Ni Marito Cases Tabbada
TAPOS na ang lahat ng gawain ni Janice sa bahay. Nakasampay na ang kanyang labahin at nakaluto na rin siya ng hapunan. Hinihintay na lang niya ang pag-uwi ng asawa mula sa opisina.
Napanood na rin niya ang lahat ng mga panghapong teleserye sa telebisyon. Balita na ang palabas sa TV kaya naman pinatay na niya ito. Bawal sa kanya ang ma-stress sa kanyang kalagayan kaya naman sadyang iniiwasan niyang manood ng balita na lagi na lang ay puro masamang balita at karahasan ang ibinabandera. Buntis siya at nasa ikapitong buwan na ang kanyang dinadala sa sinapupunan.
Ang totoo ay hindi naman niya problema ang stress, kaya niyang i-manage ito. Masayahin siyang tao at sadyang palabiro. Ang ayaw na ayaw niya ay iyong naiiwan siyang mag-isa, kagaya ngayon. Nagkataon naman na nagpaalam ang kanilang katulong na sandaling uuwi sa lalawigan nito. May emergency daw ito at nagpaalam na tatlong araw na uuwi sa pamilya. Naisip niyang mas mabuting mawala ito habang hindi pa siya nakapapanganak kaya pinayagan na niya.
Kaya naman heto siya at kailangang maiwang mag-isa. Mula naman noong umalis ang kanilang katulong ay maagang umuuwi mula sa opisina si Randy, ang kanyang asawa.
Muli niyang tiningnan ang orasan, alas-sais kuwarenta. Kadalasan ay nasa bahay na ang asawa niya sa ganoong mga oras. Alas-singko lang ang labas nito sa opisina. At kahit grabe ang traffic ay hindi naman inaabot ng isa’t kalahating oras ang biyahe mula sa opisina nito sa Ortigas hanggang sa bahay nila sa Kamuning.
Napapraning ka, Janice, sansala niya sa sarili. Naupo siya sa sofa at muling binuhay ang telebisyon, agad namang sumugod sa tabi niya ang alagang Persian cat na si Tommy. Sandali siyang naghanap ng mapapanood ngunit nang walang makitang interesante ay pinatay niyang muli ang TV.
Naisipan niyang i-text ang asawa. Bago pa man niya mahawakan ang cellphone na nasa center table ay tumunog na ito. Nasasabik niyang tinunghayan ang mensahe.
SORRY, HON. NEED KONG MAG-OT. MAY KAILANGAN LANG KAMING TAPUSIN DITO SA OFIS. LOVE U.
Hinarap niya ang alagang pusa at kinausap ito.
“Ano ba naman ‘yan, Tommy? Mukhang tayong dalawa pa rin ang magkasama hanggang mamaya. I’m bored na.”
Ngumiyaw lang ang pusa saka isiniksik ang ulo nito sa kandungan niya.
“Ano sa palagay mo ang magandang gawin?” muli niyang sabi na tila inaasahang sasagot ang kausap.
“Alam ko na,” maya-maya’y naibulalas niya.
Muli niyang kinuha ang cellphone at hinanap ang numero ng isang kaibigan.
“Oh, ba’t napatawag ka?” tinig ni Gemma mula sa kabilang linya.
“I’m bored, mars. Buong araw akong napanis dito sa bahay. Napanood ko na ang lahat ng programa sa telebisyon at nabasa ko na ang lahat ng magasin dito sa bahay. Nabilang ko na rin kung ilan ang butiki sa loob ng bahay na ito.”
Natawa ang kausap. “Hindi ka kasi sanay na nasa bahay lang, ganu’n talaga.”
“Hay naku, kung di lang sa kalagayan kong ito ay tatakbo na akong papunta sa inyo para may kachikahan naman ako.” Napabuntunghininga siya.
“Nasaan ba si Randy?”
”Naku, nag-text at mag-o-OT raw at may kailangan pang tapusin sa opisina.”
“OT? E, di niya ba alam na mag-isa ka lang diyan? Inuna pa niya talaga ang OT, ha.”
“Alam niya. Ngayon lang naman ito, e, Maaga naman laging umuuwi ‘yun,” pagtatanggol niya.
“Hay naku, mare. Baka iba na ‘yan, ha,” natatawang sabi sa kabilang linya.
“Kilala mo ako, mare. Subukan lang ni Randy na gumawa ng kalokohan at makikita niya. Sisirain ko ang kinabukasan, kasalukuyan at hinaharap niya.”
“Ewan ko lang, ha. Alam mo naman ang mga lalaking iyan. Basta makalulusot ay lulusot,” sulsol pa ng kaibigan.
“Busy ka ba?” mayamaya’y tanong niya. “Punta ka naman dito, oh.”
“Wrong timing, mare. May hinihintay rin kaming mga bisita ni Johnny, e. Hindi ko maiwan dito.”
“Ganu’n ba,” malungkot na sabi niya.
“Ang bait mo kasi sa asawa mo, e. Ako, pag sinabi ko kay Johnny na uwi, uuwi ,yun. Mabilis pa sa alas-kwatro,” hirit pa nito.
Hindi na niya pinatulan ang kausap. May tiwala siya kay Randy. Sa tatlong taon nilang pagsasama bilang mag-asawa at bago pa niyon ay sa limang taon nilang pagiging magkasintahan, hindi niya nakakitaan ito ng pahiwatig man lang na magloloko ito.
“Ikaw ang pinakamagandang regalong natanggap ko sa buhay ko,” sabi nito nang ikasal sila sa simbahan tatlong taon na ang nakararaan. Mangiyak-ngiyak noon ang lalaki ngunit sa loob niya’y gusto niyang humagalpak sa tawa sa imaheng nabuo sa isip niya: siya na nakabalot na parang isang regalo, mayroon pang pulang laso sa ulo!
Hindi lingid sa kanya ang pinagdaanan ni Randy sa dating nakarelasyon nito. Nagmula ito sa isang relasyon na umabot hanggang pitong taon at umasa itong ang babae na ang pakakasalan. Tinanggap naman ng babae ang marriage proposal ni Randy ngunit ilang araw bago ang kanilang kasal ay hindi na mahagilap ang babae. Nalaman na lamang nila na nasa ibang bansa na ito, kasama ang isang lalaki na ilang buwan pa lamang nitong nakikilala.
Nagkrus ang kanilang landas sa mga panahong hindi pa nakababangon si Randy sa kinalugmukang kalungkutan na nauwi sa depresyon. Isang kaibigan niya ang gumawa ng paraan upang magkakilala sila sa pag-asang matulungan niya ang lalaking maka-move-on. Subalit dahil hindi naman niya batid ang pinagdaraanan nito, noong una ay na turn-off siya; ang unang impresyon niya sa lalaki ay masungit at masyadong seryoso na kabaligtaran ng personalidad niya. Hindi ito ngumingiti at hindi rin nakikihalubilo sa karamihan lalo na sa mga babae.
“May itsura nga pero napakasuplado at bugnutin naman ng friend mo,” reklamo niya sa kaibigang nagpakilala sa kanila ni Randy.
Napakamot sa ulo ang kaibigan. “Mabait ‘yan, may matindi lang na pinagdaanan.”
“Hay, naku! Lahat naman tayo may pinagdaraanan, nasa nagdadala lang ‘yan,” mataray niyang sabi. “Sabihin mo d’yan sa kaibigan mo, hindi mag-a-adjust ang mundo sa kanya.”
Pero nang malaman niya ang kuwento nito ay medyo nag-iba ang ihip ng hangin, nakaramdam siya ng awa sa lalaki. Kung sa kanya nangyari ‘yun, baka hindi rin siya agad-agad na makarekober.
Nang lumaon ay lubos niyang nakilala ang lalaki hanggang sa tuluyan nang nahulog ang loob niya. Magkasalungat man ang kanilang mga personalidad, swak naman sila sa isa’t isa kapag magkasama. Tila lalong tumitingkad ang katangian nilang dalawa dahil napupunan ng isa ang kakulangan ng isa.
“Ikaw lang ang babaeng muling nakapagpangiti sa akin,” seryosong wika ng lalaki sa kanya. Gusto niyang maluha nang marinig ang mga salitang iyon ni Randy. Ngunit dinaan niya lang sa biro ang lahat.
“Ngiti lang? E, kung makahagalpak ka sa tawa, wagas.”
At ngayong mag-asawa na sila, sanay na sa kanya ang lalaki at kahit paano’y nahawaan na rin niya ito ng pagiging masayahin. Hindi na ito suplado at bugnutin gaya ng dati.
Nagkrus ang kanilang landas sa mga panahong hindi pa nakababangon si Randy sa kinalugmukang kalungkutan na nauwi sa depresyon…

ALAS OTSO na pero wala pa si Randy. Naiinip na siya. At nabubuwisit na rin. Wala man sa ugali niyang mapagduda pero sinusundot na siya ng mga pangamba. Totoo kayang nag-OT ito o may ginagawang kalokohan?
Kilala niya si Randy. Mahal na mahal siya nito. Ngunit gaano nga ba siya kasigurado? Lalo na ngayong malapit na siyang manganak at hindi na niya ito napagbibigyan sa lahat ng mga pangangailangan nito.
Tumayo siya at sumilip sa labas. Tahimik ang paligid maliban sa mangilan-ngilang tricycle na paroo’t parito sa tapat ng kanilang bahay. Ni wala ngang mga taong naglalakad sa bangketa. Malamang ang lahat ay kasalukuyang nanananghalian o di kaya naman ay nanonood ng teleserye sa telebisyon.
Napangiti siya nang may biglang maisip na ideya. Mabilis niyang kinuha ang cellphone at itinext ang asawa.
HON, UMUWI KA NA PLS. MANGANGANAK NA YATA AKO. BILISAN MO, PLS!
Natatawa pa siya nang pindutin ang send button. Nakikinita na niya kung paanong magkakandarapa sa pag-uwi ang asawa.
“Tingnan lang natin, Tommy, kung hindi siya magmadaling umuwi,” aniya sa pusang tila inaantok na.
NAPABALIKWAS siya nang marinig ang ringtone ng kanyang telepono. Di niya namalayang nakatulog na pala siya sa sofa. Nang sulyapan niya ang kanyang relo ay hatinggabi na. Wala pa rin si Randy?
“Hello, Janice? Si Rey ‘to.” Nabosesan din niya ang manager ni Randy sa trabaho. Ilang pagkakataon din niyang nakasama ito sa mga okasyon sa opisina nila.
“Hinahanap mo ba si Randy? Wala pa siya rito, e,” nagawa niyang sabihin ngunit binubundol na siya ng kaba.
“Hindi, kasama ko siya rito, Janice,” may garalgal sa tinig nito. “Nandito kami ngayon sa ospital.”
Tila namanhid ang buong katawan ni Janice. Gusto niyang magsalita ngunit wala siyang nalikhang tinig.
“Noong matanggap ni Randy ang text mo kanina, nagpaalam siya at nagmamadaling umalis. Parang wala siya sa sarili, e. Nakatanggap na lang kami ng tawag mula sa ospital kanina na naaksidente si Randy. Bumangga ang kotse niya…”
Tuluyan nang nanghina ang kanyang buong katawan hanggang sa mapasalampak siya sa sahig. Abot-abot ang kanyang dasal: sana ay isang masamang biro lang ito.