“Malungkot sa Saudi, hindi mo lang alam, fren, kung ga’no mag-isa dito. Kahit malaki ang s’weldo ko dito bilang researcher.”

Ni Eden Pedrajas Concepcion

MISSED video call ng 3:14pm mula kay Anton makalipas ng kanyang kaarawan ang nabungaran ko sa messenger pagkagising ng 5:30 ng hapon. Dalawang araw bago naman ng kanyang kaarawan, hindi missed call dahil nataong nakikipagbuno ako sa laptop para sa deadline sa editor ng magasin. Halos isang oras kaming nag-usap nang masinsinan.

Nagdalawang isip pa ako kung agad ko siyang babalikan ng tawag. May importante pa kasi akong aasikasuhin sa bahay. Tiyak na mahabang usapan na naman ito—halo-halong emosyon sa bawat detalye ng buhay—iba-ibang simula, andaming tunggalian paakyat sa kasukdulan pero ang mga ending laging bitin.

“Isulat mo na nga ang buhay ko, fren,” birong-totoo na madalas niyang sabihin kapag masyado nang mababa ang emosyon niya.

“’Yoko nga, gusto ko happy ending sa tamang tao, para manahimik na ang buhay mo,” mabilis ko namang sagot palagi. “Saka aling parte do’n,” pahabol na biro.

“’Wag kang ganyan, fren, baka ka magsisi pag nanahimik ako… Wala ka nang makulit, istorbo, madrama at poging fren!”

“Oo, pagdiinan mo pa, fren, ’yung pogi, kaya lagi kang marupok. Idagdag mo pa ang pagiging matulis, patay ka talaga d’yan. Tumigil ka na. Ikaw lang ang makakaayos ng buhay mo. Tandaan mo, inaanak kita hindi lang basta bestfriend kaya gusto kong masaya at maayos ang buhay mo.”

Hindi naging hadlang ang 15 taong agwat ng edad namin ni Anton na magkalapit at maging magkaibigan sa dating pribadong paaralang pinasukan. Limang taon lang ang inilagi niya roon at nag-Saudi; nag-resign naman ako nang sumunod na taon at lumipat na sa publikong paaralan. Pareho kasing may pagkaliberal, pagkarebelde ang imahinasyon at takbo ng utak, matapang ang personalidad pero parehong malambot ang kalooban, sabay naming tinatawanan ang seryosong buhay.

Mayroon din naman akong bestfriends na babae na ang isa, sampung taon ang tanda sa akin at ang isa naman, halos kaedaran din ni Anton at nakasama rin namin sa pribadong paaralan na hanggang ngayon ay doon nagtuturo. Pero si Anton ang natatangi kong bestfriend na lalaki.

Hindi rin naging sagabal ang distansiya ng Pilipinas at Saudi sa minsanang chat at vc namin. Na kapag parehong abala sa trabaho at sariling pamilya, nakakalimutan na ang mahahalagang okasyon para batiin ang isa’t isa. Walang tampuhan sa oras at panahon kasi nababawi naman ang mga ito bago o kaya pagkatapos ng mahalagang okasyon.

“Fren, suko na ako,” sabi ni Anton sa nakaraang vc. Napuna kong medyo namurok ang mga pisngi niya. Maaliwas ang mukha pero malungkot ang puno ng ekspresyon niyang mga mata. Ayaw lumitaw ng mga dimple niya sa magkabilang pisngi.

“Hoy, hindi ka ganyan, ah. Tumigil ka, fren,” nandidilat kong paalala. “Sino naman ang susukuan mo?” Naiba ang ekspresyon ng mukha ko nang maalala ang mga babaing sabay-sabay na nahuhumaling sa kanya, para bang may tuwa at sa wakas mababawasan ang problema.

“Ako,” mabilis na sagot ni Anton.

“Gusto mong bugbugin kita dito sa vc?”

Malungkot ang ngiti niya, alanganing magpakita ang mga dimple.

“Fren, gusto kong makita ang dimples mo, nami-miss ko yata ngayon.”

Malungkot pa rin ang mga ngiti niya.

“Okey, hindi ako busy tapos na ako sa mga grades, hindi rin ako adviser. Petiks lang ako ngayon, go…”

Mabuti na lang at nasa dulo ng faculty room ang cubicle ko at abala ang mga katabi sa iba’t ibang SF (school forms). Naglitanya na si Anton.

Bumibisita na naman ang stewardess sa sariling flat sa Saudi. Ito ang babaeng pinagselosan na isa pang halos naka-live-in niya. Na kapag may flight, sa kanya tumutuloy.

“Pairalin mo na naman ang pagiging marupok,” naiinis kong sumbat.

“Sila ang lumalapit, eh.”

“Hindi porke lumalapit, pinagbibigyan. Puwede ka namang tumanggi, fren.”

“Malungkot sa Saudi, hindi mo lang alam, fren, kung ga’no mag-isa dito. Kahit Malaki ang s’weldo ko dito bilang researcher.”

“E, di sana di ka na nag-Saudi kesa nasisira naman ang pamilya mo ng ganyan.”

“Hindi ako nagkukulang ng padala sa kanila kahit no’ng pandemic, walang patid ‘yon.”

And after pandemic, umuwi ka nang hindi nagpakita sa pamilya mo…”

“Hindi ko kontrolado, bantay-sarado ako sa pamilya ni Ara. Alam mo naman na ang plano ko pagkagaling sa probins’ya nina Ara, diretso ako sa Manila. Kaso, sila ang naghatid sa ‘ken sa airport.”

Si Ara ang problemang hindi niya nalusutan noon. Nagtatrabaho sa isang ospital sa Saudi, dalaga, mula sa angkan ng mga pulitiko sa kanilang probinsiya sa kabisayaan. Nang mabuntis niya, ipinasyang umuwi sa ‘Pinas bago pa malaman sa Saudi ang sitwasyon niya. Biglaan ang pag-uwi niya pagkatapos ng COVID 19 pandemic para saksihan ang binyag ng kanyang ‘bunso’ na apat na buwan ang edad.

Iyon din ang panahong naghihinala na sa kanya si Hannah, ang misis niya. Pinauuwi na kasi siya dahil maluwag na naman ang mga airline ngunit marami siyang dahilan kay Hannah. Hanggang sa umabot sa puntong nagsumbatan na sila– na noon si Hannah ang nagpumilit sa kanya na mag-Saudi sa liit ng kita sa pagtuturo, na sa simula pa lamang ayaw ni Anton na malayo sa pamilya. Ang katwiran niya noon, kahit magturo pa siya sa kolehiyo sa gabi pagkatapos ng duty sa private school at inilalaan ang Sabado sa pagrebisa ng mga research work ng mga kliyente—na malaking dagdag sa kanyang buwanang kita, kinakaya niya.

Nagustuhan ni Hannah ang posisyon at kita niya sa Saudi habang inaasikaso naman niyang mabuti ang tatlong anak nila. Araw-araw ang kanilang vc. Panay ang sabi ni Anton na gusto na niyang umuwi pero panay ang pigil naman sa kanya ni Hannah dahil sa kontrata hanggang inabutan na ng pandemya.

Ang hindi alam ni Hannah ito rin ang panahong hindi na nalabanan ni Anton ang pagiging matatag para sa pamilya. Ano ang magagawa ng mga payo ng kaibigang gaya ko na malayo rin sa kanya sa pangungulila ng isang lalaki? Sino rin ba ako para husgahan ang isang kaibigan? Siya pa rin ang may kontrol sa mga nangyayari sa kanyang buhay.

“Masyado na rin akong nasasakal kay Ara, daig pa si Hannah.”

“Ano ba, fren? Ngayon nakikita mo na ang kaibahan ng asawa sa kabet (sorry to say). Nagrebelde ba o umiral ang kapusukan mo kasi masyadong maluwag o walang pakialam si Hannah—hindi selosa kasi feeling secured siya. Ngayon naman, sobrang selosa si Hannah, nasasakal ka. Of course, alam n’ya sa simula pa lang ang pinasukan niya kaya ganyan s’ya ka-insecure. Mahirap ang maging asawa at mahirap din ang sitwasyon ng isang kabit na alam n’ya from the start pa lang lalo na ngayong may anak na kayo.”

“Ini-enjoy ko lang muna si Stewardess ngayon. Dito walang sabit kasi takot ding mabuntis dahil sa work niya.” Dito na lumitaw sa magkabilang pisngi ang dimples niya habang nagsasalita.

“Malungkot sa Saudi, hindi mo lang alam, fren, kung ga’no mag-isa dito. Kahit malaki ang s’weldo ko dito bilang researcher.”

Ang sarap batukan ni Anton sa vc kapag umiiral ang kalandian.

So, ayaw mo rin palang sukuan si Stewardess?” Alam niyang ayaw kong malaman ang pangalan ng tinutukoy niya kaya ganoon lang ang banggitan.

Seasonal lang naman ito, fren, saka ayoko na din sa ibang nagpaparamdam, ayoko na ng mga dagdag-problema.”

“Fren, alam mo bang nag-pm sa ‘ken si Hannah. Nangungumusta noong una pero alam kong may ibang dahilan. Once a year lang s’ya mag-pm sa akin. Birthday greetings lang, gano’n. Pareho kaming babae kaya alam ko agad.”

“Sinabi naman niya sa ‘ken. Thank you, fren, you’re the best talaga.” Nalaman kasi niyang hindi ako nagtapat ng mga detalye.

“Gago! Hindi kita kinokunsinti. Hinayaan ko siyang magsalita, pinakinggan ang mga sama ng loob, pinayuhan bilang babae. Sa madaling salita—usapang babae.”

Ang huling salita ni Hannah sa audio call namin: “Pagpayuhan mong mabuti, ninang, alam kong mas sa iyo makikinig si Anton.” Naroon ang pagtitiwala ngunit pare-pareho kaming matured na tao kaya ang huling pasya ay nasa taong pinagpapayuhan pa rin.

Nakauwi naman si Anton noong 2023, sa panahong ito, dumiretso siya sa isang hotel na malapit sa siyudad ng condo unit nilang mag-asawa. Tinatantiya muna niya ang sitwasyon. Madalas kasi silang mag-away sa vc ni Hannah. Ngayon na lumabas na ang tunay na ugali ni Ara, mas gusto na niyang ayusin ang lamat sa kanilang mag-asawa pero patuloy na susustentuhan ang anak niya rito.

Nakapunta siya sa condo, nakasama ang mga anak pero malamig ang pakitungo sa kanya, lalo na Hannah. Ilang araw pa, matapos makausap nang masinsinan ang mga anak, nanaig pa rin ang pagkasabik nila sa kanilang ama. Halos apat na taon din silang hindi nagkita.

Ilang beses niyang sinubok na makausap si Hannah pero parang hindi lamang lamat sa pagsasama nila ang nangyari, parang tuluyang nasira na ito. Tumatak sa isipan, ang sinabi ni Hannah: “p’wedeng mapatawad ko pa siya kung gugustuhin pa din niyang mabuo kami pero mahirap makalimutan ang nangyari, ninang, nakatatak na ‘yon sa isipan ko at paulit-ulit ding babalik ang sakit.”

Nagkita rin kami ng panahong iyon kasama ang isa pa naming kaibigan. Nakabalik muli siya sa Saudi na hindi sila nakapag-usap nang masinsinan na mag-asawa. Kahit anong pilit ni Anton, panay ang iwas ni Hannah. Natatakot din tiyak si Hannah na ipagkanulo siya ng kanyang nararamdaman sa asawa.

Nasa Saudi na rin siya nang mabalitaang may breast tumor si Hannah. Dinagdagan niya ang remittance pero tinanggihan ni Hannah. May naipon naman daw ito sa kabuhayang minana sa magulang, iyon ang ipinangtutustos niya sa pagpapagamot.

“Ilaan mo na lang sa mga anak mo…”

Nasa ‘Pinas pa lang si Anton, secured na ang pag-aaral ng mga anak nila sa mga insurance na kinuha niya sa mga anak bukod pa sa kanilang mag-asawa. Kaya kahit dito pa lang, kayod-marino na si Anton sa paghuhulog sa mga ito.

Naging matagumpay ang gamutan kay Hannah pero ang relasyon nila hindi pa rin tuluyang nagagamot.

Missed video call

Tap to call back

HINDI ko na inisip ang mahalagang aasikasuhin, pinindot ko ang buton. Ako naman ang missed vc sa kanya. Sunod-sunod ang missed vc ko sa kanya. Sa oras na iyon bago mag-ala-6:00 ng gabi, tiyak na nasa opisina pa siya. Alam ko namang tiyak na sumulyap si Anton sa celfone at makitang marami akong missed call, siya mismo ang tatawag. Gusto kong labanan ang labis na pag-aalala–baka abala pa sa trabaho, o baka biglaang meeting o baka naman may conference, o baka may pahabol na birthday surprise sa kanya. Ganoon daw ang mga Arabo, masayang ipinagdiriwang ang kaarawan ng ibang tao. Sumubok uli pero missed vc pa rin.

Inasikaso ko na muna ang dapat asikasuhin sa bahay. At dahil nakatulog akong maghapon, tiyak na 12:00 ng hatinggabi na uli ako makakatulog. Bandang alas-10:00 nang matapos ang mga dapat gawin. Isang oras ang nakaraan nang muli akong bumalik sa higaan. Hinarap ang celfone, scroll sa fb, ig, nood sa YouTube. Saka naalala ang fb messenger. Walang missed vc kay Anton.

Puro missed vc na ako sa kanya. Nag-pm na ako. Nangungumusta. Nag-aalala na rin. Nakatulog na akong hawak ang celfone. Naalimpungatan ako, umilaw ang celfone, alas-2:00 ng madaling-araw. Missed call mula kay Hannah. May pm din: Ninang…

Ano ba ‘yan? Sumipa na naman ang kaba, agad kong tinawagan si Hannah.

“Anak, napatawag ka?”

“Ninang, si Anton naaksidente sa Saudi, nasa ospital,” umiiyak niyang bungad.

“Anong lagay niya, okey naman s’ya, ha? Kumalma ka, magiging okey ang lahat,” pampalubag sa kanya kahit todo ang kabog ng dibdib.

“Nasa ICU daw s’ya ngayon sabi ng komontak sa ‘ken. Ninang ayokong mawala s’ya, mag-uusap pa kami, bubuuin pa namin uli ang pagsasama namin, ang pamilya namin, kahit ano pa ang nagyari sa amin, mahal na mahal ko pa rin s’ya. Nagkamali man s’ya bilang asawa, napakabuti naman niyang ama sa mga anak namin,” nagpapanik na si Hannah.

May halong pagsisisi ang mga salita ni Hannah gayong si Anton ang nagkamali sa relasyon nila. Kahit kasi patuloy ang panunuyo sa kanya ni Anton, patuloy pa rin ang paninikis niya. Puro tungkol sa mga anak nila ang kanilang pinag-uusapan. Kapag itinutuon na ni Anton ang usapan sa relasyon nila, laging umiiwas si Hannah.

Pinapalubag ko pa rin ang loob ni Hannah nang magpasintabi siya dahil may sasagutin siyang tawag mula sa Saudi. Naghintay muli ako ng update sa kalagayan ni Anton.

Nang muling tumawag si Hannah nasa kusina ako. Naalala ko ang lamat sa flower base nang hugasan ko ito kanina, ibinalik ko pa rin ang mga bulaklak, inilagay ko sa gilid ng lababo pagkatapos. Sa harap ng lababo ako napahagulgol habang umaagos ang tubig sa lamat ng flower base na tuluyan na palang nabasag.