Ni Genevieve L. Asenjo
HINDI ko na matandaan kung kailan ko huling narinig ang pangalan ni Juan Tamad. O kung kilala pa siya ng mga pamangkin kong Gen Z at Alpha. Pero ngayong halos ang bawat gawain ay isang goal at kailangang maging produktibo kahit hanggang holiday—at itinatala ko sa iCalendar at napapaalala sa akin ng smartwatch—naiisip ko siya, si Juan Tamad sa kaniyang imahen na nakahiga sa lilim ng punong bayabas, nonchalant maging sa pagbagsak ng hinog na bunga.
Gumigising ako sa mga umaga na ang una kong tinitingnang bintana ay ang screen ng aking smartwatch. Sleep score: 67. Light and Restless. Poor Recovery. Nabili ko ito noong pandemya at naging bahagi na ng aking katawan—kasama sa pulso, hindi lang bilang relo kundi isang patuloy na paalala kung gaano ako kahusay sa pagiging tao: kung nakainom ba ako ng itinakdang goal na walong baso ng tubig, kung umabot ba ako sa goal na 10,000 hakbang sa bawat araw, kung may sapat ba akong baterya o lakas ng katawan para manatiling alerto at produktibo o kung kailangan ko nang mag-decompress bilang pagre-recharge.
Dati, ang oras ay hindi isang guhit kundi isang bilog—ang siklo ng putik at alikabok sa kalsada, ng pagkain ng pakwan at pagtinola na may kadyos sa bahay sa probinsiya. Ngayon, may apps, may mga sleep coach, may mga post sa social media na nanghihikayat ng mga dapat at hindi dapat gawin: huwag gumamit ng cellphone bago matulog, bumili ng memory foam pillow, gumamit ng magnesium spray, subukin ang melatonin gummy. Maging ang pahinga ay may gabay na sinusunod, isang estratehiya ang makatulog, at may industriya na kumikita rito. Hindi ka na basta natutulog—kailangan mong matulog nang tama. Produkto ang mabuting tulog—isang natural skin care.
At kailan pa naging isang achievement ang mahimbing na tulog para ipagmalaki, hingan ng balidasyon sa mga numero ng like, follow, subscriber, emoji?
Iniisip ko kung paano natutulog ang mga nagtatrabaho sa call center, sa pabrika, sa konstruksiyon. Paano mo gagawing ideal ang tulog kung kailangan mong bumangon ng alas-kuwatro ng umaga para pumasok, pumila sa bus at jeep at tren, maglakad nang maglakad dahil walang masakyan? Paano mo mararamdaman ang lambot ng memory foam kung ang higaan mo ay manipis na kutson sa isang maliit na inuupahang kuwarto, kung pagod na pagod ang katawan mo, kung hindi mapakali ang isip mo sa pagbabalanse ng income vs expense sa pagtaas ng mga presyo at dami ng bayarin?
Naglalakad ako sa Ayala Triangle Gardens sa Makati kapag carless Sundays. Nasasaksihan ko rito ang ilang mga tao na hindi naman talaga naglalakad kundi nagmamadali. Tumatakbo nang bahagya, hinahabol ang kanilang sariling anino. May nakatingin sa relo, may suot na earphones, may tila hindi humihinga— mga katawan na parang minamanduhan ng isang di-nakikitang makina. O isa na ring makina.
Minsan, naglalakad din ako sa Legazpi Park. Dito, mas mabagal ang galaw ng oras, pero hindi ito bumabalik sa dating anyo. Kahit ang mga nauupo sa lilim ng puno at ng gazebo ay tila ginising na ng bagong panuntunan: kung hindi ka gumagalaw, hindi ka nabubuhay.
Kung nabubuhay si Juan Tamad ngayon, malamang hindi niya ito maiintindihan. Baka nga tawanan lang niya ako. Samantala ako, gabi-gabi nagpa-panic dahil hindi ko pa naabot ang ideal sleep cycle at may iniinom na akong maintenance medicine para sa pagpapa-normal ng sugar at cholesterol level. Saan ba nag-ugat ang pangangailangang ito na laging may ginagawa? Bata pa lang ako, sinabi na sa amin: “Sayang ang araw.” Isang babala ang kuwento ni Juan Tamad na huwag tatamad-tamad. Sipag at tiyaga ang motto ng aking henerasyon at ng marami pang nauna, nakapaskel sa itaas ng blackboard, cut out na Manila paper. Ang katawang nagpapahinga ay katawang nagsasayang ng oras. Batugan. “Para kang lantang gulay,” bukambibig ng lolo sa mga pinsang lalaki na nagbibinata. Nabansagan silang mga inutil dahil sa masarap nilang pagtulog pagkatapos ng buong hapong pag-basketball. Parang kulang sila ng ambisyon sa kanilang kasipagang matulog. Bukambibig naman ng mga Nanay, dinig sa buong baryo, “Bangon na, hayop kang bata ka!” sabay hampas ng unan.
Noon, iniisip ko na masisipag ang matatanda sa aming baryo, laging bumabangon nang maaga, kahit wala namang pupuntahan. Pero ngayon naiisip ko: baka hindi naman nila talaga gustong gumising nang maaga. Baka iyon lang ang nakasanayan nila: pag-upo sa harapan ng bahay, pag-aabang sa mga dumadaan, na isa ring pagbabasa sa badya ng araw, katulad ng pagbabago ng langit at ihip ng hangin. Ngayon ko lang din napagtanto ang kabalintunaan ng pagpapatulog sa aming mga bata pagkatapos ng tanghalian para mabilis lumaki. Bakit gugustuhin ng matatanda na lumaki na kaagad ang mga bata? Alam ko na: para makapagtrabaho na’t makatulong sa gastusin. Mula noon hanggang ngayon, ang kabataan nga naman ang pag-asa ng bayan: sila ang magpapatuloy sa pagbabayad ng buwis. Kaya tinatapyas na naman ang mga asignatura sa Humanidades tulad ng Panitikan, Filipino, at Kasaysayan para mapabilis ang pagtatapos sa kolehiyo. Maaari na ring huwag nang magkolehiyo at dumiretso na lamang sa mga pagsasanay para sa mga teknikal at bokasyonal na kurso na magpapasampa sa mga trabaho sa barko, ospital, hotel, pagawaan sa buong mundo na tumatanggap ng Filipino. Kaya nila ang walang tulugan.
Umuuwi ako sa probinsiya. Madalas, at minsan, nagising ako sa tunog ng isang manok na tila nalilito kung madaling-araw na ba o hindi pa. Ang tilaok parang pumutol sa isang panaginip, isang tunog na bumabalik sa umaga ng nakaraang siglo. Pero hindi na ito ganap na bumabalik. Kahit ang mga manok ay nag-a-adjust na rin sa tunog ng motorsiklo, sa pagvi-videoke lampas sa hatinggabi, sa ritmo ng mundong cringe na ang paghihintay.
“Nananaginip ka pa ba?” tanong ng isang kaibigan.
Sa tono ng kaniyang boses, alam kong hindi lang ito tungkol sa panaginip na nangyayari sa REM cycle. Tinatanong niya kung may mga pangarap pa ba ako, kung may pananabik pa ako sa bukas. Lakas. Gana. Mental health. Tinatanong niya kung ano na ang nangyari sa akin—sa ating lahat—sa lungsod na walang pahinga. Sa isang mundo na ang pahinga ay isang uri na ng pribilehiyo; isang bagay na kailangang paggastusan at i-schedule.
Sa digital na Mundo ngayon, marahil si Juan Tamad ang pinakamatapang sa ating lahat. Hindi siya takot na maging walang silbi sa mata ng market, hindi siya takot na tumanggi sa pangangaillangang patunayan ang kanyang pagiging kapakipakinabang.

Naglalakad ako sa Ayala Triangle Gardens sa Makati kapag carless Sundays. Nasasaksihan ko rito ang ilang mga tao na hindi naman talaga naglalakad kundi nagmamadali. Tumatakbo nang bahagya, hinahabol ang kanilang sariling anino. May nakatingin sa relo, may suot na earphones, may tila hindi humihinga— mga katawan na parang minamanduhan ng isang di-nakikitang makina. O isa na ring makina.
Minsan, naglalakad din ako sa Legazpi Park. Dito, mas mabagal ang galaw ng oras, pero hindi ito bumabalik sa dating anyo. Kahit ang mga nauupo sa lilim ng puno at ng gazebo ay tila ginising na ng bagong panuntunan: kung hindi ka gumagalaw, hindi ka nabubuhay. Kung nabubuhay si Juan Tamad ngayon, malamang hindi niya ito maiintindihan. Baka nga tawanan lang niya ako. Samantala ako, gabi-gabi nagpa-panic dahil hindi ko pa naabot ang ideal sleep cycle at may iniinom na akong maintenance medicine para sa pagpapa-normal ng sugar at cholesterol level. Saan ba nag-ugat ang pangangailangang ito na laging may ginagawa? Bata pa lang ako, sinabi na sa amin: “Sayang ang araw.” Isang babala ang kuwento ni Juan Tamad na huwag tatamad-tamad. Sipag at tiyaga ang motto ng aking henerasyon at ng marami pang nauna, nakapaskel sa itaas ng blackboard, cut out na Manila paper. Ang katawang nagpapahinga ay katawang nagsasayang ng oras. Batugan. “Para kang lantang gulay,” bukambibig ng lolo sa mga pinsang lalaki na nagbibinata. Nabansagan silang mga inutil dahil sa masarap nilang pagtulog pagkatapos ng buong hapong pag-basketball. Parang kulang sila ng ambisyon sa kanilang kasipagang matulog. Bukambibig naman ng mga Nanay, dinig sa buong baryo, “Bangon na, hayop kang bata ka!” sabay hampas ng unan.
Noon, iniisip ko na masisipag ang matatanda sa aming baryo, laging bumabangon nang maaga, kahit wala namang pupuntahan. Pero ngayon naiisip ko: baka hindi naman nila talaga gustong gumising nang maaga. Baka iyon lang ang nakasanayan nila: pag-upo sa harapan ng bahay, pag-aabang sa mga dumadaan, na isa ring pagbabasa sa badya ng araw, katulad ng pagbabago ng langit at ihip ng hangin. Ngayon ko lang din napagtanto ang kabalintunaan ng pagpapatulog sa aming mga bata pagkatapos ng tanghalian para mabilis lumaki. Bakit gugustuhin ng matatanda na lumaki na kaagad ang mga bata? Alam ko na: para makapagtrabaho na’t makatulong sa gastusin. Mula noon hanggang ngayon, ang kabataan nga naman ang pag-asa ng bayan: sila ang magpapatuloy sa pagbabayad ng buwis. Kaya tinatapyas na naman ang mga asignatura sa Humanidades tulad ng Panitikan, Filipino, at Kasaysayan para mapabilis ang pagtatapos sa kolehiyo. Maaari na ring huwag nang magkolehiyo at dumiretso na lamang sa mga pagsasanay para sa mga teknikal at bokasyonal na kurso na magpapasampa sa mga trabaho sa barko, ospital, hotel, pagawaan sa buong mundo na tumatanggap ng Filipino. Kaya nila ang walang tulugan.
Umuuwi ako sa probinsiya. Madalas, at minsan, nagising ako sa tunog ng isang manok na tila nalilito kung madaling-araw na ba o hindi pa. Ang tilaok parang pumutol sa isang panaginip, isang tunog na bumabalik sa umaga ng nakaraang siglo. Pero hindi na ito ganap na bumabalik. Kahit ang mga manok ay nag-a-adjust na rin sa tunog ng motorsiklo, sa pagvi-videoke lampas sa hatinggabi, sa ritmo ng mundong cringe na ang paghihintay.
“Nananaginip ka pa ba?” tanong ng isang kaibigan.
Sa tono ng kaniyang boses, alam kong hindi lang ito tungkol sa panaginip na nangyayari sa REM cycle. Tinatanong niya kung may mga pangarap pa ba ako, kung may pananabik pa ako sa bukas. Lakas. Gana. Mental health. Tinatanong niya kung ano na ang nangyari sa akin—sa ating lahat—sa lungsod na walang pahinga. Sa isang mundo na ang pahinga ay isang uri na ng pribilehiyo; isang bagay na kailangang paggastusan at i-schedule.
Minsan iniisip ko kung ano kaya ang mararamdaman ni Juan Tamad kung makita niya kung paano tayo nabubuhay ngayon. Maiinggit kaya siya sa atin—sa ating mga smartwatch, sa ating mga therapy lamp, sa ating sleeping apps? O tayo ang mainggit sa kanya, sa kakayahan niyang maghintay, sa kapangyarihan niyang hindi sumabay sa bilis ng mundo?
Si Juan Tamad, kung pasusuotin natin siya ng smartwatch, ano ang itatala ng relo niya? Sigurado akong magbibigay ito ng alerto: It’s time to move!
Pagkaraan ng isang oras, magpapadala ito ng isa pang mensahe: No significant movement detected.
Sa bandang huli, ang smartwatch mismo ang susuko. Ba-blangko ang screen nito. Magpa-panic ka, dahil parang kaibigang nang-ghost at hindi mo alam kung bakit. Nangyari, at nangyayari na ito sa akin, sa mga oras ng pag-o-online class at mahahabang Zoom meeting.
Pero paano kung tama si Juan Tamad? Paano kung sa paghihintay niya, sa hindi niya paggalaw, ay mayroon siyang nalalamang hindi natin nakikita? Wala sa algorithm, wala sa big data?
Sa digital na mundo ngayon, marahil si Juan Tamad ang pinakamatapang sa ating lahat. Hindi siya takot na maging walang silbi sa mata ng market, hindi siya takot na tumanggi sa pangangailangang patunayan ang kaniyang pagiging kapaki-pakinabang.
Sa kaniyang pagri-relax sa lilim ng puno, sa kaniyang pagtangging sundin ang dikta ng productivity score card, marahil hindi siya tamad kundi rebolusyonaryo.
Itatanong: ano ang magagawa natin? May iba bang anyo ng pahinga, isang uri ng pagtulog na hindi para sa muling pagganap sa trabaho kundi para sa ibang uri ng buhay?
Nito lang Enero ng 2025, nasaksihan ko ang eksibisyon ng performance artist na si Aze Ong, ang “Kaloob.” Nakita ko ang isang mahabang gantsilyong likha niya — walang plano, walang tiyak na hugis, isang obra na hinayaan niyang mabuo sa sariling ritmo, sa sariling panahon. Para bang pagtulog nang walang iniisip kung ilang oras ito tatagal, kung magigising ba sa tamang oras, kung sapat ba ito para sa katawan. Ang gantsilyo niya ay paalala ng isang panahon kung kailan ang oras ay hindi minamadali, kung kailan may puwang pa para sa pagbagal, sa paghinto. Isa itong tela ng panaginip, saan, at kailan, itinakda ng katawan ang sariling orasan. Sa curation ni Portia Placino, nakita ko ito bilang katawan ng babae, ng mga lamang-dagat, ng ating karagatan, at pagkabuhol-buhol ng mga komunidad ng tao at likas na yaman. Sa pagpapatianod ni Ong sa lukso at gana ng loob, nakalikha siya ng bagong kuwento, bagong pagpapakahulugan sa pagiging makabuluhang tao’t mamamayan.
Sinusulong din ito ni Neferti Tadiar sa kaniyang pagsusuri sa globalisasyon sa 2022 niyang libro na Remaindered Life. Tinawag niya ang ating mga katawan bilang “remaindered life”—mga buhay na hindi lubusang natutunaw sa makina ng ekonomiya, mga buhay na sumusuway sa kapitalistang kaayusan sa pamamagitan ng hindi paggawa, hindi paggana, hindi pagsunod. Para kay Tadiar, ang mga taong nasa laylayan—ang mga walang trabaho, ang mga walang tirahan, ang mga pagod na katawan sa lansanga — ay hindi lamang “excess” kundi mga anyo ng paglaban, mga patunay na may iba pang ritmo ng pamumuhay bukod sa dinidikta ng kapital at ginansya.
Hindi ko sinasabing maghintay na lang tayo ng bayabas na mahulog sa ating bunganga. Alam nating imposible ito ngayon. Kailangan kong magtrabaho, magbayad ng amortisasyon at loan, suportahan ang pamilya, mag-ipon para sa retirement. Pero ngayong gabi, bago ko isuot muli ang aking smartwatch, bago ko ilagay sa tabi ang iPhone, iisipin ko uli si Juan Tamad. Kung paano niya hinayaan ang oras na dumaloy. Kung paano siya natulog, sa ilalim ng punong bayabas, nang walang kailangang patunayan.