Ang Kamiseta ni Pareng Bondat

Napakunot-noo si Bondat. "Bakit, pare?" "A-Ang t-shirt mo, k-kanina'y nagkulay-itim 'yan."

Ni Armando T. Javier

SA pagbabalik-tanaw, naroon pa rin ang panghihinayang.

Lumaki ako sa pamilyang naniniwala sa mga pamahiin, sa mga kinagisnang tradisyon, sa sabi-sabi ng mga matatanda. Kung pinatigasan ko lamang ang pagpigil kay Pareng Bondat, marahil ay naiba ang kanyang kapalaran at wala ako ngayon sa kanyang lamay.

Puti ang paboritong kulay ni Pareng Bondat. Bibihirang pagkakataon na makita ko siyang ibang kulay ang suot na damit palibhasa’y mataba at mainitin ang katawan. Ginagawa niyang pambahay at panlakad ang puting undershirt kahit pa nga hayag ang usli ng malaki niyang tiyan. Sakay ng kanyang motorsiklo, dinadalaw niya ako sa bahay. Nakikipag-inuman.

Nagkapalagayang-loob kami apat na taon na ang nakakaraan mula nang mapatira ako sa Cavite. Mekaniko sa isang talyer si Pareng Bondat. Sa kanya ko ipinagagawa kung may sira ang aking kotse. Minsan, pinansin niya ang PRESS sticker sa salamin ng kotse.

“Taga-midya ka, bos?”

“Oo. Pero hindi talaga ako journalist, creative writer ako.”

Napakunot-noo siya.

“Nagsusulat ako ng k’wento. Nag-eedit din.”

“A…Mahilig akong magbasa ng komiks no’ng bata ako. Nagsusulat ka rin ba ng komiks?”

“Minsan.”

“Wrayter ka pala. A-Ano’ng pangalan mo, bos?”

“Dante.”

Pinunasan niya ng basahan ang may grasang kamay at inilahad iyon sa akin.

“Arturo. Pero dito, mas kilala ‘ko sa tawag na Bondat.” Ngumiti, hinimas at iginalaw-galaw ang malaking tiyan.

“Halata nga!”

Nang muli kaming magkita, ibang sitwasyon na. Pauwi ako noon mula sa trabaho. Dalawang construction worker ang pahapay-hapay sa kalsada at nananalubong ng mga sasakyan. Tinangka kong iwasan. Nagmenor ako at kahit hindi ko naman nasagi ang isa, ito mismo ang sumagi sa gilid ng aking kotse. Galit pa, hinampas ng kamay ang hood.

“Ano ba?! Bulag ka ba? Bumaba ka d’yan!”

Dinuro ako.

“Pare, pare.” Inaawat ito ng kasama, na bagama’t nakainom ay may huwisyo pa.

“Bitiwan mo ‘ko, p’re !” Tinabig ang kamay ng kasama at muling hinampas ng palad ang kotse.

Napansin ko na siya, dumaraan sakay ng kanyang motorsiklo. Lumingon sa sasakyan ko at nang makilala iyon (dahil sa kulay at sa PRESS sticker), nagmenor at nilapitan ng motorsiklo ang kotse, sinino ako sa harap ng bintana, saka hinarap ang dalawang lalaki.

“Ano’ng problema?” tanong ni Bondat.

Bumaba sa motorsiklo at nanggulat sa lapad ng katawan.

“Muntik n’ya ‘kong sagasaan,” sabi ng lalaking humampas ng palad sa hood.

“Lasing kayo. Ano’t nasa gitna kayo ng kalsada?”

Nagpalipat-lipat ang tingin ni Bondat sa dalawa.

“Pare, pare,” sabi uli ng lalaki sa kasama. “Tena!”

“Alis na,” sabi ni Bondat. “Baka ‘di ako makapagpigil, e, samain kayo sa ‘kin!”

Nagpabatak sa kasama ang lasing na lalaki, lumura, tinapunan kami ng masamang tingin saka tumalikod nang nakasampay ang isang kamay sa balikat ng kasama. Saka pa lamang ako nagbaba ng salamin ng kotse.

“Bondat, salamat, ha.”

“Okey lang ‘yon, bos. Dayo lang ang mga ‘yon dito. Nakursunadahan ka siguro. Pasaan ka ba n’yan?”

“Pauwi na.”

“Sa’n ka ba umuuwi?”

Sinabi ko ang pangalan ng subdivision.

“Sige, bos, pasyalan kita minsan ‘pag me naserbisan akong malapit sen’yo.”

“Okey. Corner lot ang bahay ko. Madaling makita.”

Akala ko bukambibig lamang niya. Pero isang araw nang Linggo, may nagpapataupo sa aming gate. Si Bondat.

“Bos Dante…”

“‘Oy. Buti’t nakita mo’ng sa ‘min.”

May sinerbisan daw siya di-kalayuan doon.

“Teka, ano’ng p’wede kong maipainom sa ‘yo?”

“Kung ano’ng meron, bos.”

“Beer?”

“Ayos ‘yan. ‘Di ko tatanggihan ‘yan.”

Pumasok ako sa loob at lumabas nang may tangang dalawang boteng beer. Naging hudyat iyon ng aming pagkakaibigan.

“Sino ba ‘yon?” tanong ni misis nang makaalis na si Bondat.

Sinabi ko.

“Ano’t nakikipaglapit ka sa ‘sang mekaniko’ng ‘di mo naman kakilala?”

Inilihim ko kay misis ang nangyari sa akin at sa lasing na construction worker. Iba ang sinabi ko.

“Nakikisama lang ako. Dayo lang tayo dito, buti na ‘yung me kasanggang tagarito.”

Naging pormal ang pagkukumpare namin ni Bondat nang alukin niya akong maging ninong sa binyag ng kanyang apo: anak ng anak niyang tinedyer. Nabuntis ang kabataang babae at wala naman silang balak na ipakasal sa boyfriend na isa raw addict.

“Sige. Kelan ba?”

“Babalitaan kita. Nagpauna lang ako ng pasabi.”

Hindi siya nagtatanong kung bakit wala siyang nakikitang bata sa bahay namin. Hinihintay sigurong sa akin mismo manggaling. Pitong taon na kaming kasal ni misis at hindi na namin pinagkaabalahang alamin kung sino sa aming dalawa ang may diprensiya.

Napakunot-noo si Bondat.
“Bakit, pare?”
“A-Ang t-shirt mo, k-kanina’y nagkulay-itim ‘yan.”

Natuloy ang binyagan. At mula noon, kada taon, kung birthday ng bata, imbitado ako kina Bondat. Habang nagkakasayahan ang mga imbitadong tsikiting, lumalaklak naman kami ni Bondat habang nagbi-videoke. Ipinakilala ako sa kanyang mga kapitbahay. Tila isang karangalan para sa kanya na magkaroon ng kaibigang manunulat.

“Minsan, pare, isulat mo naman ang buhay ko,” sabi niya sa isa sa mga inuman-kasayahang iyon. “Medyo makulay din naman ang buhay ko nu’ng kabataan ko.”

“Pa’nong makulay?”

“Marami akong kalokohan no’ng araw. Laging trobol. ‘Tong kamao ko’ng ‘to, wala ‘tong sinasanto. Nakulong na rin nga ako, e, pisikal indyuri din. Nagapang lang ng tatay ko na iatras no’ng nakaaway ko ‘yung demanda.”

“Astig ka pala talaga!”

“Kabataan, e. Malakas ang sulak ng dugo!”

“Pa’no ka naman nagbago?”

Lumingon sa kanyang maybahay na abala sa pag-eestima sa mga bisita.

“Nakilala ko si Kumander. Taong-simbahan ‘yan. Sa opisina kasi ng parokya nagtatrabaho. May kasabihan kami dito sa Cavite: ‘Ang taong nanunuyo, may dalang bukayo.’ Palasimba si Elsie, at no’ng nililigawan ko, malimit kong sinasabayan sa pagsisimba. Ayaw sa ‘kin ng pamilya n’ya, bistado kasi’ng mga kalokohan ko. Pero sa katit’yaga, nakumbinsi ko si Elsie na nagbago na ‘ko. Siguro, tumalab din sa ‘kin ‘yung madalas kong pangungumunyon !” Natawa. “Tutol man, wala na ring nagawa ang pamilya n’ya nang aminin ni Elsie na boypren na nga n’ya ako. Ipinakita ko naman sa kanila na tuluy-tuloy na’ng pagbabagong-buhay ko. Naghanap ako ng trabaho. At ‘eto nga, mula nang mag-aprentis akong mekaniko sa talyer twenti yirs ago, ‘andito pa rin ako. Nagkatulungan kami ni Elsie sa pagtataguyod sa tatlo naming anak.”

“Bayaan mo,” pangako ko, “‘sang araw, e, uupuan ko’ng istorya mo.”

Pangakong napako lang nang napako. Naghihintay rin ng tamang panahon ang pagluluwal ng kuwento.

PINABAWI ko si Pareng Bondat sa taunan niyang paghahanda para sa birthday ng kinagigiliwan niyang apo. Sa ikalimang taon nang paninirahan namin sa Cavite, isang gabi’y sinorpresa ako ni misis.

“Dad, buntis ‘ata ako…”

“H-Ha? Talaga ba?”

Two months na ‘kong walang mens.”

“Pa-check-up tayo. Mabuti na ‘yung sigurado.”

Nang kumpirmahin ng OB-Gyne na totoo nga, magiging mga magulang na kami, naniwala ako sa himala. Niresetahan ng doktora si misis ng mga bitamina at pampakapit sa bata. Siyempre pa, binalitaan ko si Pareng Bondat. Nang Linggong iyon, bilang pagdiriwang, isang boteng brandy ang ibinuwal namin.

Lalaki ang naging panganay ko. Ang selebrasyon sa binyag, dito na rin sa subdivision. Nakigamit kami sa clubhouse. Dumating ang mga kamag-anak namin ni misis; dumating din ang ilan kong kaopisina. Imbitado ang pamilya ni Bondat pati na ang mga kabatian naming kapitbahay. Inako ni Bondat ang pag-iihaw ng barbecue habang pabalik-balik at nakikiinom sa mesa naming magkakaopisina na nagbi-videoke.

“Ayos ka lang ba, pare?”

“Ayos lang. ‘Tuloy n’yo lang ang kantahan at hindi kayo mauubusan ng pulutan,” sabi niya habang naghahatid nang bagong ihaw na barbecue sa aming mesa.

“Tagay mo, pare.”

Inabot nito ang baso ng brandy, dinalawang lagok at bumalik uli sa ihawan. At doon, sa isang baling ng aking ulo habang inihahatid ko siya ng tingin, nakita ko iyon: ang pagbabagong-kulay ng kamiseta ni Pareng Bondat. Itim sa halip na puti. Pinanindigan ako ng balahibo. Sa probinsiya namin, masamang pangitain iyon. Babala ng isang sakuna o disgrasya. Agad kong nilapitan si Pareng Bondat, medyo hindik pa rin. Ipinihit ko siya, pinagmasdang mabuti ang kanyang kamiseta. Puti naman. Gaya ng lagi niyang suot.

Napakunot-noo si Bondat.

“Bakit, pare?”

“A-Ang t-shirt mo, k-kanina’y nagkulay-itim ‘yan.”

Napangiti ito. Napailing.

“Tinatamaan ka na ‘ata, parekoy?”

“Hindi. Talagang nagkulay-itim ‘yan.”

“‘Eto’t puting-puti.” Hinawakan pa nito ang laylayan ng kamiseta. “Kumikislap sa puti!” pagbibiro pa.

“Pare, um’wi ka muna kaya, magpalit ka ng t-shirt. Sa bayan namin, ‘pag ganyan, sinusunog o ‘di kaya’y ibinabaon sa lupa ang kamisetang nagbagong-kulay–para iwas malas!”

Natawa uli. “Hanggang ngayon, pare? Milenyum na, naniniwala ka pa rin d’yan? Wrayter ka pa naman!” Napailing uli at hinarap ang pag-iihaw.

Binalikan ko ang aking mga kaopisina; hindi pa rin ako mapanatag. Paulit-ulit kong nililingon si Pareng Bondat, inaantabayanan kung muling magbabago sa aking paningin ang kulay ng kanyang kamiseta.

At gabi na. Isa-isa nang nag-alisan ang aming mga bisita. Pinauna na ni Pareng Bondat ang kanyang mag-anak. Nagpaiwan siya para tulungan kaming magligpit. Nang maisakay nang lahat sa kotse ang mga gamit, nagpaalaman na kami.

“Okey ka, pare?” tanong ko kay Bondat. “Baka hindi mo kayang magmaneho, sumabay ka na sa ‘min. Iwan mo na’ng motorsiklo dito’t ihahatid ka na lang namin ni misis.”

“H’wag na, abala pa sa inyo. Okey ako. Hindi ako lasing, hapi lang. ‘Tsaka, ‘sang diretso lang naman ang bahay ko mula sa haywey.”

“Sigurado ka, pare?”

“Sigurado. Sige na. Mauna na kayo’t muk’ang pagod na si misis…”

Sumakay na ako sa kotse.

“Ingat ka ha, pare.”

Nag-thumbs up nang nakangiti.

At iyon ang huling imaheng naiwan sa akin ni Pareng Bondat.

Kinabukasan na nang mabalitaan namin: namatay siya sa aksidente! Sa nakuhang CCTV footage ng barangay, nakitang binundol ng isang nag-overtake na kotse ang motorsiklo ni Bondat, pumakabilang-linya iyon. Doon naman siya natumbok ng isang nagmamadaling ambulansiya. Tumilapon ng ilang metro si Pareng Bondat. Naisugod pa sa ospital pero binawian din ng buhay.

Noon ko uli naalala ang pagbabagong-kulay ng kanyang kamiseta. Malikmata? Premonisyon? Hindi pa rin ako makapaniwala.

Kinagabihan sa lamay, tila hindi mapapatid ang pananangis ni Elsie habang kalong ang paboritong apo ni Pareng Bondat na ngayo’y wala nang kalalakihang lolo.