Ni Ernesto Lawagan
SA lahat ng mga tambalang manunulat at dibuhista sa kasaysayan ng komiks sa Pilipinas, isa sa pinakasikat at pinakamatagumpay ay ang kina Mars Ravelo at Nestor Redondo. Sino ang hindi makakikilala sa dalawang ito kapag komiks ang pinag-usapan? Sila lang naman ang kumatha at nagsalarawan ng isang cultural icon, ang pinakabantog na superhero o lagabay ng Pilipinas – si Darna.


MARS RAVELO– ANG HARI NG KOMIKS
Si Ginoong Marcial “Mars” Custodio Ravelo (1916-1988) ang itinuturing na komikistang may pinakamaraming kinathang kuwentong-komiks sa kasaysayan. Mahigit 500 nobelang-komiks at comedy skits ang kaniyang nagawa sa loob ng mahigit 50 taon. Hindi pa kasama rito ang mga sequels at skits episodes. Kung susumahin mong lahat-lahat, tinatayang nakagawa siya ng mahigit 20 hanggang 25 pahina ng scripts bawat araw. Wala pang computer noon, ha. Kaya binansagan siyang “Hari ng Komiks” at “Dekano ng Nobelang Komiks sa Pilipinas.” Siya rin ang may pinakamaraming kinathang karakter sa komiks (humigit-kumulang 400-450), lalo na ang mga lagabay na ang pinakasikat nga ay sina Darna, Captain Barbell at Lastikman. Mahigit 50 lagabay ang binigyan niya ng buhay sa komiks, kaya itinuturing din siyang “Ama ng mga Pilipino Komiks Superheroes.” Maaari siyang ikumpara sa Marvel Comics writer-publisher na si Stan Lee (1922-2018). Bukod sa gawad bilang National Artist, marapat din marahil na mapansin ang dami ng kaniyang mga isinulat na obra at kinathang mga kakaibang karakter sa komiks, at ito ay maitala sa Guinness Book of World Records.
Ipinanganak si Ravelo sa Tanza, Cavite noong Oktubre 9, 1916. Dahil sa kakulangan sa panustos, huminto siya sa pag-aaral nang siya ay nasa ikalawang taon sa high school. Hindi na siya nakapagpatuloy at nakapagtapos ng pag-aaral. Subali’t mahilig siyang magbasa kaya kadalasan ay nasa mga silid-aklatan siya naglalagi. Dahil dito naging maalam siya sa maraming bagay na nakatulong sa kaniya nang malaki bilang komikista. Sa edad na 19 anyos, nagpunta siya sa Manila upang maghanap ng trabaho. Kung ano-anong trabaho ang pinasukan niya at, sa maniwala kayo o hindi, sinabi niya sa aking interview noon sa Atlas Publishing na nasubukan niyang magtinda ng gulay sa itinutulak na kariton. Bagay na eksenang makikita sa ilang kuwentong-komiks niya. Kadalasan ay part-time janitor ng mga paaralan at opisina ang nagiging pantawid-buhay niya sa araw-araw. Kung ilalarawan ko nga siya batay sa aking pagkakilala, siya ay simpleng tao, maalam subalit walang hangin, at masayang kausap. Naalala kong laging humahalakhak noon ang Editor-in-Chief ng Atlas Publishing na si Ginang Ernestina Evora-Sioco sa tuwing magkukuwento si Ravelo.
Mahilig siyang magsulat ng mga kuwento at gumuhit ng mga nakatutuwang mga karakter. Nakilala niya si Antonio “Tony” Velasquez (1910-1997), ang kartunistang kumatha ng “Kenkoy,” at ito ang nakaimpluwensiya sa kaniyang subukin ang larangan ng komiks. Nagsimula siyang maging kartunista sa mga magasing Salinlahi, Mabuhay (Aliwan ng Bayan), Mabuhay Extra, Liwayway, at Sinagtala. Ilan sa mga pinakauna niyang obrang nailimbag ay ang mga sumusunod: “Ponchong” (1937), “Si Enteng at Si Engot” (1937), “Bemboy” (1938), at “Ang Mamamalakaya” (1940). Nahinto siya dahil sa pagpasok ng mga mananakop na Hapones ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at nagbalik sa pagiging janitor.
Nang matapos ang digmaan, muli niyang binalikan ang pagiging kartunista. Naging regular contributor siya sa mga magasing Liwayway, Bulaklak (Hiyas ng Tahanan), at Sinagtala, at sa mga pahina ng mga unang komiks na Halakhak Komiks, Pilipino Komiks at Tagalog Klasiks.
Unang lumabas noong 1946 sa magasing Liwayway ang “Buhay Pilipino” at sa magasing Bulaklak naman ang “Rita (Kasinghot),” na sinundan ng “Si Benus at si Beha.” At ng mga sumunod na taon ay lalong umigting ang imahinasyon ni Ravelo na nagbunga ng mga kuwentong hahagalpak ka sa tawa kapag natunghayan mo: “Si Berta ang Tomboy” (1947) sa Halakhak Komiks, “Ipe” (1948) sa Pilipino Komiks, “Boboy” (1948) at “Totit” (1949) sa Sinagtala, “Rita Okay” (1950) at “Si Gorio at Si Tekla”(1950) sa Tagalog Klasiks.
Ang simula ay hindi naging madali para kay Ravelo. Marami sa mga unang nobela niya ang tinanggihan ng mga editor at sinabihan pa siyang manatili na lamang sa pagiging kartunista ng mga comedy skits. Una na rito ay ang “Suprema: Ang Kamangha-manghang Dilag” na siyang pinagmulan ng “Varga” at “Darna.” Noong 1939, tatlong magasin ang inalok niya ng kaniyang katha, subalit ito’y tinanggihan. Sinabihan din siya na ang isang babaeng superhero ay hindi bebenta sa mga mambabasa. Kaya ang paglabas ni Suprema/Varga ay naudlot at naitago hanggang matapos ang World War II (Para sa kabuuang kasaysayan ng Suprema/Varga/Darna, basahin ang artikulo kong “Sino Nga Ba ang Nauna, Si Darna o si Wonderwoman?” sa Mayo 2024 isyu ng Liwayway). Bagay na isang malaking pagkakamali kung sino man ang mga editor na nagsabi nito sa kaniya at nagkait sa kaniya na makapagsimulang magsulat ng mga nobelang-komiks.
Ang magasing Bulaklak ang unang naglimbag ng kaniyang mga unang nobela kabilang na ang “Ric Benson” at “Varga” na siya mismo ang gumuhit, at ang “Bagong Daigdig” na iginuhit naman ni Elpidio E. Torres (1925-1973). Dahil sa mga kakaibang kuwento ng drama ng buhay at pakikipagsapalaran na kaniyang kinatha, kinagiliwan at sinubaybayan ng madlang mambabasa ang kaniyang mga obra.
Nang mga sumunod na taon, siya na ang hinahagilap ng mga publisher at editor at namayagpag na at nagkasunod-sunod ang mga nobelang sinulat niya sa iba’t ibang magasin at komiks. Dahil sa dami ng kaniyang mga nobelang-komiks, kinailangan niyang gumamit ng pseusonyms – Romeo Arvis at Virgo Villa – para hindi naman masabi na puro siya na lang ang laman ng mga komiks at magasin. Kinuha rin siyang editor ng dalawang publishing company.
Nakita ito ng mga movie producer, lalo na ng pumatok sa takilya ang mga unang naisapelikulang obra niya noong 1951: Ang unang Darna, at ang mga makabagbag-damdaming kuwentong-dramang Roberta at Berdugo ng mga Anghel. Nang sumunod na taon, ang Darna na ginampanan ng Manila “Golden Age” movie queen na si Rosa del Rosario (1917-2006) ay agad nasundan ng Darna at ang Babaing Lawin, at ng tatlo pang pelikulang mula sa komiks, Basahang Ginto, Rebecca at Teksas, Ang Manok na Nagsasalita. Sa sumunod pang limang taon, 24 sa 31 nobelang-komiks na kinatha niya, bukod pa sa mga direktang isinulat niya para sa mga movie production ang naisapelikula. Mula 1950s hanggang huling bahagi ng 1980s, walang humpay ang daloy ng kaniyang mga nobelang komiks, na patuloy ring isinasapelikula at ang iba ay nagkaroon naman ng mga serye sa telebisyon. Masasabing ang contribution niya sa “Golden Age of Philippine Cinema” ay walang kapantay.
Maliban sa letrang Q, X at Y, mapupunuan ng kaniyang mga obra sa iba’t ibang komiks at magasin ang lahat ng letra ng Abakada. Narito ang halimbawa: A – “Ang Daya-Daya” (lumabas sa Liwayway noong 1964-1965), B – “Bata-Batuta” (Kislap Komiks, 1951), “Captain Boom” (United Komiks, 1966), “Dolfo and the Time Machine” (Liwayway, 1975-1976), “Elepanta” (Espesyal Komiks, 1966-1967), “Fantastic 4” (Bulaklak at Paruparo, 1974-1976), “Galo Gimbal” (Pinoy Komiks, 1965-1966), “Huwag Mong Tupukin ang Langit” (Damdamin Komiks, 1988), “I Believe” (Hiwaga Komiks, 1959-1960), “Jikiriz” (Bulaklak, Hiyas ng Tahanan, 1971-1972), “Kukurukuku” (Kampeon Komiks, 1976-1977), “Lola Belay” (Ravelo Komiks, 1980-1981), “Maldito Corazon” (Espesyal Komiks, 1961), “Nora and the Haunted House” (Superstar Komiks, 1972), “Oggra, Ang Kapreng Tanga” (Pogi Magazine for Men, 1972-1973), “Prinsesa Gusgusin” (Tagalog Klasiks, 1956-1957), “Renee Rose” (8-Teen Komiks, 1969-1970), “Sa Tabi ng Dagat” (Ang Pagbangon, 1954), “Taong Tuod” (Holiday Komiks, 1963-1964), “Ubangga” (Lingguhang Darna Komiks, 1972-1973), “Voodoo Diamond” (Lagim Komiks, 1965-1966), “Wamboo” (Liwayway, 1973), “Zorina” (Pilipino Komiks, 1956-1957).
Sa mga naging bahagi naman ng pinilakang-tabing, muli, isa-isahin natin ang ilan sa mga ito mula sa letrang A hanggang W: Alipin ng Busabos (1968), Bondying (1954), Cumbanchera (1952), Dyesebel (1953), Eternally (1957), Facifica Falaypay (1969), Ging (1964), Hootsy-Kootsy (1955), Ismol Bat Teribol (1957), Jinkee (1969), Kontra-Partido (1956), Lumuha Pati Mga Anghel (1971), Maruja (1967), Ngitngit ng Pitong Whistle Bomb (1968), Ophelia at Paris (1973), Pomposa: Ang Kabayong Tsismosa (1968), Rosa Rossini (1959), Suicide Suzy (1962), Trudis Liit (1963), Vicky (1959), Wanted: Perfect Mother (1970). Sa talaan, siya ang komikistang may pinakamaraming obrang naisapelikula.
Sa aklat na A History of Komiks in the Philippines and Other Countries (akda nina Cynthia Roxas at Joaquin Arevalo at pinatnugutan ni Ramon R. Marcelino), itinala siya na Number 1 sa listahan ng “Top 10 Greatest Komiks Writers of All Times.”
Bukod dito, si Ginoong Ravelo rin ang founding father ng isa sa pinaka-naging popular na magazine sa Pilipinas – ang MOD Filipina, na nagsimula bilang Sixteen Magazine noong 1968. Ang isa pa ay ang Pogi Magazine for Men, kung saan naging tagapatnugot at manunulat siya.
Noong 1984, ginawaran siya ng Komiks Operation Brotherhood (KOMOPED) ng Lifetime Achievement Award. Noon naman Mayo 26, 2005, isinatelebisyon ang kaniyang talambuhay ng GMA-7 sa “Magpakailanman” at ang katauhan niya ay ginampanan ni Dennis Trillo. Ipinagdiwang sa Cultural Center of the Philippines ang Mars Ravelo Centennial noong Oktubre 2016.

NESTOR REDONDO – ALAMAT NG SINING-KOMIKS
Si Nestor Purugganan Redondo (1928-1995) ay ipinanganak sa Candon, Ilocos Sur noong Abril 5, 1928. Bago pa man siya natutong magbasa, madalas siyang pasalubungan ng kaniyang tatay ng Walt Disney Comics na tampok si “Donald Duck” at Dell Comics na tampok si “Bugs Bunny.” Subalit ang nakatawag ng kaniyang paghanga ay ang mga imported comics na naglalarawan kina “Buck Rogers,” “Captain America,” “Flash Gordon,” “Lone Ranger,” “Superman” at “Tarzan.” Nang siya ay nag-aaral na, lalong tumindi ang kaniyang pagkahaling sa mga ganitong inilarawang babasahin, at kadalasang tinitipid niya ang kaniyang perang baong pambili ng pagkain upang ipambili ng mga imported comics.
Si Nestor Redondo ay kumuha ng kursong architecture sa Mapua Institute of Technology sa kagustuhan ng kaniyang mga magulang. Sapat na umano ang isang comics artist sa kanilang pamilya. Ito ay ang nakatatandang kapatid niyang si Virgilio, na nagtatrabaho noon bilang manunulat at dibuhista para sa mga magasing Bulaklak (Hiyas ng Tahanan) at Tiktik.
Ang hatak ng komiks ay napakalakas para kay Nestor, at natagpuan niya ang sariling gumuguhit na para sa komiks. Napagtanto naman ni Virgilio na higit na mahusay gumuhit si Nestor kaysa sa kaniya kaya minarapat niyang ituon ang pansin sa pagsusulat. Naging matagumpay ang pagtatambalan ng magkapatid. Ilan sa sa mga nobelang-komikss na tinangkilik ng mambabasa ay ang “Diwani” (Hiwaga Komiks, 1951-1952), “Reyna Bandida” (Espesyal Komiks, 1952-1953), “Alyas Palos” (Tagalog Klasiks, 1961; Palos Komiks, 1969), “Gagamba” (Tagalog Klasiks, 1961-1962), “Ang mga Lawin” (Espesyal Komiks, 1962-1963), “Tagisan ng Agimat” (Redondo Komiks, 1963-1964), “Dong” (Alcala Komiks, 1966-1967), at “Totoy Kidlat” (Superyor Komiks, 1968).
Ang pangalang Nestor Redondo ay tumatak sa isipan ng mga mambabasa simula noong Mayo 13, 1950, nang kanilang makita ang unang “Darna” sa Pilipino Komiks #77 na kaniyang iginuhit mula sa panulat ni Mars Ravelo. Sinubaybayan ito ng masang Pilipino, na tumagal ng 28 isyu, hanggang Mayo 26, 1951. Ang nobela sa komiks at ang ginawang pelikula ay kapuwa naging lubhang matagumpay, kaya nasundan agad ito ng “Darna at ang Babaeng Lawin” na nagsimulang lumabas ng sumunod na taon sa Pilipino Komiks din.
Noong 1952, ang MGM Pictures ay nakipag-ugnayan sa ACE Publication upang gumawa ng isang illustrated preview ng kanilang pelikulang Quo Vadis na nagtampok kina Robert Taylor, Deborah Kerr at Peter Ustinov. Ito ay bilang paghahanda bago ipalabas ang pelikula sa Pilipinas. Ang trabaho ay ibinigay kay Nestor Redondo. Gumuhit siya ng isang 16-pahinang pagsasalarawan mula sa scripts ni Clodualdo del Mundo. Inilimbag ito ng ACE Publication at lumabas sa Tagalog Klasiks bilang 91 at 92 (Disyembre 27, 1952 at Enero 10, 1953).
Napakahusay ng pagkakaguhit ng illustrative adaptation at ng bersiyon sa komiks ng Quo Vadis na lubhang hinangaan ng MGM kaya inalok nila si Redondo na magtrabaho para sa kanila bilang House artist at inalok pa siya ng libreng pasahe at tirahan sa Amerika. Sa pagkakataong ito, tumanggi si Redondo na sa palagay niya ay hindi pa siya handa para sa bagay na ito.
Noong 1963, itinatag niya at ng kaniyang kapatid na si Virgilio, kasama sina Amado Castrillo, Tony Caravana, Alfredo Alcala, at Jim Fernandez, ang CRAF Publications, Inc. Ang CRAF ay mula sa intials ng kanilang mga pangalan (C – para kina Castrillo at Caravana, R – para sa magkapatid na Redondo, A – para kay Alcala at F – para kay Fernandez). Ito ang naglabas ng mga komiks na Redondo Komix (Mayo 7, 1963), Alcala Fight Komix (Hulyo 9, 1963), Caravana Klasix (Disyembre 9, 1963), CRAF Klasix (Enero 29, 1964) at Amado Lovers Komix (Setyembre 3, 1964). Nagtagal lamang ang publications ng humigit-kumulang tatlong taon.
Matapos nito, itinatag naman niya ang Nestor Redondo (NR) Publications noong 1966, na siyang nagpatuloy sa paglilimbag ng Superyor Komiks Magasin mula sa dating may-ari nito na Four Aces Publications. May pagkarelihiyoso si Nestor at sa komiks na ito sinimulan niyang inilabas ang serial na “Mga Kasaysayang Buhat sa Bibliya” (1969-1970). Ito ang nabanggit niyang pinahahalagahan at pinakamakahulugang obrang nagawa niya. Noong 1977, isang organization mula sa Netherlands – ang Open Doors – ang naglimbag at namahagi ng collections ng kaniyang mga ginawa sa mga bansa kung saan ang pananampalatayang Kristiyano ay sinisikil.
Ginamit din niya ang kaniyang publications upang magturo sa pamamagitan ng on-the-job training at magbigay ng pagkakataon sa mga baguhang manunulat at dibuhista na mailathala ang kanilang mga gawa.
Taong 1971 nang tumungo si Nestor Redondo sa United States matapos makipag-ugnayan sa isa pang alamat sa komiks na si Tony de Zuñiga (1932-2012), na noon ay nagtatrabaho na bilang dibuhista sa US at kilala bilang co-creator ng Amerikanong manunulat na si John Albano ng DC Comics character na Jonah Hex (unang lumabas sa All-Star Western #10, Pebrero 1972). Sa tulong ni Zuñiga, nakaugnayan ni Redondo ang mga Amerikanong comics book publishers. Ang pinakauna niyang nagawang pagguhit ay ang paglalapis at pagtitinta ng pitong-pahinang kuwentong “The King is Dead,” na isinulat ni Jack Oleck para sa House of Mystery #194 (Setyembre 1971) ng DC Comics. Maituturing na si Zuñiga at Redondo ang nagpakilala sa Amerika at sa mundo ng galing sa pagguhit ng mga dibuhistang Pilipino. Tumungo pa rito ang DC Comics publisher na si Carmine Infantino (1925-2013) at editor na si Joe Orlando (1927-1998) upang mag-recruit ng mga dibuhistang Pilipino.
Lubhang humanga sa kaniyang galing sa pagguhit ang mga publishing houses sa US at nagkasunod-sunod ang kaniyang mga illustration assignments. Noong 1970s, gumuhit siya para sa mga DC Comics series na “Amazing World of DC Comics,” “Ghost,” “House of Mystery,” “House of Secrets,” “Phantom Stranger,” “Rima, the Jungle Girl,” “Secrets of Haunted House,” “Sgt. Rock,” “Swamp Thing,” “Tarzan,” “The Unexpected,” “The Witching Hour,” “Weird War Tales,” at “The Bible” (Limited Collectors’ Edition #C-36); at “Ben-Hur: A Tale of Christ,” “Davy Crockett,” “Dracula,” “Dr. Jekyll and Mr. Hyde,” “Romeo and Juliet,” “Sir Arthur Conan Doyle: The Great Adventures of Sherlock Holmes,” “The Odyssey” at ang mga illustrated biography series nina Abraham Lincoln, Albert Einstein at Marie Curie para naman sa Pendulm Press Illustrated Classics.
Nagsimulang humanga ang mga Amerikanong mambabasa ng comics sa galing at husay ni Nestor Redondo nang makita nila ang pitong isyu ng Rima, the Jungle Girl (Mayo 1974 – Mayo 1975). Lalo pa nang lumabas ang Swamp Thing #11 hanggang 23 (1974-1976). Ang character na “Swamp Thing” ay isang napaka-popular na series ng DC Comics na sinusubaybayan ng mga Amerikano. Ang unang sampung isyu ay iginuhit ng multi-award winning illlustrator na Berni Wrightson (1948-2017), na kilala sa pagiging lubhang detalyado sa kaniyang mga dibuho. Kaya namangha ang marami nang si Redondo ang magpatuloy ng pagguhit nito hanggang ika-23 labas (ang ika-24 at huling labas ay iginuhit din ng isa pang Pilipino – si Fred Carillo). Napahanga niya maging ang DC Comics editor na si Joe Orlando at ang sikat na comics artist na si Tyler Crook, na ginaya pa ang istilo ni Redondo sa disenyo ng pamagat na isinasama sa dibuho ng splash page. Makatatanggap sana siya ng Inkpot Award noong 1976 subalit hindi siya nakadalo sa Comicon International Annual Convention ng taon iyon. Taong 1979 nang makadalo siya ay pormal na tumanggap ng Inkpot Award.
Sa Marvel Comics, makikita ang pangalan ni Redondo sa mga reprints ng “Dracula” at “Dr. Jekyll and Mr. Hyde” sa Marvel Classics, at sa ilang labas ng Red Sonja, Savage Sword of Conan at Solarman Isa rin siya sa mga illustrators ng Official Handbook of the Marvel Universe (1983-1984).
Bukod sa mga ito, may mga iginuhit din si Redondo sa Western Publishing (The Twilight Zone #62, 1975), Warren Publishing (1994 #21 at The Rook #12, 1981), Pacific Comics (Alien Worlds #1, 1982), Eclipse Comics (Aztec Ace #1-8, 1984), Continuity Comics (Ravenger: Featuring Megalith #3, 1985), Innovation Comics (Newstralia #1-5, 1990).
Sa Pendulum Press, tumulong si Nestor Redondo sa Amerikanong writer-artist na si Vincent Fago (1914-2002) na noon ay editor ng publishing house na ito upang maghagilap ng mga dibuhistang Pilipino. Si Fago at ang kaniyang kabiyak kasama si Redondo ay bumiyahe sa Pilipinas at marami silang nakuhang dibuhistang Pilipino upang gumuhit para sa Now Age Book comics adaptation ng mga literary classic. Dumating sa punto na halos lahat ng mga inililimbag nilang illustrated classics ay iginuhit ng mga Pilipino, kabilang sina Vicente Catan Jr, Nestor Leonidez, Jun Lofamia, Rudy Nebres, Alex Niño, Gerry Talaoc, at ang dalawang kapatid ni Nestor na sina Virgilio at Quico.
Kabilang si Redondo sa mga panelist ng unang Christian Comics discussion forum na binuo ng Amerikanong writer-illustrator na si Nathan “Nate” Butler sa San Diego Comic-Con noong 1992. Isa rin dapat siya sa mga magbibigay ng pagtuturo sa unang International Christian Comics Training Conference sa Tagaytay noong Enero 1996, subalit yumao siya tatlong linggo bago ito mangyari.
Sa dami ng katha at gawa nina Ravelo at Redondo na naiambag sa ating kultura na hinangaan ng marami at nagpakilala sa daigdig ng galing ng Pilipino, natugunan na nga ba ng mga ito ang lahat ng criteria na kailangan para sa pambansang gawad parangal?


ANG GAWAD PAMBANSANG ALAGAD NG SINING
Ang National Artist Award, na ngayon ay itinaas ang antas at tinatawag ng Order of the National Artists o Gawad ng mga Pambansang Alagad ng Sining, ay ang pinakamataas na ipinagkakaloob na pambansang parangal sa mga mamamayan ng Pilipinas na nagkaroon ng katangi-tanging gawa at tagumpay sa larangan ng sining (musika, sayaw, pelikula at broadcasting works, teatro, panitikan, architecture at allied design works, at contemporary arts kung saan nahahanay ang pagpipinta, paglililok, paglilimbag, photography, at ang visual arts kabilang na ang mga gawang graphics, illustrations at komiks). Ang Cultural Center of the Philippines ang siyang inaatasan ng batas upang maglatag ng paghirang at ang mga mahihirang ay gagawaran ng parangal ng pangulo ng bansa.
Ang dating Unang Ginang Imelda R. Marcos ay masugid na tagapagtaguyod ng iba’t ibang katutubong sining sa Pilipinas. Sa kaniyang pagsisikap, naitatag ang Cultural Center of the Philippines, at maraming mga gawang-sining Pilipino ang nakilala at hinangaan sa buong mundo. Siya ang naging daan upang magkaroon ng “Pambansang Parangal sa Alagad ng Sining sa Pilipinas.” Lubha niyang hinangaan ang mga painting ni Fernando Amorsolo (1892-1972), lalo na ang paglalarawan nito sa mga kababaihang Pilipina at mga tanawin sa kanayunan. Nasabi niyang ang mga pinta ni Amorsolo ay “artistic expression of a national genius.” Nalungkot siya nang malaman na nararatay ito sa ospital. Ito ang nagbunsod sa kaniya sa layuning magkaroon ng pambansang parangal sa mga katulad ni Amorsolo.
Noong Abril 27, 1972, nilagdaan ni Pangulong Ferdinand E. Marcos (1917-1989) ang Proclamation No. 1001 na nagtatag sa National Artist Award kasabay ng pagbibigay kay Amorsolo ng unang karangalan. Bagama’t ito ay naigawad sa pintor tatlong araw matapos siyang namayapa.
Malaki ang naiambag ni Ginang Marcos sa pagtulong sa pagpapayabong ng mga likas na sining na katha at gawa ng mga Pilipino, lalo na sa pagpapalaganap ng kaalaman tungkol dito hindi lamang sa buong kapuluan kundi sa maraming panig ng mundo. Kaya naman binansagan siyang “Patroness of Philippine Arts.”

Ang mga gawa ni Redondo sa mga pabalat ng komiks.
Noong 1980s nang nagsisimulang maghingalo ang industriya ng komiks sa Pilipinas dahil sa ginawang paghakot ng mga Amerikanong comics publishers sa mga dibuhistang Pilipino, at dahil sa pagmahal ng halaga ng papel at tinta, si Ginang Marcos ay nagsikap gumawa ng paraan para tumulong, sa pamamagitan ng government subsidies, pagbibigay ng incentives sa mga artist upang huwag na silang mangibang-bansa, pag-branch-out sa animation, stage plays, films, atbp. Isa pang bansag ang ibinigay sa kaniya: “First Lady of Philippine Komiks.” Ang kilala noong TV personality na si Joe Quirino ang nagbigay nito na sinegundahan naman ng komikistang si Pablo S. Gomez (1929-2010).
Si Amorsolo, bagama’t siya ay nabigyang parangal sa larangan ng pagpipinta, siya rin ang maituturing na unang taga-“komiks” na nagawaran bilang National Artist. Ito ay sapagkat siya ang gumuhit ng kauna-unahang “komiks” strip sa Pilipinas. Ito ay ang katha ni Iñigo Ed Regalado na “Si Kiko at Si Angge” na lumabas sa magasing Telembang. Kung pag-uusapan naman ang dibuho sa mga nobelang komiks, Si Francisco V. Coching (1919-1998) ang unang nagawaran ng parangal noong 2014.
Ngayon, bakit ko sinasabing “hinog na hinog na” sina Mars Ravelo at Nestor Redondo (isama pa natin ang isa pang magaling na dibuhista, si Elpidio E. Torres, na madalas ding katambalan sa komiks ni Ravelo) na magawaran ng Order of National Artists of the Philippines? Isang sagot lang: Dahil sa dami ng kanilang katha at gawa na naiambag sa ating kultura na hinangaan ng marami at nagpakilala sa daigdig ng galing ng Pilipino. Sa sagot na ito ay natugunan lahat ng criteria na kailangan para sa pambansang gawad parangal.
Bukod dito, noong Setyembre 1985, nang ako’y nasa tanggapan ni Kalihim Victor G. Nituda sa Malacañang Press Corps sa isang pagtitipon, nakatawag-pansin sa akin ang isang dokumento nakalatag sa lamesa ng isa sa mga naroroon. Ang pabungad-pamagat ng dokumento ay “Nomination for the National Artist Award.” Nang buklatin ko ang ilang pahina, nakilala ko ang tatlong pangalang naroroon: Marcial C. Ravelo, Nestor P. Redondo at Elpidio E. Torres. Nabatid ko na ang nominasyon ay base sa rekomendasyon ni Ginang Marcos.
Sa pagpapalit ng gobyerno matapos ang EDSA Revolt noong Pebrero 1986, tila naglaho at napawalang-saysay ang nominasyon. Kaya walang nahirang at nagawaran ng National Artist Award noong 1986. Nang mga sumunod na taon, ang mga pangalang nabanggit ay hindi na muling nahirang para sa pambansang parangal.
Ang gawad-parangal bilang isang Pambasang Alagad ng Sining ay putong ng karangalan. Nasasaad nga sa isang talata sa Proclamation No. 1001: “Artists should be given the appropriate honors for their contribution to the heritage of (our) society” (“Ang mga alagad ng sining ay karapat-dapat bigyan ng kaukulang karangalan sa kanilang naimbag na pamana sa (ating) lipunan”).
Huwag sanang dungisan ng pulitika!