Pag-aalok

Ni Glen Sales 

ILANG buwan na rin silang nakikitira sa malayo nilang kamag-anak buhat ng sila ay masunugan.

Ilang buwan na rin silang nakikisama sa kanyang tiya at mga anak nito. Parang de-susi ang kanilang mga galaw kasama ng kanyang ina.

Tuwing may dala silang pagkain ng kanyang nanay, inaalok niya ang kanyang mga pinsan na agad namang sinusunggaban ang dala niyang pagkain at halos wala nang ititira sa kanya. Sabi ng kanyang ina, matutong magpasensiya sapagkat sila’y nakikisama.

Isang araw habang nakatalikod siya at gumagawa ng kanyang takdang-aralin, narinig niya ang isa niyang pinsan, ”kain ka na, kain na.” Napangiti siya dahil sa unang pagkakataon, natutong mag-alok ng pagkain ang kanyang pinsan.

Ngunit sa kanyang paglingon, nakita niyang katapat ng kanyang pinsan ang aso nitong si Canisia, kakawag-kawag ang buntot habang nag-aabang ng pagkain.