-isang lulan ng isang bangkang inihimpil niya sa tapat ng isang bakurang ang dulo ay humahangga sa estero. Matapos ipugal ang bangka sa isang tuod sa pampang ay umibis siya. Nilundag ang pader na bato at pumakabila sa bakuran. Sandali niyang iginala ang tingin sa paligid at tininga-tingala ang itaas ng bahay. May nasulyapan siyang anino ng isang babae sa bintana. Kagyat iyong nawala. At makailang sandali pa, nakita niyang binuksan ang isang pinto sa silong ng bahay. Si Maria Consuelo ang lumabas. Patakbo itong lumapit sa kanya.“Akala ko, hindi ka na darating. Inip na inip na ako sa paghihintay. Wala ngayon dito sa Maynila ang Papa, Isang linggo siyang may aasikasuhin siya sa probinsiya. Malaya tayong makapag-uusap ngayon.”
“Marami lang akong inasikaso pa kaya hindi ako nakaparito agad. Kasi… a… hamo’t sasabihin ko sa iyo maya-maya.”
“Akala ko’y hindi ka na makikipagkita pa sa akin… pagkatapos ng ginawang paghamak sa iyo ni Papa noong dalawin mo ako. Ipinagtabuyan ka niyang parang aso. Ibig ko siyang kamuhian… pero… ama ko siya.”
“Hindi ko gustong kamuhian mo siya. Mahalin mo siya at igalang. Iyon ang tungkulin mo sa kanya bilang anak. Kaya siya gayo’y mahal ka niya. Ibig lamang niyang iligtas ka niya sa akin. Ang paniwala niya’y hindi ako marapat sa iyo. Puti ka. Kayumanggi ako.” Nasa tinig ni Isgani ang kapaitan.“Mabuti na lamang at nasabi sa akin ng isa naming utusan ditong babae na nakilala ka ng kanyang kapatid na lalaki. Gumawa ako ng sulat at sinabi ko sa aming utusan na ipakiusap sa kanyang kapatid na ibigay sa iyo. Kailangang-kailangan kitang makausap… pagkaraan ng ginawang iyon sa iyo ng aking ama.”
“Kailangan din kitang makausap, Maria. May ibabalita ako. At magpapaalam tuloy ako sa iyo.”
“Magpapaalam! Bakit? Saan ka pupunta?”
“Mamumundok ako.”
“Mamumundok! At bakit?”Salaysay ang tugon ni Isagani sa tanong ni Maria Consuelo.Nang makarating siya ng bahay, pagkaraan nilang maghiwalay ni Maria Consuelo sa bapor nang araw na iyong umuwi siya sa Pilipinas, saka lamang niya nalaman ang malungkot na sinapit ng kanyang ama. Dinakip iyon sa paratang na kainalam sa himagsikang ibinabangon ng mga Pilipino. At saka pinatay sapagkat umano’y nanlaban nang dinadala na sa bilangguan. Maging ang kanilang malawak na bukid na nasa labas ng Maynila ay sinamsam ng mga maykapangyarihan. “Pero bakit ka mamumundok?” naitanong ni Maria Consuelo.“Hindi mo ba nauunawaan? Walang kasalanan ang aking ama. Hindi ako naniniwalang kainalam siya sa himagsikan. Pero dinakip siya, pinatay. May palagay akong dahilan lamang iyon upang makamkam ang kanyang mga ari-arian.”
“At namumundok ka para siya ipaghiganti? Papatay ka…”
“Hindi, Maria, hindi para maghiganti lamang. A, hindi mo nga mauunawaan. Ngayon ka lamang dumating sa aking bayan. At iba ang kulay mo. Malaon nang nagdurusa ang aking bayan. Sumisigaw na sa langit ang mga kaapihang tinatamo. Panahon na siya’y kalagan sa pagkakagapos.”
“Pero…pero manunulisan ka!”“Hindi manunulisan, Maria.”
“Papatay ka. Lalabanan mo kami pati ang aking papa sapagkat siya’y sundalo. Isagani, hindi ko alam kung ano ang aking iisipin.”
“Huwag kang mag-isip ng ano man. Naparito ako upang bigyan ka tuloy ng laya. Mahal kita, Maria. Pero hinihingi ng pangyayari na maging kaaway ako ng iyong ama at mga kabalat. Lalo na akong hindi naging karapat-dapat sa iyo. Tama ang iyong papa. Limutin mo ako.” Umiyak si Maria Consuelo. “Hindi Isagani, hindi. Mahal din kita. Mahal na mahal. Hindi ko naiintindihan ang lahat. Hindi ko naiintindihan kung bakit kailangan ng tao ang magpatayan, kung bakit kami at kayo ay maging magkaaway. Pero hindi kita maaaring limutin.” Madilim na nang lisanin ni Isagani ang bakurang kinatitirikan ng bahay nina Maria Consuelo. HINDI nga nauunawaan ni Maria Consuelo. Napakabata pa niya para makaunawa. Isa lamang bahagi ng buhay — ang magandang bahagi ang kanyang nakita buhat sa kamusmusan. Sa Espanya siya lumaki sa isang panahong ang nagisnan niya roon ay mga liberal na kaisipan. Hindi niya alam noon na sa Pilipinas ay iba ang nagaganap; hindi niya batid na isang lahi ang malaon nang nagdurusa. Nguni’t bata siya. At sa bata ang higit na nakapangyayari ay ang damdamin. At lubhang maykapangyarihan ang pag-ibig. Nang magkaroon ng pansamantalang kapayapaan kaugnay ng kasunduan sa Biak-na-Bato, si Maria Consuelo ay sumama na kay Isagani. Hindi na naman tumutol pang mabuti ang ama ni Maria Consuelo sapagkat nakilala nitong mahirap hadlangan ang anak sa kagustuhan nito. Bukod diyan, nagkaroon siya ng palagay na maaaring si Isagani ay maging mabuti ring “anak” ng Espanya. Nang sumiklab ang digmaang Kastila-Amerika, ang gobernador-heneral ay nagtatag ng hukbo ng mga kusanloob, at kabilang sa mga nagpatala ang ilang lider ng himagsikan na nagpaiwan sa Pilipinas noong nagtungo sa Hong Kong sina Aguinaldo. At si Isagani ay kabilang sa mga kusanloob na iyon. Ikinasal sa simbahan ang magkatipan. Sa labas ng Maynila sa kapirasong lupang na labi sa ari-arian ng ama ni Isagani na sinamsam ng mga may kapangyarihan, nagtayo sila ng tahanan. Nguni’t nang magbalik sa Pilipinas ang pangkat ni Aguinaldo at ipagpatuloy ang paghihimagsik ng mga Pilipino laban sa mga Kastila dahil sa di pagtupad nitong huli sa kasunduan, si Isagani at iba pang mga lider ng himagsikan na nagsipagboluntaryo sa hukbong itinatag ng gobernador-heneral na Kastila ay nagsipanig na muli sa piling ng mga kabalat. Taglay ang sandatang ipinagkaloob sa kanila ng pamahalaang Kastila, muli silang nagsipamundok. Gayon na lamang ang galit ng ama ni Maria Consuelo sa manugang. Si Maria Consuelo man ay hindi rin nakaunawa. Gayunman, hindi sapat ang di-pagkaunawa upang talikuran niya ang asawa. Mahal niya ito at kailanma’y hindi niya maituturing na kaaway. Nguni’t umabot sa sukdulan ang pagsubok sa katatagan ng pag-ibig ni Maria Consuelo kay Isagani. Isang araw, nang kainitan na ang labanan ng Pilipino at Kastila, dumating kay Maria Consuelo ang balita na napatay sa larangan ang kanyang ama. Nag-iiyak, paulit-ulit niyang itinatanong noon sa sarili kung makatarungang patuloy niyang ibigin ang lalaking kabilang sa mga pumatay sa kanyang ama.

LAHAT ng pangyayaring yaon ay nagugunita ng matandang babaing nakaupo ngayon sa isa sa mga luklukan sa harap ng malaking entabladong itinayo sa Luneta para sa pagdiriwang sa anibersaryo ng kalayaan sa Pilipinas ngayong Hunyo 12.May pitumpung taon na buhat noon ang nakaraan, naisip ng matanda. Tunay na noon ay hindi siya nakauunawa. Kung may nagpanatili man sa kanya noon sa piling ng asawa, wala kundi ang malaki niyang pag-ibig dito; hindi ang pag-ibig sa bayang iniibig nito. A, marahil ay kailangan pa noon ang isang higit na malaking trahedyang pandamdamin upang siya’y makaunawa.At dumating ang trahedyang iyon.Bagsak na noon ang pamahalaang Kastila. At si Isagani, ang kanyang inibig na kaaway, ay sa ibang manlulupig nakikilaban. Nguni’t isang hapon, pagkaraan ng napakaraming araw na paghihintay sa asawa, ito’y idinating na sugatan.Hindi nakaligtas sa kamatayan si Isagani. Nguni’t bago yumao, sinabi nito sa kanya: “Patawarin mo ako, Maria, sa lahat ng dalamhating naidulot ko sa iyo. Nang una ay ang iyong ama… ngayon ay ako naman ang mawawala sa iyo. Pero unawain mo sana ako. Kung mayroon pa akong sampung buhay, lahat ng iyon ay paulit-ulit kong ibibigay sa aking bayan. Hindi ko panghihinayangan… hindi ko lilingunin…kahit sa likuran ay maiwan kong nagdurusa ang babaing ang pag-ibig na iniukol ko lamang sa aking bayan ang nakahihigit. Sabihin mo iyan sa ating anak pagkakaroon niya ng hustong isip. Sabihin mo rin sa kanyang magiging anak.”At sinabi niya iyon sa kanyang anak, isang lalaki na tanging supling na naiwan sa kanya ni Isagani. Sinabi rin niya sa kanyag naging apo.Umiyak siya uli–nguni’t naroon na ang pagkaunawa at ang pagmamalaki na ang kanyang kaisa-isang anak ay hindi na makauwi buhat sa larangan sa Bataan noong nakaraang digmaan. Ngayon, ang kanyang isang apong lalaki rin, na maliit pa nang maiwan ng ama niyon, ay kawal din. At marahil, balang araw ay sasapitin din niyon ang sinapit ng ama, ng nuno. Nguni’t batid niyang kung darating ang araw na iyon at siya’y nabubuhay pa ay iiyak lamang siya nguni’t ang kanyang dalamhati’y magiging napakaliit kung ihahambing sa madarama niyang pagmamalaki.Narinig ng matandang babae ang pagtugtog sa Awiting Pambansa. Tumindig siya, alalay ng isang magandang dalaga na isa pa niyang apo. Matanda na siya, magsisiyamnapung taon na, nguni’t naroon pa sa kanyang puso ang ningas ng yaong sinindihan ng tanging lalaking inibig niya.