Ni Mellodine A. Antonio
SA nakalipas na dalawa’t kalahating taon, bihirang-bihira na akong magalit.
Iniingatan kong tumaas ang presyon ko.
Masama kasi iyon sa tulad kong operada sa ulo sanhi ng aneurysm.
Kaya madalas akong magpalampas.
Maraming pagkakataon na imbes na pumatol, maghihikab na lang ako o kaya nama’y mag-iisip ng nakatutuwang bagay para libangin ang isip ko.
Hindi ko na pinepersonal ang mga bagay-bagay.
Pinipili kong umunawa kaysa magwala.
Inaalagwa ko ang pasensiya hanggang sa kakayanin ng pisi kong dala.
Pero kahapon, nagalit ako.
Galit na galit ako.
Dama kong pag-akyat ng dugo ko sa ulo.
Iyon bang sa sobrang galit, nag-palpitate ako na parang lalabas sa dibdib ang puso ko.
Talaga namang napatid ang pisi ng pasensiya ko.
Bakit?
Naku!
O, siya, mag-Maritesan tayo.
Maaga akong pumunta sa ospital dahil sa sobrang sakit ng batok at likod ko.
Iyong sakit na pinaparalisa ako.
Hindi ako makalingon na di kasama ang buong katawan.
Parang robot na kulang sa baterya o makinang natuyuan ng langis o grasa sa kawalan ng kakayahang yumuko man lang na di napapangiwi sa labis na sakit.
Pagka-assess sa akin sa emergency room at pagkuha ng vital signs, itinulak na ang wheelchair na sinasakyan ko para madala ako sa kama na hihigaan ko na for further assessment daw sabi ng nurse na nag-aasikaso sa akin.
Iyong saglit na andar ng wheelchair, labis na kirot ang katumbas sa akin.
Nire-renovate ang bahaging iyon ng ospital, kaya ang pinagdalhan sa akin, isang kuwartong walang pinto, walang partisyong kurtina, may dalawang kama na may tig-isang silya sa gawing paanan. Kakapiranggot din lang ang espasyo ng kama ko sa kama ng pasyenteng dinatnan ko.
Iyong ‘roommate’ ko, nakaupo sa silya para sa bantay habang tila may ginagawang kung ano sa paa niya ang isang nurse. Iyong asawang bantay, nakaupo sa dulong bahagi ng kama habang matamang nakatingin sa ginagawa ng nurse sa pasyente — na asawa niya.
Nililinis pala ng nurse iyong sugat ng mama. Sa pagitan ng dalawang daliri sa paa iyong sugat. Doon sa madalas tambayan ng alipunga. Nalaman ko base sa pag-uusap nila.
Sabi ng nurse, “You are good to go after this po.” May ilang maliliit na gamit na nagkalansingan nang ilagay niya sa lalagyan ang gunting na maliit.
Mabilis na sumagot ang ale na tonong pangkontrabida sa mga soap opera. “Without anything covering his wound?”
Bumaba sa kinauupuang kama.
Tumayo.
Nameywang.
Donyang-donya ang itsura.
Naroon ang ere ng pagiging aristokrata.
Mestisang Inglesera.
“Air dry po, Ma’am,” sagot ng nurse habang inaayos ang mga gamit sa tila maliit na basket na lalagyan.
Sa puntong ito nakita ko ang mukha niya.
Siya iyong posibleng maging miyembro ng tropang may RBF (Resting Bitch Face).
Iyong kapag walang sinasabi, mukhang nang-aasar. At kapag nang-aasar, wala siyang kahit na anong kailangang sabihin.
Sa madaling sabi, iyong nurse, maldita ang itsura.
Mukhang palaban.
Di magpapaapi kanino man.
Triggered ang ale. Halata iyon sa pagkibot-kibot ng makipot na labi nitong pulang-pula ang lipstick at matang nandidilat habang itinataas ang salaming nalaglag sa tungki ng mayabang na ilong — ilong na parang parating handang makipag-away at pupusta akong mananalo dahil sa tangos nito.
Sabi niya, “You mean, my husband will walk with a bleeding open wound?” Ang tono, iyong malapit ng sampalin ng kontrabida ang bidang api-apihan sa drama.
Yumuko ang nurse.
Kunwari’y inaayos ang bitbit na gamit.
Pagkuwa’y sabi, “As per doctor’s instruction, Ma’am.”
Walang ‘po’ na kadalasang ginagamit ng magagalang na kabaro niya lalo pa’t nagwawagayway na ng giyera ang bantay ng pasyente niya.
Galit na si Bella Flores — iyon palang ale.
Ang sabi, “Is there someone reasonable enough that I can talk to?” Iyong suot na hikaw na malaki, bumabangga-bangga na sa pisnging umalog-alog sa yamot na pag-iling at di itinatagong disappointment sa kausap.
Dahil may komosyon, may lumapit na doktor.
Magalang na kinausap ang ale na bagaman panay ang Ingles, hayagan na ang pagkainis.
Inihain nito ang argumento.
Nakauunawang ngumiti ang doktor na tahimik na nakikinig. Hinayaan ang aleng maglabas ng sentimyento.
Bahagyang inakbayan si Bella Flores — iyong ale pala nang matapos ang mahaba-haba nitong litanya.
“We will cover his wound, Ma’am. Don’t worry po,” re-assuring ang tinig ng doktora.
Hinarap ng doktora ang nurse na di na malaman kung anong kakalkalin sa hawak niya para kunwari’y busy siya. Halatang nagpipigil ng gigil ang doktora nang magsalita. “Ako na. Bigyan mo na lang ako ng ointment at bandage.”
Tahimik na ginawa ng doktora ang paglalagay ng ointment sa sugat ng mama. Maingat din iyong binalutan.

Matatanda na sila pero damang-dama pa rin ang pang-teenager nilang pagmamahal sa bawat isa. Iyong kilig sa bawat paghaplos, paghalik, paghawak nila sa bawat isa — parang sa mga kasisibol pa lang na relasyon.
“Thank you very much, Doc.” Maaliwas na ang mukha nang makitang nabalutan na ang sugat ng asawa. “I really can’t believe that rude nurse. Palalakarin niya kami na walang katakip-takip ang sugat ng asawa ko. My! He is 78. I’m 77,” may diin sa pagkakasabi ng edad nilang mag-asawa. Siguro para mas mai-point out na dapat silang asikasuhin with super care dahil senior na silang mag-asawa.
“You’re welcome,” nakangiting sabi ng doktora habang inaabot sa nurse ang mga ginamit sa pag-aayos ng sugat ng pasyente. “Okey na po ba, Ma’am? Baka may question pa kayo habang hinihintay pa natin ‘yong clearance ni Sir.”
Tumango ang kontrabida — iyong ale pala.
Ang sabi, “Yes, Doc. You see, tomorrow is Grannies’ Day. We will be visiting our apos. Is it okey if we go and meet them? I mean, with his wound.” Tila napakalaki ng problema niya sa mundo base sa tono.
Nakangiti iyong doktora. Iyong ngiting malapit na siyang maubusan ng baong pasensiya. “Yes. It’s okey po. Basta ang suot niya sandals. Open toes. Huwag muna iyong shoes.”
Mabilis na tumaas ang tono ni Bella — ng ale pala. Medyo hysterical na. “You mean, sandals without bandage?” Di makapaniwala ang tono. “How about the dusts? His wound could be infected.”
Nangunot ang noo ng doktora nang ma-realize na hindi kumpleto ang sagot niya kaya pumapalag si Bella — iyong ale pala.
“With bandage of course! Sa bahay lang tatanggalin ‘yong cover specially kapag matutulog na siya. Kailangan ding mahanginan ng wound niya.”
Napatango-tango ang kausap. Mukhang kumbinsido na.
Ngumiti ang ale. Tinapik sa balikat ang doktora.
“Thank you very much. And if it is not too much to ask, kindly talk to your nurse about her rude behavior.”
Tumango ang doktora. Sunod-sunod. Iyong nakauunawang tango, kung sa kausap niya o sa sinabing dapat na kausapin niya, di na klaro sa akin na nanonood sa kanila kanina pa .
Pagkaalis ng doktora, iniabot ng ale ang tungkod sa asawa niya.
“Darl, do you still want the wheelchair?” malambing na tanong sa asawang nakatayo na rin.
Umiling iyong lalaki.
Iniabot ang kanang kamay sa ale na mabilis naman nitong hinawakan.
“O, be careful, Darl. Iyang wound mo, baka mabangga. It might bleed again,” puno ng pag-aalalang sabi habang nakaalalay sa asawa.
Ngumiti iyong lalaki.
Ngiti na noon ko lang nakita sa haba ng panonood ko sa kanila.
Marahang kinabig si Bella — iyong ale pala.
Hinalikan sa buhok.
Tumingin sa kaniya ang ale. Hinalikan ang pisngi ng asawang kanina pa niya inaalala sukdang awayin niya ang nurse na ayaw balutan ang sugat nito.
Sabi ng lalaki, “Thank you,” naroon ang suyo. Dama ang lambing.
Kumapit ang ale sa braso ng asawa. Masuyong idinikit ang mukha sa braso ng lalaking dahilan ng kontroladong paghuhurumentado.
“Is it painful pa ba? Do you want to rest a bit?” tanong sa asawa.
Umiling iyong lalaki.
Inihaplos ang kaliwang kamay, iyong walang hawak na tungkod, sa pisngi ng ale.
“I’m okay, Darl. Let’s go home, Darl.” Nananatili ang lambing sa maawtoridad nitong boses.
Mabagal ang hakbang nila habang nanatiling nakakunyapit ang braso ng ale sa braso ng mama.
Inihatid ko sila ng tsismosang tingin.
Hanggang sa abot ng mata kong nagma-Marites.
Napangiti ako.
Naligayahan ako.
He’s 78, she’s 77 pero damang-dama ko ang pang-teenager nilang pagmamahal sa bawat isa.
She’s 77, he’s 78 pero iyong kilig na nakita ko sa paghaplos, paghalik, paghawak nila sa bawat isa — parang sa mga kasisibol pa lang na relasyon.
Iyon bang nasa honeymoon stage pa.
Ngayon ko lang na-realize na ang sweet pala ng tawagang ‘Darl’.
Parang ang sarap maging 77 at 78.
Parang cute magkasugat sa pagitan ng mga daliri sa paa.
Parang gusto kong tarayan ang nurse kapag di tinakpan ang sugat ng pasyente niya.
Parang mali ako na ikumpara sina Bella Flores, na kilala sa mga papel nitong kontrabida at ang ale base lang sa reaksiyon nito sa ginawa o hindi ginawa ng nurse sa sugat ng kaniyang asawa.
Hindi pangkontrada ang ugali o inasal ng ale.
Inaalala lamang nito ang asawa.
Takot na sa edad at kalagayan nito, mas lumala pa dahil sa katotohanang maaaring ma-infect ang sugat kapag expose.
Napangiti ako.
Wala akong maisip na katulad ng ale.
Siguro dahil hindi ko nasaksihan ang mga magulang ko na ganoon. Hindi naman kasi sila umabot ng 77 at 78. Parang 54 at 68 lang.
Basta, iyong ale parang bida sa pelikula. Iyong bida sa romantic movie na gagawin ang lahat para sa lalaking mahal niya.
At iyong mama, para ring bida sa mga pelikula at libro kong nababasa.
A man of few words pero tagos sa buto magpakilig.
Iyong bihirang bumuka ang bibig, pero lahat ng balahibo mo sa leeg, titindig kapag nagsalita na siya.
Parang nabawasan ang sakit ng likod ko.
Dama ko pa rin ang kirot pero di na singtindi tulad noong i-assess ako kanina.
Parang hindi ko na yata kailangan ng pain reliever.
Gusot ko na tuloy i-decline iyong napipintong paglalagay sa akin ng heplock.
Inayos ko ang pagkakahiga ko.
Itinaas ko ang kumot hanggang dibdib ko.
Hay!
Dama ko ang sinsero nilang pagmamahal sa isa’t isa.
Mapapa-“SANA ALL” talaga ang lahat ng makakakita kahit hindi tsismosa.
Ay! Teka! Bakit ako galit na galit kahapon makalipas ang dalawa’t kalahating taon ng pagkakahimbing ng dragon?
Saka na lang natin pag-usapan iyon.
Mas gusto kong kumabog ang dibdib ko dahil sa pag-ibig. Mas kasi ang dulot niyong kilig.