Ni Reina Lynn G. Antonio, MD
“’NAY, ‘Tay, natanggap ako sa College of Medicine,” naalalang ipinahayag ni Lynna sa kanyang mga magulang nang ibinalita niya sa mga ito ang nakasaad sa sulat niyang natanggap.
Gusto niya talagang maging doktor para maging instrumento sa paghilom ng mga may sakit at magbigay kaginhawaan sa mga nagdurusa sa karamdaman.
Kabilang din doon ang maalagaan o mabantayan nang maigi ang kalusugan ng mga mahal niya sa buhay, lalong-lalo na ng kanyang mga magulang.
“Masaya kami para sa ’yo, anak. At gaya ng napag-usapan natin, gagawa kami ng paraan ng tatay mo para matustusan ang iyong pag-aaral,” pangako ng kanyang ina.
“Salamat, ‘Nay, ‘Tay,” nasabi niya at mahigpit na niyakap ang kanyang mga magulang pagkatapos niyang hinagkan ang mga ito. “Pagbubutihan ko po at nangangako akong hindi ko kayo bibiguin.”
Dahil alam ni Lynna na magiging mahirap din para sa mga magulang niya ang kanyang pangarap.
Kaya naman noong una pa ay naisip na rin niya na pumili ng premed course o kursong panghanda sa pagkuha ng medisina na maaaring maging ‘second choice’ niyang trabaho kung sakaling hindi siya pinalad na makapasok sa College of Medicine.
Sa ganitong paraan ay tiyak siyang ang magiging trabaho niya ay may kaugnayan pa rin sa medisina.
Maaari rin niyang gawing daan ito upang makapag-ipon ng halagang pantustos ng tuition fee niya kung maisipan niya ring mag-apply at palaring makapasok sa College of Medicine ng ibang institusyon.
Di hamak kasi na mas mahal ng ilang doble ang tuition fees sa ibang mga paaralan kumpara sa pinapasukan niyang unibersidad.
Kaya gayon na lamang ang pasasalamat niya at natanggap siya sa College of Medicine ng kanyang unibersidad. Kung sakaling hindi siya makakuha ng scholarship na inaalok dito ay napakalaki pa rin ng kamurahan ng regular na babayarang tuition fee ng kanyang mga magulang.
Kapuwa namang masasaya ang kanyang ama’t ina dahil sa nakikita ng mga ito ang kasigasigan niya na makamtan ang kanyang pangarap.
Nasaksihan ng mga ito kung paano siya masinsinang naghanda para sa pagpasok niyang iyon sa College of Medicine. Ang tiyaking aabot ang general weighted average ng grado niya sa pamantayan ng pagtanggap nito hanggang sa pagpasa niya sa mga eksaminasyon sa pagpasok at sa panayam.
At simula pa lang iyon. Marami pa siyang hirap na kakaharapin kaya handa ang mga itong patuloy siyang suportahan.
“Alam mo naman na kung ano man ang pangarap ninyong magkapatid, kaagapay niyo kami ng nanay niyo sa abot ng aming makakaya. Hangad naming maabot niyo ang mga iyon,” ang kanyang tatay.
Kaya naman nagsumikap nang maigi si Lynna habang iniisip ang sakripisyo ng kanyang mga magulang.
Naabot nga nilang magkapatid ang kanilang mga pangarap.
Isa na siyang ganap na doktor.
At hindi lang siya nakapagtapos ng kursong medisina kundi nakumpleto rin niya ang sunud-sunod na pagsasanay para maging isang dalubhasa sa mga sakit sa puso.
Isa pa nga siya sa may posisyon na ngayon sa kanilang Asosasyon o Samahan ng mga Cardiologists o Doktor sa puso sa Pilipinas.
Kaya nalungkot siya sa narinig mula sa kanyang mga pamangkin nang kanyang tinanong ang mga ito kung anong kurso ang kukunin ng mga ito sa kolehiyo. Nasa huling taon na ang mga ito sa high school.
“Social media influencers, Tita,” sabay sabi ng kambal sa kanya.
“Ayaw ko nang mag-aral sa college,” ani Ellie, ang nakakatanda sa dalawa.
“Anong ibig niyong sabihin?” kunot-noo at nagtatakang tanong ni Lynna dahil hindi niya sigurado kung maituturing nga ba iyon na propesyon. Pero hindi niya matanggap na ayaw nang magtapos sa pag-aaral ang magkapatid.
“Studying in college is just a waste of time,” sagot ni Ellie. “I don’t need a diploma. I need to be creative with my contents. Dapat makaisip palagi ako ng mga patok sa followers,” paliwanag nito at may sinabing pangalan na hindi pamilyar kay Lynna. “He is earning at least P20,000 per month, Tita. He is the GOAT.”
“Goat? Kambing?” si Lynna. Pero naisip din niya ang isa pang kahulugan nito na tumutukoy sa bastos na lalaki.
Humagalpak ng tawa ang magkapatid.
Lalong naguluhan si Lynna.
Pakiramdam niya tuloy ay nakikipag-usap siya sa dalawang foreign language speakers na hindi pa niya narinig ang mga salitang ginagamit. O kaya ay may ‘secret code’ na ang mga pangungusap ng mga kabataan ngayon na hindi na niya kayang sabayan.
‘O dahil lumaki sila sa ibang bansa?’ naisip ni Lynna.
Nagbabakasyon lang kasi sa kanila ang kapatid niya at pamilya nito. Maaaring malaki na ang naging impluwensiya ng mga tao sa bansang iyon sa kanyang mga pamangkin.
Nagpapasalamat nga siya at sa bahay ay Tagalog pa rin ang pakikipag-usap ng kanyang kapatid sa mga ito kung kaya’t marunong mag-Tagalog ang dalawa.
“You’re so funny, Tita,” si Faith, ang bunso sa dalawa, nang ito ay nakabawi at kinuha ang cellphone nito sa bag.
Hinawakan nito ang screen na animo’y may hinahanap. “It’s G.O.A.T., which means Greatest Of All Time. Look at the number of his followers,” dagdag nito at pinakita sa kanya ang screen ng cellphone na hawak kung saan naroon ang profile ng lalaking tinutukoy.
Milyones nga ang bilang ng mga tagasunod o tumatangkilik dito.
Pagkatapos ay pinindot ni Faith ang isa sa mga naka-upload na videos sa social media account ng lalaki.
May parang skit na kung saan ang parehong lalaki ay gumanap din na isang babae.
Kung tutuusin ay kinakausap nito ang sarili pero dahil sa galing sa pag-arte ng lalaki ay nagawa nitong animo’y may kasama nga itong ibang babae na kausap sa tagpong iyon. Dagdag pa ang husay nito sa editing ng video kaya aminadong pati siya ay naaliw sa panonood. At lubos na humanga rin sa mga kakayahan ng lalaki.
“In here, he is playing five characters. Isn’t he amazing?” pagyayabang ni Ellie at ipinakita naman ang video sa cellphone nito nang matapos ito sa unang video. Para ngang limang magkakaibang taong naghuhuntahan.
Natawa si Lynna sa istorya. “He seemed smart and really entertaining.” Sinabi niya ang totoo. ‘Creative and even genius’, kanya rin napagtanto.
“Ano bang natapos niyang kurso?” hindi niya tuloy napigilan ang sariling itanong sa kambal.
Tiningnan siya ng may pagtataka ng dalawa.
“He didn’t go to college, Tita,” sabi ni Faith. “Why do you people always equate intelligence with education one received from colleges or universities?” parang naasar pa nitong dagdag.
“He is a proof that you don’t need to take a course in college to be successful in life. He’s only 24 years old and he’s already extremely affluent, owning a lot of properties and collections of cars,” dagdag pa ni Ellie.
“Paano niyo nalaman?” Sa totoo’y nagulat si Lynna sa mga sinabi ng mga pamangkin niya.
“He featured his extravagant house in one of his vlogs and then his cars in another. Do you know he has farms too. Complete with horses and cattle. You want to see?” si Faith at hinanap nga ang mga videos na iyon.
Noong una ay parang hindi makapaniwala si Lynna sa mga nakikitang karagdagang videos ng lalaki.
Sa makatuwid ang lahat ng ipinambili nito sa mga magagarbong kagamitan at iba pa nitong ari-arian ay nagmula lamang sa pagba-vlog?
‘Ganoon ba talaga kadali ang kumita ng ganoong kalaking halaga ng pera sa larangang ‘yan?’ naisip tuloy niya.
May lungkot sa kanyang mukha dahil naisip din niya ang kanyang propesyon.
Ang mga gabing hindi siya natutulog, lalo na nang nagsasanay pa lang siya para magpakadalubhasa dahil sa pag-aral niya sa mga kondisyon ng mga pasyente at sa paggamot sa mga ito.
At hanggang ngayon nga na isa na siyang consultant ay hindi pa rin siya makatulog nang mahimbing dahil ano mang oras ay maaari pa ring may tawag na matatanggap para hingin ang kanyang opinyon at serbisyo.
At dahil sa isang semi-private na ospital nakaakibat ang kanyang practice, na ang mga serbisyo ay may subsidiya sa gobyerno dahil karamihan sa mga pasyente ay walang maipantutustos sa gamutan, libre ang panggamot niya sa mga pasyenteng nasa service ward o charity section.
At suwerte na nga kung ang isang pasyente ay hindi humiling na ‘promissory notes’ ang ipambayad muna sa kanya kapag nasa kategoryang ‘pay patient’ ito.
At hindi rin niya kasi gawaing maningil ng higit pa sa nararapat sa bawat pasyenteng kanyang nakakasalamuha. Pantay-pantay ang pagturing niya sa bawat isa, may pera man o wala.
Binibigay niya ang buo niyang makakaya para matulungan ang mga ito.
Andito siya para maging instrumento ng pagpapagaling o kaya’y bigyan kaginhawaan ang mga ito kung sakali mang hindi na makakamtam pa ang kagalingan lalo na sa mga may end stage heart failure o iyong may napakapangit na lagay ng puso kaya heart transplant lamang ang makakagamot. Ito ang isang procedure na makakapagdugtong sana ng maraming buhay subalit sa kasawiang palad ay hindi pa nagagawa nang mahusay at matagumpay sa ating bansa.
Hindi naman siya nagsisisi sa napiling propesyon o nanghihinayang sa perang ipinantustos, mga taong ginugol at hirap na napagdaanan niya bago naabot ang pangarap, pero naituring niyang napakasuwerte talaga ng lalaking iniidolo ng kanyang mga pamangkin.
Sabi nga ng mga ito, dahil patok o nagba-‘viral’ ang mga videos nito, naging daan iyon para makamtam nito ang marangyang pamumuhay. Lahat naman ay maaaring gumawa ng videos at mag-post sa mga social media platforms pero bihira ang nakakaabot ng ganoong kalagayan tulad ng sa lalaki. Ang makamit ang influencer status.
Baka nga magkandaugod-ugod na siya sa pagtatrabaho ay hindi pa rin siya makakabili ng kahit isa man lang sa mga koleksiyon ng mamahaling sasakyan ng lalaking vlogger.
“Hoy, Lynna! Kanina ka pa nakatingin sa kawalan. Ano bang nangyayari sa ‘yo?” bati sa kanya ni Che upang kunin ang atensiyon niya.
Labis na ikinabahala ni Lynna ang ipinagtapat ng kanyang dalawang pamangkin sa gustong mangyari sa buhay ng mga ito.
“Oo nga, ngayon nga lang tayo nagkita-kita, lumilipad pa ang utak mo,” si Lulu na napansin din ang kanyang pag-iisip nang napakalalim. “Halos mauubos na namin itong mga inorder namin nina Che at Keith, pero ikaw, wala ka pang nasusubo.”
Nasa get together dinner kasi siya kapiling ang mga matatalik niyang kaibigan simula noong college pa. Lagi silang magkakatabi sa klase at naging malalapit sa isa’t isa kaya hanggang ngayon ay nanatili ang komunikasyon nila sa bawat isa.
“Hmm… nag-break na ba kayo ni Marvin?” loko ni Keith. “Sabi ko sa ‘yo, iyong tipo niyang iyon, palikero eh.”
“Hindi,” aniya at lalo siyang sumeryoso. “Medyo concerned lang ako sa mga pamangkin ko.” Napagbuntunghininga siya.
“Huwag mong sabihing nade-depressed sila?” si Che. “Hay… ang mga kabataan ngayon, madaling malumbay at mawalan ng pag-asa. May isa na naman akong subordinate sa team na gustong mag-quit sa trabaho. Napagalitan kasi nu’ng isa naming kliyente kaya hindi daw siya maka-function nang maayos. Pinag-leave ko muna. Winarningan na kami ng HR about these mental health issues. Noong panahon natin, wala naman ganoon, di ba? Just learn to deal with it. Ako tuloy umaako sa mga trabaho niya,” reklamo ni Che. Mayroon kasi itong engineering firm na pinangangasiwaan nito ng personal.
“Hindi. Paano ko ba sasabihin? Hmm misguided ba?” nag-alinlangan si Lynna kung paano niya ikukuwento ang bumabagabag sa kanyang isipan.
Lalong nahiwagaan ang mga kaibigan niya sa mga sinabi niya.
“Are they on drugs?” si Lulu.
“Oh God! I pray not,” si Lynna. “Please Lulu, I know you have a great imagination but don’t use it now.” Parang suway niya sa kaibigan na isa na ngayong award winning script writer sa isang tinatangkilik na palabas ng isang malaking television network.
“Ano nga?!” sabay-sabay na bulalas ng tatlo.
“Hindi talaga ito dahil kay Marvin, ha,” muling hirit ni Keith.
“Tigilan mo na iyan, Keith.” Natawa sina Lulu.
Dahil hindi pa rin nito kasi napapatawad si Marvin. Ginawa itong tulay ng lalaki para mapalapit kay Lynna. Inakala talaga noon ni Keith ay ito ang nililigawan ni Marvin.
“Oo na,” si Keith. “Umaasa lang ako na na-realized mo nang he is a reason why we lawyers are perceived as liars.” Tumawa na ito ulit habang pabirong sinisisi si Marvin na kapareho ng trabaho.
“Bakit ka nga ba naging abugada, Keith?” seryosong tanong tuloy ni Lynna sa kaibigan.
Dahil sa henerasyon nila noon, kapag tinanong mo ang mga bata, ang mga karaniwang isasagot nila ay gusto nilang maging pulis, duktor, abugado, inhinyero, guro, pari, nars, bumbero o sundalo. Mga propesyong para sa kanya ay may malalaking parteng ginagampanan para magpunyagi ang isang komunidad.
“Isn’t it obvious? I love the law but mostly, because there are a lot of arguing involved.” Humalakhak ito. “But seriously, I assure you that I eat, sleep and breathe integrity. Galit ako sa injustice! Kaya lalabanan ko iyan hanggang sa huli.” Parang nasa korte si Keith na sinabi ang isa sa mga closing arguments nito.
Ngumiti si Lynna. Dahil nakita niya ang silakbo ng damdamin ni Keith sa pagtatanggol ng propesyong napili nito.
“And how about you, Lulu?” tiningnan niya ang kanyang kaibigan na nagtapos naman ng Bachelor of Arts in Creative Writing.
“Bakit ako naging writer?” ulit ni Lulu. “Honestly, introvert ako, di ba? Ito ang paraan ko para maipahiwatig ang mga saloobin ko at maibahagi sa mundo ang mga alam at gusto kong ituro: Important lessons I learned in life but in an entertaining way. Pamamaraan ko din para malimutan ng iba, kahit sandali, ang realidad ng kanilang buhay o kaya ay bigyang pag-asa ang mga taong nakaka-relate sa aking mga k’wento. But I’ll always be behind the cameras where I’m comfortable and productive while being creative,” nakangiti nitong sabi.

Tulad ng dati, mahiyain pa rin si Lulu.
Hindi nga ito kumportableng nakikisalamuha sa mga sikat na personalidad na bumibida sa mga likha nito. Pero si Lulu ang dahilan kung bakit nananatiling makinang ang mga pangalan ng mga artistang iyon at ito ring ang bumubuhay sa maraming naglilingkod sa istasyon ng telebisyong pinagtatrabahuhan nito.
“You know my Mom is my inspiration,” sagot ni Che dahil isa kasing inhinyera ang Mama nito. “I love what she’s doing and I’ve always wanted to be like her. Kaya masaya ako sa ginagawa ko habang ginagampanan ko ang mga tungkulin ko sa mga kliyente namin. Hindi ko kailanman naramdamang ito ay trabaho. Ang sarap kaya ng pakiramdam kapag nakatapos kami ng tulay na nag-uugnay na ngayon sa dalawang lugar na dati ay mahirap puntahan o kaya mga daan na nagpapadali sa paglalakbay ng mga kababayan natin. Very satisfying.”
“Akala ko kasi mahilig ka sa Lego noon,” hirit ni Keith.
Tinukoy nito ang isang brand ng laruan na ang mga batang naglalaro nito ay bumubuo ng iba’t ibang mga bagay tulad ng gusali, eroplano, bahay hanggang kotse o ultimo puno at mga tao gamit ang mga hinubog na plastik na ladrilyo na sinadyang maaaring pagsama-samahin gamit ang mga studs ng mga ito.
Natawa si Che at sumang-ayon. “Oo. You can build anything with those plastic bricks. Galing nga ng mga bagong labas ngayon. Patuloy nilang ineengganyong maging imaginative ang mga bata at nakakatulong din sa emotional development nila. Hindi tulad niyang mga game sa ipad at computers. Pansin ko, ha, nagiging mainipin at mainitian ang mga ulo nila.” Inamin din nitong lalong dumami ang koleksiyon nitong mga Lego sets sa bahay dahil kahit ang mga matatanda ay sinusubukan din ang pagkamalikhain bukod sa pang-alis din ng stress sa trabaho.
Napangiti si Lynna sa mga ipinakitang kasigasigan ng kanyang mga kaibigan sa pagsagot sa kanyang tanong.
“Hoy, Jong, dahil wala ka daw dito, sagutin mo ang tanong: Bakit ka daw naging teacher?”
Nagulat pa si Lynna nang malamang tinawagan pala ni Lulu si Jong, ang isa pa nilang kabarkada na wala sa pagtitipon dahil nasa ibang bansa ng mga oras na iyon.
“Ano?” inaantok pa nitong sabi dahil iyon ay isang video call kaya kita nilang nasa kama ang kaibigan at nakahiga. Mukha pa ngang naalimpungatan dahil sa tawag.
“Joke ba ’to? Alas dos dito ng umaga. Ginising mo ako dahil d’yan?” tila nairita rin nitong sabi.
“Good morning, Jong!” bati nilang lahat nang inayos ni Lulu ang cellphone nito para makita silang lahat sa screen.
“Sige na, sagutin mo na para makabalik ka na sa pagtulog,” natatawang sabi ni Keith.
“Good evening!” bati nito sa kanila. “Sorry again if I missed tonight’s gathering,” si Jong at tuluyan nang umupo sa ibabaw ng kama.
Binuksan nito ang katabing lamp shade. Hindi na inantalang nakapantulog at magulo ang buhok na humarap din sa camera ng cellphone.
“S’yempre, obvious na hindi dahil sa pera,” si Jong at natawa. “Gusto kong hubugin ang kaisipan ng mga bata. Gabayan sila sa buhay. Ituro ang tama sa mali. Ang nararapat sa hindi katanggap-tanggap. Reinforce what their parents taught them and hopefully, we are complemented. Pero higit sa lahat, maihanda silang maging kapaki-pakinabang sa ating society at ‘wag maging problema sana. And of course, for world peace!” natatawa nitong dagdag.
Parang ipinaalala rin nitong sumasali ito dati sa mga beauty pageants bago naging philosophy major.
“Sigurado ka bang mga preschool tinuturuan mo?” natawa ring tanong ni Che.
“The younger they are, the easier to teach them,” depensa ni Jong. “Parang new canvas. You can paint anything. Pero teka, bakit ganyan ang tema ng usapan?” nagtaka rin nitong usisa.
“Tanungin mo ‘tong si Lynna.” Lahat ay napatingin sa kanya.
“Is it me? Or I just could not accept that my nieces are not going to college to pursue a career in…” bigla siyang natigilan.
Ano nga ba ang itatawag niya sa larangang gustong pasukin ng kanyang mga pamangkin?
“Anyway, dahil gusto daw nilang maging social media influencers.” Sa wakas, nasabi na niya sa mga kaibigan ang matagal nang bumabagabag sa kanyang damdamin at isipan.
“Uy, ha! Malaki ang mga kita ng mga iyan kapag sumikat talaga,” si Jong.
“Actually, iyan din ang sabi ni Isaias.” Tinukoy ni Keith ang anak nito. “Gusto daw niyang maging Youtuber. Kasi daw kakain ka lang sa harap ng kamera, binabayaran ka na nang malaki. Di daw katulad ko, basa nang basa at punta nang punta sa court tapos hindi pa daw ako kumakain.” Natawa ito sa argument ng anak.
Natawa rin si Che. “Ganoon na ‘ata ang mga kabataan ngayon. Si Basti nga, mag-car wash boy daw siya. Fun job daw. Mahilig iyon sa mga cars, di ba?” anito at ipinagyabang na kaya ng anak nitong pangalanan ang lahat ng uri ng mga kotse at mga characteristics nito, lalo na iyong mga luxury cars.
“Parang iyong nanay lang na mahilig sa Lego,” tukso ni Lulu kaya natawa ulit sila.
“I guess it’s because nowadays, parents are so easy on their children and they do everything for these kids that they became weak mentally and emotionally,” malungkot na pahayag ni Jong.
Ipinapahiwatig nitong maraming bata na gusto nang magaang na pamumuhay. Walang mga pagsubok o paghihirap.
“They expect the world will also hand them everything they want on a silver platter,” dagdag nito. “Which unfortunately, does not always happen. Kaya siguro they equate success with how much money you earn. And if you earn it with ease, the more successful you are.”
“Totoo ‘yan. Tapos ‘pag nabigo, kakalimutan na nila ang lahat. Lalo na ang mga responsibilidad nila sa iba,” si Che at binalikan ang junior nitong tila gumuho ang mundo dahil lamang napagsabihan sa maling ginawa.
“Anong sabi ng mga magulang ng kambal?” si Lulu na ibinalik ang paksa sa mga pamangkin ni Lynna.
“It’s just a phase daw,” malungkot na sabi niya.
“Ate, they’re still exploring,” naalala niyang sagot ng kanyang kapatid na Precious noon. “Don’t worry. Sila din naman ang makakaalam kung saan sila magiging hiyang at masaya. Pero ine-encourage namin ang creativity nila katulad nina Nanay at Tatay sa ’tin noon sa ating mga pangarap.”
Isang nurse si Precious at nagtrabaho sa ibang bansa dahil pangarap nitong doon tumira.
At doon na nga ito nakahanap ng katipan at bumuo ng sariling pamilya.
“Malay mo, tama si Precious,” si Lulu. “Mga anak niya iyong kambal kaya mas kilala niya,” dagdag nito. “Alam niyo noong pandemya, na-realized ko na dapat hindi mo lang mahal ang trabaho mo dahil hindi ka mabubuhay ‘pag wala iyan. It’s more of, mahal mo ang trabaho mo kasi masaya ako diyan.”
“Katulad sa anak ni Che. Sabi mo para kay Basti, fun ang maghugas ng kotse. Malay mo, siya ang magmay-ari ng pinakamalaking kompanya ng car wash at detailing centers sa bansa dahil malamang pag-iibayuhin niya ang trabahong iyon. At feeling ko, hindi lang sa ordinaryong mga kotse niya i-ooffer ang services ng shops niya na may branches sa buong Pilipinas. Saan nga ba nagpapalinis ang may-ari ng mga Porsche, Jaguar at Mustang?”
Natawa si Che. “Puwede. High end na car wash boy pala.”
“At sa mga pamangkin mo, Lynna. Malay mo, maging film makers or writers din ang magkapatid. Kasi sa mga video na iyan, kailangan ng magagandang contents, di ba? Maii-stimulate ang creative thinking nila. Kasi laging dapat ay may bagong ipapalabas. In a way, it will improve them. Sa dami ng problema ngayon, the world really needs more entertaining.”
“What if, maging flop? Baka hindi nila kayanin at…” si Jong.
“Stop it, Nega queen!” sabay-sabay na suway nilang lahat kaya hindi nito naituloy ang pagbanggit sana sa mga napapabalitang mga kabataang kinitil ang sariling buhay dahil hindi nakayanan ang kabiguan.
“There you go again with your radical honesty,” natatawang puna ni Lynna kay Jong. Nagsasabi naman kasi talaga ito ng totoo.
Pero dahil sa mga sinabi ni Lulu, nakikita na niya ang pananaw ng kanyang kapatid.
“Siguro, kaya nagpapakamatay ang mga batang iyon, kasi wala silang masandalan o makapitan. Andito kami ng kapatid ko at papa nila para sa kanila.” Naisip ni Lynna na imbes na mag-alala at maging mapanghusga sa mga pangarap ng mga pamangkin niya, ang kailangan niyang gawin ay suportahan ang mga ito.
“Just giving facts,” natatawa ring sabi ni Jong. “But yes, I agree that those kids may have no one to turn to in their darkest hours. Kaya, Che, tawagan mo ‘yong Junior mo. Kausapin mo palagi, ha.”
“Oo na,” si Che. “Practice ito at baka si Basti din in the future, e, maharap sa ganyang sitwasyon. At least, may experience na ‘ko.”
Nagtawanan sila.
At naging panatag ang kalooban ni Lynna dahil sa mga sinabi ng kanyang mga kaibigan.
“O, BAKIT wala na kayong post?” puna ni Lynna nang tumawag ang mga pamangkin sa kanya via video call.
Parte na kasi ng pang-araw-araw niyang routine ang silipin sa kanyang cellphone ang mga bagong videos na in-upload ng kanyang mga pamangkin.
Isa siya sa mga libu-libong followers ng kambal at siya rin ang nag-eendorso sa mga kakilala niya na i-follow din ang account ng mga ito.
At alam niyang tulad ng mga pinangarap nilang magkapatid, natutupad na rin ang lahat para sa mga pamangkin niya.
“You won’t see our posts for a while, Tita,” sabi ni Ellie.
Nagtaka siya. “Bakit? Anong nangyari?” agad niyang hinanap ang account ng mga ito.
Nangamba kasi siyang baka may nam-bash o nam-bully sa mga ito at naapektuhan masyado ang dalawa kaya ayaw nang ipagpatuloy ang ginagawa.
O, kaya ay may nagreklamo o may nalabag ang dalawa sa mga panuntunan ng social media platform at blinock ng administrator ang account ng mga ito.
Natawa ang dalawa habang pinagmamasdan siyang nagkukumahog hanapin sa isa pa niyang smart phone ang mga kinakatakutan niya.
“It’s just that we won’t have enough time for it anymore,” si Faith.
Natigilan si Lynna at tumingin muli sa screen.
“Hello, Ate,” biglang nagpakita rin sa screen ang kapatid niyang si Precious.
Nanatili lang nakatitig si Lynna sa tatlo. Dahil nagtataka siya sa reaksiyon ng mga ito.
Matitigil na ang pagpo-post ng videos ng kambal pero parang masasaya pa ang mga ito.
“Natanggap sina Faith at Ellie sa college,” patuloy ni Precious na pagbalita sa kanya at binanggit nito ang pangalan ng prestihiyosong paaralan sa bansang iyon na mahirap makapasok. “I’m really proud of the twins. Getting in itself is considered an achievement,” dagdag pa ni Precious. “Faith will take up BS Economics and Ellie will enroll in Veterinary medicine.”
Hindi kaagad nakapagsalita si Lynna.
Dahil una, tinanggap na niyang hindi na nga mag-aaral sa kolehiyo ang kambal at puwede naman, dahil malaki na nga ang kinikita ng mga ito sa mga video post.
‘They can even retire early,’ sa isp-isip niya noon.
Pangalawa, inaasahan niyang ang papangalanang kurso ni Precious na kukunin ng dalawa ay may relasyon sa hilig ng mga ito sa pag-upload ng videos. Baka tulad ni Lulu na script writing o kaya ay pumasok sa isang Film Academy.
“We know…we know… what you’ll say to us,” anang dalawa.
“Good for you!” bigla niyang bulalas. “You know I’ll always support you, guys.”
Masaya siyang pinasalamatan nina Faith and Ellie. “How we wish we could hug you right now, Tita.”
Lubos siyang natuwa sa narinig.
Saka ipinagtapat ng kambal na habang nagsisiyasat ang mga ito sa mga gagamiting materyales para sa mga video contents ay doon napagtanto ng mga ito ang tunay na interes. Napagtanto rin ng mga ito kung saan maging tunay na masaya.
‘Sabagay, wala namang age limit ang pag-aaral. They can always go back to school anytime.’
Naisip din ni Lynna na tama rin ang mga pamangkin niya noon na hindi lang sa eskuwelahan maaaring matutuhan ang mga mahahalagang bagay sa buhay dahil siya nga, sa kapapanood niya sa magkapatid at sa lalaking influencer, madami rin siyang napulot na mga bagong aral at kapaki-pakinabang na mga bagay.