Ang Nawawalang Araw

Dali-dali ay inilabas ng taumbayan ang kanilang mga kawali, kaldero, timba, at tambol. Hinataw nila nang hinataw ang mga iyon sa pag-asang magigising ang araw kung saan man ito nahihimbing.

Ni Christopher S. Rosales

WALANG sinuman ang makapagsabi kung paano iyon nangyari. Basta’t isang araw, nagising na lang silang wala na ang araw sa langit.

Noong una, akala nila’y sadyang madilim lang ang papawirin. Baka may bagyong paparating. Ngunit lumipas ang ilang linggo at buwan, wala pa ring araw na nagpapakita. Doon na nagtaka ang taumbayan.

“Baka po napahaba ang idlip,” sambit ng isang paslit.

Dali-dali ay inilabas ng taumbayan ang kanilang mga kawali, kaldero, timba, at tambol. Hinataw nila nang hinataw ang mga iyon sa pag-asang magigising ang araw kung saan man ito nahihimbing. Ang ila’y nakuha pang tumili at pumaswit. Pati mga hayop ay nakisabay sa pag-alulong at pagtiririt.

Ngunit nawawala pa rin ang araw.

“Baka naman naligaw lang sa daan,” haka ng isang matanda.

Noon din ay gumawa ng mga karatulang pandireksiyon ang taumbayan. Ipinaskil nila iyon sa kung saan-saan. Sa bukid. Sa plasa. Sa bundok. Sa tabing-ilog.

Ngunit nawawala pa rin ang araw.

“Baka naman nagtatampo,” hinala ng artista sa teatro.

Nagdaos ng malaking konsiyerto ang mga mang-aawit at manunugtog. Sinuyo nila ang araw sa pamamagitan ng kay tatamis na harana at kundiman. Nag-alay naman ng mga soneto at oda ang mga makata.

May isa ring nag-imbento ng sayaw para sa araw. Inanyayahan niya ang lahat na sabay-sabay na kumaway-pumadyak-yumugyog-lumundag sa saliw ng musikang pumipitlag-pitlag.

Ngunit nawawala pa rin ang araw.

Tuluyan nang bumagsak ang balikat ng lahat.

Mukhang hindi na talaga babalik ang araw sa kalangitan.

Gumapang ang dilim sa buong lupain. Kumalat ang lagim at laksang panimdim.

“Huwag kayong mag-alala, makahahanap tayo ng paraan,” pahayag ng kanilang alkalde. “Para saan pa ang mga planta natin at pabrika? Mayaman ang bayan natin sa enerhiya. Hindi natin kailangan ang araw.”

Agad na namigay ang alkalde ng mga kagamitan sa pagpapainit at pagpapatuyo ng mga damit.

Nagpagawa rin siya ng isang dambuhalang bombilya sa gitna ng plasa. Nag-iiba-iba ito ng kulay depende sa oras. Tirik na tirik ito sa umaga at pumupusyaw naman sa gabi. Pinalagyan niya rin ng mga dekorasyong pailaw ang bawat tulay at kalsada.

Ngunit malungkot pa rin ang taumbayan. Hindi kayang pantayan ng anumang kagamitan o pailaw ang hatid na init at tanglaw ng pinakamamahal nilang araw.

Dali-dali ay inilabas ng taumbayan ang kanilang mga kawali, kaldero, timba, at tambol. Hinataw nila nang hinataw ang mga iyon sa pag-asang magigising ang araw kung saan man ito nahihimbing.

Isang araw, nagising ang lahat sa balita ng isang bata. “Nakita ko na po ang nawawalang araw!”

Agad na nagtipon-tipon ang taumbayan. “Saan? Saan?”

Dinala sila ng bata sa tapat ng planta at pabrika. “Doon po!”

Naningkit sa katitingin ang taumbayan. Wala silang makita kundi makakapal at maiitim na usok.

“Masama ang manloko, iho,” dabog ng isang tanod.

“Totoo po ang sinasabi ko,” nagpapasan ang paslit sa ama niya. “Ayun po, ayun po!”

Biglang-bigla, may sumilip na mumunting hibla ng liwanag sa alapaap. Saglit itong kumisap-kisap bago tuluyang nilamon ng dagat-dagatang mga ulap.

Pero hindi pala mga ulap ang nakikita nila sa langit. Naglalakihan itong usok na sumanib sa himpapawid. Sa sobrang kapal ay sinakop na ang buong papawirin.

Hindi pala nawawala ang araw! Natatakpan lang ng gabundok na usok mula sa planta at pabrika!

Matagal na panahon na nang ipagawa ng mayayamang negosyante ang planta at pabrika. Pumayag ang mga opisyal, maging ang alkalde, dahil mabibigyan nito ang buong bayan ng murang kuryente. Hindi naman nila akalain na pagkawala ng araw ang siyang magiging kapalit.

Noon din ay dumulog ang taumbayan sa alkalde. Nakiusap sila na ipasara na ang planta at pabrika. Ngunit nagkibit-balikat lang ito.

Sa inis, muling inilabas ng taumbayan ang kanilang mga kawali, kaldero, timba, at tambol. Hinataw nila nang hinataw ang mga iyon hanggang sa magising ang mga kinauukulan.

Muli nilang pinintahan ang mga karatulang pandireksiyon. Isinulat nila roon ang mga hinaing nila at panawagan.

Nagsama-sama muli ang mga mang-aawit at manunugtog. Nagdaos sila ng malaking konsiyerto laban sa mapaminsalang pabrika. Maging ang mga makata ay nag-akda ng mga naghihimagsik na tugma.

May nag-imbento rin ng bagong sayaw para sa pagpapatigil ng planta. Sabay-sabay silang kumaway-pumadyak-yumugyog-lumundag sa saliw ng musikang pumipitlag-pitlag.

Kalaunan, wala nang nagawa ang mga opisyal at negosyante. Sa utos ng alkalde ay ipinatigil na ang operasyon ng mga planta at pabrika.

Unti-unti, numipis nang numipis ang maiitim na usok sa langit. Pagkaraan ng ilang araw, may sumilip na mumunting sinag sa kalangitan. Lahat ay napatalon at napasigaw. Sa wakas, nagbalik na muli ang araw sa kalangitan!

Mula noon, sa tulong mga dalubhasa ay naging malikhain na sila sa pagkuha ng enerhiya. Ginamit na nila ang init ng araw, lagaslas ng tubig, singaw ng lupa, at ihip ng hangin upang makakalap ng kuryente para sa buong bayan.

Gumawa rin ng mga batas ang alkalde para sa pangangalaga ng mga likas-yaman, ayon na rin sa mungkahi ng taumbayan.

Nanumpa ang lahat. Kailanma’y hindi nila hahayaang mawala muli ang araw sa kalangitan.

Sa labis na tuwa ay may nag-imbento ng bagong sayaw para sa kalikasan. Sa tanglaw ng nakangiting araw, sabay-sabay silang kumaway-pumadyak-yumugyog-lumundag sa saliw ng musikang pumipitlag-pitlag.