Gamugamo

Ni Dion Cedric T. Reducto

HALOS gabi na nang matapos ang aming klase, kadalasan ay punuan na ang mga pampasaherong jeep dahil uwian na rin ng iba pang estudyante at mga manggagawa.

Habang naglalakad, marami akong nadaraanang eskinita na tanging ilaw na lang mula sa poste ang tanging bumubuhay rito, at ang mga gamugamo.

Pagsakay ng jeep ay pumuwesto ako sa bandang unahan ng labasan para hindi ako mag-abot ng bayad ng ibang pasahero. Matapos kong iabot ang aking bayad ay tumingin na ako sa labas ng jeep.

Hindi pa man umaalis ang jeep ay may pumasok na mga gamugamo sa loob nito. Hindi ko na lang ito pinansin at isinandal na lang ang aking ulo sa hawakan at pumikit.

Maya-maya ay may naramdaman akong dumikit sa aking braso, isang kamay ang naglapag ng sobre at itinuloy ang kanilang pagtambol sa lata na nilagyan ng goma. Tiningnan ko ang sobre gayon din ang ibang pasahero kung magbibigay ang mga ito.

Hindi ako nagbigay ng pera pero ibinigay ko ang isang balot ng biskwit sa isang batang buhat-buhat ng isang binatilyong nagtatambol. Maya-maya ay kinuha ng isa pang bata ang mga sobre at sabay-sabay na bumaba ng jeep matapos huminto ito.

Sabi nila, mga tao raw ito mula sa bundok na matayog ang lipad dahil sa kanilang pangarap, inosente ang pag-iisip, at malawak ang pananaw ngunit nasilaw sa ilaw ng siyudad na naging sanhi ng pagkasunog ng kanilang pangarap at dumapo sa madilim na reyalidad.