Ni Eden Pedrajas Concepcion
“ANG ineeet!”
Halos sabay-sabay na reklamo ng mga bata nang huminto ang elisi ng nag-iisa at gumagaralgal na electric fan. Dalawang linggo na silang nagtitiis sa init. Sira na kasi ang tatlo sa apat na electric fan na donasyon ng PTA sa klase na may apatnapung mag-aaral.
Tumatagos ang matinding sikat ng araw sa unang linggo ng Marso sa bintanang salamin ng kuwarto ng grade IV-Magiting. Hinawi na ang bulaklaking kurtina upang kahit paano’y may pumasok na hangin. Pinagpapawisan na ang mga bata sa oras na alas-8:30.
“Magandang umaga,” masayang bati ng guro na hindi pansin ang tumitinding init. “Palalamigin natin ang araw sa umagang ito,” masigla pa ring sabi pagkatapos manalangin ang klase at mag-check ng attendance ang guro.
Nagtinginan ang mga bata. Nagtataka sa narinig. May nagbubulungan.
Mula sa unang palapag ng gusali ng paaralan, isang linyang lumabas ang mga babae. Bumuo sila ng bilog, kasunod ang mga lalaki na pinaikutan naman ang mga babae. Pumagitna sa loob ng dalawang bilog ang guro.
Sabay-sabay silang umupo sa gitna ng bagong tabas na damuhan. Nakapaikot sa malawak na espasyo ng gusali ng paaralang may limang palapag. Sa harapan ng gusali, nagpapayabangan naman sa tayog ang mga punongkahoy. Ang malalawak na sanga na mayabong sa mga dahon ang nagsisilbing tabing sa direktang sikat ng araw.
Paano nila palalamigin ang araw?
“Isipin n’yong napakalamig ng araw sa loob ng isang minuto,” nagyeyelo sa lamig ang boses ng guro na parang binudburan ng asukal ang ngiti niyang napakatamis habang nagsasalita.
Isang minutong palalamigin ang araw?
Higanteng baso ng scramble, ang agad naisip ni Jeng na hindi nila pagsasawaang magkakapatid.
Scramble na kulay rosas,
May chocolate at marsmallow!
Pero lagi siyang pinagbabawalan ng nanay niya na bumili nito sa labas ng paaralan.
Ang mainit na araw ay isang dram ng halo-halo. Halos tumulo ang laway ni Edrei sa paborito niyang inoorder sa isang karinderya sa palengke kapag sinasama siya ng nanay niya.
Halo-halong matamis,
Nakakakilig ang lamig!
Pero tuwing bakasyon lang niya natitikman ang paboritong halo-halo.
Makukulay na ice candy na napakasarap sipsipin mamayang uwian hanggang maghapon ang sigaw ni Jester.
Ice candy, ice candy kayo,
Ang pamatid-uhaw n’yo!
Ito kasi ang inilalako niya noong bakasyon kaya nakaipon siya ng pambili ng gamit sa paaralan.
Paano nga ba maiibsan ng mga bata ang init ng panahon?

Hindi init kundi linamnam ng nakatatakam na ice cream na mistulang binudburan ng keso ang sinag ng araw na nakatumpok sa matamis na apa ng dambuhalang ulap, ang nasa imahinasyon ni Arturo.
Maraming-maraming ice-cream,
Nagpapasaya sa bertdey.
Matupad kaya ang simpleng gusto niya sa isang buwan? Sabi kasi ng tatay niya, “anak, alanganin sa s’weldo ang bertdey mo.”
Ang dami-dami nang naisip ng mga kaklase ni Utoy pero siya, blangko pa rin. Kanina pa kasi siya nauuhaw. Ayaw na nga niyang pansinin ang gutom. Isang baso lang ng tubig ang kasunod ng sinubong dalawang pandesal na walang palaman. Papasok sa paaralan at pauwi, tatlong kilometro ang nilalakad niya araw-araw mula sa kanilang barongbarong.
“Palamigin n’yo ang araw,” narinig uli ni Utoy ang malamig at malambing na boses ng guro. Mahika ba o himala? Naibsan ang pagkauhaw niya.
Bumubuhos ang napakalamig na tubig-yelo mula sa maningning na sikat ng araw. Nararamdaman ni Utoy ang lamig at ginhawa sa katawan tulad kaninang paggising niya na mababa na ang lagnat ng nanay niyang labandera.
Napakalamig na tubig-yelo,
Simpleng pangarap ni Utoy.
Bihira kasi silang bumili ng yelo sa inuming tubig. Sabi ng nanay niya, “bawat piso ay mahalaga.”
Ayaw niyang pigilan ang pag-agos ng tubig-yelo mula sa haring araw. Parang tuyong balon ang kanyang lalamunan na sinasalok ang lamig at naiibsan ang matinding pagkauhaw, hanggang sa buong katawan na gumiginhawa ang pakiramdam. At gusto niyang magtagal ang ganoong pakiramdam.
Isang minuto.
Palalamigin ang araw.
Noong isang taon, naging ulap na magaang lakaran; bulak na nalalatagan ng mga bulaklak; patag ang maputik at mabundok na daang tinatahak ng mga batang tinuturuan niya sa liblib na baryo ng Samar bilang isang dating mobile teacher.*
Siya naman ngayon ang masikat na araw sa mga nangangarap na batang Pasigueno.
Biglang naputol ang walang katapusang pagpapalamig ng mga bata sa tatlong malalakas na palakpak ng guro.
“O, mainit pa ba mga bata?”
“Hindi na po.”
“Medyo na lang po.”
“Titser, ang lamig-lamig po, ang sarap kasi ng halo-halo.”
“Pati ng scramble.”
“Lalo na ng ice candy.”
“’Ansarap ng ice cream.”
“Napakalamig ng ice-tubig!”
Nangingiti si titser Jun sa imahinasyon ng mga bata lalo na nang marinig si Utoy na bihirang magsalita.
Sa loob ng kuwarto ay naghihintay ang mga visual aid. Hudyat na para ipakilala sa mga bata ang haring araw at iba pang nakikita sa kalangitan sa araw at gabi sa araling Agham.
*May programa ang DepEd na nagtatalaga ng guro na palipat-lipat sa malalayong probinsiya.