Ni John Lloyd C. Casoy
NAPANSIN ako ng aking co-teacher na bakla habang binabaybay ang pasilyo pabalik ng computer lab kung saan ako nagro-room. Kung saan ako parang burgis na guro sa lamig at alwang dala ng aircon na pumapawi pagkatapos ng klase ko sa mainit na third at fourth floor ng DPWH building.
“Sir, pansin ko, simula nu’ng nawala ka rito, parang nag-matured ang mukha mo?”
Imbes na hello ang tugon niya sa simpleng pag-hi Sir ko ay tanong ang kaniyang ibinalik. Siguro, para makausap din ako dahil lampas isang taon din akong nawala simula noong hiniram ng isang senior high school sa Antipolo dahil sa kakulangan nila ng mga guro. Nagsisimula pa lang ako noon sa pinagtuturuan naming paaralan nang lumabas ang memo na magiging detailed teacher daw ako. Iyon ang tawag sa pahiram na guro.
Nagulat ako. Siguro, ang gusto niyang sabihin ay ang pagpapahaba ko na ngayon ng balbas. O bakâ iyong mata kong madalas nang walang búhay. Na bagama’t nakangiti ay hindi maitago ang lungkot. Iniisip niya siguro na ambilis namang maglaho ng enjoyment ko gayong lampas isang taon pa lang akong nasa public school.
“Stress, Sir,” kimi kong tugon sa kaniya.
Hindi ko na pinahaba. Dahil kung “Ano Sir, e, tumatanggap na po kasi ako ng matured role” ang isinagot ko’y mapatatawa ko pa siya at hahaba pa ang usapan namin. Nagmamadali kasi akong mag-out para makauwi dahil sa natanggap kong chat mula sa bunsong kapatid bago ang huling klase:
“Bili ka muna ng bigas at ulam sabi ni Mama. ‘Yong binigay mo sa kanya nu’ng nakaraan ubos na, binili ng materyales para sa finishing ng bahay. Bayaran mo rin daw iyong labor sa dalawang trabahador, inutang lang daw ‘yong bayad sa kanila. Hanggang akinse lang daw ‘yon.”









