"Basahin mo nga ang sa akin, Uncle?" Ipinakita ang munting palad sa akin.

Ni Reynaldo A. Duque

IBINABA ko ang bitbit kong maletang naglalaman ng ilang piraso kong damit at saka huminga nang malalim. Sa kanluran, malapit nang lumubog ang araw at malamig na ang simoy ng hangin. Hinagod ng aking paningin ang paligid; ang mga bahay na dati’y yari sa kawayan at ang mga bubong ay nipa o kugon nguni’t de-semento at de-yero na ngayon, ang tulay na dati’y tabla nguni’t ngayo’y konkreto na, mga puno ng tabako na nagsasayaw sa magkabilang balikat ng pilapil, at ang kambal na bundok na parang mga bathalang nag-aalaga sa kanilang malawak na kaharian. Doon, sa paanan ng mga bundok na yaon, ang aking destinasyon. Doon, sa Baryo Bagani Ubbog.

Muli, napabuntunghininga ako. Walang nakakaalam sa aking pagdating, sigurado. Marahil ay wala sa aking mga kanayon, kahit isa, ang mag-aakalang ako’y babalik pa, sa kabila ng lahat. Subali’t ngayo’y narito ako. Nagbabalik. Nakatayo sa bukana ng lubak-lubak na daan patungo sa Bagani Ubbog.

Hinugot ko ang panyolito ko sa bulsa at saka pinahid ang mga butil ng pawis sa aking noo, mukha, braso at dibdib. Pagkaraan ng ilang sandali, binitbit ko uli ang maleta at nagsimulang maglakad. May kalayuan ang Bagani Ubbog sa kabayanan ng Candon, nguni’t walang masakyan kahit traysikel o kaya’y diyep na kakarag-karag.

Lalong sumasal ang kaba ko nang nakatayo na ako sa harapan ng isang malaking bahay. Malakas ang tahol ng asong sumalubong sa akin sa tarangkahan. May gumalaw sa pintuan. Si Lita. Sinaway niya ang aso. At napaigtad nang makilala niya ako.

Pilit ang ngiting namutawi sa aking labi. Isang batang babae, magsisiyam na taon, ang lumabas at tumayo sa tabi ni Lita.

“Sino ‘yang dumating, Inay?” usisa ng bata.

“S-siya’y si… ang Uncle Norberto mo,” garalgal ang tinig ang tinig ni Lita. Pinatuloy niya ako.

“W-wala pa ba si Salvador… si Ador?”

“‘Ala pa’ng Itay,” ang bata ang tumugon. “Naro’n pa sa bukid.”

“Anong pangalan mo, iha?” tanong ko sa bata.

“Norlita, Uncle.”

Norlita, naulit ko sa sarili. Minalas kong maige ang mukha niya at nakita kong hindi kamukha ni Lita o ni Ador. Naramdaman kong may kumurot sa aking dibdib.

“Bakit ngayong ka lang napunta rito, Uncle?” tanong sa akin ni Norlita.

Tumingin ako sa bata. Napuna ko ang medalyon sa kanyang leeg. Kilalang-kilala ko ang medalyon. Tubog sa lantay na ginto.

“Dahil sa…” Paano ko sabihin sa kanya? “Dahil sa… wala akong panahon noon, iha. Kasi, marami akong trabaho…”

“Ano’ng trabaho mo, Uncle?”

Driver… tsuper ng taksi.”

“Saan?”

“Sa Maynila.”

“Malayo ba ang Maynila, Uncle?”

“Malayo.”

Napansin kong nangislap ang mga mata ng bata. Pinaglaruan ng mga mumunting daliri ang medalyon.

“Gusto kong makarating sa Maynila, Uncle,” ani Norlita. “Sabi ng Itay… maganda raw ang Maynila. Talaga bang maganda, Uncle?”

“Maganda, iha,” sagot ko. “Hayaan mo… isasama kita roon paglaki mo!”

“Talaga, Uncle?”

“Oo!”

“SAMPUNG taon kang nawala rito sa Bagani Ubbog, Manong,” pahaw ang tinig ni Ador pagkaraang magbilang sa daliri niya. “Isinilang na si Norling nang mapalitan ang bubong ng bahay.”

Nasa salas kami. Tapos na kaming kumain ng hapunan. Sa ibabaw ng mesita, sumasayaw ang apoy ng lamparang nilalaro ng mahinang hanging pumapasok sa bukas na bintana. Nagpakandong si Norlita sa akin (nagtataka ako kung bakit kay-daling naging maamo sa akin ang bata) at makatabi sina Lita at Ador sa isang sopa. Naggagantsilyo si Lita at naninigarilyo si Ador.

“Marahil… mas maige ang buhay sa Maynila,” pukaw sa akin ni Ador. “Dito… ‘alang asenso. Gaya rin ng dati… isang kahig, isang tuka. ‘Buti na lang at may tabakong inaasahan namin. Kung wala ito… hindi ko na masabi pa. Baka hindi na namin mapag-aral si Norling…”

“Bakit ‘ala pang kasunod si Norling?” Mahina ang aking tinig nguni’t napansin kong parang kulog ito sa pandinig ni Ador. Namula siya, pati si Lita. Bakit ba nasambit ko ito? Sumbat ko sa sarili.

“Marunong ka bang bumasa ng palad, Uncle?” tanong ni Norlita.

Tumango ako. “Oo… pero konti lang.”

“Basahin mo nga ang sa akin, Uncle.” Ipinakita ang munting palad sa akin.

Pinagmasdan ko si Norlita. Muli, naramdaman kong bumangon ang akala ko’y matagal nang namahingang kalansay ng aking nakaraan. May kirot na kumurot sa aking dibdib, sa tapat ng puso.

“Ha, Uncle?”

Hinawakan at minalas ko ang palad niya.

“Anong nababasa mo riyan, Uncle?”

“Hindi mo mababasa ang hindi nakasulat, Norling,” sagot ko. At muli, tinitigan ko ang medalyon sa kanyang leeg.

“Kung gayon… ano’ng nakikita mo sa palad ko, Uncle?”

“Wala rito ang iyong kapalaran, iha,” sinulyapan ko si Lita. “Ang kapalaran mo’y nar’yan sa… sa medalyon sa leeg mo!”

Napatingala sa akin ang bata. Sinulyapan ako ni Lita. Kahit hindi ako nilingon ni Ador, alam kong nagpupuyos ang kanyang kalooban dahil napansin kong matiim ang bagang  na ibinato ang upos ng sigarilyo sa labas ng bintana.
”Papaano napunta rito sa medalyon ang kapalaran ko, Uncle?” usisa ni Norlita. “Hindi ko maintindihan!”

“Malalaman mo rin, Norling… malalaman mo rin,” nadama kong parang hindi lumabas sa lalamunan ko ang aking tinig. Oo, malalaman mo rin. Ang lahat. Balang araw. Nguni’t hindi pa ngayon. Bata ka pa…”

“‘Ala kang asawa, Uncle?”

“Wala pa. Bakit?”

“Kapalaran mo din ‘yan, Uncle?”

Napangiti ako sa tinuran ng bata.

“Ikaw, Norling… masyado ka nang daldal!” saway ni Lita. “Buti pa’y matulog ka na. Gabi na!”

“Tabi kami ni Uncle,” tugon ng bata. “Tabi tayo, Uncle, ha?”

Tumindig si Lita at tumungo sa silid nila ni Ador. Hinagod ko ng tingin ang likuran niya. Siya pa rin ang dating si Lita. Maganda pa rin siya. Hindi siya pinakupas ng sampung taong pagkawala ko. At muli, may tumusok sa aking dibdib.

Sumunod si Norlita sa kanyang ina. Nang lumabas, dala na ang kanyang kumot at unan. Pumasok siya sa aking silid.

Naiwan kami ni Ador sa salas.

“Hindi ko mawari kung bakit nagbalik ka, Manong,” simula ni Ador. Nagsindi uli ng sigarilyo. Makapal ang usok na ibinuga niya.

“G-gusto ko kayong makita,” aniko. Nguni’t paano ko sasabihin ang lahat nang hindi siya masasaktan? “Nabalitaan ko kay Maning — si Maning na anak ng nasirang Apo Bestra, matandaan mo? —nang magkita kami sa Maynila, ang nangyari.”

“Hindi ko masabing katorpehan, kung gano’n man sa turing mo, ang ginawa ko, Manong. Subali’t alam mo, at alam kong alam mo, na umiibig din ako nang lihim kay Lita noon. Ipinagtapat man niya sa akin o hindi ang namagitan sa inyong dalawa…”

Hindi ako umiiyak. Sa silid, balisa si Lita, alam ko. Kahit dito sa salas, nauulinigan ko ang mga kaluskos niya.

“At isa pa, Manong,” patuloy ni Ador, “hindi lang si Lita ang inapi mo sa ‘yong ginawa. Hindi na kaila sa iyo ang kalagayan ni Lita nang umalis ka. Totoo, at aaminin ko… naawa ako kay Lita noon. Nguni’t hindi lang sa kanya… kundi pati kay Norling. Hindi ko rin ikakaila sa iyo… naisumpa kita noon, Manong. Pero iya’y nakalipas na. Ang nakaraa’y nakaraan na. Hindi na maibabalik pa…”

Huminga si Ador nang malalim.

“No’ng una, ayaw paniwalaan ni Lita na talagang iniibig ko siya. Akala niya, naaawa lang ako sa kanya kaya ko nasabing paninindigan ko ang responsibilidad na tinakasan mo. Nguni’t naunawaan niya rin ako. Na iniibig ko siya… sa kabila ng lahat. Siguro, humahalakhak ka nang humahalakhak nang mabalitaan mo ito kay Maning, Manong,” aniya. Napuna kong mabigat na ang pananalita ni Ador, “… Nguni’t balewala sa akin ‘yan… paniwalaan mo man ako o hindi. Iniibig ko pa rin si Lita at walang kuwentang hinalakhakan ako ng mundo — kung talagang hinalakhakan ako — dahil sa ginawa kong pag-alo sa lahat ng ito…”

“Hindi… hindi…” garalgal ang paanas na boses ko. “Hindi, Ador…”

Bumugso ang hangin mula sa bukas na bintana. Nagsayaw ang apoy ng lampara. Ipinitik ni Ador ang sigarilyo niya sa labas, tumayo at walang imik na pumasok sa silid nila ni Lita.

Naiwan akong nag-iisa sa salas.

KABILUGAN ang buwan. Wala nang katinag-tinag ang paligid. Himbing nang natutulog ang Bagani Ubbog. Tahimik ang daloy ng tubig sa ilog. Sa aking orasan, alas-dyes na ng gabi.

Naramdaman kong ako’y pinapawisan ng malagkit. At nanginginig. Hindi sa init ng gabi, alam ko. Malamig ang gabi. Parang hindi ka lalaki! Sumbat ko sa sarili. Para kang bata… ano ba ang katatakutan mo? Torpe!

At dumating ang aking hinihintay. Unti-unting napawi ang pangamba at dahan-dahang nadama ng aking katawan ang init.

“Bert…”

“Akala ko’y hindi ka na darating,” paanas sa sabi ko.

Ibinilanggo ko siya sa aking mga bisig. Siniil ko siya ng mga halik. Marubdob. Maapoy. Malagablab. Nag-aangkin.

“‘B-bert… natatakot ako…”

“Nagsisisi ka ba?”

“Hindi… pero sa bahay…”

“A-alam ba nilang… pumunta ka rito?”

“H-hindi…”

“Hindi naman pala, e!”

Magsasalita pa sana siya nguni’t pinigil na ng aking mga labi. Pinaghahalikan ko siya. Sa tainga. Sa pisngi. Sa bibig. Sa baba. Sa leeg. Sa balikat. Sa dibdib.

“Mahal… mahal…”

Kumubli ang buwan sa likod ng maninipis na ulap. Nagsilaglag ang mga hamog. Namumukadkad ang mga rosas. Kumislap ang mga bituin. Kumanta ang gabi. At dumaloy ang kulay-rosas nang hamog sa pisngi ng mga sanga…

TUMINGIN ako sa labas ng bukas na bintana. Mataas na ang buwan sa kalangitan. Lalong lumalamig ang dampi ng hangin.

Nilingon ko ang lampara sa ibabaw ng mesita. Maliit na ang ningas. Dumidilim na ang salas. Nguni’t sa kabila ng unti-unting pagkaubos ng gas, pilit pa ring tumitindig ang apoy ng lampara upang mabuhay at masabuyan ng kahit kaunting liwanag ang nagdidilim nang paligid.

At muli, pumasok ang malamig nang hangin mula sa bukas na bintana. Nagsayaw ang maliliit nang apoy ng lampara sa mesita. At saka biglang namatay.

Bigla, kinandong ng dilim ang salas.

At nagpatuloy ang daloy ng gunita…

“Basahin mo nga ang sa akin, Uncle?” Ipinakita ang munting palad sa akin.

MULING naganap ang tagpong yaon. Hindi lang miminsan. Kundi paulit-ulit. Sa lilim ng matamis na kamatsile. Sa pampang ng tahimik na ilog. Naulit-ulit din ang mga pangako.

“Hindi magtatagal, Bert, mahahalata na nila…” umiiyak siya.

“Bakit ka iiyak?”

“Naguguluhan ako…”

“H’wag kang mabahala. Pakakasalan kita…”

Nguni’t nadarama ko na ang takot. Ang pangamba. Patatali na nga ba ako? A, hindi maaari! Sabi ko noon, paglalaruan ko lang siya. Maganda siya, oo. Subali’t hindi siya ang tipo ng babaing pakakasalan ko. At hindi lang siya ang babaing dumatal sa buhay ko na ganito ang nangyari sa kanya. Marami pang iba. Sa ibang mga lugar. Sa ibang mga nakalipas nang panahon. Natakasan ko lahat ang mga iyon. Ito pa ang hindi?

At ipinasiya kong tatakas ako.

Pumunta ako sa Maynila. Pumasok akong tsuper ng taksi. At sa aking paglisan, dala ko pa rin ang kapilyuhan ko.

Sa siyudad, pinilit kong limutin si Lita. Nguni’t hindi siya mawaglit sa aking isipan. Parang nakabuntot sa akin ang kanyang anino sa lahat ng oras. Sa lahat ng lugar.

Sa siyudad, umiibig din ako sa ibang babae. Hindi lang sa iisa. Marami… marami. Sa kanila, pinilit kong limutin si Lita. Sa loob ng sampung taon. Subali’t hindi ko rin siya malimot. A, si Lita. Ang alaala niya’y katulad ng isang sugat na ayaw maghilom.

At nagkita kami ni Maning. Siya ang nagbalita sa akin na nag-asawa na si Lita. Humahalakhak ako. Humahalakhak nang humahalakhak. Sino ang tarantadong lalaki? tanong ko kay Maning.

Si Ador!

Bigla, naputol ang halakhak ko. Napaigtad ko. Si Ador? Bulalas ko. Ang kapatid ko? Hindi!

Hindi ako makapaniwala. Nguni’t alam kong hindi nagbibiro si Maning. Bilib ako talaga sa kapatid mo, dugtong pa niya. Mabilis! Bago sila ikinasal… alam mo na ang ibig kong sabihin!

Hangal siya! aniko sa sarili. Hangal siya!

Dahil sa balitang iyon, naisipan ko ang dumalaw. Babalik ako sa Bagani Ubbog.

At nadatnan ko ang katotohanan.

Hangal talaga si Ador!

Hangal… si Ador?

O ako?

HINUGOT ko ang huling sigarilyo. Kinuyumos ko ang basyo nang kaha at itinapon sa labas ng bintana.

Dumungaw ako. Malamlam ang sinag ng buwan. Tahimik ang paligid. Malalim na pala ang gabi, nausal ko sa sarili. Maghahatinggabi na pala.

Bumalik ako at pumasok sa aking silid. Mahimbing nang natutulog si Norlita. At muli, napako ang aking mga mata sa medalyong ginto sa leeg ng bata. Bigay sa akin ng nasirang Inay ang medalyong iyon. Iniwan sa akin bago namahinga. Subali’t ngayon…

Lumapit ako sa nahihimbing na bata. Isang nakaw na halik ang idinampi ko sa kanyang noo.

At naramdaman ko, sa nakaw na halik na iyon, na isa na pala akong banyaga sa aking lupang tinubuan.